Walang bagay sa mundo na nagkataon lang

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

“Ikaw ang Bakunawa?”

Nilingon niya ang pinanggalingan ng tanong. Inasahan na niya ang mga taong lumalapit sa kanya sa ganitong mga panahon ng desperasyon. Ang mga nilalang na iniiwang lugmok ng sariling kawalan ng silbi, sa harap ng kadakilaan ng mga Bathala. Mga mortal sa mundo na kung saan ay ikinukulong sila sa kanilang limitasyon. Narito na naman ang isa sa kanila, handang isakripisyo ang kahit ano, kapalit ang kakarampot na kahilingan: isang pagkakataon para maging isang diyos, nang sila naman ang makapagdikta sa kanilang tadhana.

Sa kabila ng balat-kayo, nakilala pa rin ng matandang mangingisda ang nagkatawang-taong Bathala. Inabutan nito ang Bakunawa sa mismong oras na nag-aabang ito sa pagdaong ng Balangay ni Maguayan. Susunduin nito ang mga kalag na naghihintay sa ilalim ng liwanag ng buwan. Isa sa mga kalag na iyon ang lalaking ito na naghihintay sa sagot niya.

“Naliligaw ka yata,” saad ni Bakunawa. Walang imik ang kaluluwa sa kanyang gilid. Nakatingin ito sa kanya habang siya naman ay nakatingin sa laot. “’Di ba dapat alam mo na mapapahamak ka kapag wala ka sa proteksyon ni Libulan?”

“Alam ko...” matipid na sagot ng matanda. Ibinaba nito ang tingin sa nakayapak na mga paa. Nawala ang tapang na bitbit nito kani-kanina lang, bago nito lapitan ang Bakunawa.

Libong-taon nang nabubuhay ang bathala. Alam niya ang kaibahan ng respeto sa takot. Sa harap ng mga diwata ng Kalangitan, ang paggalang ay sinisimbolo ng hindi pagtingin sa mga mata ng mga Diyos na ito. Sa harap ng Bakunawa, ang takot ay pagtingin sa lahat, maliban sa kanya.

“Malapit na ang Balangay. Natatanaw ko na ito sa hamog,” ani ng Bakunawa. 

“Kailangan kong makabalik, Bakunawa,” nagmamakaawang tugon ng matandang lalaki. “Walang ibang bubuhay sa pamilya ko, kundi ako lang. Ako lang ang inaasahan nila. Parang awa mo na, Bakunawa. Tulungan mo ako.”

Inilipat ni Bakunawa ang tingin mula sa laot, papunta sa katabi. Ngumiti siya rito.

“Mukhang magaan ang biyahe ng Balangay ngayong gabi,” deklara ng Bakunawa, bago siya bumalik sa tunay na anyo. Nawala ang hugis-taong anino na bumabalot sa presensya niya. Unti-unti siyang lumaki at tumaas. Una ay hanggang sa sukat ng pinakamataas na puno ng niyog na nakapalibot sa dalampasigan, hanggang sa dahan-dahang naging kasing-laki siya ng tatlong punong pinagpatong-patong, at nang lumaon ay mas malaki at mas mahaba pa rito. Ang kanina ay normal na katawang-lupa ng isang lalaki, ngayon ay isang malaking itim na dragon, na may mahabang katawan at buntot na singhaba ng buong dalampasigan, na kayang mahawakan ang langit kung aabutin niya ito. Walang anu-ano ay sinakmal ng Bakunawa ang matandang lalaki, buong-buo, at saka ito nilunok.

Agad na lumusong sa dagat ang Bakunawa. Inabangan ng bathala ang paglapit ng bangkang sinasakyan ng Bathalumang Maguayan. Galing ito sa Kalupaan upang sunduin ang mga kalag na papatawid sa kabilang buhay. Dadaan ito sa liwanag ni Libulan upang hakutin ang mga kalag na naipon nitong nagdaang dalawampu’t-walong araw. Ngunit alam ni Bakunawa na sa gabing iyon ay walang makakarating na kaluluwa sa Tawid-dagat. Alam niyang mawawalan ng liwanag ang buwan sa langit. At may isang mangingisda na gigising sa higaan nito sa kalaliman ng gabi, takot na takot nang matauhan sa sariling bangungot. Makikita nito ang pamilya sa kanyang tabihan, nag-iimpake ng mga gamit para lumipat ng matutuluyan.

May nag-ampon sa dalawang anak nitong babae, para manilbihan sa isang mayamang pamilya. Ang lalaking anak nito ay namasukan sa pier bilang tagahila ng mga lubid. Ang kanyang asawa naman ay naghahanda na para makauwi sa probinsyang pinanggalingan nito. Habang ang matandang mangingisda, naging isang nilalang na tumutulay sa pagitan ng aparisyon at katotohanan. Ito ay naging isang multo na wala na ngayong patutunguhan, habambuhay na magmamasid sa pamilyang pinag-alayan ng isang kahilingan. Ang katumbas ng katuparan nito ay ang pagkawala ng sariling parte sa buhay ng mga pinakamamahal. 

 

Nagising si Tomas sa kanyang mga sigaw. Binabangungot na naman siya. Sa dami ng beses siyang binangungot sa loob lang ng ilang araw, pakiramdam niya ay hindi na niya alam ang kaibahan ng totoo sa hindi. Kanina nga lang ay pakiramdam niya, totoong kausap niya si R-Ji sa tabing-dagat; nakatayo sila katabi ng isang malaking bangka. At ang mas nakakaloko pa d’yan, naging mukhang deformed na half-dragon, half-human si Tomas. Akalain mo nga naman ‘yon? Pawindang na nang pawindang ang imagination niya. 

“Ayos ka lang ba, Tomas? Bakit ka sumisigaw?” nag-aalalang tanong ni R-Ji sa kanya. Nakasakay sila sa malaking gintong bangka na kasalukuyang pumapalaot. Ramdam ni Tomas ang hampas ng hangin. Natitilamsikan siya ng tubig mula sa mga alon na sumasalubong sa kanila.

“Puta, totoo ‘yon?” dismayadong ungot ni Tomas. Sinilip niya ang sariling repleksyon sa gilid ng bangka, at nakumpirmang naroon pa nga ang sungay niya sa noo at ang kanyang mahahabang kuko. Pati ang mga mata niya ay kulay-dilaw pa rin na may patayong itim sa gitna. “Hindi na ba talaga ako nananaginip?”

“Hindi na nga,” sagot ni R-Ji. “Alam mo, ang kinakatakot ko, baka hindi rin panaginip ‘yung mga napanaginipan mo ‘ka mo nitong mga nakaraan eh.”

“Puta,” napabuntong-hininga si Tomas. “Ewan ko, pre. ‘Di ko na alam kung alin ang mas okay. Kung mas maganda ba na totoo ‘to o hindi. Para mo na rin akong pinapili kung alin ang mas gusto ko, mabaliw o isumpa.”

Inalalayan ni Tomas ang sarili para makatayo. Nakaabang lang sa kanya si R-Ji, na nakapwesto malapit sa manibela ng bangka. Hindi nito minamaniobra ang sasakyan, at nakatuon lang ang atensyon sa kausap. Parang hindi na rin naman ito kailangang gawin ni R-Ji dahil tila umaandar mag-isa ang bangka.

“Sa’n tayo papunta?” usisa niya. Mataas pa rin ang sikat ng araw. Maliwanag pa rin ang langit nang sipatin ito ni Tomas. Sa malayo ay tanaw ang kalmadong dagat. Sa mas malayo pa, sa abot-tanaw, batid ang walang hanggang tubig at alapaap.

Puno ng kalituhan ang mukha ni R-Ji. “Hindi mo matandaan?”

“Ang alin?” Kinabahan si Tomas.

“’Di ba sabi ko iuuwi kita sa Kalupaan?”

Natameme si Tomas. Hindi niya maintindihan ang kuryusidad sa mukha ng kasama. Kahit anong pilit niyang intindihin ang ibig sabihin nito ay tumatakas lang sa kanya ang sagot. Puno na ng mga patlang ang memorya niya. Kung ano man ang napag-usapan nilang dalawa ni R-Ji bago ito, hindi na niya maalala.

“Oo nga pala,” pagsinungaling niya.

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet