Nang gabing nahulog ang buwan

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Parang trak na nabalahaw sa putikang daan si Tomas. Nung una ay hirap na nga siyang gumawa ng desisyon kung saan siya liliko, ngayon ay hindi pa siya makaalis. Panay ang tunog ng notifications sa kanyang cellphone. Hindi na niya ito tinitignan dahil alam niya namang galing iyong lahat kay Jao. Kaharap niya si R-Ji na tila taimtim na nagdadasal. Napaka-ironic nito para sa kanya. Nagdadasal din ba ang mga Diyos? Kanino kaya sila nagdadasal? Kung nagsabi ng “Bahala na!” si Bathala, sino kaya ang tinutukoy nito? Sino kaya ang bahala sa kanya? Kapag nag-“oh my God!” ba si God, pwede rin kaya na ang ibig sabihin nun ay “oh Myself”?

Inilapat ni Mo ang kaliwa nitong kamay sa balikat ni R-Ji. Ang kanan naman ay ipinampisil sa balikat ni Tomas. Kinuha nito ang atensyon nilang pareho. Binigyan naman ng makahulugang tingin ng dating Datu ang prinsesang katapat nito.

“Gusto ko sanang tumulong, mga pre. Alam niyo ‘yan,” umpisa ni Mo, na nagpanumbalik ng ulirat ng lahat sa kasalukuyan nilang suliranin. “Pero, alam niyo na, wala akong kakayahan ngayon. Banned pa ‘ko ng mga ilang-hundred years.”

Napangiti nito si Mariya, bagama’t mugto pa ang mata mula sa kakatapos lang nitong pag-iyak. “Ako nga rin,” magaan man ang pagkakasabi, ay kababakasan pa rin ng katamlayan ang tugon nito.

Ngayon ay nasa dalawang kasama na lang nila ang desisyon. Iniangat ni R-Ji ang mga mata nito kay Tomas. Bahagya pa ring nakanganga ang huli, sa dami ng kung anu-anong mga gunita na tumatakbo sa kanyang isip, na wala namang kinalaman sa kanilang sitwasyon. Nang mapansin ang lugmok na estado ni R-Ji ay agad na umandar ang bibig ni Tomas, nang hindi napag-iisipan ng husto ang mga lalabas dito.

“’Di ba gustong bumalik ni Mariya, kasi kailangan niya ng kakayahan niya? So, bakit hindi niyo na lang siya pabalikin? Mas madali ‘yun, kung ganun. Tapos agad ang problema natin,” saad niya.

Nalungkot ang binibining kanyang kaharap sa mga sinabi niya. Pakiramdam yata nito ay isinangkalan ito ni Tomas para maresolba ang kanilang problema. Kawalan nga ng kalayaang mamili ang naging dahilan ng prinsesa para suungin ang lahat ng panganib na ito, pati ba naman sa posibilidad ng isang giyera, kalayaan pa rin ni Mariya ang gusto nilang ipambayad?

“Wow,” manghang napaismid si Mo. “Napaka-walang puso mo naman pala, pre.”

“May point naman ako ah?” depensa ni Tomas.

“Ano bang akala mo? Kapag ibinalik natin siya, makukuha niya lang ‘yung kakayahan niya, tapos makakatulong na siya para humarap kay Taneo?” retorikal na tanong ni Mo.

“Bakit, hindi ba? O pwede rin naman na ibalik niyo na lang siya sa Taneo na ‘yun. Tutal ‘yun naman ang gusto niya, ‘di ba?”

“Kapag bumalik sa Kalangitan si Mariya, mapupunta lang siya kina Taneo at sa Tribu Apolaki. Parang bumalik ka lang din sa umpisa. Alam mo ba talaga ang pinagsasabi mo, Tomas?” aburidong sabat ni R-Ji.

“’Di ba ayun nga ‘yung point, R-Ji?” pagmamatigas ni Tomas. “Ang maibalik si Mariya para maagapan ‘yung giyera na ‘yan?”

Hindi na nakapagpigil si Tomas. Sa gilid ng kanyang mata ay pinapanood niya ang mga reaksyon ni Mariya. Nakita niyang biglang nagtiim ang mga panga ng dalaga. Diniinan ang pagkakatikom ng bibig, bago humugot ng malalim na hininga. 

Nagsimulang magsalita ang binibini. “Pasensya na, Tomas, pero hindi mo yata naiintindihan ang sitwasyon natin,” mahinahon nitong sabi.

“Aba, malay ko ba!”

Napapalatak ng dila ang Tagasundo. Umiling ito sa kayamutan. “Lagi ka namang walang alam.”

Natigilan si Tomas. Nagsalubong ang kanyang mga kilay sa sinabi ni R-Ji.

“Nakakapikon ka na ah,” pabalang na saad ni Tomas. “Kung ganyan naman pala kababa ang tingin mo sa’kin, bakit lagi niyo pa rin akong dinadamay sa mga gulo niyo?”

Nagpalitan ng masasamang tingin ang dalawa. Parang nag-uumpukang bato ang tensyon sa pagitan ng mga ito. Sa isip ni Tomas, wala namang mali sa suhestiyon niya. Kung wala naman siyang sapat na impormasyon, kahit pa anong subok niya, ay hindi sasapat ang abot ng kanyang makakaya. Iniisip lang ni Tomas kung ano ang makakapagpadali sa buhay nilang apat. Hindi na kasi makatwiran ang gustong mangyari ng tatlong ito. Siya na nga itong walang alam, walang kakayahan, at pati ngayon ay walang magandang plano, pero bakit pinipilit pa rin nila na makialam siya at tumulong?

“Aalis na lang ako. Pasensya na sa mga problemang dinulot ko sa mga buhay niyo ha,” puno ng kabalintunaan ang sarkastikong tono ng boses ni Tomas. “Pasensya na talaga.”

Sa kanyang pagtayo ay sabay ding napaangat sa kinauupuan nito si Dayang Mariya. Napatigil ito kalagitnaan, parang may gusto itong sabihin sa kanya, kaso mukha itong nagdadalawang-isip, kung itutuloy ba ang pagtayo o uupo na lang ulit. Saglit na sinubukan ni Tomas na hintayin kung ano ang susunod nitong gagawin. Sa huli ay pinili nitong umupo. Hindi na muling ibinalik pa ni Tomas ang tingin sa lamesa. Dire-diretso na siyang umalis at lumakad palabas ng cafe.

Walang-lingon siyang lumabas ng pintuan ng Ibayong Banua. Mabilis ang kanyang mga padabog na yapak sa konkretong daan. Puno ng mga agam-agam ang isip niya. At binabalot naman ng gigil sa inis ang kanyang dibdib. Nararamdaman niya itong dumadaloy mula sa kanyang puso, patungo sa kanyang mga braso, hanggang sa kanyang mga kamao.

Lagi ka namang walang alam, paulit-ulit na tumatakbo sa utak niya ang mga salitang iyon ni R-Ji. Kung alam naman pala nila ang lahat, bakit wala silang magawa ngayon?

Hindi nila kailangan si Tomas. Pagkapait ng realisasyong ito, pero hindi naman na iyon lingid sa kanya. Hindi ko naman sila kaibigan. Hindi rin nila ako kaibigan. Naggagamitan lang sila. Dinadamay pa ‘ko. Puta.

Kumirot ang puso niya sa mga salitang pumasok sa kanyang isip. Kahit gaano kalaki ang pwersang nagdugtong sa kanila nung umpisa, hindi naman talaga ito sapat para masabing magkakaibigan sila. Wala sa kanila ang katapatan at tiwala na kailangan sa isang tunay na pagkakaibigan. Baka ang tatlong iyon na iniwan niya sa cafe, oo. Pero siya? Wala siyang lugar sa samahan na iyon.

Inihatid siya ng walang katahimikan niyang gunita sa isang tanong. Ano nga kaya ang pakiramdam na magkaroon ng mahalagang parte sa buhay ng ibang tao?

 

Nakaupo si Tomas sa sahig ng corridor. Madulas at makinis ang flooring nito. Palagi niya kasi itong winawalis at nilalagyan ng floorwax tuwing cleaner siya. Nakabukas ang lahat ng butones ng kanyang polong uniporme. Kita ang panloob niyang puting sando. Nakatingin siya sa quadrangle mula sa ikalawang palapag ng building. Kulay-kahel ang langit sa likod ng mga puno sa tapat nito. Hindi na gaanong masakit sa mata at balat ang hangin at araw. Papaubos na rin ang mga estudyanteng nasa eskwelahan pa. Katabi niya ang backpack, na bukas ang zipper, at ibinabalandra ang mga laman nitong notebook, libro, tupperware na nilagyan ng pananghalian niya kanina, isang sketchbook, at maliit na pouch na nilalagyan niya ng mga ballpen, lapis, pambura, at highlighters. Nasa kandungan niya ang kanyang laptop, at dito siya nagtitipa ng kanyang maikling kwento, na ipapasa niya sa writing contest na kanyang nilahukan.

Wirdo ba si Tomas? Hindi. Pero popular ba siya sa eskwela? Lalo namang hindi. Ordinaryong labing-pitong taong gulang na binata lang siya. Hindi katangkaran ang taas, pero tugma ang proportion ng kanyang katawan. Kayumanggi ang kanyang balat. May tig-isang nunal siya sa ilalim ng kanang mata, at gitna ng kaliwang pisngi. Hugis-puso ang kanyang mga labi. Makapal ang mga pilikmata na nagpapalalim pa lalo sa taimtim niyang mga tingin. Makapal ang itim nitong buhok, na malinis ang gupit, at may maikling bangs na tumatakip sa kanyang noo. 

Hindi popular si Tomas dahil hindi siya mahilig makipag-kaibigan. Kaswal siya sa mga kakilala at kaklase. Magiliw din naman, at mabait ang masiglang ngiti, kaya wala naman sa mga ito ang pinagkakamalan siyang masama ang ugali. Pero hindi talaga siya nakikipag-kaibigan sa mga ito. Hanggang kahalubilo lang ang turing niy

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet