2. Kyusi
Silid“Sasamahan ko lang si Aeri sa Watsons.”, pagpaalam ng partner ni Yuri. “Ayaw nyo ba talagang sumama?”
“Hindi na.”, sagot ni Yuri at tumingin sa'kin. “Pupunta kami ni Sugi sa Tom’s World.”
“Totoo?!”, sabad ni Aeri. “Congrats, Sugi. Sunod kami mamaya.”
Tinapik ni Aeri ang balikat ko at nginitian naman ako ng girlfriend ni Yuri. Umalis na rin agad sila.
Tinignan ko si Yuri nang masama. “Ikaw na lang mag-isa ang magpunta don.”
“Sugiiiiii”, pag-baby talk niya na nagpa-ismid sakin. “Samahan mo lang ako. Sige na.”
Hinayaan ko lang na nakakapit siya sa braso ko habang naglalakad kami, halos kinakaladkad niya ako. Natanaw ko na yung amusement center, bumibigat na ang pakiramdam ko.
“Oh, nandito na tayo.”, nakangiting sabi ni Yuri pero bakas sa muka niya ang pag-aalala. “Anong nafi-feel mo?”
Tinignan ko saglit yung loob. “Hindi ko pa rin kaya.”
“Okay ka lang ba? May dala pa rin akong inhaler.”, ilalabas na sana ni Yuri yung inhaler pero pinigilan ko siya.
“Pasensya na, Yuri.”
Pinisil niya yung pisngi ko bago nagsalita. “Bawal malungkot kapag kasama si Yuri, okay? May gusto ka bang gawin?”
“Ang sakit naman!”, hinawi ko yung kamay niya at tumingin sa paligid, nakakita ako ng bookstore. “Mahilig ka bang magbasa?”
“Muka ba akong nagbabasa?”, tumawa siya at tumingin din sa paligid. “Gusto mong magpunta don?”, tinuro niya yung bookstore.
Tinignan ko lang siya, kinakapa ko kasi kung gusto rin ba niya o baka napipilitan lang siya.
“Tara, bibili na rin ako ng cookbooks.”
Gumaan ang pakiramdam ko. Naglalakad na kami at tinitignan ko lang ang kamay ni Yuri na naka-kapit sa kamay ko.
Hindi magaling ‘tong taong ‘to sa salita pero may mga pamamaraan siya para mapalagay sa kanya yung mga tao sa paligid niya.
Pagkahatid namin kay Aeri sa dorm nya, hinatid na rin ako nila Yuri dito sa terminal. Hindi kasi kami sigurado kung may maaabutan pa akong bus pauwi sa amin, gabi na rin kasi.
“Sugi, sigurado ka bang uuwi ka pa? Gabi na oh. Samin ka na lang muna matulog.”
“Baka kasi hindi ulit ako makatulog sa inyo.”, inayos ko na ang mga gamit ko. “Salamat. Pero nandito na rin naman tayo. Kaya ko na ‘to.”
“Akina mga gamit mo. Iha-hatid kita sa loob ng bus.”
“Yuri, hindi naman ako baldado. Wala akong sakit.”, binuksan ko na ang pinto ng sasakyan. “Bye, ate Jess, salamat.”
“Bye, Sugi. Thank you for celebrating Yuri’s birthday with us. Mag-ingat ka.”
Napapikit na lang ako dahil nung bumaba ako ng sasakyan, bumaba rin si Yuri at dinala pa rin ang mga gamit ko. Hindi ko na pinigilan, hindi naman kasi magpapapigil ‘yan.
“Kuya, may bakante pa ba diyan?”, tanong ni Yuri sa isang unipormadong lalaki sabay turo sa bus.
“Meron pa po, ma’am.”, sagot ng lalaki.
“Lakad na, Sugi. Sumakay ka na.”, inabot niya sakin yung bag ko. “Hihintayin na namin makaalis bus nyo bago kami umalis.”
“Huwag na. Baka gabihin din kayo.”, sagot ko naman. “Umuna na kayo, kaya ko na ‘to.”
“Ma’am, sasakay po ba kayo?”, sabad nung unipormadong lalake. “Aalis na po ang bus ngayon. 8pm na po kasi.”
“Sakto pala. Lakad na sumakay ka na.”, tinapik ni Yuri ang likod ko.
Habang naglalakad ako palapit sa bus, nararamdaman kong sinusundan niya ako. Ang kulit talaga.
Nakatuntong na ako sa bus pero bago pa ako tuluyang makapasok sa loob, humarap ako kay Yuri na ngayon ay nasa tapat ng pintuan. “Happy birthday, Yuri.”
Nginitian niya ako bago ako tumalikod at naglakad.
“Sige po, Ma’am. May dalawang bakanteng upuan pa sa likod.”
Comments