1/2

Sa Susunod Na Lang

"Tangina ka, Kang Seulgi! Umuwi ka pa talaga!"

 

'Yan lang naman ang alarm clock ni Joohyun sa araw-araw tuwing alas-sais ng umaga.

 

Bumangon na ang dalaga at nagsimulang gawin ang kanyang morning routine. Nag-stretch na sya't lahat, umihi, naghilamos, nagtoothbrush, uminom ng tubig -- lahat na. Hindi pa rin tapos magbunganga ang nasa tapat ng bahay nila.

 

Kabisado na nga niya ang litanya nito. Araw-arawin ba naman ang pagbulyaw sa asawa about sa iba't ibang dahilan -- madalas ay sa pag-inom, may tungkol din sa pagtaya sa manok na pula at kung ano pang bisyo ni Aling Seulgi.

 

Sinabayan ni Joohyun si Aling Sooyoung habang kumakain ng almusal. Nakagawian na niya.

 

"Kung makainom ka d'yan akala mo wala kang pinapadedeng anak!"

 

Natatawa na lang siya sa naiimagine niyang mukha ni Aling Seulgi habang kinagagalitan ng asawa.

 

"Nagkatuwaan lang naman kami, mahal, minsan lang naman."

 

"Mama mo minsan! Umiyak si Yerim magdamag dahil walang gatas, aba, eh sabihin mo lang at shembot ang ipapainom ko sa anak mo! Tarantado!"

 

Narinig ni Joohyun ang kalabog ng gate sa tapat. Sa loob na siguro magpapatayan ang dalawa.

 

After an hour, lumabas na siya at pumunta sa tapat ng bahay nila kung saan nakapila sa sari-sari store ni Aling Sooyoung ang toda ng barangay nila.

 

KuToda ng Barangay Kuwatro, pinamumunuan ni Aling Lisa na walang ginawa kundi tumambay at mangutang ng yosi sa tindahan ni Aling Sooyoung.

 

"Oh, Joohyun!" Bati ni Aling Lisa. "Sasakay ka na?"

 

"Ay, wala pa po ba si Seun--"

 

Napatalon siya sa busina ng trike sa kanyang likod. Napahawak siya sa kanyang dibdib sa gulat at lumingon.

 

"Magandang umaga, Hyun," bati ni Seungwan sa kanya habang ngiting-ngiti na akala mo endorser ng toothpaste, "Hatid na kita."

 

Maganda talaga ang umaga kung ang bubungad kay Joohyun ay ang bagong ligong si Seungwan na nakaitim na roundneck pullover at black cap. Dagdag mo na rin ang good morning towel sa balikat nito. Lakas makakisig, ready na mamasada sa maghapon.

 

Hindi pa rin ata nakakaget-over si Joohyun sa pagkakagulat nito -- sa pagbusina ni Seungwan o sa kagwapohan nito… hindi na rin siya sigurado. 

 

"Buhay ay langit sa piling mo…" Awit sabay kindat ni Seungwan sa kanya.

 

Namula sya. Tinaasan niya ito ng kilay ngunit tinawanan lang siya nito. "Lupang Hinirang. Hindi mo pa rin kase tinatanggal kamay mo sa dibdib mo."

 

Agad napaayos ng tayo si Joohyun, "Ewan ko sa'yo. Tara na nga, late na ako," irap niya sabay sakay sa trike ni Seungwan.

 

Hindi na pansin ni Joohyun ang ingay ng mga nagdaang sasakyan, ang garalgal ng mga makina nito at mga busina… tanging ang matinis at nakakahawang halakhak lang ni Seungwan ang naririnig niya buong byahe.

 

Akala ni Joohyun, pagtae at pag-ihi lang ang mahirap pigilan, pati rin pala ngiti at kilig. Lalo na kung si Seungwan ang dahilan.

 

*****

 

Fifteen minutes lang ang byahe mula sa kanila patungong Suman University. Kapag may traffic, umaabot ng 30. Ayaw man ni Joohyun ma-late sa klase, madalas niyang hinihiling na sana traffic para matagal pa siyang nakasakay kay Seungwan. Este, sa trike ni Seungwan.

 

Well, today is not the day. Malinis ang daan na akala mo may laban si Pacquiao at lahat ay nanunuod.

 

"Oh," nakasimangot na abot ni Joohyun ng limang daan kay Seungwan pagkababa niya sa trike.

 

"Luh, Hyun," kunot noong sabi ng driver, tinitigan lang ang pera. "'Di mo nabasa yung sticker sa loob? Kakadikit ko nga lang no'n, eh."

 

"Alin? 'Yung sa Sogo?"

 

"Ha?"

 

"Hakdog. Kunin mo na, bilis, at mal-late na ako." Kahit hindi pa naman.

 

Pilit iniaabot ni Joohyun sina Ninoy at Cory kay Seungwan, at alanganing kinuha ito ng trike driver, "Wala akong panukli, Hyun. Teka, papabarya lang ako sa tindahan."

 

Dali-daling bumaba sa motor si Seungwan ngunit pinigilan ito ng dalaga. Hinawakan niya ito sa braso, at sinabing, "'Wag na."

 

"Gago? Bente lang pasahe mo, limang daan 'to!"

 

Napataas ang kilay ni Joohyun. Humigpit ang hawak nito sa braso ng driver.

 

"Minumura mo ako?"

 

Nanlaki ang mata ni Seungwan, nagpapanic. Pero agad itong bumawi, "Hindi, ah. Minamahal nga kita, eh." 

 

Napaiwas na lang ng tingin si Joohyun dahil hindi niya kayang tignan ang mga ngiti ni Seungwan sa kanyang mga labi. Baka 'di siya makapagpigil at sumakay uli pauwi ng bahay, at iuuwi na rin si Seungwan sa kanila.

 

Lumuwag ang kapit ng estudyante sa braso ng driver. Para siyang napaso sa init na nararamdaman. "S-sa susunod na lang," mahinang bulong niya habang nakatingin sa lupa.

 

"Ha?" Lumapit si Seungwan sa kanya.

 

Humakbang paatras si Joohyun, "H-halaman."

 

Tangina, mambabara na lang, mauutal pa.

 

Natawa na naman si Seungwan, "Ang cute mo talaga. Pero kahit cute ka, kailangan kitang suklian. Malaking pera 'to, Hyun."

 

"Sa susunod na nga lang."

 

"Paano?"

 

Naglakad na siya papasok sa gate. Nilingon niya ang naguguluhang si Seungwan. Nginitian niya ito.

 

"5pm ang tapos ng klase ko mamaya."

 

Ilang segundo ang lumipas bago naintindihan ni Seungwan ang ipinararating ni Joohyun. Ngumiti ito, daig pa ang sikat ng araw sa liwanag na dala nito, dahilan upang mapasinghap ang dalaga.

 

Tumango si Seungwan, at sumakay na sa motor.

 

"Okay, Hyun."

 

Pinaandar na nito ang trike, at bumusina pa bago kumaway at umalis.

 

Pinawalan na ni Joohyun ang natigil nitong paghinga habang pinagmamasdang unti-unting lumalayo ang trike ni Seungwan na may sticker sa itaas ng WR-7743, "basta driver, sweet lover."

 

Gustong patunayan ni Joohyun ang mga katagang iyon.

 

*****

 

Nagmamadaling iniligpit ni Joohyun ang gamit nito at lumapit sa kaibigan niyang nasa kabilang parte ng classroom. 

 

"Anong oras na, jusko. Kaya ba today?" Naiinip na sabi niya, hinihila na ang braso ni Jennie palabas.

 

"Teka lang ha, teka. Hihinga lang ako ha," pang-aasar ni Jennie habang nagpupumiglas, hindi pa tapos mag-ayos ng gamit. "Tanginang Boyet 'yon. Prof na tinubuan ng pari, eh. Tsk, self-study na naman ako sa physics sa lagay na'to. Tamang sermon pa kase ampota."

 

"Mamaya ka na magreklamo! Bilis at maaabutan ako ni--"

 

"Joohyun!"

 

Napapikit na lang ang dalaga at bumuntong-hininga.

 

Putangina.

 

Dumilat si Joohyun at bago lingunin sa likod ang manhid na manliligaw, tinitigan niya nang masama ang tumatawang si Jennie. Lumapit siya sa kaibigan at bumulong, "Tangina ka, 'wag kang papakita sa'kin bukas. Gagawin kitang siopao, pusanggala ka."

 

Napaismid lang si Jennie, sanay na makitang sumabog si Joohyun at magsabi ng masasamang… mga words. Halatang natutuwa pa si Jennie sa sasapitin niya.

 

Lumapit na si Bogum sa kanila, ramdam niya na kukunin nito ang kanyang bag, kaya't bigla siyang humarap.

 

"U-uy! Bogum, haha, uhm... Uuwi na kasi kami ni Jennie, haha, sige, bye!" 

 

"Teka, Joohyun. Sabayan ko na kayo kahit hanggang gate lang," pagpupumilit ni Bogum at pilit kinukuha ang kanyang bag, "Mukhang mabigat, bitbitin ko na."

 

Iniwas naman ni Joohyun ang bag at naunang lumabas ng classroom, "O-okay na, Bogum. Kaya ko naman." Nilingon niya ang kaibigan, "Aabot ba yan hanggang bukas?"

 

"Kasi, ano, Joohyun. May dadaanan pa pala ako sa klase nila Jisoo sa 3rd floor. Mauna ka na umuwi, ha?" Sabi ni Jennie at tumakbo palabas ng classroom.

 

"Enjoy kayo! Bogs, ingatan mo 'yan ha!" Tangina ka, Kim Jennie. Ikaw ang mag-ingat dahil gagawin kitang asado bukas punyeta ka.

 

Napangiti si Bogum at sinuklian naman ito ni Joohyun ng parang natataeng ngiti.

 

"Tara?"

 

Ayaw ni Joohyun maging bastos kay Bogum, pero 5:15pm na kase at alam niyang naghihintay na si Seungwan sa tapat ng university.

 

"May pupuntahan ka pa ba, Joohyun?" Tanong ni Bogum nang makarating sila sa parking lot malapit sa gate.

 

"Wala naman? Bakit?" Sagot niya nang hindi man lang nililingon ang lalaki. Busy ang mga mata nitong hanapin ang purple na tricycle sa tapat at nagtaka siya kung bakit wala pa ito.

 

Weird. On time is late ang motto ni Seungwan.

 

Nagkibit-balikat si Bogum, "Ang bilis mo kase maglakad, ta's kanina ka pa tumitingin sa relo mo."

 

Wala sa loob na nag-hum lang si Joohyun sa mga pinagsasabi ni Bogum. Pilit niya pa ring hinahanap ang trike ni Seungwan.

 

At bakit ba ang daming estudyanteng nagkukumpulan sa tapat? Hindi niya tuloy makita nang maayos.

 

Pinatunog ni Bogum ang kotse nito, dahilan upang mapatalon siya nang bahagya at lumingon sa manliligaw. 

 

"Pwede ba kitang ihatid sa inyo? Uh, araw-araw?"

 

"Bogum, hin--"

 

"Pansin ko kase na lagi kang namamasaheros papunta at pauwi. May kotse naman ako, Joohyun…"

 

"'Wag na, Bo--"

 

"Airconditioned 'to, hindi ka rin maiinitan. Hindi ka na gagastos ng pamasahe. Hindi ka na rin mahihirapan mag-abang ng tricycle. Ayokong nahihirapan ka, Joohyun," banat ni Bogum sa kanya. Kita ni Joohyun ang pagiging desperado sa mga mata nito.

 

Alam niya na hindi siya pinapatapos magsalita ng lalaki dahil alam ni Bogum na tatanggihan niya lang ang offer nito. Actually, matagal na siyang binasted ni Joohyun, no'ng mismong araw din na tinanong niya kung pwede raw bang manligaw.

 

"No, Bogum. I might be single but… I'm emotionally unavailable."

 

Pero makulit si Bogum, nagpupumilit, dahil technically, single naman daw si Joohyun. Hindi yata nagets ni Bobogum (ssshhh kayo, si Seungwan ang nagbigay ng nickname na 'yan) ang sinabi niya.

 

Matinong lalaki si Bogum. May itsura, gwapo kung ngumiti, matikas kung tumindig. Matataas din ang nakukuha nitong grades at DL din kagaya ni Joohyun. Isa ito sa mga Mr. Popular dahil star player din ng Basketball team. Lahat na nasa kanya, sa totoo lang.

 

Kaso, hindi siya si--

 

"AAAAAAAH!"

 

Nawala sa pagmu-muni muni si Joohyun nang biglang may nagtilian na mga babae sa tapat ng gate. Napakunot ang kanyang noo. Nilingon niya ito at laking gulat niya na sa gitna ng grupo ng mga babae, ay ang trike ni Seungwan, at si Seungwan... na nakasandal sa sidecar nito at mukhang tuwang-tuwa pa sa atensyon na nakukuha niya sa mga pokpok na schoolmates niya.

 

Pangiti-ngiti ka pa r'yan, tangina mong malandi ka!

 

Susugod na sana siya nang hawakan ni Bogum ang kanyang braso, "Joohyun?"

 

Hinatak niya pabalik ang kanyang braso, pumikit at nagpakalma saglit. Huminga siya nang malalim, tatlong beses, dumilat, at tinignan si Bogum nang diretso sa mata.

 

She'll make this rejection quick, at may papupulahin pa siyang mga pisngi sa tapat ng gate. Instant blush-on gamit ang sampal niya.

 

"Bogum, tama na," panimula niya. "Sinabi ko na sa'yo noong 2nd year pa lang tayo, I'm emotionally attached. Wala kang mapapala sa akin. Don't waste your time on me. I can't give you what you want."

 

Dire-diretso niyang sinabi iyon, walang mintis. Napalunok si Bogum at nangingilid na ang luha.

 

"Joohyun, isang chance lang naman hinihingi ko. Try me."

 

Narinig niya uli ang malakas na hagikgikan ng mga babae sa tapat.

 

"No, Bogum. You're a really good man, but you're just… not it for me."

 

Dahil ang 'it' niya ay ayon, tamang ngiti pa sa mga babaeng pilit sumasakay sa trike niya kahit na halata namang may ibang sinusundo si Seungwan. Tanginang mga pokpok 'to.

 

Tumango si Bogum, blinking real fast para hindi tumulo ang luha.

 

"Okay, pero at least, kahit ngayon lang, maihatid kita sa inyo pauwi?"

 

Malakas na tawanan.

 

"Ay, ate, kung ayaw mo magpasakay sa trike mo, sa'yo na lang!"

 

Putangina? Sino 'yon at babalatan niya nang buhay?!

 

Hindi na makapagpigil si Joohyun at nagpower-walk na palabas ng gate. Hindi na niya nagawang lingunin si Bogum nang sagutin niya ang tanong nito.

 

"Pasensya na, Bogum, pero nasusuka ako sa may aircon." 

 

/////

 

Biglang tumaas ang balahibo ni Seungwan. Parang bigla siyang nanlamig sa 'di malamang dahilan.

 

Weird.

 

Patuloy siyang pinagkakaguluhan ng mga estudyante ng Suman, nagpupumilit na sumakay sa tricycle niya at nagpapahatid kung saan-saan. Meron sa mall, sa Barangay Dos, sa bahay daw ni Seungwan, o kaya sa puso niya naman daw.

 

"'Di ako pwedeng magsakay. May sinusundo ako," paliwanag ni Seungwan.

 

"Ay, ate, kung ayaw mo magpasakay sa trike mo, sa'yo na lang!"

 

Nagtawanan ang lahat, pati ang cute na trike driver ay natawa sa mga kagaguhan na binabato sa kanya.

 

"Nako, mas lalong 'di pwede at papata--"

 

"Talagang mapapatay kita, Son Seungwan."

 

Napalingon ang lahat, maski si Seungwan, sa pinagmulan ng malalim at malamig na boses. Napalunok siya nang makita niya ang imahe ni Joohyun na nakatayo sa tabi ng trike niya, nakataas ang kilay at nakacross ang mga braso sa kanyang dibdib. Naniningkit ang mga mata nito, at kung nakakapatay lang ang tingin, kanina pa pinaglalamayan si Seungwan.

 

Napadiretso siya ng tayo mula sa pagkakasandal sa trike. Isa-isa ring nagmamadaling nag-alisan ang mga babaeng nakapalibot sa kanya.

 

"Uy, J-Joohyun!" Nauutal na bati ni Seungwan, "K-kanina ka p-pa? Hehe," kinakabahang tawa ng driver habang kinakamot ang kanang pisngi nito.

 

"Mama mo hehe." Hindi pa rin natitinag si Joohyun sa postura at nakakatakot na aura nito.

 

Tangina, mukhang may bibisitahing puntod ang mga magulang niya sa undas bukas.

 

"U-uhm…" 

 

Hindi alam ni Seungwan kung dapat pa ba siyang magsalita, magpaliwanag, o basta na lang siyang sasakay sa motor at umalis na kung gusto niya pang abutan ang pasko ngayong taon. Tinignan niya si Joohyun nang diretso sa mata ngunit napaiwas din siya agad.

 

Tangina, bahala na. Tumalikod na siya at sumakay sa motor. Tinawag niya si Joohyun bago ito paandarin.

 

"S-sakay na, Hyun."

 

Tinitigan lang siya ni Joohyun, umirap at matapos ng ilang segundo, tumalikod bigla at naglakad palayo.

 

"Joohyun?!"

 

Nanginginig na pinatay ni Seungwan ang motor, dali-daling bumaba. Hinabol niya si Joohyun at hinila ang braso ng dalaga.

 

"T-teka, Hyun. Bakit ka maglalakad? Sumakay ka na."

 

Marahas na binawi ni Joohyun ang kanyang braso at nagpatuloy maglakad.

 

Tangina, galit nga yata.

 

"Hyun," sunod niya, pilit sinasabayan ang lakad ni Joohyun. "Ano ba problema? Thirty minutes akong naghintay ta's maglalakad ka lang pauwi?"

 

Biglang humarap ang nag-aalburotong kuneho at muntik na himatayin si Seungwan.

 

"Ah, so kasalanan ko pa?"

 

"H-ha? Hindi! Skl ko lang naman."

 

Bumuntong-hininga si Joohyun. Napadiretso ng tayo si Seungwan, inayos niya ang cap niya at pinagpag ang damit. Mahaba-habang tanungan na naman 'to.

 

"Bakit ka pinagkakaguluhan kanina?"

 

"Hindi ko alam," sagot ni Seungwan. Napaismid si Joohyun at akmang tatalikuran na siya kaya bigla niyang dinugtong, "Hindi ko talaga alam, Hyun! Bumaba lang ako para bumili ng siomai sa tapat kase quarter to five pa lang dumating na ako! Ta's kumakain lang ako sa may trike ko biglang may lumapit sa'kin, nagpapahatid sa Dos, sabi ko hindi ako nagsasakay kase may sinusundo ako. Tinatanong ako kung sino, sabi ko kapitbahay ko tapos…"

 

"Kapitbahay?"

 

"Tapos 'di sila naniwala! Tapos bigla na lang sila pumalibot sa'kin ta's pinagkaguluhan na'ko! 'Yon lang 'yon, Hyun!" Halos matuyuan ng laway at maubusan ng hininga si Seungwan dahil sa tuloy-tuloy nitong litanya.

 

"Kapitbahay?" Mataray na tanong ni Joohyun.

 

"Anong kapitbahay?" 

 

"Sabi mo, sinusundo mo 'yung kapitbahay mo."

 

"Oo? Eto nga, sinusundo kita?"

 

"So kapitbahay mo lang ako?"

 

"Ay, hindi ba?" Naguguluhang tanong ni Seungwan.

 

Napapikit si Joohyun, halatang nagpipigil sumabog at ramdam ni Seungwan na sasakabilang buhay na siya.

 

"O-okay na ba, Hyun? Pwede na tayong umuwi?" 

 

Akmang magsasalita na sana si Joohyun nang may biglang tumawag sa kanya. Matinis at mapang-akit.

 

"Ate!" Lumagpas ang tingin ni Joohyun sa kanya, matalim, dahilan kung bakit siya napalingon sa kanyang likod. "Bawal pa ring sumakay?" Kumindat pa ang babae sa kanya.

 

Diyos Amang Mahabagin.

 

Mabagal na humarap si Seungwan kay Joohyun, takot sa makikitang ekspresyon sa mukha ng dalaga.

 

Mabilis ang naging mga pangyayari. Natauhan na lang siya nang dumaan si Joohyun sa kanya, halos patakbong sinugod ang babaeng nakadantay sa sidecar niya.

 

Hindi na siya muling lumingon pa sa kanyang likod. Busy na si Seungwan magdasal ng tatlong Aba Ginoong Maria para sa kaluluwa ng babaeng "malandi ka! Ikaw ha, makita pa ulit kita o kahit anino mo, isasakay kita sa byaheng papuntang impyerno!"

 

Amen.

 

*****

 

Red light.

 

Kasing pula ni Joohyun na nakapadekwatrong nakaupo sa loob ng trike niya. Ten minutes na ang nakalipas simula ng byahe nila at wala pa ring kumikibo sa kanilang dalawa.

 

Lord, ikaw na bahala.

 

"J-Joohyun," mahinang tawag ni Seungwan.

 

Walang imik.

 

"H-Hyun?" Bahagyang sumilip ang kinakabahang driver sa loob, nakita niyang tumaas ang kilay ni Joohyun. Namumula pa rin sa galit. 'Di kaya may sakit 'tong si Joohyun? Tangina, kanina pa 'to namumula.

 

"A-ano, 'yung s-sukli mo kaninang umaga…"

 

Narinig niyang nag-hum ang sakay niya. Napaayos ng upo si Seungwan, tumikhim at nagsalitang muli.

 

"Nandyan sa may lalagyan sa harap, tinakpan ko ng damit kase… a-ano, baka liparin, gano'n. Pakikuha na lang."

 

Halos mamatay na siya sa kaba.

 

Narinig niya ang kaluskos sa loob ng trike.

 

Lord, please.

 

Yellow light.

 

"Kulang ng bente."

 

"Luh? Hindi ah, 480 'yan! Sakto!"

 

Agad dinungaw ni Seungwan ang ulo niya sa loob ng trike at biglang may mainit at matamis na sumalubong sa kanyang mga labi.

 

BEEP! BEEP!

 

Nauntog pa siya sa gulat nang bigla niyang binawi ang ulo niya upang umayos ng pagkakaupo sa motor.

 

Narinig niya ang matamis na tawa ni Joohyun.

 

Green light.

 

Lutang niyang pinaandar ang kanyang motor matapos ang ilan pang busina mula sa mga sasakyan sa kanyang likuran.

 

"Thank you," rinig niyang sabi ni Joohyun mula sa loob, matapos ang ilang minuto.

 

Saglit siyang tumingin sa salamin, at nagtama ang kanilang mga mata. Nahihiyang nakangiti si Joohyun sa kanya, hawak nang mahigpit ang tatlong pirasong pulang rosas. Kasing pula ng mga labi niyang dumampi sa kanya kanina lang.

 

Tangina.

 

Hindi mapigilan ni Seungwan na mangiti.

 

*****

 

Bumaba si Joohyun sa trike niya nang makarating sila sa tapat ng bahay ng estudyante. Bitbit ang mga rosas, lumingon ito kay Seungwan na nakasakay sa motor, malapad ang ngiti.

 

"Pipila ka pa?"

 

"Hmm," iling niya. "Baka hindi na, pero tatambay muna ako d'yan sa tindahan."

 

"'Wag ka nang mamasada after mo ko ihatid pauwi," bilin ni Joohyun sa kanya.

 

"Sayang naman, Hyun? Hanggang 8pm ako bumabyahe madalas."

 

"Ako na ang huli mo. 'Wag ka nang makulit," kumunot na ang noo ni Joohyun at wala nang nagawa si Seungwan kundi tumango. Ayaw na niyang magalit si Joohyun, quota na siya sa kaba ngayong araw.

 

"Oh, eto."

 

"Aquino na naman, Hyun?" 

 

"Sabi sa trike mo, barya lang sa umaga. Hapon na, okay naman na siguro kahit buo."

 

Natawa siya sa pamimilosopo ni Joohyun.

 

"Oh, sige na nga. Saka na uli kita susuklian."

 

"Dalawa na utang mo sa'kin." 

 

"Ha?"

 

"Halik…" Nguso ni Joohyun, "saka yung 480."

 

Lord bakit mo ako pinagpapala nang ganito?

 

Kilig na kilig si Seungwan, gustong manginig.

 

"Eh, kung bayaran ko na kaya ngayon 'yung isa?"

 

"Sa susunod na lang."

 

Sumimangot siya. Tamang pagpapacute lang, baka sakaling magbago ang isip ni Joohyun.

 

Napailing na lang si Joohyun habang nagpipigil ngumiti, "Sige na, pumunta ka na sa tapat."

 

Pinaandar na niya ang kanyang motor, "Pumasok ka muna sa loob."

 

Tumango si Joohyun. Binuksan na niya ang gate, pumasok na at bahagyang sumilip sa labas.

 

Ngumiti ito kay Seungwan, "May pinabibili sa'kin si Mommy Taeng sa palengke bukas para sa undas. Daan ka rito ng mga... 8am?"

 

"Okay, Hyun."

 

Bumusina siya bago umalis at pumarada sa tapat ng tindahan nila Aling Sooyoung.

 

"Oh! Sakto ka, Seungwan! May handaan doon kila Mang Daniel, birthday nung panganay nila ni Jihyo. Pupunta kami ro'n, sumama ka na," anyaya ni Aling Lisa sa kanya.

 

"Si Ate Nayeon po?" Tanong niya.

 

"Oo, boi," sabat ni Moonbyul, sabay ngiting nakakaloko. "Balita ko ando'n mga taga-Dos at Tres. Friendly si Ate Nayeon, diba?"

 

Nanlaki ang mata ni Seungwan, "Gago? 'Di nga?"

 

"Tara na! Doon na kayo kila Daniel magkwentuhan," pagitna ni Aling Sooyoung, "Seungwan, paandarin mo na 'yan at d'yan na kami sasakay. 'Yung iba kay Byul na."

 

Tinawanan siya ni Byul, "Wala kang takas, boi." Tinapik siya nito sa balikat at sumakay na rin sa sarili niyang motor.

 

Lumingon siya sa bahay nina Joohyun.

 

Tangina, mukhang tuloy ang lamay niya bukas.

 

 

 

 

 

a/n: napressure ako jusko hahahahahaha charot enjoy mga pokpak kahit mema lang 'to

 

 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
TaeSicaDaisy #1
Chapter 6: Waiting for -ti- 😂
Sakurawenrene
#2
Chapter 6: Ang ganda ng storykahit paulit-ulit basahin. Maraming salamat author-nim. Kaso hindi pa rin pala tapos to, waiting for update. 🥰
juhyuneeeee
89 streak #3
gusto ko lang sya ulit basahin ng paulit ulit 🥹🥰
paradoxicalninja
#4
Chapter 6: still waiting for the -ti- sa wampipti 💗💙 sana happy and safe ka, author!
WenRene_77 #5
Chapter 6: di nkakasawang basahin tlaga to kahit paulit ulit, hi author! i hope ur doing ok, sana my update hehe stay safe😊💙💝
TaeRene #6
Chapter 6: nireread ko ulit ung story ang ganda parin talaga 🤧
Nazrif
#7
Chapter 6: Awwww that so sweet, thank you author your doing great, and hope this story can have sequel maybe hehe but thank you soososo much i really like it and enjoy it🤧🙈💝💙💝💙😻😌🙊👌🏻👌🏻👏🏻👏🏻🥳🥳🙏🏻🤗🙌🏻👏🏻💪🏻👋🏻✍🏻💪🏻
Emgeelex
#8
Chapter 6: Awwwee 🥺🥺 ang cute po ❤
hi_mitochondria #9
Chapter 6: Kasalan naman next whoooooo
marvolo #10
Chapter 6: grabe yorn. sana pwede ako maki-tira