Chapter 1: New Beginning

Heavenly

Sa hindi kalayuan, iyong maririnig ang palakas na palakas na tunog ng wang wang ng di bababa sa tatlong mobile ng pulis. Limang metro, yan ang layo ni Marco sa isang lalaking halos singtangkad niya. Isang segundo, sa isang mabilis na isang segundo natapos ang buhay ng lalaking iyon. Ito ang unang beses na nagamit ni Marco ang kanyang kalibre-45 sa isang buhay, sa isang taong ngayon lamang niya nakilala.

“Taas ang mga kamay! Walang gagalaw! Mga pulis ito!” Sigaw ng isang buong boses mula sa likuran.

Walang pagdadalawang isip na itinaas ni Marco ang kanyang mga kamay habang hawak ang kanyang baril sa kanan. Ang kaninang malamig na hangin na ibinubuga ng Disyembre mula sa labas ng warehouse ay mistulang tumigil sabay ng buhay na kanyang kinitil. Unti-unting namumuo ang malalamig na butil ng pawis habang papalapit ang ilang lalaking naka-uniporme sa kanyang kinatatayuan.

Ang huling tunog ng hakbang ng balat na sapatos ng makisig na lalaking naka-uniporme ang nagsilbing hudyat upang ibaba ni Marco ang kanyang mga kamay at ipaubaya ang mga ito sa masikip na posas na isinuot sa kanyang mga kamay.

Nang gabing iyon, sa isang pihit lamang ng gatilyo, sa una’t nag-iisang pagkakamali, isang buhay ang nawala at isa ring buhay ang mababago…

_______

“Aish… kainis naman! Masama bang magsaya kahit once a week man lang?” inis na sinasabi ng isang lalaking sa kanyang lollipop habang nakaupo sa nakasaradong kwadradong lata ng basurahan.

Mula sa kanyang ordinaryong kasuotan na kupas na maong at puting sweater, hindi mo mapagkakamalan na siya’y malayo sa ordinaryo.. Hindi siya tao at lalong hindi siya halimaw. Isa siyang anghel na pagala-gala sa lupa dahil nawiwili siyang pagmasdan ang pamumuhay ng mga tao.

Mag-iisang lingo na mula nung huling makapanhik si Mikael sa langit. Pinagsaraduhan siya ng pinto nito dahil sa katigasan ng kanyang ulo. Maka-ilang beses na siyang pinagsabihan na limitan ang pagbaba sa lupa dahil wala pa sa tungkulin niya ang maging isang anghel dela guardia.

“Gusto mo na ba talagang makabalik sa itaas?” tanong ng isang lalaking nakapambihis bahay na bigla na lang sumulpot kung saan man.

“Kanina ka pa ba dyan, Kiel?” sagot ni Mikael.

“Hmmm… mga 2 seconds.”

“O, hindi na ba galit si Superior sa akin? Ano ang dapat kong gawin para makabalik?”

“Heto.” Iniabot ni Kiel ang isang scroll kay Mikael.

Agad na binuksan ni Mikael ang scroll at binuksan ang nilalaman…

Name: Marco Rodriguez

Date of Birth: May 2, 1988

Date of Death: April 21, 2024

“Para makabalik sa langit, bantayan at protektahan mo ang taong yan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan… Pasaway ka man… Ngunit, binabati kita dahil sa tungkulin ito, maaari ka ng ituring na isang anghel dela guardia,” masayang ipinaalam ni Kiel kay Mikael ang magandang balita.

_____

Dahan-dahang naglakad si Marco kasama ng mga pulis at ilan pang kalalakihan papalabas ng warehouse. Wala pa mang sintensya ay mababakas mo na sa kanyang mukha ang pagsisi sa kanyang ginawa. Nakayuko niyang binagtas ang daan patungo sa malapit na mobil na nakaparada sa labas ng warehouse. Nakasunod sa kanyang likuran ang kanyang kanang kamay na lihim na nagtaksil sa kanya, balot din ng posas ang kanyang mga kamay. Isang maliit na ngiti ang biglang gumuhit sa kanyang mukha…

“Haayyy… buti na lang nandito rin siya,” paalam ni Kiel kay Mikael habang papalapit sa nakayukong si Marco.

Walang ni isa sa mga tao ang nakakakita o nakakarinig man lang sa dalawang anghel. Sabay rin nilang binagtas katabi ng dalawang pulis na hawak si Marco ang daan papasok sa mobil ng pulis… 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet