Isa, Dalawa, Tatlo, Susugal Ako

Please Subscribe to read further chapters

Description

Sugal ng pagmamahal na hindi kailanman magiging madali.

Foreword

Seulgi

 

Hindi ito ang unang beses na nangyari ito, at mukhang hindi pa ito ang huli. 

 

Nakatungkod ang pareho mong siko sa lamesa habang nakapatong ang mukha mo sa mga kamay mo, malayo ang tingin ngunit nakatuon lamang sa iisang taong may ilang mesa ang layo mula sa pwesto mo. 

 

Paulit-ulit na iniikot ang kaniyang mga mata tuwing magtatagpo ang mga tingin niyo, bahagya kang natawa. Kung noong una ay naguguluhan ka pa, ngayon hindi na. 

 

"Magkaaway na naman ba kayo?" 

 

Naupo si Jisoo sa tabi mo, sumakabilang bakod muna kayo habang mainit pa ang ulo niya sa'yo.

 

"May kinausap ka na naman bang sinabi niyang layuan mo?" 

 

Si Lisa naman ang nagtanong, hindi mo sila pinapansin dahil nasa isang tao lang ang atensiyon mo.

 

"Naku! Napakaselosa niyang bestfriend mo, e 'di ba bestfriend lang naman kayo?" 

 

Si Moonbyul na kumaway-kaway pa sa harap mo para lang maagaw ang atensiyon mo.

 

Saka ka lang umayos ng upo, dala na nila ang pagkaing pinabili mo dahil abala kang titigan ang isang tao.

 

Magsisimula ka na sanang kumain ng muli kang bumaling sa kaniya, at muli ka niyang inirapan.

 

Napangiti ka, inis na inis na siya pero tuwang-tuwa ka pa.

 

Nakatanggap ka ng batok mula kay Lisa.

 

"Para kang tanga. Kung hindi ka lang straight iisipin kong may something sa inyo. Ibang level ang pagiging bestfriend niyo eh. May selosang hindi naman dapat." Mahabang lintanya niya.

 

Nang-aasar na tumawa si Moonbyul.

 

"Totoo! Dinaig niya pa ang Solar ko sa pagkaselosa. Magkaibigan lang naman kayo ah."

 

Napailing ka, ilang beses na ba nilang sinabi iyan sa'yo? 

 

Marami na, kaya pinag-walang bahala mo na lang ang mga sinasabi nila.

 

"Kung anu-ano na naman pinagsasabi niyo." Umiling ka na lang saka nagsimulang kumain ng tanghalian mo.

 

Hanggang sa loob ng klase ay lumilipad ang isip mo, nag-iisip ka na naman ng panibagong pakulo para magkaayos kayo. 

 

Naalala mo 'yong huli niyang sinabi sa'yo bago siya nainis sa'yo.

 

"Bumili ako ng art materials, magpapaturo sana akong magdrawing sa'yo." 

 

Nakangiti siya habang hawak niya ang bag na may lamang art materials, itinaas niya 'yon at ipinakita sa'yo.

 

"Bili ka nang bili ng ganiyan, dinidisplay mo lang naman sa bahay niyo. Totoo na bang magpapaturo ka?" Asar mo.

 

Nakatanggap ka ng mabilis at masakit na suntok sa tiyan dahil sa sinabi mo. Napangisi siya sa ginawa niya sa'yo. Ang bayolente talaga nito, sabi mo sa isip mo.

 

"Ah!" Hiyaw mo.

 

Agad kang napangiwi sa sakit, hinimas mo ang parteng sinuntok niya. Agad na nawala ang tuwa sa kaniyang mga mata at napalitan ng pag-aalala.

 

"Sorry! Sorry! Masakit ba?" Nag-aalalang tanong niya.

 

Gusto mong matawa, kasi kahit siya ang may gawa. Nag-aalala pa rin siya.

 

"Seryoso na nga kasi, magpapaturo ako. Pero hindi muna siguro ngayon." 

 

At naisip mo na kung paano ka makakabawi sa bestfriend mo.

 

Nasa locker ka para kuhanin ang duffel bag na nalaman ang  mga pamalit mo dahil may practice kayo ng sayaw na ipeperform niyo. Nagulat ka sa pagbukas mo ay bumungad sa'yo ang tatlong piraso ng sunflower na may nakataling kulay puting laso.

 

Ang katabi mong usisera na si Lisa ay agad na dumungaw sa locker mo dahil nakita niya ang pagkagulat mo.

 

"Huy ano 'yan! May admirer ka? Tignan mo baka may note na iniwan!" 

 

Imbis na ikaw, siya ang naghalughog sa loob ng locker mo. Pero bigo siya dahil wala siyang nakitang bakas ng kung kanino man galing ang tatlong piraso ng bulaklak na iyon.

 

"Uy!" Pambubuyo niya.

 

Hindi mo pinansin si Lisa at dumiretso ka na sa shower room para magpalit ng gray na sweatpants na tinernuhan mo ng white na oversized shirt na itinali mo ang harap at ang paborito mong converse. 

 

Hindi ka tinantanan ni Lisa hanggang sa makarating kayo sa dance hall kung saan kayo magpapractice na magkakagrupo. 

 

"Hoy! Alam niyo ba, si Seulgi!" Sigaw ni Lisa ng makapasok kayo.

 

Agad na nagsilapitan ang mga kaibigan mo, halatang sabik sa chismis na hatid ng usisera sa inyo.

 

Imbis na humalo sa kanila ay dumiretso ka ibang direksiyon para ilapag ang duffel bag mo. Nahagip ng mga mata mo sa malaking salamin na nasa harap no'n ang isang taong nakatingin sa'yo.

 

Siya lang naman ang dahilan kung bakit inis sa'yo ngayon ang bestfriend mo, nakita niya kasi kayong magkasama sa library habang ginagawa ang pinapagawa ng prof niyo. Siya kasi ang partner mo.

 

"Seulgi, hi!" Nakangiting bati niya sa'yo.

 

"Hi, Tzuyu!" Bati mo pabalik sa kaniya.

 

Wala namang masamang batiin pabalik ang isa pang kaibigan hindi ba? 

 

"Naipasa ko na 'yong seatwork natin, okay na." Tinanguan mo lang siya. 

 

Gustuhin mo man siyang kausapin nang kausapin ngayon, iniisip mo na baka malaman na naman ni Irene. Baka imbis na maging maayos kayo ngayon, e, baka matagalan pa. 

 

Marami pa namang mata ang isang iyon sa paligid, hindi man ang mga kaibigan mo. Sigurado kang maraming magsasabi sa kaniya, hindi mo alam kung paano niya nagagawang mangalap ng tungkol sa'yo.

 

Dalawang oras ang inabot ng practice niyo, oras iyon ng major niyo kaya ayos lang. Para naman sa doon iyon. Kinuha mo ang duffel bag at dumiretso sa shower room.

 

Paglabas mo ng shower room ay nakaabang na ang mga kaibigan mo, malalaki ang ngisi nilang sinalubong ka sa paglabas mo.

 

"Mukhang hindi pa kayo nagkakaayos, mag-aaway na naman kayo no'ng bestfriend mo." Diniinan pa ni Moonbyul ang pagbigkas niya sa bestfriend.

 

"Ewan ko ba diyan, bakit hindi na lang aminin kung may gusto sa'yo. Hindi 'yong ginagawa kaming manghuhula kung may feelings ba siya sa'yo." Ani Lisa.

 

"Sa totoo lang, Seul. Alam yata ng lahat na magjowa kayo, kayo na lang dalawa ang walang alam." Dagdag pa ni Jisoo.

 

Napailing ka sa mga sinasabi nila, paulit-ulit at naririndi ka na.

 

"Magkaibigan nga lang kami, pareho rin kaming straight. Palibhasa mga baliko kayo." Iling na sabi mo.

 

Paano ka nga ba napadpad sa samahang ito? Sa inyong apat, ikaw lang ang natatanging straight at hindi mababaliko.

 

Isang kutos sa bunbunan ang inabot mo.

 

"In denial ka'ng puta ka! Matagal ka nang nagugulahan alam ko, marami ka na ring tanong. Alam mo ang sagot, ayaw mo lang tanggapin." 

 

Sinamaan mo ng tingin si Moonbyul dahil sa kutos na inabot mo, binalewala mo kunwari ang sinabi niya. 

 

"Ramdam kong minsan mo nang kinuwestiyon ang mga nangyayari sa inyo, syempre hindi mo aaminin. Sino nga bang bakla ang umamin agad hindi ba? Hindi mo naman talaga matatanggap sa una." Dagdag pa niya.

 

Hindi ka nagpahalata, pero tinatatak mo sa isip mo ang mga sinasabi niya.

 

Pagdating sa locker ay nakasunod sila sa'yo, gusto rin yatang usisain ang natanggap mo. Nag-uunahan pa silang dumungaw para makita ang bulaklak na sinasabi ni Lisa.

 

Mabilis mong kinuha ang kailangan mo para sa assignment niyo ngayong araw at iuwi sa dorm niyo, pero nakalusot ang mga kamay ni Jisoo at naabot ang bulaklak na wala ka namang balak na iuwi sa dorm niyo.

 

"Paano kaya nito nalaman na gusto mo ang sunflower? Hindi kaya galing ito sa bestfriend mo? Bumabawi sa pagiging selosa niya na hindi naman dapat?" Nakangising tanong ni Moonbyul.

 

Sa inis ay isinara mo na lang ang locker mo, pagharap mo ay nakita mo ang taong hindi mo inasahang makakasalubong mo sa mismong lugar na 'yon. Sa panahong lantad ang tatlong piraso ng bulaklak na hawak ng kaibigan mo. 

 

Mabilis mo iyong hinablot at isinilid sa duffel bag mo. Saka ka bumaling sa kaniya at ngumiti na para bang wala kang tinago.

 

"Ano 'yon?" 

 

Nakataas ang kilay niyang tanong sa'yo. Bakit nga ba naisip mo pang itago, e mukhang nakita na naman niya. Napakamot ka ng ulo.

 

"Wala lang 'yon."

 

"Anong wala? Nakita ko 'yon." Hindi siya nakumbinsi sa sinabi mo.

 

Narinig mong nagbubulungan na ang mga kaibigan mo sa likod, binubulungan kang sabihin mo na ang totoo o mas lalo siyang magagalit sa'yo. Nakakunot naman ang noo ng mga kasama ni Irene.

 

"Rene, malelate tayo." Saway ni Jennie kay Irene na hindi natitinag ang pagtitig sa'yo, hinihintay na sabihin mo ang totoo.

 

"Rene, mamaya na 'yan." Dagdag pa ni Joy, pero hindi pa rin talaga nagpapatinag ang babae sa harapan mo.

 

Siguro kung nakakamatay lang ang titig, kanina ka pa nadedz. Kinabahan ka na, hindi pa nga kayo nagkakaayos heto na naman. 

 

Galit na naman siya, pero kelan nga ba siya hindi nagalit sa'yo? 

 

Malelate sila kung pipilitin ka niyang sabihin ngayon ang gusto niyang marinig, pero hindi ka pa handa. Makikita ng lahat kung paano siya magalit, hindi pwede. Mas gugustuhin mong ikaw lang ang makakita no'n.

 

"Hyun, mamaya na. Malelate na kayo." Maliit ang boses na sabi mo, tama na lang na marinig niya.

 

Pinukol ka niya ng masamang tingin bago siya nagsimulang maglakad at lampasan ka. Doon ka lang nakahinga ng maluwang. 

 

Wala na kayong klase, kaya naman nasa cafeteria kayo habang hinihintay ang mga kasintahan ng kasama mo. Habang ikaw iniisip kung paano mo sasabihin kay Irene ang natanggap mo.

 

Hawak ang tatlong sunflower ay iniisip mo na ang mga sasabihin mo, naiimagine mo na rin ang galit niyang mukha habang nagpapaliwanag ka. Ilang beses na bang ganito? Bakit hindi ka pa rin sanay?

 

"Hindi ko pa rin talaga gets bakit ganiyan magalit si Irene, siya rin naman nagsasabing magkaibigan lang kayo." Pagbubukas ni Jisoo ng usapan, kayo na naman ang topic.

 

"Isa pa 'yon, in denial. Hindi rin maamin na totoong may feelings sa tropa natin." Sabat ni Moonbyul.

 

Nilingon ka ni Lisa bago siya nagsalita, "Hindi ko alam paano mo natitiis 'yan, magkaibigan lang kayo pero asal jowa siya. Napag-usapan niyo na ba 'yan?" 

 

Napaisip ka, napag-usapan niyo na ba ang mga kinikilos niya? Oo, at pinaliwanag rin niyang gusto niya ay sa kaniya ka lang. Hindi mo pa sinabi sa kanila, kasi ikaw mismo hindi mo maintindihan.

 

Kung sasabihin mo man, ipipilit lang nilang may gusto siya sa'yo. At ayaw mo 'yon dahil malinaw naman na wala talaga, ayaw lang niyang may kahati sa atensiyon mo dahil nga daw magbestfriend kayo.

 

"Hindi. At ayokong pag-usapan 'yan." Pagsisinungaling mo.

 

Malapit nang maubos ang pasensiya mo. Paulit-ulit na lang kasi, at hindi ka na natutuwa. Hindi ka na natutuwa kasi unti-unti naiisip mo, paano kung tama ang sinasabi ng mga kaibigan mo? Paano kung totoo?

 

Anong gagawin mo kung may gusto nga talaga sa'yo 'yong bestfriend mo? Take note, pareho kayong babae. 

 

Iiwas ka ba dahil awkward at alam mong hindi mo naman maibabalik sa kaniya 'yong nararamdaman niya? Lalayuan mo na lang para hindi na lalong lumalim ang feelings niya?

 

O hindi ka aalis kasi alam mong magiging mahirap at masakit ang paglayo mo? Kasi hindi siya ibang tao, bestfriend mo. Nasanay kang nandiyan siya sa tabi mo, at ganoon rin siya sa'yo. Kung mawawala ang isa, paano ang isa? 

 

Hindi ka na nila sinali sa usapan, pinabayaan ka nilang abalahin ang sarili mo sa pag-iisip. Dalawang oras rin kayo roon, natagalan dahil may last minute quiz ang last subject nilang major. 

 

Hindi mo na siya hinayaang makaupo, hinawakan mo ang palapulsuhan niya at hinigit siya palabas ng cafeteria. Dinala mo siya sa gazebo na medyo malayo sa cafeteria, lumingon-lingon ka pa para tignan kung may ibang tao.

 

Ano bang pinagtataguan niyo?

 

"Hyun," mahinang tawag mo.

 

Nakatalikod siya sa'yo, mukhang ayaw niyang makita ang pagmumukha mo. 

 

Hindi na bago 'to, pero bakit parang lagi pa ring bago?

 

"Hyunnie," ayan, mas gusto niyang tinatawag mo siya sa palayaw na gusto niya ay sa'yo lang marinig. 

 

Napangiti ka ng dahan-dahan siyang humarap sa'yo, 'yun nga lang ay matalim ang titig niya sa'yo. Hindi bale na, magpapaliwanag ka naman sa kaniya.

 

"Oh?" Malamig na sabi niya.

 

Ipinakita mo 'yong tatlong pirasong sunflower na binigay sa'yo, hindi mo alam kung anong sasabihin mo pero bahala na. Kailangan mong magpaliwanag kung hindi ay mas lalong titindi ang galit niya.

 

"May nag-iwan sa locker ko, wala namang note kaya hindi ko alam kung kanino galing. Hindi ko naman sana 'to kukunin, iiwan ko lang sa locker. Kaya lang nakuha nila, tapos ayon nakita mo." Ipinakita mo pa sa kaniya 'yong sunflower, at kinuha niya 'yon. 

 

Inusisa niyang mabuti, tinanggal 'yong kulay puting laso. Nalaglag sa sahig ng gazebo ang tatlong bulaklak, nahulog niya rin ang puting laso. Akma kang yuyuko para kunin dahil akala mo ay nabitawan lang niya 'yon.

 

"Subukan mong damputin 'yan." Pagbabanta niya sa'yo. 

 

"Hyun kasi sayang," sinubukan mong maki-usap kasi nanghihinayang ka.

 

"Sige, damputin mo! Kalimutan mo na ring bestfriend mo ako!" Sigaw niya sa'yo.

 

Napalingon ka sa paligid, baka may nakarinig ng sigaw niya. Mukhang wala naman kaya medyo nakampante ka, hindi mo na sinubukang damputin 'yon. Lumapit ka para pakalmahin siya. 

 

Hinigit mo siya para sa isang mahigpit na yakap, noong una ay nagpupumiglas siya pero kalauna'y natigil rin. Unti-unti na ring bumabagal ang tibok ng puso niya, nagalit ngang talaga. 

 

"Sorry na...."

 

Hindi mo alam kung bakit ka nags-sorry, pero pakiramdam mo ay kailangan mong sabihin 'yon para mapatanag siya at mawala na ang galit na hindi mo naman alam kung anong pinanggagalingan.

 

Ramdam mo ang pagbagsak ng mga balikat niya, nanlambot na siya. Idinikit na rin niya ang noo niya sa dibdib mo, ganito. Ganitong posisyon ang paborito mo, 'yong yakap mo siya tapos nakasandal ang ulo o di kaya'y ang noo niya sa'yo.

 

"Nagseselos ako," mahinang pag-amin niya.

 

"Alam ko.."

 

Napangiti ka, kahit hindi naman dapat. May kung ano kang nararamdaman sa tuwing sasabihin niyang nagseselos ka. Kahit pa wala siyang dapat ikaselos at lalong hindi siya dapat magselos. Kasi magkaibigan lang naman kayo 'di ba? 

 

Normal bang nagseselos ang kaibigan dahil lang nakikipag-usap sa iba? Hmmm....

 

"Alam mo pala e, bakit hindi ka gumagawa ng paraan para hindi na ako magselos?"

 

"Hyun, 'di ba pinag-usapan na natin 'to?"

 

"Oo!" Napalakas ang boses niya, napaangat din ang ulo niya pero muli siyang yumuko at sumandal sa dibdib mo. 

 

"Hindi ko lang kasi mapigilang magselos, hindi ko alam kung bakit. Gusto ko ako lang, gusto ko sa akin ka lang."

 

Walang bahid ng kaba ang pag-amin niya sa'yo, lagi niya namang sinasabi pero namamangha ka pa rin sa tuwing binabanggit niya 'yan.

 

Inangat mo ang kanang kamay mo para haplusin ang buhok niya, dahan-dahan ang haplos na ginagawa mo. Para bang sa ginagawa mong iyon ay pinaparamdam mo na pinapawi mo ang bawat gumugulo sa isipan niya.

 

"Hyun, ikaw lang naman." 

 

Naramdaman mo ang pag-ngiti niya, maging ikaw ay hindi naiwasang hindi ngumiti. Kasi alam mong okay na, napawi mo na. 

 

"Ikaw lang ang bestfriend ko."

 

Ilang minuto rin kayong ganoon, hindi na inalintana kung may makakita man sa inyo. Bakit? Hindi pa ba sila nakakita ng magkaibigang nagyayakapan?

 

"Itapon mo 'yan." Utos niya ng kumalas sa yakap niyo, tinuro niya ang mga bulaklak na natanggap mo.

 

Tumango ka, sinunod mo siya dahil ayaw mong magalit siya. Nanghihinayang man ay wala kang magagawa, tinitigan mo pa bago mo tuluyang binitawan sa basurahan. Binitawan mo ang mga bulaklak pero sumabit ang puting laso sa daliri mo, ayaw yatang magpatapon.

 

Napaisip ka, hindi naman siguro masama kung itatabi mo bilang remembrance iyong laso hindi ba? Hindi na rin naman siguro malalaman ni Irene. Mabilis mong isinuot sa bulsa mo ang puting laso saka mo binalikan si Irene.

 

Imbis na sa dorm ay sa condo ka niya umuwi, ilang araw din kasi siyang galit sa'yo kaya hindi ka na nagpapilit pa at sumama na lang sa kaniya. Pagdating niyo ay nandoon na ang kapatid niya, nakasalampak sa sahig at abala sa mga assignment niya na nasa ibabaw ng coffee table at ginawang background ang palabas sa tv.

 

"Ate Seul! Hi!" Bati sa'yo ng kapatid niyang si Yeri.

 

Nasa grade 9 ang kapatid ni Irene, junior high school pa lang. Habang si Irene ay nasa huling taon na niya sa kursong business management, ikaw naman ay nasa ikatlong taon sa kursong Physical Education.

 

Mayaman sila Irene, may kumpanya kaya business ang kinuha. Habang ikaw, hilig mo ang sports, pagkanta, nakahiligan mo na rin ang pagsasayaw, maging ang sining, gusto mo ring magturo. Iniisip mo tuloy kung paano nga ba kayo naging close? Samantalang ang magkaiba kayo ng year level at magkaiba ng kurso.

 

Si Irene lang naman ang tumulong sa'yo kasi naligaw ka noong enrollment mo noong first year ka, ilang beses mo siyang nakasalubong kasi pabalik-balik ka. Naawa sa'yo kaya sinamahan ka na niya. Lintek kasing mga kaibigan mo, hindi sinabing nag-enroll na sila, at ikaw na lang hindi pa dahil galing ka pang bakasyon sa probinsya.

 

Sabay kayong pumasok sa kwarto niya, siya para magtanggal ng type b na uniform niyang corporate attire. Ikaw na magtanggal ng sweatpants, oversized na puting t-shirt mo at maiwan sa cycling shorts at spaghetti strap na sando mo.

 

Nakaharap ka sa salamin pero nakatalikod sa kaniya. Kita mo sa salamin ang pagtitig niya sa'yo, na-conscious ka tuloy bigla sa katawan mo.

 

Pagkatapos niyang magbihis ng ternong shorts at t-shirt ay lumabas na kayo, dumiretso siya sa kusina para maghanda ng hapunan niyo. Habang dumiretso ka naman sa couch para guluhin ang kapatid niya.

 

"Ate padrawing," hindi ka pa nakaka-upo, dapat ay manggugulo ka.

 

Paano mo matatanggihan kung ginamitan ka nga puppy eyes? Lintek na bata 'to, katulad ng kapatid na alam kung paano gagamitin ang mga mata kapag nanghihingi ng pabor sa'yo.

 

Kinuha mo iyong kanina niya pa sinusubukang i-drawing, science assignment na naman pala. Bakit ba ang hilig nilang magpadrawing ng kung ano-ano sa mga bata? Hindi naman lahat ng bata mala picasso sa pagguhit.

 

Pagkatapos mong magguhit ay tinulungan mo na rin siya sa iba pang assignment niya, off limits nga lang ang mga numero dahil Ate niya ang may forte doon at hindi ikaw. Biniro mo pa siyang nahihilo ka sa numero at nakikita mo iyong sumasayaw.

 

Tinawag na kayo para sa hapunan, pero niligpit niyo muna ang ibang gamit niya at iniwan ang gagawin na tungkol sa mga numero mamaya.

 

Nasa hapag na kayo, as usual mabango at masarap na naman ang pagkain niyo dahil siya ang nagluto.

 

"Ate, tumawag si Papa. Pinapatanong daw ni Mama kung sa atin ka daw mag-iinternship, hindi mo daw kasi sinasagot ang mga tawag pati messages nila." 

 

Oo nga pala, dahil nasa huling taon na si Irene, internship na sila sa susunod na semester. Hindi na kayo madalas na magkikita, pero sabi niya ay pupuntahan ka naman niya. 

 

"Pag-iisipan ko pa." Iyon lang ang sagot niya.

 

Hindi mo alam kung anong gumugulo sa isip niya, kung bakit pag-iisipan niya pa e kumpanya naman nila? Hindi ba dapat ay doon talaga ang priority niya dahil doon din siya magtatrabaho kalaunan?

 

Nang matapos kayong kumain ay nagpresinta kang maghuhugas ng mga pinggan, para na rin magawa na nila ang iba pang assignment at makatulog si Yeri ng maaga. Nasa kalagitnaan na sila ng matapos ka, dahil sa lapag sila ay naupo ka sa couch. 

 

Nagawa mo pang kunin ang remote at ilipat sa gusto mong palabas. Abala naman sila kaya hinayaan ka na lang nila, hindi ka pa nakuntento at pinatong ang mga paa mo sa coffee table. 

 

Agad namang tinapik ni Irene ang mga paa mo, "Ay sorry!" Masyado kang naging kumportable.

 

Nang matapos sila ay nagpaalam na si Yeri na matutulog na, wala namang kaso iyon dahil may sarili naman siyang kuwarto at hindi siya maiistorbo. Naupo si Irene sa tabi mo, maluwag pero sumisiksik siya sa'yo.

 

Sakto, palabas na naman sa hbo ang paborito mong pelikula na Before Sunrise.

 

"Hyun, bakit pinag-iisipan mo pa kung sa inyo ka mag-iinternship?" tanong mo, habang nakasandal siya sa balikat mo.

 

"Masyadong malayo 'yon rito, mapapagod akong magpabalik-balik." 

 

"Edi doon ka muna umuwi sa bahay niyo?" Suggestion mo.

 

Umiling siya, "Maiiwan si Yeri mag-isa rito at ayaw ng may helper, hassle kung sa bahay siya manggaling, masyadong malayo."

 

"Si Yeri ba talaga iniisip mo?" Biro mo.

 

"Tss."

 

"Okay lang naman, Hyun. Magkikita pa rin naman tayo, hindi nga lang madalas." Pag-alu mo sa kaniya.

 

Umalis siya sa pagkakasandal niya sa balikat mo, kaya naman napatingin ka sa kaniya.

 

"Ang hirap malayo sa'yo Seul, parang hindi ko kaya."

 

"Kaya mo 'yan, sus! Ikaw pa!"

 

"Hindi nga, ang hirap mong bantayan mula sa malayo." Seryosong sabi niya.

 

Natawa ka, "Hyun, hindi na ako bata para bantayan."

 

"Kapag nawala ako, madami nang aaligid sa'yo. Hindi ko 'yon gusto." 

 

Ayan na naman siya, nakasimangot na pero ang ganda pa rin. Ang swerte ng magiging jowa ng bestfriend mo, sobrang swerte. Hindi mo na kailangang isa-isahin pa ang mga dahilan kung bakit swerte siya, sana lang pahalagahan niya at alagaan ng tama.

 

"Aaligid lang naman sila, hindi ko naman sila jojowain, Hyun." 

 

"Pero gusto ka nilang jowain, malay ko ba kung anong pwedeng gawin nila para makuha ka." Inirapan ka pa.

 

"Hindi naman ako papakuha, saka wala sa isip ko ang pagjojowa." 

 

"Dapat lang. Hindi sila bagay sa'yo, walang bagay sa'yo."

 

"Nge! Bakit wala? Mayroon naman siguro."

 

"Wala!"

 

"Meron."

 

"Wala nga sabi." Naiinis na siya sa'yo.

 

"Baka naman meron, imposible namang wala. Grabe naman, jowable naman ako kaya meron naman sigurong bagay sa-"

 

"Walang bagay sa'yo, kasi akin ka lang!" Pinutol niya ang sasabihin mo.

 

Tapos na.
 

Sa tono ng boses niya ay ramdam mo at alam mo'ng wala ka'ng magagawa doon at iyon ang dapat na masunod. Napakadamot, napakadamot ng bestfriend mo.

 

"Hyun, akala ko ba bestfriend tayo? Kahit naman magkajowa ako, ikaw lang bestfriend ko." 

 

"Edi magjowa ka na kung gusto mo." 

 

Tumayo siya at nilayasan ka. Napabuntong hininga ka, narinig mo ang pagbukas sara ng pinto ng kwarto at banyo. Mukhang ililigo niya ang inis niya sa'yo. In-off mo ang tv at dumiretso sa kuwarto, wala siya at paniguradong naligo para makatulog na.

 

Pagbalik niya ay ikaw naman ang sumunod na naligo, natagalan ka pa kasi lumilipad ang isip mo. Parang ayaw mo pang umalis sa shower dahil bitin pa ang pagmumuni mo.

 

Lampshade na lang ang nagbibigay ng liwanag sa kuwarto niya, nakahiga na siya at nakatalikod sa pwesto mo. Dahil nakapag blow dry ka na ay pwede ka na ring diretsong matulog. Pero hindi, naupo ka muna sa kama at nagbukas ng messenger mo. Bumungad ang gc niyong ang topic ay ikaw na naman at ang bestfriend mo.

 

Sumandal ka sa headboard at nagbasa sa gc niyo.

 

Mga Andres (de saya)

 

Moonbyul: Saan na 'yon?

 

Lisa: Sino?

 

Moonbyul: Tatanong pa, kilala mo naman.

 

Jisoo: Nanuyo

 

Lisa: Bakit kasi sinusuyo e bestfriend lang naman. Pota. Gulo no'n.

 

Jisoo: Tanong mo jowa mo, baka may tsaa 'yon galing kabila.

 

Moonbyul: Tsaa? Bakit tsaa? Anhin naman natin tsaa nila, uhaw ka?

 

Lisa: bobo @Moonbyul

         Literal ampota. Tsaa, tea, chika, tanga!

 

Moonbyul: pakyu! Mga chikadora, lalo ka na Lisa!

 

Kanina pa mga chat nila. Inisip mo tuloy kung magchat ka pa ba o hindi na.

 

Moonbyul: nagseen na siya @Jisoo @Lisa 

                   Hoy @Seulgi! Nasaan ka?

 

Lisa: Hoy

 

Jisoo: Nanuyo nga 'yan.

 

Ako: Nasa condo.

 

Lisa: sinasabi ko na nga ba! Feeling ko talaga magjowa kayo taena. Daig mo pa ako, mas madalas ka diyan hindi naman kayo!

 

Ako: Feeling mo lang 'yan @Lisa. 

         Matutulog na ako pota, bahala ka diyan.

 

Moonbyul: luh! Wet dreams @Seulgi! ?

 

Ako: gago ./.

 

In-off mo ang data at nilagay na ang cellphone sa bedside table mo. Sinulyapan mo ang nakatalikod na katabi mo, iniisip mo kung tulog na ba siya o hindi pa. Sandali mo siyang pinanood, mukhang hindi pa.

 

Dahan-dahan kang nahiga, tumagilid ka at humarap sa kaniya. Dahan-dahan mong inilusot ang kaliwang kamay mo sa tagiliran niya, mangangalay ka bukas pero hindi bale na. Inilusot mo na rin ang kanang kamay mo para mayakap siya.

 

Marahan mo siyang hinigit para mapalapit sa'yo, tama pa ba ang ginagawa mo? Hindi mo na alam, wala ka nang pakealam. Hinigpitan mo ang yakap at dinampian mo ng halik ang buhok niya. Pwede na, makakatulog ka na.

Akiwrites
Pressure sa title defense lang pala kailangan ko para makapagsulat ulit :'>

Comments

You must be logged in to comment
xantheaverielle
#1
Chapter 17: Finished reading all the available chapters. 🥺 This one's a really great fic and I'm kind of sad na hindi ko inabutan 'to when it was first published. It would've been a really different feeling for me to anticipate sa next chapters. I really love the plotline of this one especially na dumating na sa parts na Seulgi's being frustrated na sa pag-iwas ni Joohyun considering all the other factors pa with her ex and such. I hope that we can all go back to this story soon po but for now, I'll just say that this has become one of my favorite Tagalog Seulrene fics already. Salamat sa pagsusulat, author! I'm not so sure if you still have access to this account but I want you to know that your writing already tugged on my heart. Ang galing niyo po. Will still wait for you po. Ingat kayo lagi. :)
xantheaverielle
#2
Chapter 3: Grabe. Ang tagal ko bago nakahanap ng Tagalog Seulrene story na ganito. Sobrang ganda talaga. Normal lang 'yung plotline pero 'yung uncertainty sa emosyon nina Irene at Seulgi 'yung mas nagpapalalim ng kwento. Nakakatuwa rin lahat ng characters. Itutuloy-tuloy kong basahin lahat ng available chapters nito. :)
xantheaverielle
#3
AAAA read the foreword pa lang pero sobrang gustong-gusto ko na. Ang ganda po, ang galing niyo magsulat. Hindi ko sigurado kung complete na 'to or if active pa rin po kayo dito but I'll still take the chance to read this story and comment on this. Salamat sa pagsusulat, author!
sophroditeee
#4
Chapter 17: minsan tlga di mo alam kung mawawalan ka ng pasensiya sa mga taong in denial o matuwa kasi ang sarap nilang inisin hahahahhha
Killshot05 #5
Chapter 17: Damn Seulgi! Make up your mind!
kang_ddeul
#6
Chapter 17: ay may pa-only mine din! huhu 😭✊
eunxiaoxlove #7
Chapter 17: Go seulll
jaangwaang
887 streak #8
Chapter 17: ayaaaann na. make ur movena seulbear bago ka pa maunahan ni ex
jaangwaang
887 streak #9
Chapter 7: nawa'y bigyang katahimikan ang puso ni seulbear hahahaha
dreamwityou #10
Chapter 17: namiss ko tong fic 🥺. i was waiting talaga for an update.
nakaramdam na si seulgi finally. tama si joohyun, it's time for seulgi to do her part naman. why do i feel like joohyun's ex also means the start of new issues. looking forward sa next chapters