Piraso ng nakakahon na mga alaala

Ang Gabing Nahulog Ang Buwan
Please Subscribe to read the full chapter

Puting kumot ng liwanag ang tumakip sa mga mata ni Tomas, pagpasok nila sa kuwebang kanilang nilangoy, pababa sa pinakamalalim na parte ng dagat. Ilang segundo siyang halos walang ibang makita, bukod sa ilang maliliit na tuldok-tuldok sa kanyang paningin, na mistulang mga alikabok na nagsisipag-lutangan sa ibabaw ng nakakasilaw na paligid. Sa napakaikling pagkakataon na iyon, ay muling naramdaman ni Tomas ang kanyang pag-iisa sa mundo, at kung gaano siya kaliit kung ikukumpara sa kalawakang nagkukulong sa kanya. 

Nang manumbalik ang kanyang paningin, at luminaw na muli ang lahat, at nang humupa ang nakakalunod na liwanag, ay si Mariya ang una niyang nadatnan. Wala na sila sa kailaliman ng tubig. Himala na hindi basa ang kanyang suot na damit at sapatos. At hangin na ulit ang pumapasok sa mga bagâ niya. Malamig ang simoy at banayad ang haplos nito sa kanyang balat. Malamlam ang sikat ng araw sa umagang iyon. Pero, sa mga ganitong lugar naman, ay alam ni Tomas na hindi na mahalaga ang oras. Maliwanag lang ang ibig sabihin ng maliwanag. At madilim naman kung madilim. 

Pakurap-kurap din si Mariya habang inililibot ang mga mata nito sa paligid. Mistulang kakagising lang nito mula sa isang mahabang panaginip. Nagkusot ng kanyang talukap ang dalaga, gamit ang likod ng kanyang hintuturo, bago sinalubong ang mga tingin ni Tomas. “Ito na kaya ‘yun?” tanong nito sa kanya.

Sinagap ng mga mata ni Tomas ang kabuuan ng lugar. Pinapaligiran sila ng mga matataas na puno sa kanilang magkabilang gilid. May mahabang ilog sa kanilang harapan, kung saan tuloy-tuloy na umaagos ang tubig rito, mula sa kuweba na pinanggalingan nila kanina. Nilingon ni Tomas ang naturang kuweba, pero hindi na niya makita ang kabilang panig kung saan sila nagmula. Nakatayo sila sa batu-batong tabing-ilog. At sa dulo ng kanyang abot-tanaw ay may isang lumang tulay, na tumatawid sa ibabaw ng pinakamalalim na parte ng tubig, at nagdudugtong sa magkabilang bahagi ng lugar kung nasaan sila ngayon, at ng kasunod na destinasyon mula dito.

“Sa may amin ‘to ah,” ani ni Tomas nang mamukhaan ang paligid. Nasa parehong lugar sila kung saan niya unang nakita ang kakatwang sinag na nagmumula sa hindi-pangkaraniwang ulap, isang mabagal na umaga. Dito niya unang nakadaupang-palad si Rajah Taneo. At dito niya rin unang narinig ang pangalan ni Mariya. Ito nga ang parehong ilog na iyon. Ang tanging kaibahan lang nito, ay yari sa lubid at kahoy ang tulay, kahit malinaw sa alaala niya na matagal nang naayos iyon at napalitan ng konkreto at bakal. “Dito nga ‘yun.”

“Dito ka nakatira?” kunot-noong tanong ng dalagang kasama niya.

“Malapit lang ‘to sa bahay namin sa probinsya,” puno ng magkahalong saya ng pag-alala at lungkot ng pangungulila ang boses ni Tomas. Panandaliang pinalabo ng kapanglawan ang kanyang paningin.

Agad na napabalik sa ulirat si Mariya, at biglang napaayos ng tayô. “Teka, sa inyo ‘to? ‘Di ba, sabi ni Datu Amanikable, dapat sa isang lugar na parang Kalangitan tayo mapupunta?”

Nagkibit-balikat si Tomas. Nakapako pa rin ang titig niya sa lumang tulay. Mula sa panig na manggagaling sa bayan, ay may isang pigura na lumitaw. Naglakad ito hanggang makarating sa bandang gitna ng tulay, kung saan mas nakita na ni Tomas nang malinaw kung ano iyon. Isang tao, lalaki. Nakasuot ito ng puting baro at kulay-lupang pantalon. Natatabunan ng salakot sa kanyang ulunan ang mukha nito. Mula sa kinatatayuan nila, ay wala nang ibang makitang pagkakakilanlan si Tomas sa naturang lalaki. Kaya naman, walang isip-isip siyang napatakbo sa direksyon nito. Hindi na namalayan ang nagitla at agad ding napasunod na si Mariya. Ni hindi na niya naririnig ang mga sinasabi ng dalaga sa kanya.

“Tomas! Huy, Tomas! Ano ka ba? Bakit bigla-bigla kang tumatakbo dyan?” bulyaw sa kanya ng dalagang tumatakbo sa kanyang tabi. Doon niya pa lang napansin na muntik niya na pala itong maiwan.

“Sorry, Mariya. May nakita kasi ako,” itinuro ni Tomas kung nasaan ang lalaki sa tulay. Nakakalahati na nito ang kabuuan ng nilalakbayan, at malapit na itong makatawid sa direksyong papunta sa lugar ng tirahan nila Tomas. “Ayun oh.”

“Eh bakit mo pupuntahan? Si Milagros ang pakay natin dito, ‘di ba? Hindi naman mukhang si Milagros ‘yan.”

Bumagal man ang takbo ay hindi pa rin ito sapat para mapahinto si Tomas. Nauwi sa lakad ang kanina niyang pagkaripas, pero hinahabol pa rin ng kanyang tingin ang paggalaw ng lalaki. Nakababa na ito sa tulay. Tinatahak na nito ang baybay ng tabing-ilog sa kaliwa nila. Sa memorya ni Tomas ay kalsada na iyon. Pero sa mga mata niya ngayon ay lupa-lupang batuhan ang dinadaanan ng lalaki. Halos isa’t kalahating metro lang ang taas nito sa kung nasaan sila ni Mariya, na mas malapit sa tubigan. May kabagalan ang paglakad ng lalaki, kaya naman kung aakyatin ni Tomas ang kalsada ay maaabutan pa nitong makasalubong ang lalaki, bago pa ito tuluyang makalampas sa kanila.

Muli, wala sa sarili na naman siyang napaakyat sa bahagyang nakatabinging lupa. Pataas ito mula sa pinanggalingan niya. Hindi naman ito gaanong matarik, kaya hindi rin kinaillangan ni Tomas na gapangin pa ang pagpanhik dito. Panay-bahid na ng alikabok ang sapatos ni Tomas. Kumakapit na rin iyon sa laylayan ng kanyang pantalon.

Mabilis na sandali lang ang lumipas bago tuluyang nakatuntong si Tomas sa lupang kalsada.

Narinig niya ang humihingal na dalaga sa kanyang tabihan. Sumunod na naman ito sa kanyang pagmamadali. Nakahawak sa sariling baywang ang isang kamay nito, habang ang isa pa ay ipinandakma sa kabuuan ng buto sa balikat ni Tomas. “Sabihan mo naman ako kung saan ka pupunta sa susunod. Nakakabigla ‘yang pagtakbo-takbo mo eh.”

“’Yung lalaki nga kasi!” maingat, at halos pabulong na lang, ang natatarantang tugon ni Tomas. Inginuso niya kay Mariya ang direksyon ng lalaking papalapit na sa kanila. Nakatakip pa rin sa kalahati ng mukha nito ang salakot sa kanyang ulo. Kaya hindi pa rin makita ni Tomas ang hitsura nito. Pero dahil mas

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
Lakanamihan
SHAMELESS PROMOTION: BLACKMOUTH — a mystery-thriller crime fic starring Minghao and the rest of SVT https://www.asianfanfics.com/story/view/1551959/blackmouth

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet