Lihim ng Ibayong Banua

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

May matinis na ugong na naririnig si Tomas. Pagkatinis at pagkatagal na umalingawngaw ito sa pagitan ng mga tainga niya. Hindi na tumutugma sa ulirat niya ang anyo ng paligid. Alam niyang nasa isang cafe siya na kung tawagin ay Ibayong Banua. May mga tao sa paligid niya na nagsasayawan. Sandali, hindi sila sumasayaw. Wiriwiri ang mga imaheng nakikita ni Tomas. Parang koleksyon ng iba’t ibang anggulong kuha sa loob ng cafe na pinagpapatong-patong ang nakikita ng mata niya.

Ilang saglit pa ay nakaramdam si Tomas ng kamay na marahan ngunit mariin na humawak sa kanyang balikat. Mabilis na tumigil ang ugong. Huminto ang pagsayaw ng mga imahe. Pumirmi ang gumegewang na mundo.

“Tomas?” nilingon niya ang nagsalita. Isang lalaking may katamtamang taas, may matalim na mga mata, at may mga piraso ng itinirintas na buhok na lumilinya sa matikas na hulma nitong mukha. Si Mo, ang manager ng Ibayong Banua. “Kailan ka pa nakabalik? Ang tagal mong hindi nagpakita ah.”

“Kakarating ko lang kahapon,” sagot ni Tomas.

Naging kaibigan niya si Mo nang mapadalas ang pagpunta niya sa cafe na ito. Huling balita nila sa isa’t isa ay noon pang bago umuwi ng probinsya si Tomas. At huling punta niya dito ay apat na taon na ang nakakalipas. Hindi siya nakakapunta sa cafe noong panahon ng lockdown. Nang lumuwag naman ang restrictions ay wala pa siyang bagong material para sa spoken word. Hindi siya mahilig lumabas-labas kaya hindi siya nagpupunta sa Ibayong Banua kung walang nag-imbita sa kanya, o kung hindi siya magpe-perform.

Paborito niyang kausap ang manager ng Ibayong Banua, lalo kapag konti na lang ang customers at malapit na sa closing time. Nagiging mas malumanay at pala-tawa si Mo kapag ganung mga oras, gumagaan ang responsibilidad at natatapos ang pagiging manager sa araw na nagdaan. Magkaibang-magkaiba noong unang beses pa lang silang magkakilala. Parang dalawang tao ang nakakasalamuha niya depende sa sitwasyon pagdating kay Mo.

Pero ang ekspresyong nakapaskil sa mukha ni Mo ngayong muli silang nagkita makalipas ang halos apat na taon, ay ekspresyong hindi pa nakikita ni Tomas kahit kailan. Nakatingin ito sa kanya na parang may hinihintay itong sabihin niya. Parang may alam si Mo na hindi niya alam. Hindi pa kailanman naranasan ni Tomas ang pakiramdam na iyon, na parang sapilitang ibinubuka ang nakatikom niyang bibig na walang ibang ginagawa kundi tignan lang siya.

Bumalik sa isip niyang nakahawak pa rin sa balikat niya si Mo. Padiin nang padiin ang mga daliri ng kamay nito na halos tumagos na ang mga kuko ni Mo sa manggas ng suot na shirt ni Tomas.

“Aray,” daing ni Tomas. Hinawakan niya ang kamay ni Mo at ginantihan ng kapantay na pressure ang balat nito.

Kumalas sa pagkakahawak si Mo, kahit na parang walang talab ang ginawa ni Tomas. Bumitaw rin siya pagkababa ng kamay ng manager.

“Mo?” takang-tanong ni Tomas, inuusisa ang mukha ng kaibigan. Hindi pa rin niya mabasa ang laman nito, bukod sa nakakapangamba nitong titig sa kanya.

“Tomas,” tugon ni Mo. Hindi nito pinuputol ang tinginan nila. Parang hindi rin siya nakikita ni Mo sa mga oras na iyon. Parang may ibang tao itong kaharap sa halip na si Tomas.

“Mo?”

Nginitian si Tomas ng manager. Ngiting walang emosyon.

“Mo? Pre? Okay ka lang?” bakas ang pag-aalala sa boses ni Tomas.

“Hinahanap ka ng may-ari sa likod, Tomas. Sundan mo ‘ko,” iminwestra ni Mo ang entrance na natatabingan ng makapal na itim na kurtina sa likod ng counter. Hindi pa nakakapasok sa kusina ng Ibayong Banua si Tomas. Isa pa, wala rin naman siyang dahilan para gawin iyon. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit, sa lahat ng araw na pwede, ay ngayon pa naisip ni Mo na ipakita ang likuran ng cafe nila.

“Huwag kang matakot, pre. Gusto ka lang niyang makilala,” patuloy ni Mo, pinapanatili pa rin ang malamig at walang-emosyon nitong ngiti.

Ayaw gumalaw ni Tomas sa kinatatayuan niya. Pakiramdam niya ay isang dekada na ang lumipas sa tagal ng kakaibang palitan nila ng mga salita ni Mo. Hindi ito ang inasahan niyang kamustahan. Oo, matagal ang apat na taon. Pero wala naman siyang utang na loob sa lalaking ito. Ganun bang klase ng kaibigan si Mo? Bakit parang sangkot sa ilegal na gawain kung makapagsalita ito ngayon? At parang may balak pang i-recruit si Tomas. Naku, hindi niya ‘yan ine-endorse.

“Sumunod ka na lang, Tomas,” pilit ni Mo. Hinigit siya nito sa braso, at wala nang nagawa upang mag-protesta si Tomas. Pinanood niya na lang ang sarili habang kinakaladkad siya ng manager ng Ibayong Banua mula sa counter, papasok sa itim na kurtina, hanggang maka-alpas sila sa kusina, at sa wakas ay makarating sa pinto papuntang likod ng building.

Nang makalabas, sa gitna ng kadiliman ng gabi, sa ilalim ng mahiyaing kabug-os na buwan, nangingibabaw ang itim na pigura ng isang lalaki. Sa mas malalim na inspeksyon, napagtanto ni Tomas na ito ang baristang bigla na lang naglahong parang bula kanina.

“R-Ji!”

“Ang may-ari ng Ibayong Banua, Tomas,” pagyayabang ni Mo nang ipakilala si R-Ji, na siya palang may-ari kuno ng Ibayong Banua. Nang magkaharap ang dalawa ay bumati si Mo kay R-Ji. “Pagpupugay, Datu Sidapa.”

“Pagpupugay, Datu Amanikable,” sagot ni R-Ji.

Kahit parang seryoso naman si Mo, at kahit pati si R-Ji mismo, ay parang ayaw maniwala ni Tomas. Paano, ang kanina ay masama kung makatingin na si Mo, ngayon ay halos hindi mapigilan ang ligaya. Abot-langit ang galak nito na parang may dapat ikatuwa sa mga pangyayari.

“Mo??” wirdong tinignan ni Tomas ang kaibigan. Dating kaibigan pala—dahil base sa ikinikilos nito at sa lahat ng sinabi nito kanina lang, marahil ay hindi niya pala talaga kilala ang manager ng Ibayong Banua.

Bumaling si Tomas kay R-Ji. Iminwestra niya ang nakakabahalang pagngiti-ngiti ni Mo sa gilid, inaabangan ang posibleng eksplanasyon dito.

“Kilala mo pala ang pinuno ng mga Kataw, Tomas?” simpleng tanong ni R-Ji sa kanya.

Pinuno ng mga what? Kataw?! Ano naman ‘yon? Ano na ba ang nangyayari?!

“At sa tinagal-tagal kitang kaibigan, pre, hindi mo man lang nabanggit na kilala mo pala ang Hari ng Tawid-dagat!” masiglang anunsyo ni Mo.

Umismid si R-Ji at agad na pinabulaanan ang sinabi ni Mo. “Sa totoo lang, kanina ko lang siya nakilala.”

Isang nakakatangang “Ha?!” lang ang lumabas sa bibig ni Tomas.

“Nakaharap mo si Rajah Taneo, ang anak ng Bathalang Apolaki,” lahad ni R-Ji. Itinuro nito ang peklat sa pisngi niya upang patunayan ang sinabi. Nasa mukha niya ang ebidensya.

Ang baristang nakilala ni Tomas kanina, tuluyan nang nag-ibang anyo sa paningin niya. Ngayon ay mas sigurado ito, mas matikas ang tindig, punong-puno ng kontrol. Hindi na kaswal at customer-friendly ang mga ngiti nito. Pakiramdam ni Tomas—at sabihan man siyang na

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet