10. Kyusi
Silid🎵 Tahimik na ang buong mundo
‘Di ko namalayan, biglang ikaw lang at ako 🎵
Para akong nasa paraiso. Sobrang liwanag ng paligid. Malinaw ang kulay ng mga damo, dahon at puno. At tanging ang ihip ng hangin kasama ng huni ng mga ibon lang ang naririnig ko.
Nasaan ba ako?
Naglakad-lakad ako, nagbabaka-sakaling may makita ako na pamilyar sa isipan ko. Wala kasing katao-tao at halos lahat ay bago lang sa paningin ko.
“Sugi…”, pag-tawag mula sa pamilyar na boses.
Irene.
Pinaghalong tuwa at lungkot ang naramdaman ko nung muli ko siyang nakita.
Lumapit siya sa akin na nakangiti pa rin. Katulad sa mga araw na tinandaan ko sa memorya ko.
“Bakit nandito ka?”
“Bakit nandito ka rin?”, halos pabulong na balik-tanong ko.
“Siyempre. Birthday ko eh.”, muli kong narinig ang pagtawa niya. “Malungkot ka na naman ba?”
Sandali kaming nanahimik. Umupo ako sa isang bakal na mahabang upuan na katulad sa park malapit sa’min. Sumunod siya sa akin at umupo rin.
Bumuntong hininga ako. “Hindi ka raw totoo.”
“Naniniwala ka ba?”
Hindi ako makasagot. Nakatingin lang ako sa mga puno na isinasayaw ang mga sanga sa hangin.
“Alam ko naman na alam mo yung totoo.”, sabi niya na kahit hindi ako nakatingin ay alam kong nakangiti siya.
Nakakabingi ang katahimikan. Naninibago ako dahil ang tahimik niyangayon, dati naman ay hindi siya nauubusan ng sasabihin. Sinulyapan ko ang muka niya. Nakakagaan ng loob ang itsura niya habang pinapanood ang mala-paraisong tanawin. Hindi man siya gaanong madaldal ngayon, nandito pa rin ang parehas na pakiramdam na ikinakasaya ko kapag magkasama kami noon.
Payapa.
“Iniinom mo pa rin ba yung mga gamot mo?”, tanong niya.
“Hindi ako umaabsent.”, naka-ngiting sagot ko. Naalala ko kasi yung bilin niya dati.
Tumango-tango siya. “Good news ha.”
Hindi ko maiwasang titigan siya… ang muka niya na hindi maka-tao.
Comments