- Kabilang Buhay -

The Playlist of our Stories

 

 

Masasayang mga araw na kasama kita
Paglalambing at kulit mo na hindi nakakasawa
Punong-puno ng ligaya ang ating pagsasama
Na parang wala nang sisira ng lahat

Bakit pa dumating ang oras na ito?
Nabalitaan ko na wala ka na

Hindi ba't sabi mo hindi mo ko iiwan?
Hindi papabayaan na ako'y mag-isa
Hindi ba't sabi mo sabay tayong tatanda?
Bakit bigla ka na lang nandiyan sa kabilang buhay?

Paano na ang lahat? Paano na ako, tayo?
Hindi ba't sinabi mo sa akin na sabay tayong mangangarap?
Bakit bigla kang lumisan nang hindi man lang nagpaalam?

Isang malamig na hangin ang yumakap sa akin
Parang isang pahiwatig na magpapaalam ka na

Hindi ba't sabi mo hindi mo ako iiwan?
Hindi papabayaan na ako'y mag-isa
Hindi ba't sabi mo sabay tayong tatanda?
Bakit bigla ka na lang nandiyan sa kabilang buhay?

Hindi ba't sabi mo hindi mo ako iiwan?
Hindi papabayaan na ako'y mag-isa
Hindi ba't sabi mo sabay tayong tatanda?
Bakit bigla ka na lang nandiyan sa kabilang buhay?

Sa kabilang buhay

 

---

 

Nakahiga lang sya sa isang kama habang nakatingin sa kawalan. Medyo tulala, maraming iniisip, pero walang maramdaman.

Matagal nang ganito ang pang-araw araw na buhay ni Wendy.

May isang phone na nagring mula sa lamesa sa tabi nya. Agad naman nya itong sinagot.

“Hello?”

“Wendy, sama ka samin. May gala ang tropa mamaya. Daanan ka namin sa apartment mo.”

“Ahh, sige. Kitakits maya!”

 

---

 

“So ayun na nga! Gurl nilalandi ako nung isang head researcher samin! Naloloka ako kasi may girlfriend na ang koya mo, jusko!” Malakas na kwento ng isa sa mga magkakaibigan. Halatang medyo may tama na rin ito sa dami na rin ng naiinom nila.

Pero ang isa sa kanila, tulala lang na nakatingin, pawang tinatanggihan lahat ng ialok sa kanya.

Nagkakasiyahan silang lahat. Matagal na rin silang hindi nagkita-kitang magkakaibigan kaya’t sinusulit nila ang ganitong pagkakataon. Magkakasama pa rin naman sila sa trabaho pero nag-iba ang lahat matapos ang isang pangyayaring hindi nila inaasahan. 

Makalipas ang ilang oras ay nagkayayaan na itong umalis ng bar pero ayaw pa rin nila tapusin ang gabi. Ngayon nalang sila nakumpleto ng ganito at bilang Sabado naman kinabukasan, napagkasunduan na sa bahay muna ng isa silang lahat para ituloy ang kasiyahan.

“Ah, guys? Uwi na pala ako, ha? Baka may mag-alala lang, hehe,” mahinang paalam ni Wendy habang paatras mula sa magtotropa.

“Ano ba naman to? Ngayon na nga lang ulit tayo nakumpleto tas alis ka agad?” reklamo ni Sooyoung, ang may-ari ng bahay na tutuluyan sana nila.

“Oo nga Wends. Masyado ka na nagkukulong sa inyo. Sama ka muna samin please? Last na nakasama ka namin ay nung natapos natin yung project,” sabi naman ni Seulgi na tila nagmamakaawa sa ibang mga kasama para pilitin to.

“Nakakatampo ka na Wends ah. Sama ka na kasi. Hatid ka pa namin bukas,” sagot naman ni Yeri.

“Ah, enjoy nalang kayo guys, okay? Baka magalit sya eh. Sige na, ayoko pinag-aalala yun. Mauna na ako!” tuluyan syang nagpaalam at tumakbo bahagya sa sakayan ng bus.

Nagkatinginan nalang ang mga naiwan sa parking lot na bakas ang pag-aalala sa mga mukha.

 

---

 

“Dito na ko. Tulad ng pangako ko sayo, di nako papagabi ng sobra.” Ito ang unang bungad nya pagkabukas ng phone nya. Agad namang ngumiti ang nasa screen.

“Ano ba naman ‘to. Kasama mo naman sina Sooyoung ah? Ba’t di ka pa tumuloy?”

“Baka magalit ka sakin eh. Hindi ako nakapag paalam kung saan ako pumunta kanina.”

“Okay lang naman yun. Nakikita ko naman kung nasaan ka lagi, diba? So you didn’t have to leave them,”

“Okay lang ako, mas masaya na ako dito na kausap ka.”

“Hays, ikaw ang bahala,” sabi ng kanyang kausap pero may naglalarong ngiti rin naman ito sa kanyang mga labi.

 

Medyo matagal din nag-usap ang dalawa na hindi na namalayan ni Wendy na alas dos na pala ng madaling araw.

“Oh sya, tulog ka na, Wendy. Alam kong pagod ka rin mula sa lakad nyo.”

“Mamimiss kita…”

“You can always talk to me anytime mo naman gusto. Basta tawagan mo lang ako, okay?”

“Sige, usap ulit tayo bukas ha? Tulog na ako. See you later!”

Sinara na niya ang kanyang phone at pumikit panandalian, bago muling mumulat at tumingin muli sa kawalan.

“Miss na kita…” bulong niya na siguradong hindi na makakarating pa sa nais niyang makarinig ng mga salitang ito.

 

---

 

“Tangina, mali ata ginawa natin, Seul,” sabi ni Sooyoung habang nakatitig sa laptop nya. Napa hingang malalim nalang si Seulgi sa tabi nya.

“Tingin mo ba dapat na natin sya ipull-out sa program?”

“Oo pero… gago ang hirap, kailangan muna natin sya kausapin.”

Agad naman niyang minasahe ang mga balikat ni Sooyoung habang nakatitig lang sa mga datos na naka display sa kanyang laptop.

“Sige, tulungan kita dyan. Try ko sya kausapin para hindi sya mabigla.”

Napabuntong hininga na lang ulit si Sooyoung. Hindi niya inaasahan na mauuwi sa ganito ang inakala nilang ‘testing’ or ‘trial’ lang.

“Kailangan din natin siguro si Yeri dito bilang sya yung psychiatrist talaga.”

“Sige, sige. Tawagan ko agad sya mamaya.”

Natahimik naman ang dalawa. Sila nalang ang natitirang tao sa laboratoryo na kinaroroonan nila.

“Nakakapanghina, Seul. To think na tayo ang nagpursue na ituloy tong project na ‘to.”

“Hindi na sana natin sya ininvolve, knowing na mataas ang chance na magkakaganito. Pero observe muna natin siguro sya. Baka naman okay pa. Pero mag ready na lang din tayo pag kailangan na talaga ipull out.”

Tumango na lang si Sooyoung. Nasa medyo kumplikadong parte sila ng proseso na mahirap basta-basta magback-out ngayon kaya naman ipit na rin sila.

“Tangina lang…”

 

---

 

Lumipas ang mga araw at patuloy pa rin naman ang bawat isa sa kani-kanilang buhay. Gayon din naman ang patuloy na pakikipag kwentuhan ni Wendy sa kanyang laging katawagan.

“Nakakapagod ‘tong araw na ‘to, grabe,” una niyang sinabi pagkakita nya sa kausap nya sa screen.

“Anong nangyari? Mukha ngang pagod na pagod ka ah? Marami bang trabaho?”

“Sa totoo lang, dinidistract ko lang din siguro sarili ko. Dami rin kasi sakin nagreremind sayo dun eh.”

“Alam mo namang ayokong napapagod ka. Wag mo pilitin sarili mo. Tsaka pwede mo naman ako kausapin dito kahit anong oras, diba?”

“Hey, ewan ko ba. Pero iba parin talaga siguro kung nandito ka talaga, ano?”

“Wendy…” wala naman na itong nasabi at bahagyang napaisip ng malalim.

“Pahinga ka na, Wendy. Alam kong pagod ka na. Pero kumain ka muna ha? Lagi ka pa naman nagpapalipas ng lunch.”

“Yes po, ma’am! Sige sige, usap na lang ulit tayo sa susunod.”

“Sige, Wendy. Ingat! Good night.”

Nang matapos ang tawag, hindi sya kumibo. Nakahiga lang sya at nakatitig lang sa kawalan.

Pakiramdam nya, parang lalong nauubos ang lakas nya.

Sana andito ka talaga…

 

---

 

“Wends!” sigaw ni Seulgi nang makita niyang papalapit ang kaibigan. Pinilit niyang makipagkita kay Wendy dahil ang sabi niya, nasa area lang din sya pero ang totoo, sinadya talaga sya ni Seulgi para obserbahan at kausapin.

“Oh, Seul, ba’t ata napadpad ka dito? Wala ka bang pasok?”

“Ah, day-off ko ngayon. May inasikaso lang ako malapit dito. Kaya naisip ko rin kumustahin ka since andito na rin naman ako.” Gusto ni Seulgi buksan ang topic na talagang sinadya niya pero hindi parin niya alam kung paano. Hindi niya sigurado ang kalagayan ng kaibigan pagdating sa bagay na ‘to.

“Eto, okay lang naman. Boring din pag walang pasok since wala naman akong kasama sa bahay. Buti na lang din may nakakausap ako kahit papaano.”

“Ah, ano, Wendy?”

Sa nag-aalangang tono palang ni Seulgi, alam na ni Wendy kung anong nais nito sabihin.”

“Oo na, Seul. Wag kang mag-alala. Alam ko ang totoo sa hindi, okay? Aware pa ako, Seul.”

Ayaw maniwala ni Seulgi. Sa mga nakita niya nitong mga nakaraan nilang mga gala, kita nya kung paano kumilos si Wendy. At alam niyang hindi maganda ang nangyayari.

Pero sa lagay ngayon ni Wendy, wala pa syang maisip na sabihin para makumbinsi ang kaibigan.

“Sure ka, ha? Alam mo naman gagawin pag nahihirapan ka na.”

“Oo, tawag ako sayo agad.”

“Okay…”

 

---

 

Tumakbo pa ang mga araw at lalong dumadalas ang pakikipagtawagan ni Wendy. Hindi naman nya ito sinasadya pero hindi niya rin maiiwasan dahil na rin sa wala syang ibang makausap. Alam nyang busy ang kanyang mga kaibigan at ayaw naman niyang maging abala pa. Masyado na rin sya naging pabigat sa mga 'to nung nangyari ang hindi inaasahan, kahit pa sabihin nilang okay lang sa kanila.

"Oh, bakit parang malungkot ka?" 

Pinilit naman ni Wendy ngumiti ngunit hindi rin ito nakakakumbinse. "Okay lang ako." 

"Ano nga kasi yun? Halata namang hindi. Dali na, kwento mo na. Baka sakaling makagaan ng loob mo." 

Hindi na rin naman nagpakipot pa si Wendy. Alam niya kabisado na ng kausap nya ang bawat ekspresyon ng mukha nya. 

"Ah, napadaan lang ako sa park kanina tas nakita ko yung mga nagba-bike. May naalala lang ako."

"Oh…"

Kolehiyo palang, may pinangakuan na si Wendy na tuturuan nya ito magbike. Nangako sya na balang araw, makakasama na ito sa kanya pag naglo-long ride sya. Ngunit kailanman ay hindi nila ito natupad. Hindi na dumating ang balang araw na yun. 

"Sayang, no? Ganda pa naman ng sight dun sa pinupuntahan ko. Alam kong magugustuhan mo yun."

"Pwede mo pa rin naman ako dalhin dun. Syempre iba parin kung andyan talaga ako pero pwede mo naman ipakita sakin." 

"Sige, puntahan ko ulit tas isama kita."

Matagal din hindi nakapagsalita ang kausap niya, medyo nag alangan ito sa isasagot at napabuntong hininga na lang ito. 

"Wendy, pasensya na talaga. Hindi ko natupad yung pangarap natin makita yung sunset ng sabay…" 

"Okay lang ako. Nakakausap pa naman kita, diba?" 

Tiningnan sya ng kausap nya na may nag-aalalang ekspresyon. "Wendy, alam mo naman, diba?" 

"Ha?" 

"Alam ko kung ano ako. Sana hindi mo nakakalimutan."

At bahagyang natauhan naman si Wendy sa sinabi ng kausap.

Nababaliw na ba sya? Hindi na ba nya kinakaya?

Oras na ba para tawagan nya sina Seulgi? 

Pero pag ginawa nya yun, ibig sabihin lang nun, hindi na niya kailanman sya makikitang muli. 

Konting oras pa siguro. 

Onti pa. 

"Labas tayo bukas, okay lang? May mga ipapakita ako sayo."

 

---

 

Dumating ang kinabukasan at inihanda ni Wendy ang kanyang bisikleta. Ngumiti naman sya sa kausap nya. 

"Isipin mo nalang, ikaw yung nagbabike. Gagala tayo." 

"San tayo pupunta?" 

"Basta. Pakita ko nalang sayo mamaya." 

 

Unang pumunta si Wendy sa Intramuros. Tumigil sya sa harap ng Lyceum at ipinakita ang paligid sa kausap. 

"Naaalala mo ba 'to?" tanong nya na medyo napaisip naman yung isa. 

"Diba, dito tayo nagkabanggaan dahil nagmamadali ka kasi late ka na sa klase mo?" 

"Buti naman naalala mo. Sa totoo lang, dun ako unang na starstruck sayo. Laking hiya ko nung nabangga kita. Ayokong makita ka ulit matapos yun dahil hindi ko alam kung pano kita haharapin sa hiya."

"Haha of course. Sobra ang pagsosorry mo sakin nun, nakalimutan mong late ka na nga pala." 

"Oh sya. Next destination naman tayo." 

Tumigil sila sa may kainan sa walls. Sikat na sikat ang spicy chicken dito at syempre, hindi makakalimutan ni Wendy ang mga ganap nun.

"Dito tayo muli nagkita. Wala ka na ibang mapwestuhan nun at table ko nalang ang may bakante kaya nakishare ka. Medyo masama nga ang tingin mo sa pagkain ko nun kaya inalok kita. Turns out, ayaw mo pala talaga sa manok," natatawa-tawang kwento ni Wendy. Hindi rin naman maiwasang hindi magawa ng kausap nya.

"Kasi naman, naaamoy ko palang, nakakapanghina na! Tas inalok mo pa talaga ako. Nastress ako nun lalo eh. Strike 2 ka na nun."

"Grabe din pala mga unang pagkikita natin nun, ano? Puro di maganda."

"Ayos lang, bumawi ka rin naman ng sundae sa Mcdo."

Syempre, paano makakalimutan ni Wendy yun? Unang beses nya hindi pumasok sa 1pm class nya para lang makakwentuhan sya.

Muling sumakay si Wendy sa bike nya at ibinalik sa mount ang kanyang phone.

Umikot pa sila sa kabuuan ng Intramuros, kung saan sila madalas mag-ikot habang estudyante palang sila. Nagpunta sila sa mga museo, sa taas ng walls, at sa iba pang lugar kung saan sila may masasayang alaala.

"Next stop, eto isa sa pinaka-memorable places natin."

Nagsimula muli pumadyak si Wendy at dumeretso sila sa may tabi ng Letran. Tumigil sila sa tapat ng isang gusali. 

"Medyo malaki na rin ang pinag bago ng lugar na ito pero I'm sure tanda mo to," itinapat nya ang camera sa nasabing gusali. Natawa naman ang kanyang kausap. 

"Sino ba naman kasing mag-aakalang na magiging roommates tayo? Pero namiss ko rin tong lugar na to."

"Hay, daming nangyari dito no? Hanggang graduation, dito na tayo."

“Yung mga movie marathons natin na ikaw mag-aaya pero ikaw unang makakatulog,” natatawa-tawang kwento nito. Hindi rin napigilan ni Wendy matawa pero napangiti rin sya. Magugulat nalang sya kinabukasan na magkatabi na sila sa kama nito dahil nga nakatulugan nya ang pinapanood nila.

“Sana, magawa ulit natin yun, no?”

“Kaso, alam mo namang imposible na mangyari yun…”

Saglit na natahimik si Wendy, na tila nakatitig lang sa gusali kung saan sila tumira sa loob ng apat na taon. Marami ring nangyari sa loob ng apat na sulok ng silid na yon. May isang beses na pinasok ng ulan ang bintana nila kaya maghapon sila naglinis ng kanilang silid. Dito na rin sila madalas nagcecelebrate ng birthday ng isa’t isa.

Hindi rin makakalimutan ni Wendy na dito rin unang nagkaroon ng sila.

Maya-maya pa’y hindi naman napansin ni Wendy na may pumatak nang luha sa kanyang mga mata.

“Wendy, umiiyak ka.”

“Ha?” agad naman nitong pinunasan ang luha nya. “Pasensya na. Dapat pala nag salamin ako para hindi ako napupuwing ng hangin,” palusot pa nito pero alam naman nila pareho kung ano ba talaga nararamdaman ni Wendy.

“Last destination na tayo ha? Tamang-tama, malapit na sunset.”

“Saan tayo pupunta?”

“Eto ung promise ko nun na pag natuto ka magbike, sabay tayo papunta dun. Kaya ngayon, pupunta tayo dun.”

Nagsimula nang muli si Wendy sa pagpadyak. Inobserbahan naman ng kausap nya ang paligid kahit limitado ang kanyang nakikita. Hindi na naman bago sa kanya ang lugar pero iba din sa pakiramdam ang pinagmamasdan ito ng walang iniisip.

Isang oras din halos ang itinakbo niya bago pa man tumigil si Wendy at tumingin sa di kalayuan.

“Sakto, walang masyadong tao. Makakapag kwentuhan tayo ng tahimik.”

Isinandal ni Wendy ang kanyang bike sa tabi bago sya umupo sa ibabaw ng mga bato. Iniharap naman niya ang phone nya sa kung saan nagtatagpo ang araw at dagat na nagbibigay ng kahel na kalangitan.

“Ang ganda, diba? Kahit ang tagal ko nang napuntahan ‘to, hindi ka pa nakakarating dito,” simula ni Wendy.

“Pakiramdam ko, magrereklamo muna ako sa pagod pero maaappreciate ko rin naman yung sunset kasi favorite ko talaga mga ganito.”

“I know. You love the sky so much.”

Tahimik lang silang nanood hanggang sa tuluyang lumubog ang araw. Pero kasabay ng paglubog ng araw ay ang unti-unting paglalim ng nararamdaman ni Wendy. Andun na sya sa punto na gusto na lang niyang maging totoo ang lahat ng ito. Na sana, totoong andito sya.

“Sana talaga nandito ka,” mahina nyang sambit na medyo garalgal ang boses.

“Miss ko na mga yakap mo. Kung paano ka matulog sa balikat ko. Kung paano ka yumapos sa akin tuwing gabi. Miss ko na yung pasimple mong pagkanta pag may ginagawa ka. Yung mga simpleng banat mo pag kita mong malungkot ako. Miss ko na lalo yung mga ngiti mo pag natatapos ka sa research mo na sobrang pinagpaguran mo.”

“Wendy… nahihirapan ka na. Tawagan mo na sila…” sabi ng kausap nya pero tila hindi ito narinig ni Wendy.

“Ang dami ko pang gusto gawin kasama ka. Sabi ko, pag successful na tayo sa project na yun, magcecelebrate tayo. Out of town, tayo lang dalawa. Diba lagi mo sinasabi yun sakin? Nakabili na ako ng kotse ko. Pangako ko sayo, ikaw unang-una kong pasasakayin dun,” patuloy pa rin nito, kasabay ng patuloy na agos ng luha nya.

“Nangako ka sa’kin noon na hindi mo ako iiwan mag-isa. Na kahit iwan pa ako lahat ng mahal ko, mananatili ka sa tabi ko. Pero bakit ikaw ang nauna? Akala ko ba, tatanda tayong magkasama? Ang dami nating pangako sa isa’t isa, Hyun…” patuloy ang paghikbi nito.

“Sana talaga nandito ka, Hyun. Kahit isang taon na, mahal na mahal pa rin kita. Pwede bang nandito ka lang hangga’t buhay pa ako?” tumingin ito muli sa kausap na may dalamhati sa mga mata.

“Mahal parin talaga kita…”

Patuloy pa rin sa pag-iyak si Wendy kaya hindi niya napansin ang tumatakbong babaeng papalapit sa kanya. Laking gulat nalang nya nang may biglang humablot ng phone nya mula sa kanyang kamay.

“Wendy!” sigaw nito sa kanya. Napatahimik naman ito.

“Tangina, ilang beses ko na sinasabi sayo! Pag hirap ka na, tawagan mo kami. Ititigil na natin ‘to. Wendy naman! Alam mo namang ganito mangyayari eh,” pagalit na sigaw ni Sooyoung.

“Pero…” magsasalita pa sana ito ngunit wala na rin syang nasabi pa. Alam din nya sa sarili nyang mali sya.

“Alam mong pag pinatagal mo pa ‘to, mas mahihirapan ka. Hinayaan ka lang namin dahil nangako ka samin na hindi ka magpapadala. At saka ikaw ang pinaka makakapag kumpirma kung accurate ba ang data na nakastore sa kanya. Pero sa nakikita ko, nalilito ka na sa katotohanan at sa ilusyon.”

“Pero andyan sya, Sooyoung! Nararamdaman ko sa bawat oras na kinakausap ko sya, andyan sya!”

“WALA NA SYA!” sigaw ni Sooyoung. Pasalamat na lang din at walang masyadong tao sa paligid. “Isang taon nang wala si Joohyun. Baka nakakalimutan mo? Yang kausap mo, memory data lang lahat nya yan. Natural parang si Joohyun yan mag-isip at sumagot kasi galing yan sa memory data nya. Pero hindi sya yan. AI lang yang kausap mo.” Napabuntong hininga nalang si Sooyoung sa stress.

“Wendy, makinig ka sa akin, okay?” pilit namang pinagtama ni Sooyoung ang kanilang mga mata.

“One year nang wala si Joohyun. Naaksidente sya. Itinuloy lang natin yung Mnemosyne project para sa kanya. Nagpresenta ka as test subject para malaman ang accuracy ng memory data nya. Nangako kang hindi ka magpapadala. Pero mukhang masyadong sariwa pa rin ang mga alaala niya sayo kaya nawala sa isip mong AI lang ang kinakausap mo all these times.”

Para namang binuhusan ng malamig na tubig si Wendy. Alam naman nya. Sya nagdesisyon nito. Pero ngayon na sinasabi ito ni Sooyoung sa harap niya, parang bigla silang bumalik sa oras na yun kung kelan nalaman nya ang masamang balita na nagpabago ng pagkakaibigan nilang lima.

 

---

 

Flashback

 

Magkakasama sa lab sina Sooyoung, Seulgi, Wendy, Joohyun, at Yeri para sa isang project na matagal na nilang ginagawa. Masaya sila sa nagiging progreso nito at kung maging matagumpay man, napakalaking breakthrough nito sa mundo ng siyensya at neurology.

“Guys, sure ba kayong memory data ko gagamitin natin?” tanong ni Joohyun habang sinusuot ang parang helmet na aparato sa ulo nya.

“Kelangan namin mapreserve laman ng utak mo. Ikaw ata nakakaalam lahat ng pasikot sikot ng mga projects natin kaya mahalaga utak mo,” pabirong sagot ni Seulgi habang sineset-up ang machine.

“Grabe naman kayo sakin. Lahat naman tayo ginawa ‘to.”

“True, pero research paper mo ‘to so sayo pa rin ang basis ng research. Tsaka ikaw pinaka kakaiba ang takbo ng utak satin so magandang pag-experimentuhan utak mo,” tawang sagot naman ni Wendy.

“Hoy! Anong ibig sabihin mo dun!?” irita nitong tanong. Natawa naman ang lahat.

“Grabe to sa jowa nya. Pero agree ako, sobrang talino nitong si Joohyun, pero madalas may topak din, no?” pang-aasar namang gatong ni Sooyoung na hindi na rin nakapalag si Joohyun dahil nakakonekta na sa kanya lahat ng aparatong kailangan nila para sa memory data gathering.

“Ang walangya nyo sakin grabe kayo,” nakanguso nitong reklamo pero tumawa lang mga kasama nya sa kanya.

“I-monitor ko yung brainwave patterns mo habang nagpoprocess. Relax ka lang dyan ha? Pag may abnormalities, kailangan natin itigil yung process,” paalala naman ni Yeri sa mga kasama. Tumango naman ang mga ‘to.

“Sige, let’s start.”

 

Naging matagumpay ang pagkuha ng memory data. Ngayon, ang kailangan nilang nilang gawin ay ipasok ito sa Mnemosyne system para maiconvert ang data sa isang AI figure na pwede nila maka interact. Medyo matagal na proseso ‘to at marami pa ring testing na kailangang gawin para malaman kung accurate ba ang conversion ng memory data sa AI.

“Tingin mo, pag tinanong natin ‘to ng life nila, sasagot kaya ‘to?” natatawang tanong ni Yeri sa mga kasama. Agad namang namula ang pisngi ng dalawang magkasintahan.

“Gagi kakalbuhin ko kayo pag ginawa nyo yun.”

“Chill ka lang dyan, Wendy. Kung tama ang pagkakaprogram natin dito, hindi dapat yan sasagutin ng AI-Joohyun since ganun naman talaga gagawin ng tunay na Joohyun, diba?” sabay tingin ni Sooyoung kay Joohyun.

“Baka nga murahin pa tayo nung AI-Joohyun eh haha!” natatawang sagot ni Seulgi na sumang-ayon naman ang lahat.

 

Natapos na ulit ang araw at lahat sila ay nagplanong magsiuwian na. Ihahatid sana ni Wendy si Joohyun pero sinabi ng dalaga na may pupuntahan pa daw sya sa kabilang center dahil pinatawag sya. Pilit naman syang inalok ng ibang kasama na sasamahan sya pero tinanggihan niya ang mga alok nito. Alam din nyang pagod na silang lahat and ayaw na rin nyang makaabala.

“Kaya ko na ‘to. Magrereport lang naman ata ako sa kanila so uwi na rin ako pagkatapos. Baka wala ka pang masakyan pauwi pag ginabi ka.”

“Sigurado ka ha? Sige, text ka nalang mamaya pag pauwi ka na,” medyo nag aalangang paalam ni Wendy pero ngumiti lang si Joohyun.

“Oo tatawag ako pagkauwi ko. So, see you tomorrow nalang ulit?”

“Sige. Ingat, Hyun! See you tomorrow.”

 

Malalim na ang gabi ngunit hindi sya mapakali. Malakas ang ulan pamula pa nung makarating sya ng bahay at hindi pa rin ito humihina hanggang ngayon.

Tumayo naman sya para kunin ang phone nya sa bag pero nataranta ito nang hindi niya makita ito.

“Ah, baka naiwan ko sa lab. Check ko na lang bukas pagpunta dun”

 

Inagahan niya ang pasok para hanapin ang kanyang phone. Laking pasasalamat naman nya nang makita niya sa table ang kanyang hinahanap. Pinindot niya ito ngunit icon lang ng battery ang lumabas.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, may iba syang nararamdaman. Na para bang kinakabahan sya pero wala naman syang maisip na dahilan.

“Asan na ba charger ko?” bulong nito habang naghahanap sa bag nya. Nang makita ito, isinaksak na agad ang phone nya at inantay mag 1% bago ito buksan.

Sinong mag-aakala na ang unang bubungad sa umaga niya ay ang napakaraming miscalls galing sa kanyang mga kaibigan. Tadtad din ng message mula kina Sooyoung, Yeri, at Seulgi ang inbox nya. Pero dalawa lang mula kay Joohyun.

Lalo syang kinabahan.

Una niyang binuksan ang mula kay Sooyoung.

Wendy! Ba’t di ka nasagot?!

Si Joohyun!!

Gago sumagot ka!

Naaksidente si Joohyun!

Tangina Wendy bakit hindi ka namin macontact?

WENDY???

Agad naman syang bumalik sa inbox at sunod na binuksan ang kay Seulgi.

Wendy?! Tinatawagan ka namin hindi ka namin macontact.

Anong nangyari sa’yo? Ba’t di ka nasagot?

Wen, si Joohyun naaksidente

Hindi ka raw macontact kaya tinawagan kami.

Asan ka ba Wendy Son?

Nanlalamig na ang mga kamay niya habang patuloy na binabasa ang mga mensahe ng kaibigan.

Sunod naman niyang binuksan ang kay Yeri.

, Wendy, answer your damn phone!

WENDY HINAHANAP KA NI JOOHYUN.

GAGO ASAN KA? SAGUTIN MO TAWAG NAMIN

Wendy… si Joohyun…

Hindi na rin na tinuloy ang pagbabasa. Sa bandang yun palang, may kutob na sya kung anong nangyari.

Huli niyang binuksan ang message ni Joohyun.

Pauwi na ako. May pinacheck lang sakin dito. Ang lakas ng ulan potek.

Mahal kita palagi, Wan

Yan ang huling mensahe ni Joohyun sa kanya.

Pinoproseso pa niya ang mga nabasa nya. Hindi man nya nabasa ng buo pero alam na nya kung anong nilalaman ng mga ‘to.

Nakatitig pa sya sa phone nya nang may late message na dumating mula kay Sooyoung.

Wala na si Joohyun.

Agad namang umagos ang mga luha na kanina pa niyang pinipigilan. Sa lahat ng pagkakataong pwede niya maiwan phone nya, kabagi pa talaga.

Sa lahat naman ng pagkakataong uulan ng malakas, kagabi pa talaga.

Sa lahat naman ng pagkakataong pwedeng tanggihan ni Joohyun na samahan sya, kagabi pa talaga.

Wala na si Joohyun.

Yan ang paulit-ulit na tumakbo sa utak nya sa loob ng ilang oras. Nakaupo lang sya sa sahig habang mahigpit na nakahawak sa phone nya.

Ito ang nadatnan ng tatlo pa nyang kaibigan nang pumunta sila sa center, nagbabakasakaling andun ang kanilang kanina pang hinahanap.

“Wendy!” sigaw ni Sooyoung habang patakbong palapit sa tahimik na umiiyak sa gilid.

Hindi na nagsalita pa ito at agad na niyakap ang babae. Hindi niya alam kung anong nangyari, kung bakit hindi nila macontact si Wendy kanina pero hindi na mahalaga yun. Kailangan sila ni Wendy sa oras na ito.

 

---

 

Wala munang bumalik sa center matapos ang pangyayaring iyon. Lumipat din si Wendy sa ibang branch para mabaling panandalian ang kanyang atensyon. Pansamantala nilang itinigil ang Mnemosyne project dahil una, masyado pang masakit para sa kanila ang mga nangyari, at pangalawa, si Joohyun ang pinaka nakakaalam kung ano ba ang dapat gawin para maipagpatuloy ito.

Nagkanya-kanya na muna silang apat sa mga sumunod na buwan. Sumama si Yeri sa British research team pansamantala para lang maalis isip nya sa pagkawala ng kaibigan. Sumali naman sa ibang projects sa ibang branch sina Seulgi at Sooyoung para hindi nila maisip ang nangyari.

Lumipas ang ilang buwan na hindi na muli sila nagkita-kita pa. Nagkakausap pa ang tatlo pero si Wendy, nagkulong sya sa sarili nyang mundo. Masakit pa rin para sa kanya ang nangyari dahil sa dami pa rin ng gusto nyang sabihin sa kasintahan. Wala namang nagawa ang tatlo kundi hayaan nalang muna ito panandalian dahil alam nila kung gaano kahirap para kay Wendy ang nangyari. Hindi biro ang limang taon nilang relasyon para lang matapos sa ganung paraan.

 

---

 

Isang araw na walang pasok si Wendy, nakahiga lang sya sa isang kama habang nakatingin sa kawalan. Medyo tulala, maraming iniisip, pero walang maramdaman.

Matagal nang ganito ang pang-araw araw na buhay ni Wendy. Simula nung nawala sya.

Maya-maya pa’y may kumatok sa pinto at labag sa loob naman itong tumayo.

“Saglit lang!’ Mabagal syang naglakad hanggang sa makarating sa pinto at binuksan ito.

Pero laking gulat nya nang tumambad sa harapan nya ang kaibigang matagal na nyang hindi nakikita.

“Sooyoung?”

Nginitian naman sya nito. May dala rin itong pagkain dahil alam niyang hindi na kumakain ng tama si Wendy. Pinagmasdan nya ang kaibigan at halatang malaki ang pinayat nito.

“Kumusta ka na? Tagal na nung huli tayong nagkita ah?”

Hindi naman agad sumagot si Wendy at pinapasok niya si Sooyoung. Nilapag naman nito ang kanyang dala sa kusina bago ito buksan at ialok sa kasama.

“Kain muna tayo? Alam kong di ka pa kumakain.”

 

Tahimik lang silang kumakain. Hindi pa rin alam ni Wendy kung bakit andito si Sooyoung. Masaya man sya, pero alam nyang hindi ito pupunta personal ng walang dahilan.

“Ba’t nga pala napadalaw ka?”

Panandalian namang ibinaba ni Sooyoung ang kutsara at tumingin sa kasama.

“Wendy, nag-uusap kami nina Seulgi at Yeri.”

“Oh? Good for you. At least, hindi nawala communication nyo.”

Hindi alam ni Sooyoung kung anong ibig sabihin ni Wendy dun pero hindi sya natuwa.

“Wendy, gusto ka namin kausapin. Nagrereach out kami, pero ikaw tong sinasara sarili mo. Alam naming gusto mo ng space kaya hindi mo rin kami masisisi kung hindi na muli kami nag-attempt nitong mga nakaraan.”

Tumahimik muli ang dalawa. Alam naman ni Wendy na kasalanan din nya. Walang kasalanan mga kaibigan nya kung ayaw nya ito kausapin.

“Pero ayun nga. Nag-uusap kaming tatlo. Iniisip naming ituloy yung Mnemosyne project.”

At dito napatingin si Wendy kay Sooyoung. Wala na syang narinig na kahit anong tungkol sa project na yun pamula nang nawala si Joohyun. Kaya laking gulat nya ngayong sinasabi ni Sooyoung na itutuloy nila ito.

“Bakit?”

Napabuntong hininga nalang si Sooyoung. Alam nyang hindi madaling paliwanagan ito.

“Naisip lang namin na siguro, gusto niyang matapos ‘tong project na ‘to. Pinaghirapan nating lima ‘to. Dugo’t pawis din sinakripisyo natin dito. Malaking sayang din kung hindi natin itutuloy.”

Napaisip naman si Wendy. Totoo naman ang sinasabi nya. Kahit nung nabubuhay pa si Joohyun, ito talaga ang gustong gusto nya makamit. Mahabang oras at sakripisyo ang ginugol nya para sa Mnemosyne project.

Pero kaya na ba nya?

“Sooyoung, kung gusto nyo ituloy, hindi ko kayo pipigilan.”

“So, payag ka na? Sabihan ko sina Seulgi para makapag start na tayo.”

Umiling naman si Wendy. “Kayo nalang muna siguro? Kaya nyo nang tatlo siguro yun. Nakauwi na ba si Yeri? Wag nyo na ako antayin.”

“Pero Wendy…”

“Sooyoung. I need time, okay?”

 “Pero sigurado ka bang pwede na naming ituloy ‘to? Pero alam kong mahihirapan kami ng wala ka dun. Bukod kay Joohyun, ikaw ang nakakaalam ng backbone ng system ng Mnemosyne. Matatagalan kami dun.”

“Okay lang sa’kin, Sooyoung. Pero kung sasali ako, bigyan nyo lang ako ng time.”

Napangiti nalang ng sapilitan si Sooyoung. Magiging mahirap para sa kanila ang wala si Wendy ngayong wala na rin si Joohyun, pero titingnan nila ang makakaya nila. Bukod kay Joohyun, hindi rin maikakaila ang talino ni Wendy at ngayong hindi pa rin sya sasama sa kanila, kailangan aralin muli ng tatlo ang buong system bago makapagpatuloy.

“Sige, sabihan mo lang kami ha?”

 

---

 

Tatlong buwan nang huling bisitahin sya ni Sooyoung. Isang text message lang ang nareceive niya mula dito makalipas ang isang linggo mula nung pagbisita niya.

Ituloy na namin ha. Simula na kami ngayon.

Hindi sya sumagot. Hindi pa rin sya handa noong panahong ‘yon. Marami pa rin syang iniisip.

Lumipas nga ang tatlong buwan at hindi pa rin sya nagparamdam sa mga ‘to. Pero nakakatanggap sya ng mga messages mula sa mga kaibigan niya tungkol sa usad nila. At ang masasabi nya, nahihirapan ang mga ‘to.

Napapikit naman sya. Oras na rin naman siguro, diba?

Matapos ang ilang minutong pag-iisip, bumangon sya sa pagkakahiga at nag-ayos ng sarili.

 

---

 

“May mali sa coding eh. Hindi ko makuha yung tamang algorithm. Medyo nalilito ako sa notes ni Joohyun. Ang daming nakasulat.” Kamot ulo nalang si Seulgi habang binabasa ang notes na naiwan ni Joohyun. Aminado naman silang sa sobrang bilis mag-isip ng kaibigan, napakarami nitong sinusulat sa notes nya na halos sya lang ang nakakaintindi.

“Magegets ‘to ni Wendy for sure. Lagi sila nagpapalitan ng notes eh.”

“Hay, kung andito lang sya… Pero I doubt na pupunta sya. It’s been three months.”

Nasa gitna ng pagrereklamo pa rin ang tatlo nang biglang bumukas ang pinto ng laboratoryo at laking gulat nila nang makita ang kaibigang matagal na nilang hindi nakikita.

“Wendy?!”

“Hi,” medyo nahihiya nyang bati. Kita naman nya ang galak ng tatlo nang makita sya ng mga ito.

“Gagi tagal mo di nagparamdam!”

“Oo nga jusko nauubos na utak namin dito.”

“So, have you made up your mind?” 

Ngumiti naman si Wendy sa kanila. Buo na rin ang loob niyang ituloy ang hindi nagawang tapusin ng namayapa nyang kasintahan.

“Sige, ituloy na natin ‘to.”

 

---

 

Napakalaking tulong ng pagbabalik ni Wendy sa lab. Dumoble ang bilis ng proseso nila at hindi na nila namalayan, ready na sila sa first launch Mnemosyne system.

“Ready na ba tayo?” Tanong ni Yeri sa mga kasama. Isang pindot lang at malalaman na nila kung tagumpay ba sila o nasayang lang ang pagod nila sa mga nakaraang buwan.

“Wendy, ikaw na pumindot,” sabi ni Sooyoung. Tumango naman ang dalawa pa.

Huminga naman ito ng malalim.

Ito na talaga, Hyun. Yung pinaghirapan natin ng ilang taon.

Pikit-mata niyang pinindot ang START at narinig naman nilang umandar ang system. Pinanood din nilang lumabas ang Mnemosyne logo sa screen. Ngayon, isa nalang ang inaabangan nila.

Makalipas ang ilang minutong pagpoproseso, nagbago ang nakadisplay sa screen at isang napaka pamilyar na mukha ang bumungad sa kanila.

Hindi naiwasan ni Wendy ang mapatitig at mapatigil sa kinauupuan.

“Hello! Welcome to Mnemosyne system. It’s nice to meet you! I’m AI-Joohyun!”

Masiglang bati ng babaeng kilalang kilala nila na nasa screen.

“Gago gumana…” mahinang bulong ni Sooyoung na kahit sya, hindi makapaniwalang napagana nila ang system.

“Totoo ba ‘to?” tanong ni Yeri sa sarili habang tinatapik tapik si Seulgi sa balikat.

“You must be Joohyun’s friends! Ikinagagalak kong makita kayo!”

Sa kabila ng nagagalak at hindi makapaniwalang reaksyon ng mga kasama, nakatitig lang si Wendy sa screen, walang imik, walang kibo.

Bawat mannerism, tono ng pananalita, galaw ng mga kamay, pati ang maliit na detalye tulad ng pagtaas ng kanang kilay nito habang nagsasalita, parehong-pareho.

Si Joohyun talaga to.

 

---

 

“Since confirmed na gumagana na ang system, kailangan na natin ngayon icheck accuracy nya,” paliwanag ni Sooyoung habang binabasa ang chart na nakadisplay sa screen nya.

“Paano natin itetest?” tanong naman ni Seulgi.

“Hmm…” napaisip si Yeri, “para sa ganito, pinaka maganda yung actual human interaction. Ito magpapatunay na yung mga kilos, salita, at pag-iisip ni AI-Joohyun ay katulad na katulad ni Joohyun.”

Tahimik na nag-isip ang tatlo. Wala pa man nagsasalita pero biglang umimik si Wendy.

“Ako na gagawa.” Ikinagulat naman ito ng mga kasama nya.

“Sigurado ka ba? Wendy, alam mo namang…”

“Ako ang makakapagbigay ng pinaka-accurate na feedback. Ako ang pinakamatagal nakasama ni Joohyun sating apat.”

Sa isang banda, totoo naman ang sinasabi ni Wendy. Kung sa kanilang apat din lang, si Wendy ang pinaka nakakakilala sa namaalam na kaibigan.

Pero sa kabilang banda, alam din nila ang pwedeng maging epekto nito sa kaibigan. Maaari itong makasira sa kanya psychologically pag masyado itong kinain ng system.

“Pero Wendy, alam mong mahirap para sa’yo ‘to.”

“Promise, alam ko limit ko. Alam kong AI lang sya. Alam ko ginagawa ko.”

Nagkatinginan ang tatlo. Hindi sila sigurado kung magandang idea nga ba ang pagbigyan ang kaibigan pero sabi nga niya, sya ang pinaka perpektong test subject.

“Basta siguraduhin mo lang na pag hirap ka na, tawagan mo kami ha? I-pupull-out ka namin sa program pag masyado ka nang apektado.”

“Tiwala lang kayo sakin. Kaya ko ‘to.”

 

---

 

Back to present

“Punta ka bukas sa center. Ipupull-out ka na namin. Tatawagan ka ni Yeri para kausapin ka.” Malamig na salita ni Sooyoung sa kanya. Hawak pa rin nito ang kanyang phone at tila may ginagawa dito.

“Sooyoung, pwede ba, konting panahon pa? Please?”

Kita ni Sooyoung ang desperadong pakikiusap ng kaibigan, pero lalo itong nagpatunay na kailangan na talaga nila ipull-out si Wendy sa system sa madaling panahon.

Kinuha naman nya ang sarili nyang phone at tinext si Seulgi

Ihanda mo system bukas. Ipupull-out na natin si Wendy. Idedelete na natin memory data ni Joohyun.

 

---

 

Nakaupo silang tatlo sa laboratoryo kung saan naroon ang pinaka server ng Mnemosyne system. Lahat ay tahimik. 

Tahimik na natutulog si Wendy sa isang upuan sa tabi matapos ang mahabang pag-uusap nila ni Yeri. Mahirap man ang naging usapan, pero nagawa ni Yeri ipaintindi sa kanya ang kasalukuyang sitwasyon niya, at kung bakit hindi na magandang ipagpatuloy pa ang programa. Umiyak nalang ito ng umiyak hanggang sa makatulog ito.

“Akala ko talaga, tama naging desisyon natin,” bulong ni Sooyoung habang mahigpit na nakasara ang kamao niya.

“Hindi ko alam kung tama bang tinapos natin tong Mnemosyne system,” sunod namang sinabi ni Yeri.

Habang tulog pa ang kaibigan, sinamantala naman nila ito upang kausapin si AI-Joohyun.

“Hello! Matagal din tayong hindi nagkita-kita ah,” bati nito mula sa screen ng nakangiti.

Sobrang Joohyun talaga sya, malungkot na naisip ni Seulgi.

No wonder nawala si Wendy sa katotohanan, sa isip naman ni Yeri.

Hindi maipagkakaila na perpekto ang ginawang system ni Joohyun. Siya ang nagbuo ng pinaka backbone at algorithm nito at hindi maipagkakaila ng magkakaibigan na naperpekto ito ng namayapa nilang kasama.

“Pambihira talaga ‘tong si Joohyun, no? Naperpekto nya yung system.”

Kahit pa man sila ang tumapos nito, lahat ng ginawa nila, nakabase sa mga notes at research papers ni Joohyun. Binuo lang nila ito pero lahat ng concept, logic, algorithm, galing sa utak ni Joohyun.

“Hi, AI-Joohyun, pwede ka ba namin makausap?” simula ni Sooyoung.

“Sure! Pero pakiramdam ko, alam ko na patutunguhan ng usapang ‘to. Medyo obvious ka as usual, Sooyoung.”

Natawa naman ito at napailing nalang. Para talagang si Joohyun kausap ko.

Hinarap naman sya ni Yeri, “I’ll go straight to the point. Alam naming alam mo ang nangyayari kay Wendy.”

Tumango naman ang AI. May malungkot din ‘tong ngiti sa kanyang mga labi.

“Actually, nagsend ako ng SOS kay Sooyoung kaya napuntahan nya ito kagabi. Kita ko na rin kasing nadedetach na sya sa katotohanan kaya minabuti kong magsend na ng alert sa isa sa inyo since alam kong at this point, hindi na magagawa ni Wendy yun.”

Pinakita naman ni Sooyoung ang phone nya sa dalawa na may SOS message nga mula sa Mnemosyne system.

“So, given that, feeling ko, alam mo na rin ang plano sana naming gawin pagkapull-out kay Wendy sa system.”

Alam nilang lahat ang susunod na gagawin. Pero walang maglakas ng loob sabihin ‘to.

Nagsalita naman muli ang AI.

“Guys, okay lang talaga. Wag kayo mag-alala, okay? AI lang naman ako so ayos lang sa akin yun. Basta hindi nyo ako makalimutan sa puso nyo, alam kong magiging okay na ako dun. Kaya sige, magproceed na kayo. Alam kong ito rin ang gugustuhin ko kung buhay man ako,” nakangiti nitong sabi pero kabaligtaran naman ang dala nito sa tatlo.

“Sure ka na ba talaga, AI-Joohyun?”

“Yep, I’m sure as hell. Isipin nyo na rin lang na letting go ‘to.”

Tumango naman ang tatlo. Napatingin naman sila sa natutulog na kaibigan nang biglang nagsalita ulit ang AI.

“Pero pwede bang makausap ko kahit sa huling beses si Wendy?”

Nagkatinginan ang tatlo. Hindi sila sigurado kung magandang desisyong ba ito.

“Parting words lang. Para may closure na rin kami. Alam ko, yun yung hinahanap nya. Bigla ko sya iniwan na wala manlang kaming closure so kahit ayun na lang ang huli kong message sa kanya.”

“Sige, gisingin lang namin sya.”

Ginising naman ni Seulgi si Wendy at pinalapit sa screen. Mugto pa rin ang mata nito at medyo wala pa sa wisyo.

“Pwede bang iwan nyo muna kami saglit?” hiling niya.

“Ah, sige. Sa labas lang kami ha. Send ka lang ng alert sakin pag okay na kayo.”

“Sure!”

 

Naiwan si Wendy sa harap ng system kaharap ang AI ni Joohyun. Naging mainit ang usapan nila ni Yeri nitong nakaraan pero naipaintindi rin sa kanya ang gusto nito ipaintindi at tanggap na rin niya ang sitwasyon. Pero ngayong kaharap nya ang AI ni Joohyun, bumabalik na naman ang sakit sa puso nya.

“Hi, Wendy,” nakangiti nitong bati.

“Hey…” kabaligtaran naman ito ni Wendy na sumasabit pa rin ang boses dahil sa pag-iyak.

“So, feeling ko, you know what they’re planning, right?” tanong ni AI-Joohyun para at least, alam nya kung alam ba ni Wendy ang mangyayari sa hinaharap.

“Data clearance…” malamya nitong sagot pero napanatag naman si AI-Joohyun na kahit papaano, alam ni Wendy ang mangyayari.

“Pero bago yun, gusto muna kitang makausap kahit sa huling pagkakataon. So makinig ka lang, okay? Alam mong gusto kong natatapos ko muna gusto kong sabihin,” tumango naman si Wendy habang nakatingin lang sa screen.

“So, here it goes,” aktong huminga ito ng malalim, “I know, biglaan ang pagkawala ko. Sooyoung told me what happened nung una akong ini-launch so I’m aware naman na wala na talaga ako sa mundo. Kaya kahit itong AI lang ako, alam kong ito rin ang sasabihin ng tunay na Joohyun sa’yo,” tumigil ito saglit at tiningnan kung nakikinig pa sa kanya si Wendy.

“Sa totoo lang, napakarami ko pang pangarap para sa atin. Ang dami ko pang gustong gawin kasama ka. Kaya nung araw na iginala mo ako sa mga memorable spots natin, kung tao lang ako, alam kong sobrang galak ang mararamdaman ko nun. Natutuwa rin ako na kahit AI nalang ako, tinupad mo pa rin yung pangako mong makita natin yung sunset ng sabay. Alam ko, kung nasaan man ang tunay na ako, sobrang masaya sya ngayon.”

“Pero Wendy, kahit anong gawin natin, AI pa rin ako. I’m just a series of 0’s and 1’s na pinapatakbo ng machine. Kaya kahit gaano ako kasing katulad ng tunay na Joohyun, dapat matanggap mo na wala na talaga ako. Pero gusto kong magkaroon tayo ng closure kasi alam kong ito ang hinahanap mo.”

“Iniwan man kita ng biglaan, pero sana alam mong sobrang proud at saya ko sa mga naachieve natin, sa achievements mo. Na ang gusto ko nalang ngayon, kahit wala na ako, na sana magpatuloy pa rin kayo sa mga gusto nyong makamit. Siguro mahirap talaga ang mawalan ng kaibigan pero isipin nyo nalang, sa bawat bagay na napapagtagumpayan nyo, hangga’t nasa puso nyo ako, kadamay rin ako sa mga ngiti at saya nyo.”

Hindi naman nakapagsalita agad si Wendy sa mga sinabi ng AI sa kanya. Totoo na siguro, isa sa rason kung bakit masakit pa rin para sa kanya ay dahil na rin wala silang closure. Na sobrang biglaan ng nangyari nung araw na yun. Kaya sa kabila ng mga luha at sakit na nararamdaman nya ngayon, laking pasalamat na rin lang niya na kahit papaano, naririnig nya ang mga nais sabihin ni Joohyun sa kanya dahil napatunayan nya, si Joohyun talaga ito.

“So, ayun. Alam kong masakit itong gagawin nyo. Pero para na rin sa ikapapayapa nating lahat ito. At panahon na rin para pakawalan mo ako, Wendy. Wag mo ikulong ang sarili mo sa akin. Kung may tao man na gustong pumasok sa buhay mo, wag mo sila itaboy palayo. Pero wag mo akong hahanapin sa iba. Wag mo silang sasaktan, ha? Mabuti kang tao at alam kong kung sino man ang makakasama mo para ituloy ang mga pangarap mo ay napakaswerte. Kaya cheer up, okay? As long as hindi nyo ako nakakalimutan sa isipan nyo, masaya na ako.”

Nakangiti lang ito sa kanya. Ang mga ngiting yun na sa huling pagkakataon na nyang masisilayan. Masakit pa rin sa kanya, sa totoo lang. Pero sabi nga nito, ito ang makakabuti sa lahat.

Gusto na rin niyang maging mapayapa ang kaluluwa ni Joohyun.

“Sige, send na ako ng message sa kanila. Proceed na tayo sa data clearance.”

Maya-maya pa’y pumasok na muli ang tatlo sa silid ng may mabigat na puso. Alam nila ang sunod na mangyayari.

“Ready na ba kayo, guys?” tanong ni Sooyoung sa apat. Kahit hindi umimik si Wendy, tumango naman ito ng bahagya.

“AI-Joohyun?”

“I’m all set. Basta enter nyo lang ung command, then ako na ang bahala sa next steps.”

Nagkatinginan muli ang tatlo, at huling tiningnan si Wendy.

“Wendy?”

“Ready na ako. Ako na mag eenter ng command,” sabi nito na ikinagulat naman nung tatlo.

“Okay, ulitin ko lang ang procedure ha.” Tiningnan ni yeri ang notes nya.

“Data clearance. Once nagstart ang process, hindi ito pwede icancel or bawiin. Once the data has been cleared, walang paraan para ma-retrieve pa ito. As in permanently deleted na sya. Wala rin itong back-up kaya pag nadelete na ito, permanente na talagang wala na sya,” alam nilang lahat kung ano ang tinutukoy ni Yeri sa huling pangungusap.

Sa oras na mabura nila ang memory data ni Joohyun, permanente na talagang burado na sya sa mundong ibabaw. Wala na silang babalikan pa.

“Ready na?” tanong ulit nya sa apat. Ngumiti naman ang AI sa kanilang lahat.

“Nagpapasalamat pa rin ako na nakilala ko kayo. At sana, magpatuloy lang kayo, okay? Magkikita ulit tayo someday in another world line.”

Hindi naman nila maiwasang lahat na tumulo ang mga luha. Permanente na talaga nilang buburahin ang mga natitirang memories ni Joohyun. Dito talaga nila mararamdaman na wala na talaga ang kaibigan nila.

“Sige. Let’s proceed.”

Nilagay ni Wendy ang kanyang kamay sa keyboard at tinype ang mga command na ginawa nila para sa data clearance.

Huling hakbang bago magtuloy ang command.

Are you sure you want to permanently clear all memory data?
Please enter the passcode to proceed:

“Passcode?” Tanong ni Seulgi. Wala silang naaalalang passcode na inilagay kaya nalito sya. Gayundin ang tatlo.

“Wendy, alam mo ‘to. The day that I said yes,” muling nagsalita ang AI.

Syempre, hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na yun.

Muli nyang ginalaw ang kanyang mga daliri.

0221

Pikitmatang inilapit ni Wendy ang kanyang daliri sa ENTER.

Isang pindot, dito na matatapos.

Isang galaw nalang, nang may malamig na hangin ang biglang bumalot sa kanya.

Paalam, Joohyun.

 

COMMAND ACCEPTED. DATA CLEARING STARTED...

 

 

 

-----

 

A/N:

Hi! Medyo masakit pero LSS ako dito haha. Pero ayun, if you've watched Steins; Gate 0 and Black Mirror: Be Right Back, you'll probably get the reference. (Amadeus = Mnemosyne)

Also, Italicized "quoted" texts are AI-Joohyun's dialogues.

The feeling of losing someone is something that no person can compare to another. Each of us feels different during these times. Meron sa atin na mabilis tumanggap, merong hirap agad mag let go. Pero okay lang yun. Lahat ng feelings natin, valid. Hindi natin kailangan madaliin ang sarili natin at pilitin ang ating mga sarili maging okay agad agad. Ang mahalaga, makakarating tayo dun sa stage ng acceptance and letting go. Hindi natin sila kailangan ibaon sa limot. Pwede pa rin silang manatiling buhay sa ating mga alaala hangga't nasa puso at isip natin sila.

 

Sorry mahilig sa angst ang ate nyo otor :D

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
_OnlyKangS
Once I have the energy, I'll try to make the English version of this :D

Comments

You must be logged in to comment
SEEKER_
#1
Chapter 2: Basahin ko ulit to mamaya para iyak ulit ako kasi masokista na ata ako huhu Galing galing mo otornim sana masaya holidays mo
kang_ddeul
#2
Chapter 2: wahhh, ang ganda po kahit masakit 😭✊
kang_ddeul
#3
Chapter 1: hugs for hyunnie 🥺😭
danieldubu
#4
Chapter 2: ang sakit otor 😭😭😭
Natsu_byakuran11 #5
Chapter 2: Haysss 💔💔💔💔💔.. yoko na😭😭😭