Suring Nobela: Kapitan Sino

I. Pamagat

Ang katawagang Kapitan Sino ay ang aksidenteng palayaw kay Rogelio Manglicmot ng taong bayan. Noong simula ay wala namang tawag sa bida ang mga tao. Nagkataon lamang na noong iniligtas niya ang isang estudyanteng kinidnap ng mga rebelde, may mga taong nagtaka na kung sino nga ba ang estrangherong tagapagligtas. May sumigaw na "Hindi ba si Kapitan 'yon?" Sabay habol nang isa na "Kapitan? Sino?" at pamula noon, nakasanayan na ng tao na tawagin ang bidang "Kapitan Sino". 

Maraming opinyon at iba't ibang punto de bista ang naipahayag sa nobelang ito. Bagay na hindi makikita sa maraming mga libro. Ang katangi-tangi pa sa nibelang ito ay ang tunggalian ng bida at ng kaniyang mga nililigtas at tinutulungan. Ito ay hindi katulad ng madaming kuwentong may bayani na parating pinapasalamatan. Ipakikita nito kung paano nabubuhay ang bida bilang isang tagapagligtas at kung paano niya ito binabalanse sa kaniyang ordinaryong buhay. Ipapahiwatig sa istoryang ito kung paani mabubuhay nang may napakalaking responsibilidad na nakapatong sa balikat nito sa hindi naman talaga niya kailangang pasanin. 

 

II. Tauhan

Rogelio Manglicmot

Si Rogelio ay isang electrician na natanggap upang magtrabaho sa Kyoto Electronics sa Japan. Ngunit dahil sa hindi pagpayag ng ama nitong si Mang Ernesto, hindi na siya natuloy na pumangibang bansa.  Lumaki si Rogelio sa bayan ng Pelaez sa kanilang maliit na bahay kasama ang kaniyang magulang.

Si Rogelio ay matulungin kagaya ng binaggit ng kaniyang matalik na kaibigang si Bok-bok na "Tumutulong ka bilang Rogelio. Kung ano ang meron ka ibinabahagi mo sa iba, kung ano 'yung kaya mo, ginagawa mo. May lakas ka para itama ang mali, para tumulong sa mahihina."

 

Bok-bok

Si Bok-bok ang matalik na kaibigan ni Rogelio. Siya ang nagkumbinse sa kaibigan na tumulong sa iba gamit ang kapangyarihan na taglay nito. Siya din ang nagmistulang tagapayo ng kaibigan.  Si Bok-bok ay isang ulila at nakatira ito sa tiyahin. Magkababata sila ni Rogelio at sabay na lumaki. Itinuring na din ni Aling Hasmin, ina ni Rogelio, bilang anak at kakambal ng anak nito. 

 

Tessa

Si Tessa ang bulag na kababata nila Rogelio at Bok-bok. Teng ang palayaw ng dalawa dito. Siya ang babaeng natitipuhan ni Rogelio.  May paniniwala din siya na ang kagandahang panloob  ay mas importante kaysa sa kagandahang panlabas. Isa siyang mapag-suporta na kaibigan. Siya ang gumawa ng kostyum ni Kapitan Sino na kulay silver. 

 

III. Buod

Nagsimula ang istorya nang nagkukumpuni si Rogelio ng sirang telebisyon. Isang araw, habang tinatapos ang pagkukumpuni ng telebisyon, nagkaroon ng brown out ngunit gumagana pa rin ang hawak niyang soldering iron. Nang subukang palusutan ang napansin ni Bok-bok na gumaganang soldering iron, napansin din nito na umiilaw ang bumbuilya sa itaas ng ulo ni Rogelio. Nang mapaamin ni Bok-bok ang kaibigan, nagsimula itong mangumbinse na gamitin ang kaniyang kakaibang kakayanan upang tumulong sa mga nagangailangan. 

Nang makumbinse si Rogelio, sinimulan niyang tumulong sa isang taong ninakawan ng pakwan. Hinabol niya ang magnanakaw at isinabit sa krus ng simbahan. Wala pa siyang kostyum na suot noon kaya't ang kaniyang ginamit na pantakip sa mukha ay ang kaniyang suot na kamiseta. Isa din iyon sa dahilan kaya tinawag siya noon na "ninja". Hindi nagtagal, nalaman ni Tessa ang tungkol sa kakaibang kakayahan ni Rogelio sa pamamagitan ni Bok-bok at nagprisinta itong gagawa ng kotyum ng kaibigan. Gumawa siya ng silver na tights na pinarisan ng bakal na helmet. 

Madami nang nakalaban si Rogelio. Isa na nga dito ang mayor ng Pelaez na nangunguha ng tao upang ipakain sa anak ang dugo ng mga ito. Hindi naging madali ang labanan ng dalawang makapangyarihang nilalang. Nang mapatay niya ang mag-ama itinuring na siyang bayani ng mga taga-Pelaez. Ngunit ang naging kapalit nito ay ang buhay ng pinakamMahal ni Rogelio na si Tessa.

Ngunit hindi lahat ay naging mapagpasalamat sa kanya. May mga tao na sinisisi pa siya at binansagan pang pakialamero. Ngunit hindi ito naging hadlang sa kaniyang pagtulong sa iba. At dahil sa kaniyang kabutihang loob, napagdesisyunan ng mga tao sa Pelaez na gawaran ng parangal ang tagapagligtas. 

Hindi sana magpapakita si Rogelio sa taumbayan dahilan sa kaniyang kalungkutan sa nangyari kay Tessa ngunit nang madami nang impostor ang naglabasan upang makuha ang pabuyang 30 libong piso ay nagkaroon ng kaguluhan. Hanggang sa nagwala ang isang lasing at nagbadyang ibato ang granada sa entablado. Nang akma nang babato ito ay natabig ni Bok-bok ang kamay ng lalaki at nabitawan nito ang granada. Nang ito ay sasabog na, dinaganan ni Rogelio ang granada upang maisalba ang buhay ng mga taga Pelaez. Matapos ang pagsalba ni Rogelio sa taong bayan, nalaman na ng mga mamamayan ang tunay na Kapitan Sino. Kasabay nito ang pagbintang ng mga tao ng mga bagay na hindi naman kasalanan ni Rogelio. Katulad na lamang ni Aling Chummy na ibinintang kay Kapitan Sino ang pagkamatay ng asawa nito na binawian ng buhay dahil sa sobrang paninigarilyo. 

Kinulong si Rogelio kasama si Bok-bok na ipinagtanggol ang kaibigan na wala naman talagang kasalanan. 

Matapos ang ilang panahon, nagkaroon ng epidemya sa Pelaez. May mga dayuhang duktor na pumunta sa lugar upang humanap ng lunas. Nag si Rogelio na ang tinawag upang i-eksamina ang kaniyang dugo, nagulat ang mga duktor at nakita na nila ang gamot sa epidemya. Nang malaman iyon ni Rogelio, ninais niyang maipagamot muna ang mga magulang kaya lumabas siya sa tolda ng mga duktor.

Habang hinahanap niya ang kaniyang mga magulang, may isang lalaki na lumapit sa kaniya ay sinaksak siya upang magamot ang anak nitong apektado na din ng epidemya. 

Nagtapos ang istorya nang ang Pelaez ay nagbalik sa dati at ang bagong mayor ay nagbibigay ng talumpati nito sa taong bayan kung paano nakatulong si Rogelio Manglicmot sa kanilang lugar at kung anu-ano ang mga ngawa ng partido ng mayor para sa Pelaez. Nagalit si Bok-bok at sinugod ang mayor at sinapak ito. 

 

IV. Analisis

Sa aking pagaanalisa sa nobela, mayroon akong teyoryang pampanitikan na napansin. Ito ang Naturalismo. 

Naturalismo ito sapagka't ayon sa mga katangian ng isang naturalistang akda ito nabagay. Ang mga katangiang ito ay ang pesimistikong daloy ng istory na makikita naman sa pagbibintang sa bida ng mga bagay ng hindi naman niya kasalanan na nauwi sa pagkakakulong dito at pagkamatay.

Ang isa pang katangian ay ang paglalarawan ng katotohanan. Makikita naman na kahit hindi totoong may mga taong may kakaibang lakas, makikita natin na ang mga tao ay parating nakaasa sa iba. Makatotohanan din na ang mga tao ay parating humahanap ng mapagbubuntungan ng sisi nang sa gayon hindi maipakamak ang sarili.

Isa pang katangian ay ang pagkakaroon ng external o internal force na sumasailalim sa mga tauhan sa kuwento. Ito nga ay ang kapangyarihan ng pagiging makasarili ng mga tao. Dahil sa pagiging makasarili ng mga ito, nagkakaroon ng mga problemang hindi naman dapat na umusbong.

Isa pang katangian ay ang pag-aasal hayop ng ilang tauhan. Ito naman ay naipapakita ng mga tsismosa ng Pelaez. Asal hayop sila sapagka't hindi makatao ang paggawa ng masamang balita ukol sa mga taong wala namang masamang ginagawa.

Isa pa din ay ang pagkakaroon ng politikal na paksa. Ito ay pinapakita ni mayor Suico na nananamantala ng kaniyang kapangyarihan upang mabuhay. At ang huli ay ang pagkakaroon ng pangyayaring hindi kadalasang nangyayari sa gitnang uri katulad ng mga krimem at sakuna. Naipakita naman ito sa buong istorya. Mula nang magkaroon ng mga krimen sa Pelaez hanggang sa pagkakaroon ng epidemya. 

 

Sa pagdulog naman, ang aking napiling gamitin na pananaw ay ang sosyolohikal na pananaw. Ayon sa pagdulog na ito, ang mga pangyayari sa istorya ay nagsasalamin sa lipunan ng panahon na isinulat ang akda. Ipapakita rin dito ang pang-aapi sa mga taong may mas mababang katayuan sa lipunan. Sa pagdulog din ito makikita ang mga pangkalahatan sa partikular, ang mga kakaiba sa pamilyar, at makikita ang sariling kaisipan ng awtor ukol sa lipunan.

Naipakita ito sa nobela sa pamamagitan ng mga nangyari kay Kapitan Sino. Naipakita kung paano apihin o pagsamantalahan ni mayor Suico ang mga tao sa Pelaez sa pamamagitan ng pagkain sa mga ito. Naipakita rin ang kakaiba sa partikular sapagka't naipakita ang mga kakaibang ugali ng mga tauhan sa Pelaez. Naroon ang mga taong hindi marunong tumanaw ng utang na loob at mga taong nagpapasa ng mga sariling responsibilidad sa iba. Naipakita din ng awtor ang sariling kaisipan ukol sa lipunan sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga nakatagong kaugalian ng mga tauhan. Katulad na nga ng nabanggit na papapasa ng responsibilidad sa iba.

 

Ang mga isyung politikal naman na naipahiwatig sa nobelang ito ay ang pagkukuha ng mga pulitiko ng mga kapalit sa kawang gawa na ginagawa nila. Naipakita ito ni mayor Suico nang sabihin niyang kaya niya kinakain ang mga tao sa Pelaez ay dahil malaki ang utang ng mga tao dito sa kaniya kaya't siya ay naniningil lamang. Ito ay maiuugnay sa mga pulitiko sa ating bansa na gumagawa ng kanilang tungkulin ngunit naghahanap pa ng kapalit mula sa  mga taong tinutulungan nila.

 

Sa pagsuslat ng nobelang ito ang ginamit na estilo ng pagsusulat ay ang pag-latahala ng trahedya sa kakatwang paraan.

 

Kung ako ang pagwawakasin ng istorya, nais ko itong isulat sa ganitong paraan:

 

Lumabas ng tolda si Rogelio habang hinahanap ang kaniyang mga magulang. Lumapit sa kaniya ang isang lalaking may kargang bata at tinanong siya kung ang dugo niya ay nakakagamot ng epidemya. Lumingon si Rogelio sa kaniyang paligid, naghahanap ng taong matatakbuhan. Ngunit wala na kahit isang tanod ang nakatingin sa kaniya. Umiling na lamang siya at tumakbo palayo, patungo sa bahay na kaniyang kinalakhan. Nakita niya ang ama at ina na nakahandusay sa sahig, parehong naliligo sa dugo na nagmula sa kanilang mga mata at tenga. Labis ang kaniyang kalungkutan at galit, galit sa mga taong pinagbintangan siya ng hindi niya kasalanan, sa mga taong walang utang na loob na nagpabaya sa kaniyang pamilya habang isya ay nasa loob ng maduming piitan. Tumungo si Rogelio sa kaniyang kwarto, hinagilap sa mga kahon ng tanso at sirang mga piyesa ang kaiyang pinakamahalagang pagmamay-ari. Ang tanging bagay sa kaniyang buhay na sinigurado niyang magliligtas sa kaniya --- sa kaniya at sa kaniyang pamilya. Ngunit huli na ang lahat. Hindi na niya mabubuhay ang kaniyang magulang. Hinatak niya palabas ang isang bakal na kahon, ang bakal na may nilalamang mga kawad at kuryente. Mga kawad na magpapasabog sa buong Pelaez. Matagl na siyang galit sa mga tao dito, at ngayon, ngayong napuno na siya ng poot sa mga mamamayan ng kanilang lugar, oras nang maghiganti. Hindi lamang para sa kaniyang pagkakakulong kundi pati para sa kaniyang mga magulang na hindi man lamang kinamusta ng mga elitista niyang mga kapit bahay.

Sumugod si Rogelio papunta sa plaza dala ang kaniyang armas. Nangingilid na ang luha ng poot sa kaniyang mga mata. Tumungo siya sa gitna ng mga taong nagkakalipunpon sa isang duktor na dayuhan, nagtatanong kung nakahanap na ba ang mga propesyunal ng gamot sa epidemyang paniguradong uubos sa kanila. Umiling ang duktor at patuloy na hinanap ang nagiisang taong kayang magsalba sa buong mundo. At doon, nakita niya si Rogelio. Nakatayo sa gitna at pilit na pinapaliyab ang mga kawad ng kuryente sa kaniyang maliit na kahong bakal.

"Kung hindi ako napakinabangan ng aking mga magulang, walang makikinabang sa aking dugo!" Huling sigaw ng tila nasiraan ng bait na si Rogelio. Saka niya pinindot ang pulang buton.

Parang isang atomic bomb ang sumabog. Lahat ng tao sa Pelaez ay madaliang binawian ng buhay. Lahat ng laman ay nagkalat sa paligid, walang kahit isang nabubuhay ang gumagalaw. Tila nga ang Pelaez ay isang ghost town na.

Lumipas ang ilang panahon at walang naglakas loob na tumira sa Pelaez sa takot na ang galit na kaluluwa ni Rogelio ay patuloy na pumatay ng mga taong nakatira dito.

Comments

You must be logged in to comment
KpopVixen
#1
Nakatulong sa akin. Thanks! (: