Eklipse ng buwan, araw, at daigdig

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Nang gabing iyon ay hindi na nanaginip si Tomas. Unang beses ito sa loob ng halos kalahating buwan. Swerte sana, kung hindi lang dahil sa totoong dahilan kung bakit. Hindi kasi siya makatulog. Pakislot-kislot siya sa higaan na parang inasinang bulate. Alam mo ‘yung pakiramdam na parang namamahid ang utak mo, at hindi mapakali ang katawan mo, at parang nararamdaman mong nagva-vibrate ang lahat ng cells mo, at aware ka sa lahat ng functions na ginagawa ng lahat ng mga involuntary muscles mo? ‘Yun. Ganun mismo ang nararanasan niyang kalbaryo ngayon. Pati ang kuryente ng mga neurons na nag-uusap at nagpapalitan ng impormasyon sa kanyang utak, ay kinukuha ang atensyon niya.

Hindi siya makakain kahit walang kabatiran ang kanyang gutom. Ano man ang gawin niya, naglalasang abo o uling ang pagkain na dumidikit sa kanyang dila. Asinan, asukalan, lagyan ng patis, toyo, suka, o bawasan, o kahit tuluyang huwag lagyan ng kahit anong pampalasa, walang talab. Mapa-processed food, o homecooked meal, walang pinagkaiba. Paminsan nga, naglalasang-lupa pa eh. Kahit hindi pa siya nakakakain ng mga iyon sa buong buhay niya, ‘yun lang ang pinaka-solid na pagkukumparahan na pinakatutugma sa nalalasahan niya. Kumakalma lang ang sikmura niya tuwing nagbabasa siya, pero specifically ay ‘yung paborito niyang libro ni Neil Gaiman na American Gods. Nabasa niya na ‘yun dati, pero nang basahin niya ulit ay halos inabot lang siya ng 3 hours para matapos. Mabilis siyang magbasa, pero hindi naman usually ganun kabilis. Nung binasa niya ulit ang libro, mas umikli pa ang oras ng pagbabasa niya.

Kung hindi mga libro ay pelikula o series ang pantawid-oras at gutom niya. Natapos niya na ang lahat ng episodes ng The Twilight Zone. Napakabagal para kay Tomas ang pag-usad ng bawat minuto nito. Kung pwede lang laging i-fast forward ang panonood, kaso hindi niya naman maa-appreciate nang maayos ang palabas kung ganun. Wala siyang ibang choice kung hindi pagtiisan at bunuin ang bawat segundo ng mga ito.

Panibagong libro naman ang hinugot niya mula sa maliit na instante sa kanyang kwarto. Kwento ito na sinusundan ang pananaw ng isang comic book nerd-slash-superhero fanatic tungkol sa kaibigan nitong naging superhero. Puno ng inggit ang punto-de-vista ng bida, parang anay na ini-invade ang pagkatao nito, at inuubos mula sa lahat ng sulok ang kabutihan sa kanyang puso. Tuwing nakakabasa si Tomas ng ganito, o kapag ganito na ang eksena sa isang palabas, lagi siyang nakakaramdam na para siyang kumakain ng masarap na steak o mainit-init na Tinola na paboritong iluto ng Mama niya. Hindi naman ganun dati ang experience niya sa pag-konsumo ng mga ganitong klaseng media. Kakaiba. Hindi niya inaasahan. Hindi niya maipaliwanag pero pakiramdam niya, kailangan niya ito, kaya niya ginagawa.

Natapos niyang basahin ang mahigit-kumulang na 300 pages ng libro. Nabasa niya na halos lahat ng librong meron siya. Ngayon ay back to zero na naman si Tomas. Itinaklob niya ang nakabukas na libro sa mukha niya. Bumuntong-hininga siya sa mga page nitong nakatakip sa kanyang nakapikit na mga mata.

Dala ng kainipan at pagkabagot, na dulot na rin ng katamaran niyang maghanap pa ng bagong babasahin o panonoorin, o mag-isip ng iba pang gagawin bukod don—kahit ang bumalik sa pagsulat ay hindi niya maumpisahan, dahil naiirita lang siya sa mga sinisimulan niyang hindi matapos-tapos—ay nasa last resort na siya. Gusto niya nang humingi ng tulong. May naiisip na siyang madudulugan, pero nag-aalinlangan siya.

Inalalayan ni Tomas ang sarili paupo sa kama niya. Ibinaba sa kanyang tabihan ang hawak na libro, para walang ibang naka-okupa sa mga kamay niya. Kinuha niya sa drawer sa tabi ng kanyang higaan ang calling card na ibinigay sa kanya ni R-Ji noong huling kita nila, nitong nakaraang linggo. Sa isang kamay naman ay dinampot niya ang cellphone na nasa ibabaw ng drawer.

Pigil ang hininga ni Tomas na ini-dial ang number sa card. Naghintay siya na mag-ring sa kabilang linya. May tumunog na click para malaman niyang may sumagot na dito. “R-Ji?” nag-aalangang bungad niya sa kausap.

“Tomas? Bakit ngayon ka lang tumawag? Kailangan nating magkita, as soon as possible,” may pangamba sa boses ni R-Ji.

“Ha?” tulirong sagot niya. Siya nga itong may kailangan kay R-Ji, kaya niya ito tinawagan, pero ang ibubungad naman nito ay ang sarili nitong problema.

“Basta. Saka ko na lang ide-detalye sa’yo. Magkita tayo sa Ibayong Banua. Ngayon na, please.”

Napaka-demanding naman ng utos nito. Napasilip si Tomas sa digital bedside clock niya at nalamang 8:32 PM ang oras. Alam niyang maaga pa naman ito. Naghahabol lang talaga siya ng lahat ng tulog na nakaligtaan nitong mga nakaraan. Pwede pa rin niyang puntahan si R-Ji kung tutuusin. Pero walang ibang tao sa bahay dahil mamaya pang mga alas-diyes o alas-onse ang uwi ni Jao mula sa tattoo shop. Nag-aagawan sa isip niya kung pupunta ba siya sa cafe o hindi. Kung ipagsasawalang-bahala niya ba ang sinabi ni R-Ji. Ilang sandali pa ang lumipas ay wala pa rin siyang nagiging desisyon.

Nag-text sa kanya si R-Ji. Tomas, tungkol ito sa’yo at kay Rajah Taneo. Kailangan ko ng tulong mo.

Nanlaki ang mata ni Tomas nang mabasa ang pangalan na iyon. ‘Yung galit na Rajah na gustong pumatay sa kanya. Naalala niya ang sinabi nito sa kanila nung huli silang magkita. ‘Pag nagkataon talaga, baka burahin na siya nito sa ibabaw ng mundo. Ayaw na niyang makita itong muli, last na dapat ni Tomas ‘yon eh.

Wala na siyang ibang nagawa kung hindi mapailing sa sarili.

 

Kamot-ulong nakatingin si Tomas mula sa labas ng Ibayong Banua. Ayaw lumakad ng mga paa niya papasok dito. Humugot siya ng malalim na hininga bago tumuloy sa loob. Agad na hinanap ng mata niya si Mo. Iniluwa ng itim na kurtina sa likod ng counter ang kanyang hinahanap.

“Pre,” bati nito sa kanya at tinawag siyang lumapit. “Nasa likod na si R-Ji. Buti bumalik ka.”

“Oo nga eh,” sagot niya, kasunod ang ninenerbyos na tawa. Ayaw ko kasi talaga, hehe, dagdag niya pa, pero sa isip lang.

Natagpuan ni Tomas si R-Ji na nakasandal sa gilid ng pader, palabas sa backdoor ng cafe. Nang bumukas ang pinto at kasunod na lumabas si Tomas, ay agad itong napalingon mula sa pagkakatitig nito sa madilim na langit. Walang buwan nang gabing iyon.

“Tomas,” bati nito. Inalis niya ang sarili mula sa pagkakakiling sa pader. “Mabuti’t dumating ka.”

Nag-iba ang timpla ni Tomas. Naaburido na naman siya. Tapos naalala niyang gutom pa rin nga pala siya. “Siguraduhin mo lang na importante talaga ‘to ha. Ano bang problema niyang Rajah na ‘yan at dinadamay mo na naman ako?”

“Magde-deklara ng giyera ang Tribu Apolaki sa Kalupaan. Ipapadala nila dito ang hukbo ng mga pinaka-magigiting na Aldaw,” nagmamadaling saad ni R-Ji.

Ni hindi man lang muna ito humugot ng hininga. Talagang tuloy-tuloy ang buga ng rebelasyon nito sa mukha ni Tomas.

Please Subscribe to read the full chapter

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet