Sukdulan

Tadhana (Fate)

2

Sukdulan

 

            Halimaw. Tao. Ano ba ang pinagkaiba ng dalawa? Ang halimaw pumapatay, kumakain ng tao, walang konsensya, walang Dios. Ang tao...

           

            “Seryoso kuya biliisan mo nga! May hinahabol tayo hindi tayo nagaouting.” Sita ko kay Raul ang nakakatanda kong kapatid. Nasa highway kami papuntang Urdaneta on a mission para harangin at piligan ang isang jeepney puno ng tao galing Capiz. Nasa ruta ito patungong Baguio ok lang sana kung tao nga talaga ang laman ng jeep nayun kaso hindi eh, aswang ang sakay nun.

            “So ano? Sa pagmamadali natin baka maaskidente tayo.” Sagot niya.

            “Wow ha mangangayam ka ba o hindi? Aswang nga kinakaharap natin halos araw – araw tapos sasabihin mo sakin na takot ka sa konting galos.” Pagpuna ko. Mga mangangayam yun kami yun ang trabaho namin. Buong buhay ko simula ng pagkabata hanggang sa pagbinatilyo ko iginugol kong lahat yun sa pagtugis at pagpaslang sa mga nilalang ng dilim na walang awang pumapatay ng mga tao. Ang tatay ko ang nagturo sa akin kung paano pumatay ng aswang, lahat ng kaalaman niya ipinasa niya sa akin, kaalaman na minana naman niya sa lolo ko na tinuruan naman ng tatay, samaka tuwid halos lahat sa pamilya namin ay mga mangangayam. At ang mga tunay na mangangayam hindi natatakot mamatay at lalong-lalo na hindi natatakot na masugatan.

            “Kung makapagsalita ka parang wala kang nobyang naghihintay sayo ah.” Sabit niya na sadya namang ikinainis ko. Tila lahat ng galit na kinikimkim ko simula pa noong pagaalis namin sa kampo hanggang sa pagabot namin sa Pura ay nagbabadyang sumabog. Wala na talagang kadugo at kapatid na kinikilala ang mga ahas sa panahon ngayon. Bumabalik nanaman sa isip ko ang mga ganap na nakita ko ng disinasadya sa kampo at parang nagdidilim ang paningin ko. Tutal kami nalang naman dalawa mas mabuti pang ilabas na lang tong nararamdaman ko kaysa naman may magawa pa akong di ko magugustuhan.

            “May nobya nga kinalantari mo naman.” Sagot ko. Ang hangin sa loob ng saksakyan namin ay parang hinigop ng mga salitang sinabi at kitang kita ko ang pagkaputla ng mga labi niya. Ang tingin ko nakadiretso sa daan walang kibo at walang imik sa kanya. Buong magdamag akong walang tulog dahil sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ko ang kahayupan nila at nang walang kwenta kong nobyang si Isabel ang nakikita ko. Habang ako ibinubuhos ang lahat para matalo ang mga aswang sa laban sila naman tinatarantado ako patalikod. Nanggagalaiti ako tuwing sumasagi sa isip ko ang kahayupang ginawa nila sa akin. Gaano na katagal? Gaano na katagal nila akong niloloko?!

            “Tol.” Tawag niya sa akin ng mapalapit na kami sa may tulay. “Tol walang kasalanan si Isabel kung galit ka sa akin mo ibunton yun.”

            “So ano nakipagtalik ka sa sarili mo?” sagot ko sa kanya. Walang kasalanan? Sinong niloko nila? So ano pinilit mo siya ganun? Patawa.

            Katahimikan. Nagpatuloy kami sa ruta namin. Tensyon ang naghahari sa loob ng sasakyan. Bigla niyang itinigil ang sasakyan at sabay sabi.

            “Magusap tayo.”  

            Na nigas na ang kamao ko ang malapit na akong mawala sa ulirat.

            “Kuya kung ayaw mong ikaw ang titikim ng sakit ng espada ko paandarin mo tong sasakyan.” Utos ko habang sinusubukang kontrolin ang sarili ko.

            “Hindi tamang idamay mo si Isabel dito.”

            “Hindi idamay bakit sino ba ang nagtaksil sa karelasyon sa inyong dalawa? Wag kang magalala pagbalik na pagbalik natin sa kampo iyong iyon na ang babaeng yun!”

            “Umayos ka Pablo!” sigaw niya sabay hila sa kwelyo ko.

            “Ah ako pa umayos bakit sinong bang hayop na tarantadong di makaintindi na salitang may nobyo na!”

            “Matinong babae si Isabel!”

            “Yan ba ang matino?! Walang palabra de honor?! Tinataas ang saya para sa kapatid ng kasintahan niya?!”

            “Manahimik ka!” sigaw niya at sinubukang suntukin ako. Nadali kong napigilan ang kamao niya.

            “Baka nakakalimot ka kuya kung ano ang rango ko sa kampo?” painsulto kong tanong sa kanya.

            “Oo ikaw ang pinaka magaling na mangagayam pero wala ka namang kwentang kasintahan! Puro trabaho ang iniisip mo ni minsan hindi mo siya binigyan ng importansya!”

            “Yan ba ang mga salitang ginamit mo para bilugin utak niya? Napakababaw nga talaga niya. Magaling ka palang kasintahan eh di sige sayo na ang pinagsawaan ko isaksak mo sa baga mo! Tutal naman pareho kayong mga ahas bagay na bagay!” sigaw ko.

 

            Naputol ang alitan namin nang biglang nabasag ang side mirror at lumagapak sa bubungan ng sasakyan ang isang mabigat na bagay. Anak ng tokneneng ba naman oh kung di ka naman minamalas kami pa ang sinunggaban ng mga hinahabol namin.

            Dali – dali kong inilabas ang sibak ko at pinutol ang ulo ng isang tiktik na nagpupumilit na pumasok sa loob ng sasakyan. Si Raul naman tulad ng dati di parin marunong tumira ng tama.

            “Tol paandarin mo! Gago ka kasi bakit sa gitna ng kalsada ka tumigil!” utos ko habang sinisibak ang titik na nakakabit sa bubong. Agad na pinaharurot ni Raul ang sasakyan nahulog mula sa bubong ang titik na tinitira ko kaya tinulungan ko nalang siya sa asawang na kanina pa umaatake sa kanya. Nang mapatay namin ang titik ay saka nalang kami nakaupo ng maayos.

            “Labing lima.” Sabi ko habang pinagmamasdan ang mga aswang na kasalukuyang sumusunod sa anim.

            “Di ba nauna na dapat yang mga yan?!” nagtataka niyang tanong.

            “Gwardiya siguro. Tama ang hinala ni kuya Miguel.” Sabi ko habang hinahanda ang mga armas kong ginawa na sadya para sa mga aswang.

            “Hinalang ano? Tol tirahin mo na nga.” Na aaligaga niyang sabi.

            “Konting pasensya tol.” Binuksan ko ang pintuan ng sasakyan at saka tinira ang tatlong humahabol na aswang na nasa kanan namin. Isa, dalawa, tatlo lahat sila isang tira lang sa ulo na sapol. Kitang kita ko ang pagkalat ng lasong gawa sa agua bendita, asin, bawang at iba pang sangkap na kontra aswang sa katawan ng mga tinamaan nito. Isa isang nasunog at naging abo.

            “Anong hinala ni kuya?” tanong niya ulit.

            “Hindi lang basta bastang aswang ang sakay nung galing Capiz.” Sagot ko habang lumilipat sa kabila para tirahin ang aswang na lumalapit na sa sasakyan.

            “Ibig mong sabihin..”

            “May bangkilang sakay yun.” Pagtatapos ko sa sasabihin niya. Bangkilan ang pinakamataas na uri ng aswang royalty kung tatawagin, pinakamalakas at pinakanakakatakot sa lahat ng uri ng aswang. Para sa aming mga mangangayam ang makapatay ng isang bangkilan ay isang katagumpayang habang buhay namin ipagmamalaki. Mahirap silang talunin, mahirap din silang sugatan. Hindi pa ako nakakaharap ng isang bangkilan pero si kuya Raul nakaharap na siya ng isang bangkilan at napatay niya iyon. Kung tutuusin siya na sana ang pinakatanyag na mangagayam sa panahon namin at pinakamagaling narin kaso ang enkwentro niyang iyon sa bangkilan ang sumira sa kanyang.

            Psychological trauma kung tawagin ng mga modernong doktor, napatay nga niya ang bangkilan pero naghihingalo din siyang ibalik sa kampo. Pagkagising niya hindi na siya tulad ng dati wala na ang matapang na Raul na nakilala ng marami, kwento pa niya katakot-takot ang tunay na anyo ng mga bangkilan para kang nakaharap ng demonyo pagnakita mo ang tunay nilang anyo. Naging nerbyoso na siya at hindi makatira ng direkta dahil sa enkwentrong iyon.

            “Itigil mo yang iniisip mo Pablo. Alam ko galit ka sa akin ngayon pero makinig ka. Wag mong asamin na makaharap ang isang bangkilan.” Babala niya.

            “Wag kang magalala hindi ako magiging katulad mo.”

            “Kahit na, masasabi mo yan ngayon kasi pakiramdam mo nasa tuktok ka ng mundo pero pag nakaharap mo na ang katotohanan malalaman mong tao ka lang pala at sila halimaw.

           

            Pagsabog. Mabilis ang mga pangyayari ambush kung tawagin. Alam ng mga aswang kung nasaan kami at hinihintay nila ang pagdating namin.

            Labanang madugo at parang impossible pero nagawa kong manalo hindi ko maintindihan kung paano at kung bakit pa ako buhay sa dami ng mga aswang na pumalibot sa amin. Nagawa ko silang matalo at yung iba naman tumakas na nang makita nilang hindi sa dami nila ang tiyak na tagumpay.

            Naglalakad ako papunta sa kotse naming bumaliktad. Nasa loob parin ng sasakyan si kuya Raul. Pagbot ko sa harapan ng sasakyan kitang kita ko na duguan siya at di makagalaw.

            “Tol tulungan mo ako! Naipit ng makina ang paa ko.” Sabi niya sa akin.

            Hindi ko maintindihan kung bakit. Bakit sa halip na magmadali ako para tulungan si kuya ay nanatili akong nakatayo sa harapan ng sasakyan, nakatingin lamang.

            “Tol ano ba! Wag ka ngang tumayo lang diyan! Tulungan mo ako!”

            Kahit na dinig ko ang pagsusumamo niya nanatili akong bingi. Bumabalik sa isipan ko ang ginawa nila ni Isabel sa akin. Bumabalik ang alaala ng araw na nahuli ko silang nagtatalik habang ako sugatan at dugong dungong kakabalik pa lamang sa isang misyon laban sa mga kubot ng Atimonan. Tila nagdidilim ang paningin ko ang boses sa utak ko nagsasabing “Iwanan mo siya dyan.”

            Naamoy ko ang amoy ng gasolinang tumutulo at yun ang nagpabalik sa akin sa katotohanan. Katotohanang huli na dumating dahil bago ko paman maigalaw ang kamay ko patungo sa pintuan ng sasakyan ay sinalubong na ako ng napakalakas na pagsabog at nagdilim na ang lahat.

 

            Minsan ang tao mas masahol pa sa halimaw. Kasi kahit na may konsenya ito na nagsasabi ng tama at mali mas pipiliin pa nitong manakit ng kapwa at pumatay ng iba kadugo man o hindi kakilala.

 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
lonergirl
#1
Chapter 2: Jom, wow.


Ang intense, epecially nang pinatay ni Trina si Olivia. Ang lakas ni Trina na kinaya niyang patayin ang Elder~ Napaka inconsiderate naman ang parents niya, si bestfriend pa ang pinakain xD pero bet yung madugong pyestabni Trina at ang mga Kaibingan ng nanat niya.

Si Pablo naman~ okay lang siya. He got cheated off. Pero at least focused siya sa trabaho niya~ looking forward.

Pasensya hindi mahaba ang comment kasi naninibago ako sa Filipino.