Hindi mabilang na kaluluwa

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Nagpira-piraso na nang tuluyan ang basong pinaglalagyan ng tubig na hinaluan ng dugo ng tatlong tao. Para makaiwas sa mga bubog na naglipana mula rito ay napalundag paatras si Mo, pati na rin si Jao na galing pa sa kaninang pagkakasalampak sa bangketa.

“Whoa! Mo, what’s going on now?” dama ni Jao ang pagka-alarma sa sariling boses. 

‘Yan din mismo ang ipinagtataka ni Mo ngayon. Isa pa, hindi maaaring matapon ang tubig. Ito ang pinakamahalagang batas ng ritwal. Dahil kung mauubos ang tubig sa baso, hindi lang mawawala ang oras para makabalik nang ligtas sina Tomas at Dayang Mariya, maaari rin itong maka-apekto mismo sa kanilang mga alaala at pagkakakilanlan bilang magkaibang tao. Maraming komplikasyon. Hindi alam ni Mo kung anu-ano ang mga ito, dahil hindi pa ito nangyayari dati. Pero ang sigurado lang ng dating Datu, ay masamang balita lang ang hatid nito sa kanila.

“’Diba sabi mo, hindi pwedeng matapon ‘yung tubig?” paalala ni Jao.

“Imposible nga rin na mabasag ‘yung baso, Jao. Pero tignan mo naman, halos nagbutil-butil na ‘yung mga bubog sa pagkapino,” itinuro ni Mo ang kaninang pwesto ng baso, na ngayon ay napapaligiran na ng mga maliliit na piraso nito. Nagmistula iyon na mga nitso ng mga nilalang na kasinlaki lang ng langgam, sa isang sementeryong ga-isang dipa lang ang lawak.

Ginawa ni Mo ang ritwal na ito para sa kanyang sarili. Isang pandaraya na inimbento ng dating Datu ng Karagatan para makasilip muli sa dati nitong mundo. Hindi maibabalik ng ritwal ng Isagunita ang buhay ni Mo bilang si Datu Amanikable, pero kaya nitong maisabuhay sa kanyang isip ang kanyang mga alaala, at maiparanas sa kanya ang nakaraan, na parang nanonood lang ng isang pelikula. Pwede nitong paulit-ulitin ang mga iyon, kahit kailan gustuhin ni Mo, para maibsan ang kanyang pagka-miserable sa sitwasyon na nagkukulong sa kanya nang mahabang panahon.

Ang tubig ang kanyang kinatawan bilang kanyang anyo sa mga alaalang lumipas. Ang baso ang markahan para manatili ang nakaraan sa nakaraan. Ang mga patak ng dugo ang nagsisilbing paalala ng kanyang kasalukuyan na nais pang muling balikan. Ang pinaghalu-halong elemento na ito ang bumubuo sa kabal na kung tawagin ay Bunyag, at isa sa pinaggagamitan nito ang inimbento ni Mo na ritwal ng Isagunita.

Ngayong wala na ang lahat ng simbolong ito, mahihirapan nang makabalik agad sina Tomas at Mariya sa mundong pinanggalingan nila.

Ano na kaya ang nangyayari sa dalawang iyon? Bakit ganito ang naging reaksyon ng baso? Higit pa dyan, kakaiba rin na walang tubig na natapon. 

“Hindi ba malinaw ang instructions ko? Bumalik sa memories nila, hanapin si Milagros para makipagpalit ulit ng pwesto si Mariya dito, para makabalik na siya sa Kalangitan, at makatulong sa pagpigil na mangyari ang nagbabadyang mangyari,” inisa-isa itong lahat ni Mo sa kanyang sarili, at inalam kung alin dito ang maaaring naging sanhi ng malaking kapalpakan na nasasaksihan nilang dalawa ni Jao ngayon. “Madali lang naman, ‘di ba?”

“Maybe they got caught up in something? Maybe they found something along the way,” hula ni Jao.

Nagpantig ang tainga ni Mo sa sinabi ng kanyang kasama na may blond na buhok. 

“Sabi na nga ba eh,” bulong ni Mo sa sarili.

“Huh? Mo, may sinasabi ka?”

Tinitigan ni Mo si Jao nang mga ilang segundo, taimtim na pinag-iisipan ang sasabihin. Nang makapag-desisyon ay agad nitong ibinahagi sa kausap ang kanyang naging konklusyon. “Si Tomas ang Bakunawa.”

“Who? What?” naguguluhang tanong ni Jao. “You mean, like the sea serpent in Philippine mythology? ‘Yung kumakain daw ng buwan during eclipses?”

“Dragon ang Bakunawa, Jao. Isang dragon na tumutuligsa sa pamamalakad ng mga Bathala. Kinulong ito sa ilalim ng dagat bilang parusa.”

Unti-unting nakaramdam ng panlalamig sa kanyang buong katawan si Jao. Hindi nito agad napansin ang kaguluhang namumuo sa kanyang isip at damdamin, sa takot na kapag pinagtuunan nito iyon ng pansin ay magkakatotoo itong lahat. Sa isip ni Jao, kung hindi nito iisipin nang matagal, ay baka hindi maging ganap ang kahihinatnan ng mga pangyayari. Na baka, kung hindi papansinin ni Jao, ay hindi kailangang magkaroon ng pisikal na manipestasyon ang kanyang mga takot at alinlangan.

Kung isang malaking palaisipan lang ang lahat kay Jao, ay baka sakaling hanggang isip lang itong lahat para sa kanya.

Pero ngayon ay unti-unti nang nagkakaroon ng porma at pangalan ang mga kanina ay takot at pakiramdam lang.

Kanina ay gut feeling lang ang pagka-wirdo ni Mo bago nito sabihing isa itong diwata. Kanina ay thought-provoking conversation lang ang pagkagunaw ng mundo bago makita ni Jao ang takot sa mata ni Mo nang mabasag ang baso. Kanina ay eccentric storyteller with a rich imagination lang ang kanyang Kuya Tomas bago sabihin ni Mo ang pangalan ng Bakunawa.

“That’s just that, Mo. Mythology,” mahinang tugon ni Jao. “Legends. Bedtime stories.”

Makahulugan ang mga matang nakatitig ngayon kay Jao. Hindi kumukurap ang mga ito. Mabigat ang mga dala nitong impormasyon kahit wala pa itong anyo bilang mga salita at tunog.

“Mahilig si Tomas sa mga kwento,” umpisa ni Mo.

“Y-yeah, he’s quite the storyteller. He likes fantasies the most,” sagot ni Jao, bagama’t hindi maintindihan kung saan patungo ang mga tinuran ni Mo.

“Kaya kailangang burahin ang alaala niya, dahil hindi gagana ang plano kung alam niya ang pagkakalatag ng mga pangyayari. Malalaman ng mga bathala ang alam niya kung ganon.”

“...Okay?” Anong pinagsasabi nito ni Mo?

“Nung una kong nakilala si Tomas, may napansin ako sa kanya. At tama nga ang hinala ko na kahit siya mismo sa sarili niya, ay hindi alam kung ano ang mali sa kanyang pagkatao.”

“Okay. Mo, just get to the point,” inip na saad ni Jao.

“Sa mundo ng mga diwata, lagi kaming binabalaan gamit ang isang mito. Ang bawat kagustuhan ay may hinihinging katumbas na kapalit... Palit-pwesto,” habang sinasabi iyon ni Mo ay nararamdaman din nito ang pagtindig ng kanyang mga balahibo. Kita ng dating Datu ang pagka-irita ni Jao sa kanyang mga sinasabi na tila wala namang pinatutunguhan.

“Jao. Takot ka ba sa multo?”

“Oh, god. Ano na naman ‘to this time, Mo?”

Itinuro ni Mo ang kanyang tinutukoy. Habang buo ang atensyon ni Jao na nakatuon sa kanya, nahagip ng mata ng dating Datu ang pwesto kung nasaan kanina ang baso na ngayon ay nagkapira-piraso na. May umaakyat na hamog mula sa lupang pinagpatungan nito. Unti-unting bumabalot ang hamog sa paligid nila, hanggang sa tuluyan na itong kumalat sa kahabaan ng kalsada, paangat nang paangat hanggang sa maging sina Mo at Jao ay nababalutan na nito.

Ang parte ng katawan ni Mo na nadampian ng hamog ay unti-unti ring nagbago. Ang kanina ay lalaking may masiglang kayumangging balat, ay naging kulay-berde na balot ng mga kaliskis na may iba’t ibang mala-bahagharing kulay. Pinaglalaruan nito ang bawat pagtama ng kahel na liwanag ng streetlight, na tila pinagsasayaw ang repleksyon ng mga ito. Napalitan ng palikpik ang mga tainga nito, at maging sa pagitan ng mga daliri nito sa mga kamay. May nakausli ring mahabang mala-buntot ng isda na nagtatago sa likuran ni Mo, na nakikita ni Jao mula sa pagitan ng mga paa nito. Humaba nang hanggang balakang ang mga nakatirintas na piraso ng kanyang buhok, na nagmistula nang mga sala-salabat ng damong-dagat. Nawala ang puti sa mga mata ng lalaki, na ngayon ay tuluyan nang naging mala-siokoy ang hitsura. Dalawang itim na itim na bilog ang nakatitig kay Jao. Mababatid pa rin ang mukha ni Mo sa kabila ng mga ito, bagama’t ang dati nitong tuwid na mga ngipin ay mga hilera na ng matutulis na pangil. 

“Ah—!”

“Kalma, Jao! Ako pa rin ‘to, si Mo. Ito lang ang anyong kataw ko.”

“And what is that this time?”

“Sirena,” sagot ni Mo, pilit pinapa-kaswal ang tono para hindi tuluyang maalarma si Jao. Pero lingid sa kaalaman ni Mo ay nagbago na nang tuluyan ang kanyang boses. Hindi pa kasi nararanasan ng Datu ng mga Kataw na mabuhay sa Kalupaan nang ganito ang anyo. Kung malalim na ang kanyang boses bilang taga-Kalupaan, ay lalo pa itong lumalim, na halos tila ugong na lang ang kanyang boses bilang diwata. Nararamdaman ni Jao bilang vibrations sa hangin ang bawat letra ng mga salita ni Mo.

“Itatanong mo kung takot ako sa multo, eh hindi ka naman multo! Sana tinanong mo kung takot ako sa deep-sea creatures.”

“Hindi naman ako ‘yung multo, Jao. Ayun oh!”

Itinuro ni Mo pataas ang kanyang daliri na ngayon ay may palikpik na ang bawat pagitan. Sa himpapawid, napapaligiran sila ng usok na gumagalaw. Umiinog ito na parang kumpol ng mga maninipis na ulap. Kapag nilaliman ang pag-obserba, makikita mong tila nagkakaroon ng mga mukha ang

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet