Part 5
Burnout"Anak bakit hindi ko na nakikita si Karina dito?" Napatigil ako sa pagta-type sa laptop. Hindi ko tinignan si Mama at pinagpatuloy na ulit ang paggawa ng paper.
"Marami po yatang ginagawa, Ma."
Sa totoo lang, wala na akong alam sa nangyayari kay Karina. Ayoko na rin namang alamin dahil tinapos ko na yung samin. Tinapos ko na yung nararamdaman ko.
Wala naman na rin akong narinig galing sa kanya kaya baka wala lang naman sa kanya ito. Ano pa nga bang inaasahan ko? Matagal ko naman nang nararamdaman na lumalayo na kami sa isa't isa.
"Dumaan siya nung isang araw, may pinapabigay sayo. Ito oh." Napatingin ako sa hawak ni Mama.
Yung shirt ko na favorite niyang ginagamit. Na favorite niyang dinadala ko sa kanya kapag may training siya sa sayaw simula high school pa lang. Ito rin yung huling t-shirt na dinala ko nung gabi na nag-practice sila ni Yeji.
Binalik niya. Tapos na rin siguro para sa kanya.
Kinuha ko yung damit at parang gusto ko bigla itong itapat sa kalan at sunugin dahil amoy na amoy ko yung pabango niya kahit bagong laba. Tangina naman. Sana tinapon na lang niya, bakit kailangan pang isauli?
Para ba ipamukha niya sakin na hindi niya na ako kailangan talaga?
"Anak."
Tumingin ako kay Mama, parang ang seryoso ng tono niya nang tawagin ako. "Po?"
"Okay ka lang ba?"
Natulala ako bigla sa kanya dahil hindi naman ito mahilig magtanong ng ganito. Kadalasan, pinapagalitan lang niya ako kapag nagpapakatamad ako. O kaya naman ay nire-remind na mag-aral mabuti para hindi mawala ang scholarship.
Pinipigilan kong maiyak dito sa kinakaupuan ko.
Bakit ganon? Okay ka naman. Akala mo okay ka. Pero kapag may nagtanong na kung okay ka ba, gusto mo na lang ilabas lahat ng sama ng loob mo.
Isang linggo pa lang din naman kasi ang nakakalipas, kaya mahaba-haba pa siguro yung pagdadaanan kong ganito. Pero kinakaya ko naman. Kakayanin ko. Kailangan. Para sa sarili.
Pinilit kong ngumiti kay Mama kahit nangingilid na ang luha ko, "Opo, ma. Pagod lang po sa acads." Tumango lang siya.
Alam naman niya na habang nag aaral ako eh rumaraket din ako dun sa gig tuwing Thursday at Saturday.
Pangalawang linggo ko na rin ito ng pagtugtog kaya medyo nasanay naman na ako dun sa naunang dalawa at hindi na kinakabahan. Palagi rin nandoon si Ning at Giselle para suportahan ako.
Okay na yun sa akin. Yung malaman na may taong sumusuporta kahit papaano. Hindi man madami, hindi man si Karina, basta't meron.
"Bukas ka ulit kakanta don sa Tresto diba?" Ang daldal yata ngayon ni Mama. Pinapagaan niya ba ang loob ko? Kasi kung oo, natutuwa ako. Kung oo, masarap sa pakiramdam. "Gusto mo bang manood kami ng kapatid mo?"
Umiling ako nang mabilis, "Ma, wag na po! Nakakahiya." Ayokong mapanood nila ako at baka mailang lang ako doon sa stage. "Pero ma, na-appreciate ko po. Salamat po." Tinanguan lang niya ulit ako at bumalik na ulit sa pagluluto.
Gumaan ang pakiramdam ko katulad ng pag-gaan nito kapag nakakasama ko yung dalawa kong kaibigan. Habang tumatagal kasi, mas nagiging kumportable na talaga ako sa kanila.
Mas nagiging kumportable na rin ako na wala si Karina sa buhay ko.
Pero inaamin ko naman na mahirap pa rin talaga lalo na kapag gabi at hindi ako makatulog. Kapag naiisip ko yung maraming memories na naipon namin simula nang maging magkaibigan kami.
Masyadong marami para mabura nang mabilisan.
Mahirap kalimutan yung nararamdaman ko para sa kanya, pero sampung doble ang hirap na pati yung pagiging magkaibigan namin ay napunta lang sa wala.
Mabuti na lang din siguro ito dahil ayaw ko naman ipilit pa ang sarili ko para lang ma-uphold yung title ko as her "best friend".
Hindi ko naman siya pinapili.
Hindi ko siya pinapili kung si Yeji o ako. Kung yung org niya o ako. Hindi naman. Siya yung kusang bumitaw. Siya yung kusang nagpamukha sa akin na hindi ko siya kailangan papiliin para malaman kong hindi na ako mahalaga.
Ayoko na siyang isipin muna.
Tumayo na ako at inayos ang gamit, "Ma, uuwi na po ako. May exam si Yuna, baka kailangan ng tulong sa pagrereview. Kaya niyo na po bang magsara ng store?"
"Oo, anak. Mahina naman kanina kaya wala masyadong aayusin."
Umalis na rin ako kaagad at baka nahihirapan si Yuna na mag review. Tsaka baka hindi pa siya kumakain. Hindi ko kasi alam kung nagluto sa bahay ang magaling kong tatay.
"Hi Winter!" Nabaling ang atensyon ko sa tumawag sakin.
Pucha.
Si Yeji.
Bakit ba lagi ko na lang siyang nakikita?
Tipid lang na ngumiti ako sa kanya, "Uy. Ingat." Nagmadali na akong maglakad at baka kausapin pa ako. Wala akong energy na makipag-small talk sa jowa ng ex-bestfriend ko.
"Hindi ka ba pupunta as CAS? May sayaw yung batch ni Karina sa SSDC ah." Hindi ba niya alam na hindi naman kami okay ng girlfriend niya?
Hindi siguro talaga ako importante kay Karina para banggitin niya sa jowa niya. Para mag-rant siya na hindi kami okay. Hindi siguro siya affected kasi kung affected siya, hindi ba dapat ikwento niya kay Yeji?
Umiling lang ako, "Ah, hindi." Hindi ko rin naman kasi alam kung anong sinasabi niyang sayaw. Kung alam ko man, baka hindi na rin ako pumunta. Para saan pa?
"You guys okay?" Ang daldal naman niya.
Hindi kami okay. Hindi na nga rin kami casual man lang. Para na lang kaming strangers dahil kahit sa mga classes na magkasama kami, ni hindi namin magawang tignan ang isa't isa.
Pero minsan napapansin ko ang pagsulyap niya.
"Oo naman. Sige, Yeji, alis na ko." Hindi ko na hinintay ang sagot niya at naglakad na papauwi.
Kung okay kami, siguro todo suporta ako sa kanya sa pagsayaw niya sa stage. Baka nga nagdala pa ako ng banners kahit mahiyain ako.
Ganon kasi kami nung high school.
Kapag kasali ako sa quiz bees o kahit anong mga competitions pang academics ang sinasalihan ko, nandon siya at hindi nawawala. Nakikipag-sisiksikan pa 'yun para lang nasa harap siya ng audience tapos magchi-cheer nang malakas.
Kapag naman may sayaw sila dati, ganon din ako—todo support. Nawawala ang pagka anti-social at mahiyain ko dahil sigaw kung sigaw kapag makikita ko nang sasayaw ang best friend ko. Proud na proud ako sa kanya.
Natatawa na lang ako ngayon. Natatawa ako sa sakit. Sa kirot. Sa lungkot.
Tingin ko, more than anything, yung pinaka masakit na nangyari samin—sakin—ay yung nawalan ako ng kaibigan na kilala ang buong pagkatao ko. Na kilala ko ang buong pagkatao.
Yung kaibigan na akala ko hanggang dulo ay nandyan. Kaya ko rin naman pinigilan ang nararamdaman ko dahil ayokong masira ang pagkakaibigan namin pero sa huli, walangya, dun rin pala ang bagsak.
Winter, ano ba! Sabi ko hindi ko na iisipin pero heto't nagpapaka-emo nanaman ako habang naglalakad pauwi.
Pumasok na ako sa bahay at naabutan ko si Papa sa kusina. Wow, nagluto. “Oh anak, akala ko tutulungan mo si Mama?” Hindi yata lasing si Papa ngayon ah. Bakit ang unusual ng mga tao ngayong gabi?
“Tutulungan ko po si Yuna mag-review.” Sumilip ako sa niluto niya. Gulay at porkchop. Nagutom ulit ako kahit kumain ako ng hotsilog.
Nagpunta ako sa may lamesa para mag timpla ng kape. Mas gusto ko pa rin ang 3-in-1 ng Nescafé kaysa sa Starbucks. Nilibre kasi kami ni Giselle nung nakaraan, hindi ko nagustuhan yung binili niya sakin. Ang pait. O baka mali lang ang order ko kaya hindi masarap.
“Oh sige ako na muna ang tutulong don. Ikaw na magbigay kay Yuna ng pagkain. Nandon sa kwarto nag-aaral.” Wow. Si Papa ba talaga ito?
Nilagay ko ang kamay sa noo niya, pakunwareng chine-check kung may lagnat. “Pa may sakit po ba kayo?”
Sinamaan niya ako ng tingin at inalis ang pagkakalapat ng kamay ko sa kanya, “Tumigil ka, Winter. Tsaka.. pambawi man lang para sa pagtatrabaho niyong dalawa na dapat ako naman ang gumagawa.”
Natawa ako, ngayon na lang ulit kami nag usap nang ganito.
Sana tuloy tuloy na ganito ka-tino si Papa. Sana tuloy tuloy na kamustahin ako ni Mama. Kasi kung ganon, tingin ko makakatulong sa akin at makakabawas sa isipin ko. Makakadagdag sa motivation ko para maging okay.
"Sige po, Pa. Ako na bahala kay Yuna. Puntahan niyo na po si Mama, may nagpapa-cute don si Mang Edgar." Pagbibiro ko. Nakakapanibago na hindi puro pagpapagalit ang sinasabi ko sa kanya. Nagagawa ko nang mag-joke sa ngayon.
Mabilis ang paglabas niya ng pinto.
Dinalhan ko si Yuna ng pagkain na niluto ni Papa. "Yun, kain ka muna." Parang nagulat pa siya sa pagpasok ko sa kwarto at ibinaba agad cellphone. Mukhang may kausap.
"Aba, sino yan ha? Humaharot ka na rin ngayon habang nagre-review?" Mapanloko kong sabi.
"A-Ate wala! Akin na yan, gutom na 'ko! Kanina pa kita inaantay para mag-review." Ang aligaga niya. Hindi naman ako magagalit kung may ka-text man siya.
Inabot ko sa kanya yung food, "Oh kumain ka muna."
Kinuha ko muna yung cellphone ko at kanina pa tumutunog simula maka uwi ako. Baka sa Messenger.
Nakapag bayad na rin kasi kami ng internet. Ang laki talagang tulong ng pagtugtog ko sa pub. Hindi ko nga alam paano ko masusuklian yung pagtulong ni Giselle.
Group Chat
Ningning: Win, hindi ako makakapunta sa gig mo bukas may exam kasi sa Friday
Giselle: Oh no, me too. But I'll make it sa Saturday. Will you be okay tomorrow, Winter?
Ningning: Saturday na lang din ako. Pero hahabol ako bukas kung sakali.
Me: Oks lng guys review muna kau kaya ko na un hehe sa sat nlng kau :)
Ningning: Si bff baka naman gustong manood lol
Giselle: Lol
Me: Haha kht wag na lol
Wala pa naman silang nami-miss na gig ko kaya okay lang kung umabsent sila bukas.
Isa pa, sabi ko nga sanay na ako at kaya ko naman nang tumugtog kahit wala sila. Kailangan ko na rin mas masanay talaga, mukhang pangmatagalan kasi yung part time.
"Ate, nag-text pala si Ate Karina kahapon. Kinakamusta ako. Ba't pala 'di na siya pumupunta?"
Ang hirap naman iwasan ng pangalan niya. Ang hirap din na sanay ang mga tao sa bahay na lagi kaming magkasama. Napa-buntong hininga na lang ako at humarap kay Yuna, "Busy yun. Iba na kasi kapag college, Yun."
Nag-iiba ang tao.
"Ah okay. Sabi ko okay naman ako. Hindi na siya nag-reply. Baka na-miss lang ako nun ni Ate." Ang laki ng ngiti niya. Kapag talaga about kay Karina, tuwang tuwa siya. Kapag bine-baby siya at pinapasalubungan.
Na-miss nga rin siguro niya ang kapatid ko.
Ang hirap niyang takasan. Wala siya, pero parang nandyan. Minsan naman, nandyan siya pero parang wala.
Ang gulo.
—
Na-late ako ng gising kinabukasan dahil nag-give up na ata ang cellphone ko. Ayaw magbukas. Sana may mag offer kay Mama ng magsasanla ng phone kasi kukunin ko kaagad. Hindi ko afford bumili ng bago.
Madaling-madali tuloy ako sa pagpasok sa klase. Major pa man din at bihira lang ma-late yung mga estudyante dahil maagang pumasok si Sir kaya kabadong kabado akong pumasok. Hindi ko kaklase si Ning at Giselle dito.
Si Karina ang kaklase ko.
Buti na lang pagpasok ko ay wala pa si Sir. Saktong 8:30am ako dumating. Ang kaso, wala nang ibang vacant seats kung 'di yung upuan sa tabi ni Karina.
Ang malas-malas ko naman. Wala akong lakas ng loob na makiusap sa ibang kaklase namin at makipagpalit ng upuan. Wala akong ka-close sa kanila.
Huminga muna ako nang malalim bago umupo sa tabi niya. Nakita kong napatingin siya sakin pero hindi ako lumingon. Nagpaka-busy na lang ako sa pag-doodle sa notebook. Sa phone sana, kaso nasira na nga.
Kanina rinig na rinig ko ang boses niya sa pakikipagdaldalan sa katabi pero ngayon natahimik yata siya bigla.
Tangina, ang awkward. Ayoko ng ganito. Umabsent na lang kaya ako? Ayoko rin makita yung mukha niya dahil naaalala ko pa rin yung huling gabi na nakita ko siya.
Yung gabi na hindi niya ako pinahalagahan. Yung gabi na nakita ko ang bakas ng pagtalikod niya sa pagkakaibigan namin. Yung gabi na napagdesisyunan kong tama na.
Hays. Sobrang ma-drama ko talaga kapag kay Karina.
"Class, get 1/4 sheet of paper." Sigaw ni Sir pagpasok na pagpasok sa room. Bakit naman sa dinami-rami ng araw, ngayon ko pa naiwan yung papel ko?
Humarap ako sa katabi ko sa kanan, "Uhm.. Hello. Pwedeng pengeng papel?"
Tumingin siya sakin at mukhang apologetic, "Sorry wala rin ako. Manghihingi lang din ako." Ang malas talaga. Hindi na lang ako magqu-quiz. Hindi naman siguro ako masisingko kapag hindi ako nakapag-take nito.
"Here." Narinig ko ang boses ni Karina sa kaliwa ko. Para akong nanigas.
Napatingin ako sa papel na inaabot niya. Kukuhanin ko ba? Para naman akong tanga kung hindi, diba? Kinuha ko na lang din ito at mahinang nagpasalamat, "Thanks."
"Uy Karina, pwedeng penge rin?" Sabi nung katabi kong isa.
Inabutan siya ni Karina ng papel kaya medyo lumapit sa akin nang kaunti, naamoy ko yung buhok niya. Creamsilk na orange. Favorite niya. Puta. Ano ba, Winter. Eh ano naman? Pati ba naman conditioner...
Sa awa ng Diyos eh na-survive ko naman yung buong klase na hindi lumilingon sa kaliwa ko. Para akong may stiff neck.
Tumayo kaagad ako nang mag-time na, hindi ko na yata kayang huminga pag malapit si Karina. Para akong nalulunod at nasasakal.
"Win—"
"Sis!" Nagsilapitan bigla yung iba naming kaklase na orgmates yata ni Karina. Parang narinig ko pa siya na tinawag ang pangalan ko pero baka guni-guni ko lang.
Hindi ko maiwasan hindi marinig yung usapan nila dahil medyo malakas ang boses ng orgmates niya. "Congrats sa sayaw kagabi! Let's inom tonight ha! You have to libre us!" Ang arte naman nito. Alam kong ayaw ni Karina ng mga ganyan ka-arte mag salita.
Pero sino nga ba naman ako para malaman ang ayaw at gusto niya ngayon eh iba na nga pala siya.
"Sure guys!" Ang cheerful niya. Parang masaya naman siya. Good for her.
Umalis na ako. Ngayon ko na lang ulit narinig ang boses niya. Puro katahimikan lang kasi ang natanggap ko sa kanya nung gabing 'yon.
Nagmadali na ako at may 10am class pa kami nila Ning. Parang naaninagan ko pa yung babaeng nakita ko last week sa gig pero hindi ako sure kung siya nga 'yon. Kinausap din siya ng orgmates ni Karina.
"Join ka samin tonight, sis!"
"Can't. I have to be somewhere tonight, but enjoy kayo guys!" Sagot nung magandang babae. Sis? Orgmate niya rin ba sila? Inalis ko na lang sa isip ko at wala naman akong pakialam. Hindi ko rin naman sure kung siya nga yon at naka-side view ito.
"Win!" Biglang akbay ni Ning sakin. "Sabay tayo pa next class."
Binati ko siya at pinalibot ang kamay ko sa kanyang bewang, "Tara na!"
"Aba aba hindi tayo talo ha! Pero okay lang kung crush mo ko. Maganda ka naman." Pagbibiro niya. Kinurot ko lang ang gilid niya para manahimik na.
Napatingin siya sa may likod, "Habol tingin sa atin si BFF mo ah. Parang gusto yata akong patayin sa tingin ni teh. Sabihin mo hindi naman kita aagawin."
Wala naman maaagaw dahil wala naman na kaming papel sa buhay ng isa't isa. Diba?
"Baliw. Hayaan mo siya."
Proud na tinignan ako ng kaibigan ko, "Naks. Stronger ka na. Tama yan, Winter. Know what you deserve. Basta nandito lang kami ni Gi, 'di ka namin tatalikuran. Hindi katulad ng iba diyan."
"Salamat, Ning." Para kasing lagi niyang alam ang sasabihin para maging okay ako. Lagi niyang napapagaan ang loob ko. Silang dalawa ni Giselle, lagi nilang pinapa-feel sa akin na magiging okay ang lahat.
Kinaya ko naman yung buong araw na sunod-sunod ang klase at nakapasa naman ako sa quizzes ko. Napansin kong hindi nanaman pumasok si Karina sa last class namin. Baka busy nanaman mag party party kasama ang orgmates or mga kasayaw niya.
Naiinis ako sa sarili ko dahil hindi ko naman na dapat siya iniisip o kung anong ginagawa niya kapag absent.
Pero hinahayaan ko na lang din at part naman yata ito ng moving on. After all, hindi lang naman ako nagmu-move on sa anim na taon na pagmamahal ko sa kanya kung 'di pati na rin sa pitong taon na pagkakaibigan namin.
O baka naman busy lang siya sa jowa niya para magpalagay ng chikinini. Teka, ang babaw ko na. Hindi ako 'to. Part ba rin ba ito ng moving on? Yung bitter ka kahit hindi naman naging kayo?
Naalala ko yung sinabi ni Giselle.
"It's okay to let yourself feel the pain as long as you don't lose yourself in the process."
Kahit wala akong sinasabi sa kanilang dalawa ni Ning tungkol kay Karina, tingin ko alam naman nila. Kung hanggang saang extent, 'yun ang hindi ko alam.
“Ang aga mo naman, Winter.” Sabi sakin ni kuyang staff dito sa Tresto.
Kadalasan kasi, dumarating ako 15 minutes bago mag start ang gig pero one hour earlier ako ngayon. Napa-aga kasi ako ng punta dahil wala naman akong gagawin sa bahay.
Comments