Ang lasa ng poot at hapis

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Tumitibok ang buong mundo sa paligid ni Tomas, na parang isang malaking puso sa dibdib ng isang dambuhalang halimaw. Nagpatuloy sa pagbiyahe ang gintong bangkang sinasakyan nila. Bahagya nang nakababa ang araw sa katirikan ng pwesto nito. Halos pahapon na nang mapadpad sila sa kalagitnaan ng laot. Sa ‘di kalayuan ay may manipis na hamog. Sa direksyong ito naglayag ang bangka.

“Malapit na tayo,” saad ni R-Ji.

“Saan?” Sinubukan ni Tomas na magka-interes sa kanilang paglalakbay, at pinilit na manatiling nasa katawan, kahit na para siyang nilalagnat at nawawala na sa sarili sa mismong kinatatayuan niya. Ramdam niya ang basang damit sa likod. Naliligo siya sa pawis na tuloy-tuloy ang pagtagaktak sa kanyang balat. Humahamplos sa kanya ang manipis na hamog at naramdaman ang ga-balahibong hibla ng pagdampi nito. Nasa loob na sila ng mala-usok nitong lagusan. Lalo nitong pinalabo ang paningin ni Tomas.

“Sa Kalupaan,” sagot ni R-Ji. “Dito tayo sa hamog na ‘to dadaan. Ang tawag dito, Linlang.”

“Linlang?”

“Para siyang portal. Binibigyan ako nito ng anyong Taga-Kalupaan, para makapag-blend in sa mundo niyo. Kung tutuusin, baka nga ito rin ang maging sagot sa problema mo ngayon.”

Baka nga. Sana nga. Kaya siguro kampante lang si R-Ji, dahil para sa kanya ay hindi naman pala malaking problema ang pag-iibang anyo ni Tomas. May solusyon naman pala itong pang-Diyos. Sana ganun lang din kadali ang lahat para sa kanya.

Pinilit niyang manatiling gising sa kabila ng bumibigat na mga talukap. Panay ang kurap niya habang pinapanood ang gintong bangka na tumagos sa malabong hamog na iyon. Hindi niya matantiya ang tunay na lawak o haba nito. Nang makarating sila sa gitna ay tuluyang nawala sa paningin ni Tomas ang dulo ng kanilang nilalakbayan, maging ang kanilang pinanggalingan. Nagpatuloy sa pag-andar ang sinasakyan nila. Mga sumasalubong na alon, ang pagaspas ng hangin, ang manakha-nakhang paghawi ng manipis na ulap sa kanilang harapan, at ang rumaragasang dugo sa kanyang mga tainga lang ang ilan sa mga bagay na minamarkahan ni Tomas para masabing umaandar pa sila.

Lumipas ang oras na parang hindi man lang siya gumalaw sa kanyang lugar. Nang muling ituon ni Tomas ang isip sa pag-tantos ng mga bagay na mapapansin, nalaman niya na lang na nasa Ibayong Banua na sila. Sa likod ng building kung saan siya dinala ni Mo nang nagdaang gabi, nakatayo sina Tomas at R-Ji na nakaharap sa pinto ng back exit.

“Huh?” Inilibot ni Tomas ang tingin. Sa itaas ang langit, asul na may mangilan-ngilang ulap. Umaga. Mataas ang araw at mainit ang sikat nito. Sa paligid, para-parada ng mga nagtataasang gusali ng mga samu’t saring establesimiyento. Sa harap niya, ang abuhing gilid ng pader ng Ibayong Banua cafe. Sa tabi niya, si R-Ji, na hinihintay siyang matapos sa manghang pag-iikot ng kanyang mga mata sa kabuuan ng kalyeng iyon, na parang ito ang unang beses ni Tomas na makatapak sa siyudad.

“Ayun!” bulalas ni R-Ji, na nagpabalikwas kay Tomas sa gulat. “Tama ang teorya. Bumalik ka na nga sa normal.”

Madaling napatingin sa sariling kamay si Tomas. Tulad na ulit ito ng dati, bago siya misteryosong napunta sa Kalangitan. Pinakiramdaman niya ang pagbukas-sara ng mga daliri at sinuri ang balat nito, gaya na ulit ng sa tao, ng sa kanya. Walang-malay siyang napakapa sa kanyang mukha at noo. Wala na ang mga sungay at balat na mala-dragon. Nagbalik na nga siya sa normal niyang anyo.

“Medyo napalayo nga lang yata ang balik at parang nakalimutan mo na ang hitsura ng lugar na ‘to. Nabura ba ng Linlang ang memorya mo?” manghang tanong ni R-Ji.

“Nangyayari ba ‘yun?” nagdududang tanong ni Tomas pabalik.

“Hindi. Pero hindi rin naman nangyayari ‘yung nangyari sa’yo kanina ‘di ba? Mainam nang nagtatanong. Sabi nga, the man who asks a question is a fool for a minute. The man who does not ask is a fool for life.”

“Confucius,” kumpirma ni Tomas.

“Mukhang bumalik ka na nga sa normal,” pag-apruba ni R-Ji.

Ilang sandali ang lumipas nang walang ibang kumibo pagkatapos. Nagtinginan lang sila na parang walang tumatakbo sa isip nilang pareho. Hindi rin nga nila namalayan na natahimik at nagtitinginan na lang pala sila. Saka lang sila natauhan nang biglang bumukas ang pinto sa Ibayong Banua. Lumabas mula rito si Mo na may bitbit na dalawang malaking garbage bag na puno ng basura.

“Oh?” gulat na bungad ni Mo, hindi inaasahan ang mga nadatnan. “Anong ginagawa niyong dalawa dito? Bakit kayo magkasama?”

“Nagkasalubong lang kami. Papunta na ‘ko sa coffee shop, actually,” pagsinungaling ni R-Ji.

“Ikaw, Tomas?” baling ni Mo sa kanya, habang pinaghihiwalay nito sa malaking basurahan sa gilid ang mga basurang itinatapon.

“Wala. Ano...pauwi na talaga ako,” tulirong sagot niya.

“Pauwi?” takang-tanong ni Mo. “Bakit, saan ka galing?”

Napatigil si Tomas sa tanong nito. Hindi niya ito inasahan na usisain siya. Naghalughog siya sa isip ng mga posibleng rason. “Dumaan lang ako sa pinsan ko, sa shop. Ng pinsan ko. Na pinagta-trabahuan niya. Sa—”

Inawat siya ni R-Ji sa pagtaas nito ng kanyang kamay sa harap ni Tomas. Tumango-tango ito, at ibinuka ang bibig nang walang lumalabas na boses, para sabihin sa kanyang, “Okay na. Tama na. Tama na.”

Hindi ito napansin ni Mo na abala sa ginagawa. Nang matapos ay bumaling ito kay Tomas. “Sige, p’re. Ingat ka.”

Pagkuwa’y si R-Ji naman ang nilapitan nito. “Magkita na lang tayo kung kailan tayo magkikita ulit,” at tinapik nito sa balikat ang kausap. “Sige, pasok na ‘ko. Balitaan mo ako.”

Tinapik ni R-Ji pabalik sa balikat si Mo at tinanguan ito, bago tuluyang bumalik sa loob ng cafe ang huli. Nang maiwan silang dalawa ay hinarap naman nito si Tomas. “Sana makapag-desisyon ka agad, Tomas. Kung maisipan mong tulungan ako, dito mo ako contact-in.”

Kinuha ni R-Ji mula sa bulsa ng suot nitong itim na jeans ang isang calling card. Itim na mala-velvet ang materyal ng card, na may kulay-pilak na sulat sa gitna. Iniabot nito iyon sa kanya, na agaran niyang kinuha. Binasa niya ang mga naka-indika dito. R-Ji Tawidagat. 09**-****-***

“Phone number? Talaga?” hindi makapaniwalang komento ni Tomas, na iniangat ang tingin mula sa card, para salubungin ang

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet