o irog, dinig mo ba?

Solomon
Please Subscribe to read the full chapter

Nahihikahos si Joohyun pababa ng hagdan. Hawak-hawak niya ang kaniyang buhok na hindi pa nasusuklay man lang. Nais niyang kausapin ang kanyang ama tungkol sa bumungad sa kaniya nang sumilip siya sa bintana ng kaniyang silid. Natagpuan niya ang matandang lalaki na prenteng nakaupo sa hapagkainan habang nagkakape at nagbabasa ng dyaryo. Agad itong dinaluhan ng dalaga.

 

"Tatang!"

 

Lumingon ito sa kanya at sumipsip muli sa tasa, "Oh? Kay aga mo naman yatang nagising."

 

"Anong-- Paano-- Bakit--!"

 

Hindi makabuo ng pangungusap ang dalaga sa sobrang pagkabalisa. Kagigising lamang niya at hindi pa maayos ang takbo ng kaniyang isipan. Lubhang ikinagulat niya ang natanawan sa kanilang bakuran. Alas singko pa lang ng umaga at hindi na agad mawari ni Joohyun ang magiging takbo ng kaniyang araw.

 

"Huminahon ka, 'nak," nag-aalalang sabi ng kaniyang ama. Tumayo ito at inilapag ang hawak na dyaryo sa mesa, "Ano bang problema? Binangungot ka ba? Pinagpapawisan ka, halika nga rito."

 

Akmang pinalalapit siya nito ngunit nanatili si Joohyun sa kaniyang kinatatayuan. Itinuro niya ang pintuan sa kaniyang likuran habang patuloy na nakaharap sa hapagkainan. Pinigilan niya ang pagtataas ng kaniyang boses bilang paggalang sa ama, ngunit may pag-aakusa pa rin sa tono nito, "Bakit ho nasa labas si Seungwan?!"

 

"Ah, iyon ba?" Nagkibit ng balikat ang matandang lalaki at bumalik sa pagkakaupo, "Halika't samahan mo akong mag-almusal."

 

"Anong--! Tatang!"

 

"Aba'y ano nga? Kanina ka pa tawag nang tawag sa'kin, narito naman ako," natatawang sabi nito.

 

Ibinaba ni Joohyun ang brasong nakaturo sa pintuan, pumikit siya at huminga nang malalim. Muli siyang nagmulat at mas naguluhan lang siya nang makita ang mukha ng tatay niyang wala man lang bahid ng kahit anong pangamba. Patuloy lang ito sa pag-aalmusal na para bang walang nangyayaring kakaiba. Na para bang...

 

"Kailan pa ho?"

 

"Magdadalawang linggo na," sagot ng ama na hindi man lang siya nililingon.

 

Napanganga si Joohyun.

 

"Bakit ba gulat na gulat ka riyan? Ngayon ka lang ba nakakita ng nagsisibak ng kahoy?"

 

"Tatang!" Padabog na muling tumuro sa kawalan si Joohyun, "Nakalimutan niyo na ho ba kung sino si Seungwan?!"

 

"Manliligaw mo?"

 

"O-opo, pero hindi ho iyon ang aking tinutukoy!" Napalunok ang dalaga, "Anak ho siya ng nagmamay-ari ng lupa na inyong sinasaka! Tapos ay pagsisibakin niyo lamang ng kahoy sa labas? Dalawang linggo na ang nakararaan? Tatang naman!"

 

"Aba, aking dalaga, iniinsulto mo ba ang iyong ama?" Taas-kilay na sabi nito, "Alam ko ang aking ginagawa. Hindi ba't pinag-igib ko rin naman ng tubig si Bogum noong huli?"

 

"Opo, pero iba--"

 

"Hindi iba si Seungwan sa kahit sinong taong umaakyat ng ligaw sa iyo," matamang sabi nito at tinapos na ang argumento. "Bakit hindi ka na lang mag-ayos muna sa taas at muling bumaba para saluhan akong mag-almusal."

 

"Hindi pa ho--" 

 

Napatigil si Joohyun nang maramdaman na matigas na bagay ang kaniyang hintuturong nananatiling nakaangat. Tumalikod siya at agad na napatingin sa parte ng katawan ng bagong dating kung saan tumama ang kaniyang daliri. Agad niyang binawi ang kaniyang kamay at napaatras ang dalaga. 

 

Matama niyang pinagmasdan ang kabuoan ni Seungwan na maaliwalas ang mukha kahit tumatagaktak ang pawis mula sa kaniyang noo pababa sa makinis na balat. Nakatali rin ang may kaikliang buhok nito, ngunit ang mga takas na hibla ay nakadikit sa pawisan nitong pisngi at batok. Bumaba ang mata ni Joohyun sa basa nitong damit at unti-unting namula nang mapagtantong sa patag na tiyan ng kaniyang manliligaw tumama ang kaniyang daliri.

 

"Higit ka pang maganda sa umaga, Joohyun," kumindat si Seungwan at malawak na ngumiti matapos bumati.

 

"Aba siyempre! Kanino pa ba magmamana 'yan," pagyayabang ng kaniyang ama. Tumayo na ito at iniligpit ang pinagkainan, "Kung tapos ka na sa gawain ay mag-almusal na kayo at ihahatid ko na ang aking maybahay sa palengke."

 

Tumango ang kaniyang manliligaw ngunit hindi natinag si Seungwan sa pagtitig sa dalaga, kahit habang nagpapaalam ito sa kaniyang ama bago umalis ang matanda.

 

Napagtanto ni Joohyun ang kaniyang kalagayan—sabog na buhok, lukot at may kaikliang damit pantulog, nakasimangot na mukha—halatang bagong gising at bangag pa sa mga nangyari. Bigla siyang nahiya sa presensya ni Seungwan na ang bango pa rin tignan kahit matapos magsibak ng kahoy sa kanilang bakuran.

 

"Hindi mo ako sasaluhan?" Tanong ni Seungwan nang tumalikod ang dalaga, "Hindi mo man lang ako ipagtitimpla ng kape?"

 

Mabilis na nilingon ni Joohyun ang manliligaw, "Maghintay ka riyan."

 

Mahina itong tumawa, "Ilang taon na akong naghihintay, aking binibini."

 

Lumakas ang halakhak nito nang pumalatak si Joohyun at dali-daling umakyat patungo sa kaniyang kwarto upang maligo. Kahit pa binati at sinabi nito na mas maganda pa siya sa umaga, nais niyang mas magmukhang kaaya-aya sa paningin ni Seungwan.

 

Para hindi na ito lumingon pa sa iba.

 

*****

 

Pinagmasdan niya si Seungwan na nakakunot ang noo habang iniinom ang kapeng itinimpla niya para sa manliligaw.

 

"Bakit hindi mo sinabi sa'kin na matagal ka na palang pinagsisibak ng kahoy ni Tatang?"

 

"Maikiling panahon pa lang iyon." 

 

"Dalawang linggo, labing-apat na araw…Ano ang maikli roon?"

 

"Kung ikukumpara mo sa ilang taong sinusuyo kita, at tatlong buwang nakalipas magmula noong pormal akong umakyat ng ligaw, ako pa ang nahihiya sa iyong mga magulang." Ibinaba nito ang tasa at tinignan siya, "At saka kailangan pa bang ipaalam sa'yo? Hindi ba't sa tatay mo lang ako dapat humingi ng permiso?"

 

Nais kong malaman ang lahat ng tungkol sa'yo, 'yon ang gustong isagot ni Joohyun. Pero walang lumabas sa bibig niya, bagkus ay muli na lang siyang sumubo ng pagkain.

 

"Saka hindi naman ako nagsisibak araw-araw, paminsa'y nag-iigib din, o tumutulong sa pagsasaka," dugtong nito bago kumain. Mabilis itong ngumuya habang iniaangat ang kanang manggas ng suot nitong damit. "Kita mo 'to?" Pagmamalaki ni Seungwan, "Kayang kaya na kitang buhatin patungo sa ating lupain."

 

Napailing ang dalaga sa nakita't narinig. Hinihiling niyang sana ay hindi napansin ni Seungwan na napalunok siya nang mamasdan ang namimintog nitong braso.

 

"Pero lagi kang narito tuwing umaga?" Paglilihis ni Joohyun na tinanguan ng manliligaw. "Bakit ngayon lang kita nadatnan?"

 

Sumibol ang mapang-asar na ngiti sa mukha ni Seungwan, "Kasi ay ngayon ka lang nagising nang ganito kaaga, mahal kong prinsesa."

 

Nag-iwas ng tingin si Joohyun at inabot ang sariling tasa. Bago uminom ay bumulong siya, "Kung ganoon pala ay dapat akong mauna sa pagtilaok ng tandang kung nais kitang masilayan."

 

Alam ni Joohyun na narinig ng manliligaw ang kaniyang sinabi dahil napakagat ito sa labi. Pumungay ang mga mata nito, "Kung hangad mo akong makita ay kailangan mo lang magsabi. Tawagin mo lang ang ngalan ko't magkakandarapa ako patungo sa'yo."

 

Pilit itinatago ni Joohyun ang kaniyang namumulang mukha sa likod ng maliit na tasa na kaniyang hawak malapit sa bibig, "Sigurado ka ba riyan? Hindi ba't madalas ay isinasama ka ng iyong ama sa pamamalakad ng inyong lupain?"

 

"Hmm," paghuni ni Seungwan, "Pero kaya kong ipagpaliban 'yon. Uunahin kita. Dapat na malaman mong ikaw muna bago ang lahat."

 

Taas-kilay niyang tanong, "Una lang?"

 

"Pati huli," walang pag-aalinlangang sagot ng manliligaw, "Kung iyong mamarapatin."

 

Mas naging mainit pa sa tsaa ang pakiramdam ni Joohyun dahil sa mga alaalang lumandas sa kaniyang isipan, kaya't nagmamadali siyang tumayo at niligpit ang mesa. Bitbit ang mga pinggan ay naglakad siya patungo sa kusina at iniwan ang manliligaw na sinusundan lang siya ng tingin habang nakangiti.

 

*****

 

Tuwing madaling araw kita mas iniibig

Oras ng pagsibol ng liwanag sa dilim

Nagbabadya ng bagong pag-asa at pasakit

Hudyat ng panibagong araw upang ako'y mahulog pang muli nang malalim

Sa iyong matang tahanan ng mga bituin

Patuloy akong titingala at magmamasid

Sa iyong katauhang dinadalaw ako maski sa panaginip

 

Maingat na ibinaba ni Joohyun ang papel kung saan nakasulat ang liham ni Seungwan, ilang buwan bago ito umalis patungong Maynila. Ito ang unang pagkakataon na inilahad nito ang laman ng pusong tumitibok para lamang sa dalaga. 

 

Apat na taon na ang nakalipas, natapos na nito ang pag-aaral ng kursong komersyo at walang mapaglagyan ang labis na kagalakan ni Joohyun sapagkat dumating na ang araw na kaniyang pinakahihintay.

 

Uuwi na ang kaniyang iniirog. Makakapiling niya na ito na hindi na lamang sa pamamagitan ng buwanang palitan ng liham. 

 

"Joohyun!"

 

Dali-daling lumabas ng silid ang dalaga nang marinig ang pagtawag ng kaniyang kaibigan na si Sooyoung. Nag-aabang ito sa labas ng kanilang bahay at maligalig na kumakaway, "Bilis!"

 

"Alam mo na ba ang balita?" Usisa nito nang siya ay makalapit.

 

"Batid kong nakauwi na si Seungwan."

 

"Bukod pa roon!" Natatarantang sabi ng kaibigan, "Nako, tiyak na hindi mo magugustuhan ang susunod kong sasabihin ngunit mas mahirap na kung mamayang gabi mo pa malalaman."

 

Umigiting ang panga ni Joohyun. Sa banta ng kaibigan ay may kakaiba siyang naramdaman. Hindi kaaya-ayang mga kaisipan ang pumasok sa kaniyang isip at nahihirapan siyang huminga, "A-Anong ibig mong sabihin? May ano mamayang gabi?"

 

"May pagtitipon mamaya sa mansyon ng mga Son. Malaking kasiyahan dahil sa pag-uwi ng nag-iisang tagapagmana," saad ni Sooyoung. Ngumuso ito sa paligid at sinundan ito ng tingin ni Joohyun. Minasdan niya ang paligid at napakunot ang noo niya sa dami ng dilag na nakakumpol at naglalakad patungo sa bayan. "Kaya naglalabasan ang mga 'yan para makabili ng magagandang saya. At bukod doon…"

 

Ibinaling niya ang atensyon sa kaibigan, "Huwag ka nang mag-atubili at ilahad mo na."

 

Bumuntong-hininga ang matangkad na dilag at hinawakan si Joohyun sa magkabilang balikat. Lumapit ito at mahinang nagkwento, "Kilala mo naman ang nobya ko, hindi ba? Si Seulgi?"

 

Tumango si Joohyun bagamat naguguluhan, "'Yung anak ng hardinero ng mga Son, oo."

 

"Dis oras na ng gabi dumating si Seungwan, aniya… ngunit hindi siya nag-iisa."

 

Hindi alam ni Joohyun kung tumigil ba ang ikot ng mundo dahil wala siyang ibang marinig kundi ang lakas ng tibok ng puso sa dibdib, "S-Sino…?"

 

"Si Rosana, iyong anak ng alkalde ng kabilang bayan," nag-aalangang nagpatuloy si Sooyoung, "S-Sabi pa ni Seulgi, doon din ito sa mansyon n-nagpalipas ng gabi…"

 

*

 

"Dios mio!" Bungad ng ina ni Seungwan sa kaniya, "Joohyun, tila ikaw yata ang pinakamarikit na binibini ngayong gabing ito."

 

Pagtuntong pa lang ni Joohyun sa bukana ng magarbong mansyon ay iginala na niya agad ang mata sa pag-aasam na masulyapan man lang ang sinisinta. Na kahit sa totoo lang ay hindi niya alam ang gagawin kung sakali ngang magtagpo sila.

 

Matutuwa ba siya dahil sa wakas ay magkasama na sila o magagalit dahil may kasama itong iba? Hindi man halata sa kaniyang itsura ay para siyang nakakasang baril at isang kalabit lang ay puputok na sa sobrang paninibugho.

 

"Ginang," pagbibigay-galang ni Joohyun at matapos ay mahinhin na tumawa, "Maraming salamat po ngunit kumpara sa tunay ay masyado ho yatang makulay ang inyong pagbati."

 

Niyakap siya nito at hinawakan sa pisngi, "Siguradong magagalak ang aking anak kapag ikaw ay kaniyang nasilayan."

 

Pakunwang maliit na ngiti ang isinukli ni Joohyun at kumalas na sa bisig ng matanda, "Papasok na po ako sa loob at naaabala ko pa ho kayo sa pagbati sa ibang bisita."

 

Taas-noong naglakad si Joohyun at paminsan-minsang ngumingiti sa bawat bumabati. Karamihan sa mga ito ay mga binata na kahit may mga dalagang nakaangkla sa kanilang mga braso ay napapatitig pa rin sa kaniyang kagandahan.

 

Kilala si Joohyun sa buong bayan dahil sa kaniyang mukha na waring inukit ng mga diyos-diyosan. Nahuhumaling ang kahit sinong magmasid, nahuhulog ang kahit sinong tapunan niya ng ngiti. Pero kahit marami ang nagbabalak, lahat ay bigong uuwi.

 

Paano'y may iba siyang hinihintay. May ibang nakapagpapangiti, may ibang gustong makapiling. Isang ngalan lang ang nais banggitin, isang labi lang ang nais kilalanin.

 

At ang hunghang na kaniyang hinihintay ay umuwing may bitbit na kalaguyo. Makita niya lang ang putang iyon ay ihahagis niya iyon pabalik ng Maynila at lulunurin sa ilog Pasig.

 

"Doon tayo," paghila sa kaniya ni Sooyoung.

 

Dinala sila nito sa isang gilid kung saan naroon na ang nobya nitong si Seulgi, kasama ang pinsan nitong si Yerim. Tahimik lang na umupo si Joohyun at nagmasid sa kabuoan ng bulwagan.

 

"Mas naging maganda ang gabi noong dumating kayo," pagbati ni Seulgi. "Gusto niyo ba ng makakain o maiinom? Ikukuha ko kayo."

 

"Sige nga, irog," saad ni Sooyoung, "Para naman mahimasmasan itong si Joohyun."

 

Umirap ang dalaga, "Kalmado ako, Sooyoung."

 

"Nako, ate," bungad ni Yerim, "Kahit ikaila mo ay alam namin."

 

Dumungaw si Sooyoung at bumulong, "Nasaan ba?"

 

"Andoon sila sa kabilang dulo kasama ang kanilang mga magulang," turo ng nakababata sabay biro, "Namamanhikan na yata."

 

Binawal ito ng kaibigan kahit natatawa, "Yerim!"

 

Ngumiti na lang ng mapait si Joohyun at agad hinablot ang baso mula kay Seulgi na kadarating lang. Alam niyang hindi niya dapat seryosohin ang sinabi ng kaibigan ngunit masisisi niyo ba siya kung puno na ng pangamba ang puso niya?

 

"Teka, Joohyun!" Pagpigil ni Seulgi, papahina ang boses habang pinapanuod siyang dire-diretso ang lagok ng inumin, "May halong… lambanog… 'yan…" 

 

Ilang oras ang lumipas nang magsimula ang malaking salu-salo. Ngunit sa mga nakaraang sandali ay ni minsa'y hindi man lang niya nakita maski ang anino ni Seungwan. Malamang siguro ay abala ito sa pagdalo sa lahat ng bisita, o sa ibang mas makabuluhang bagay kaysa kay Joohyun.

 

Nagsimulang tumugtog ang kundiman at umalingawngaw ang musika sa buong bulwagan. Nagtipon na rin ang mga tao sa malawak na espasyo sa gitna upang magsimulang magsayaw.

 

At sa unang pagkakataon ay nasilayan na niya ang giliw na apat na taon niyang hinintay—ang nag-iisang nagmamay-ari ng pusong nalulumbay ni Joohyun. Matikas ito sa suot nitong barong. Tumangkad din, mas gumanda at mas nagmukhang magiting at dalubhasa. Maikli na rin ang buhok nito, ang dulo'y gumagalaw alinsunod sa bawat hakbang ng paa. 

 

Ngayo'y nasa harapan niya na si Seungwan, na may kasayaw na ibang dilag.

 

Magandang dalaga si Rosana. Kita sa mukha at postura nito na galing ito sa marangyang pamilya. Dagdag pa ang magarbong damit ay tunay itong nababagay sa ganitong klaseng pagtitipon.

 

Bagay sila.

 

Gustong sumugod ni Joohyun at manampal.

 

Ah, dalagang Filipina nga pala siya. Dapat ay hindi makabasag pinggan.

 

Gustong sumugod ni Joohyun at… basagin ang mukha ni Seungwan.

 

Ah puñeta, bahala na si Bathala.

 

"Magandang gabi, mga binibini."

 

Napaiwas ng tingin si Joohyun kila Seungwan patungo sa binatang lumapit sa kinaroroonan nila. Ngumiti si Bogum sa kaniya at naglahad ng palad, "Maaari ba?"

 

Sinuklian ito ni Joohyun ng bahagyang pag-angat ng labi. Inabot niya ang kaniyang kamay at tumayo. Nagpatianod siya sa hila ng lalaki at nagsimulang sumayaw.

 

Hindi rin napirmi si Joohyun dahil sa mga ginoong maya't mayang nagyayaya sa kaniya sa gitna ng bulwagan. Hindi rin naman siya makatanggi, ayaw niya. Kung ito ang paraan para mawala sa ulirat niya ang mga nakakasuklam na kaisipan ay sasayaw siya buong magdamag.

 

"Maraming salamat, Joohyun," pasalamat ng pang-anim na binatang nakasayaw niya. "Muli ay magandang gabi," paalam ni Junmyeon matapos siyang maihatid pabalik sa pwesto nila sa gilid. 

 

Padabog na umupo si Joohyun at tinanggap naman niya ang inabot ni Sooyoung na inumin. "Nasaan na 'yong dalawa?"

 

"Umuwi na si Yerim," sabi ng kaibigan habang nagpapaypay, "Inihatid lang saglit ni Seulgi."

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
paradoxicalninja
#1
Chapter 1: 🥺💖💙
wr9194 #2
Chapter 1: sobrang ganda talaga nito 😭
marvolo #3
kakilig talaga huhu
pinkblueskies #4
Chapter 1: Lubos ang aking pasasalamat dahil isa nanamang magandang kuwento mula sa iyo ang aking nabasa. Mula simula hanggang sa huli ng kuwentong ito ay nakangiti ako. Labis na kilig ang aking naramdaman habang binabasa ko ito. Napakaganda at husay nang pagkakalikha. Isa kang mahusay na manunulat. Maraming salamat! :)
revelnc #5
Chapter 1: Tila ako'y nagbalik sa aking kabataan dahil sa nararamdaman kong mga paru-paro sa aking sikmura. Kung ganito lang din naman ang magpapatibok nang mabilis sa aking puso, handang-handa akong basahin uli mula una hanggang dulo. Maraming salamat sa'yo, at napakahusay mo talagang manunulat 😔💗 Iba talaga ang dala kapag wika ng inangbayan ang ginamit sa pagkuwento. Sana all na lang talaga ako.
Alex_Larson
#6
Chapter 1: Binuhay mo ang pagiging bulakenya ko. Talagang napakaganda ng pagkakasulat, matamis at hindi ko maiwasang kiligin. Mapapasambit ka na lamang ng, "sana all".
kwonyulesbian
#7
Chapter 1: Labis din akong nanghihinayang sapagkat ngayon ko lamang natuklasan ang istoryang ito na labis ang tamis na ipararamdam sa bawat manbabasa, mapa-single o taken man. Maraming salamat at lubos talaga akong nagalak sa iyong napaka orihinal, talentado, brilyante, amazing, show stopping, spectacular, never-the-same, totally unique, completely-not-ever-done-before na wr au. Arigathankyu lodi-nim.
Softhooman
#8
Chapter 1: Ako'y lubos mong pinakilig sa iyong istorya na puno ng mabubulaklak na salita. Napakagaling mong manunulat, grabe iba talaga ang sariling atin. Maraming salamat
luviedeul #9
Chapter 1: Ang ganda ng pagkakasulat ♡ Idadagdag ko na ang iyong ngalan sa aking listahan ng mga paborito kong manunulat
pajamagirl2 #10
Chapter 1: ang gandaaaa????