“BEING ODD… IS RESPECTABLE”

Respect individualism.

Ang kadalasang sabi ng mga tao, tanggapin mo kung sino ka. Ipagmalaki mong anak ka ng mga magulang mo, dahil na rin binuhay ka nila sa kung sino ka man ngayon.

Sa oras naman na gawin mo yun, mayroon namang kung anu-ano ang sasabihin tungkol sa’yo. Yun bang, mas mabilis pa sa alas-kwatro kung manghusga ng kapwa nila. Ikaw naman, tatahimik na lang, dahil tanggap mo kung sino ka talaga, at yun ang mahalaga.

Di naman talaga mauubos lahat ng taong aayawan ang tunay na pagkataong ipinapakita mo.

Kapag nakakita ng babaeng naka “killer heels” ang mga taga public school, sasabihan agad ng maarte at akala mo kung sino. Di ba pwedeng, sadyang fashionista lang sila at importante sa kanila kung anong itsura nila kapag lumalabas ng bahay?

Kapag naman may isang tao na nakasuot ng itim mula ulo hanggang paa, adik agad? Di ba pwedeng may pinagdadaanan lang o sadyang trip niya lang mag-itim? Ika nga ng iba, walang basagan ng trip.

Kapag may isa diyang balot na balot ang katawan, manang agad? Di ba pwedeng, may sakit o kaya nilalamig lang talaga siya?

Kapag naman may isang pumasok sa eksenang nakasuot ng makapal at malaking salamin, nerd o geek na agad ang nakahandang pang-asar. Paano kung sadyang malabo lang ang mata niya at mataas ang grado? Alangan namang pabayaan na lang di ba?

Kapag magulo ang  buhok na parang nakipagkamustahan sa matsing, hindi na agad marunong mag-ayos? Malay niyo talagang mahangin lang sa labas at malapit na siyang mahuli sa klase kaya di na niya nagawang makapagsuklay pa.

At napakarami pang “kapag… di ba pwedeng…?”, blah, blah, blah!

Teka nga lang, at bakit ko nga ba to nasulat?

A, alam ko na.

Kasi…

Noong nasa elementary ako, akala ng tagakabilang-school maarte ako at suplada, dahil sa sobrang pagkaayos ng gamit at itsura ko, isama pa na nakatwo-ears ako sa haba ng buhok ko. Ngayon, nalaman nila na malayo yung akala nila sa tunay na ako. Baliw-baliwan din ako e.

Noong nasa high school, nasabihan na kong losyang at nerd, dahil sa pananamit kong maluluwang na  parang nasa bahay lang at sa backpack kong parang dinala na raw ang buong bahay namin. Pero di rin nagtagal, nasanay na rin sila sa ayos kung yon.

Noong bago pa lang ako sa kolehiyo, napagkamalan akong tomboy naman dahil sa pananamit ko. Ano bang masama sa pagpili ng damit kung saan ka magiging komportable? Pero katulad din ng dati, tanggap nila ako sa kung sino, at sa kung ano talaga ang ugali’t pagkatao ko.

Heto ako ngayon, naaalala ang mga pangyayari sa buhay ko, hindi lang yung nasa itaas. Masaya ako, totoo, kahit na marami mang humusga, o hindi ako tanggap, o handa akong asarin at barahin dahil sa porma ko. Sa totoo lang, proud nga ko sa sarili ko e.

Bakit?

Kasi, mas nakakaawa yung mga taong nagpupumilit baguhin ang sarili para lang magkaroon ng mga kaibigan, at para makaramdam ng pagiging kabilang sa isang grupo. Hindi ba nila alam na sarili lang nila ang niloloko nila, kasi, bawat oras na tumingin sila sa salamin, alam nila sa loob nila, hindi na nila makita ang totoong sila. Kung may isang kabilang sa hanay ng mga nasambit ko sa itaas, may itatanong lang ako ha.

‘Yan ba talaga ang gusto mo?

Kung oo, desisyon mo yan, pero kung hindi naman, ilabas mo na ang tunay na ikaw habang maaga pa! Habang kaya mo pang kumawala sa pagtatakip mo sa sarili mo. Sayang naman kung di mo maipapakita ang tao sa loob mo na alam mo, matagal mo nang gustong ipakilala sa buong mundo.

Masyado bang malalim? O mababaw lang? Baka naman sadyang malalim lang ang pagiging mababaw ko. Magulo ba? Magulo rin kasi ang utak ng nagsulat  nito e.

Sa totoo lang, di ko rin alam kung bakit pumasok sa ulo kong isulat itong, di ko alam kung may kwenta ba  o wala itong sulatin ko.

Ang tanging masasabi ko na lang siguro sa mga nagbabasa nito e, be proud of who you are, correction, be proud of who you really are!

Maswerte ka kung malaya kang ipaalam sa iba ang totoong ikaw. Bakit mo babaguhin ang sarili mo kung ginawa ka Niyang ganyan? Bakit ka mahihiya?

Wala akong gustong patamaan dito, sadyang wala akong magawa sa mga sandaling isinusulat ko to. Pero kung tinamaan ka naman, problema mo na ‘yon. No names written, no added infos given. Walang pinipilit at walang gustong palitan sa kung kanino man.

Hanggang dito na lang.

Just be yourself. Yan ang importante.

Ciao! Goodbye! Paalam!

Bahala na kayo kung paano kayo magsasabi ng paalam sa’kin. Di ko na rin naman malalaman kung binasa mo talaga to o hindi, hanggang sa huli.

XOXO.

Comments

You must be logged in to comment
akahika
#1
Wow~full of motivation....I like that..^^