Dangal at Tunggalian

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Malalim na ang gabi. Sarado na ang Ibayong Banua. Pero bukas pa rin ang ilaw sa loob ng cafe. Walang ibang tao sa loob nito bukad kina Tomas, R-Ji, at Mariya, na nakaupo palibot sa isang lamesa malapit sa entablado. Mula sa likod ng bar counter ay lumabas si Mo na bitbit ang tig-iisang beer at isang malaking plato ng nachos na maraming salsa. Inilapag ito ng cafe manager sa gitna nilang tatlo, bago ito kumuha ng sariling upuan upang tumabi sa pwesto ni R-Ji. Mistulang pinaliligiran ng tatlong diwata si Tomas. Napatuwid siya ng postura sa kanyang pagkakaupo.

Sa gilid ni R-Ji, sinilip ng tingin ni Mo ang Dayang ng angkan ni Bathalang Libulan. Hindi na kasi nito naabutan ang prinsesa. Bata pa yata ito nang ipatapon ang dating Diwata ng Karagatan sa Kalupaan. Magmula noon ay para nang preso si Mo sa lagusan ng Tagasundo.

Ipinatapon ito sa Kalupaan, bilang sintensiya sa kanyang ginawang paglabag sa batas ng kautusan ng mga diwata. Umibig ang Datu ng Karagatan sa isang mortal. Nang masawi ang pag-ibig, ay nagpadala si Datu Amanikable ng malalaking daluyong ng bagyo sa mga dagat ng Kalupaan, sa tangkang pagwasak dito. Kalunos-lunos na trahedya ang sinapit ng mga taga-lupa. Maraming nasira. Maraming namatay. Pero magkagayon ay hindi pa rin ito pinagsisihan ni Mo. Kaya naman bilang parusa, ay tinanggalan ito ng Dangal bilang isang diwata at ipinatapon sa parehong mundo na sinubukan nitong wakasan. Hindi naman nito iyon alintana. Nasanay na rin naman ito na mamuhay bilang tao lang. Katunayan ay nakatagpo si Mo ng panibagong uri ng kalayaan sa kabila ng pagkakawala ng kanyang Dangal. Wala na itong kahit anong tungkulin na dapat panindigan, maliban sa dala-dalang sugat sa kanyang puso na hindi na naghilom. Pareho lang din naman ang bigat na pasan ni Mo, maging ano pa man ito. Wala din namang saysay ang pagiging diwata, kung wala naman itong dahilan para mabuhay.

“Ayos ah,” puna ni Mo. “Nagkita na kayong lahat for the final countdown. Pang-grand finale talaga.”

Alam na rin ni Mo ang tungkol sa giyerang binabalak ihasik ng anak ni Bathalang Apolaki. Ang hindi lang nito alam ay kung ano ang ginagawa ng kanyang tatlong nang magkakasama. May ideya na rin kaya si Mariya? Nagsasabwatan ba sila? At ano namang maitutulong ni Tomas? Walang sumulpot sa isip ni Mo ni isa, na posibleng maging papel ng isang hamak na tao sa digmaang sisimulan ng mga Aldaw—ang hukbo ng pinakamalalakas na mandirigma ng Tribu Apolaki. Sanay ang mga ito na gumamit ng iba’t ibang uri ng sandata. Hitik sa iba’t ibang abilidad ang bawat pangkat nito, mula sa mga batikang mamamana, mansisibat, at mga mandirigmang karugtong ang kampilan sa pusod, na animo ay itinakda ang mga ito na humawak ng espada bago pa man sila isilang sa Kalangitan. Higit sa lahat, hindi pwedeng balewalain ang pinuno ng hukbong Aldaw—ang mismong anak ng Bathala ng Araw at Digmaan. Magaling sa lahat ng uri ng kaalamang pandigma si Rajah Taneo. Bukod pa dyan ang kakayahan nitong magmanman, mangalap ng impormasyon, at bumuo ng estratehiya. Mabilis nga lang itong magalit at pangunahan ng emosyon. Pero sino ba ang hindi magiging magagalitin, kung pinalaki ka naman sa paraan ng digma?

Ang tahimik naman ng mga ‘to, reklamo ni Mo sa sarili.

Nilalantakan na ni Mariya ang nachos sa kanyang harap. Dala siguro ng kaba ay hindi na nito napigilan ang gutom. Puno ng pagkamangha na pinagmamasdan ni R-Ji ang prinsesa. Si Tomas naman, halos mamatay na sa inggit sa kinauupuan niya. Sinubukan niyang inumin ang malamig na beer. Wala na sa isip niyang mahina siyang uminom. Patak pa lang ng alak ang lumalapat sa labi niya, ay alam na niyang hindi tamang desisyon ang kanyang ginagawa. Nilakasan niya ang loob, at tinungga ang beer nang isang lagukan. Para siyang nagmumumog ng putik. Maluha-luha niyang pinilit na lunukin ang likidong nakabara sa kanyang lalamunan. Halos maduwal si Tomas sa pinaggagawa niya.

“Oh? Ang arte mo naman, pre. Beer lang ‘yan oh,” angal sa kanya ni Mo.

Sumenyas siya rito para hintayin siyang makapagsalita. Hindi rin siya makakainom ng tubig para linisin ang panlasa, dahil pareho lang din naman ang magiging lasa nito. Nang mapakalma ang sarili ay sumagot siya kay Mo. “Mahabang kwento, pre. May mas importante tayong dapat pag-usapan ngayon.”

Alam ng lahat, maliban sa cafe manager, kung ano ang tinutukoy ni Tomas. Nang mabanggit ito, ay nabaling ang lahat ng kanilang atensyon sa binibining puno ng yamugmog ng nachos sa gilid ng labi at pisngi. Napahinto ito sa kalagitnaan ng kanyang paglantak sa hawak na nacho chip. Maingat nito iyong ibinaba sa plato, bago ipinagpag ang mga daliri. Muli nitong naalala ang totoong pakay kung bakit sila nandito ngayon.

“Kailangan ko nang makabalik sa Kalangitan,” mahinahong saad ni Mariya. Nagpunas ito ng bibig gamit ang mga napkins na nasa ibabaw ng lamesa. Uminom muna ito ng beer para panulak sa mga kinain, para makapagsalita nang maayos. “Wala kasi akong kakayahan dito. Hindi rin kasi included na madadala ko ang mga kakayahan ko nung bumaba ako dito.”

Alam ni R-Ji at Mo iyon, dahil wala namang diwata ang may kakayahang bumaba sa Kalupaan, maliban sa mga Tagasundo, o sa mga diwatang pinarusahan at ipinatapon dito. Mga bathala at bathaluman lang ang may kakayahang makalapit at makialam sa buhay ng mga tao sa Kalupaan nang ganun kadali. Sila ang mga Diyos at Diyosa na naghahatid ng samu’t saring phenomena, gamit ang kanilang mga kakayahan. Sila ang responsable sa pagsibol ng araw sa umaga, at pagliwanag ng buwan sa gabi. Sila ang nagbabasbas sa mga lupang tinatamnan para mamunga ito ng mga pagkain. Sila ang nagpapanatili ng balanse ng kalikasan.

Ang mga kakayahan ay hindi limitado kung isa kang bathala o bathaluman. Pero may sarili kang

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet