F.O.?

F.O.?

Tinakpan ni Wooyoung ang kanyang mga tainga. “Ayoko!” sigaw nito. “Hindi na ko makikinig sa’yo! Sinungaling ka!” dagdag pa niya. Bakas na ang lungkot sa mukha ng kaibigan ngunit tila hindi na mapigilan ng batang lalaki ang paglabas ng kanyang sama ng loob.

Magdadalawang taon nang magkaibigan sina Wooyoung at Nichkhun. Nangako sila sa isa’t isang hindi sila magtatago ng anumang lihim o di kaya naman ay magsabi ng kasinungalingan. Sa kasamaang palad, parehong nalabag ng nakakatatanda sa kanila ang pangakong ito na siyang dahilan ng paghihimutok ni Wooyoung.

Tiningnan na lamang ni Nichkhun ang kaibigan at napabuntong hininga. “Mag-usap na lang tayo kapag kalmado ka na.” sambit nito. Nagulat siya nang ihagis ng kausap ang kanyang unan sa kaniyang direksyon. “Hindi! Hindi na tayo mag-uusap! Ayaw na kitang makita!” sigaw niya at pansin na ni Nichkhun ang namumula nitong mukha. Galit na nga talaga siya. Isa pang tingin bago niya tuluyang iniwan ang kaniyang kaibigan.

“Sana mapatawad mo pa ko, Wooyoung.”

---

Mag-iisang linggo na mula ang kanilang away. Ang buong akala ni Nichkhun ay normal na away lang ito. Noong gabing iyon ay isang gulat na Ok Taecyeon ang inibutan niya sa kaniyang silid.

Himala yatang dito ka matutulog.

Nag-away kami eh.

Lilipas din yan.

At umasa siyang tama ang matalik niyang kaibigan ngunit… mali siya. Naupo siya sa hapag-kainan. Halos kumpleto sila ngayon.

“Chansung-ah! Kumain ka na at mahuhuli na naman tayo eh.” Angal ni Junho. Sinusubuan niya ang bunso nilang kaibigan na kasalukuyang naka-ismid at nakatiklop ang braso sa kanyang dibdib.

“Hay nako. Gusto mo lang magpasubo eh! Chansung malaki ka na!” at bago pa maubusan ng pasensya si Junho ay kinuha na ni Nichkhun ang plato ni Chansung at kinalong ang limang taong gulang na bata.

“Chansung-ah~” nginitian niya ang bata at nakita niyang pinansin siya nito. “Pag kumain ka nito, ililibre ka ni hyung ng paborito mong saging. Gusto mo ba yun?” at parang magic, nakita ni Nichkhun ang interes ni Chansung sa pagtapos ng agahan.

“Magaling ka lang talaga mambola ng bata eh no?” Napatingin si Nichkhun. Kabababa lang ni Taecyeon mula sa kanilang kwarto.

Ngumiti na lang si Nichkhun. “Bilib ka lang naman eh.” Pang-aasar nito. Kumuha si Taecyeon ng kanin mula sa rice cooker at naupo sa tabi ni Junho. “Asan si Wooyoung?”

Nilunok muna ni Junho ang kinakain bago sumagot. “Naliligo pa lang.” Napapikit pa siya dahil akala niya pagtitripan na naman siya ng kuya niyang ito. “Sira, may kanin ka sa pisngi.” Sabi nito sabay gulo ng kulot niyang buhok. Nainis si Junho dahil magulo na naman ang kulot niyang buhok “Hyung naman eh! Suklayan mo ko mamaya ah!”

“Oo na.” Natigilan siyang bigla nang maupo si Wooyoung sa hapag-kainan. Hindi pa rin sila nagpapansinan? Napaisip siyang biglang-bigla at nakita niyang hindi na mapakali ang matalik niyang kaibigan.

Alam ni Taec na hindi si Nichkhun nagkulang sa pagsuyo kay Wooyoung. Sadyang nag-iinarte lang talaga siya at hindi na malaman ni Taec kung ano talaga ang kinagalit ni Woo at pakiramdam niya unti-unti ng nawawalan ng pag-asa si Nichkhun. Kilala niya si Nichkhun. Marahil nga may pagkamayabang siya at loko-loko kung minsan (palagi) pero may soft-side ang binata at si Wooyoung yun. Masyadong mahalaga ang pagkakaibigan nila kaya alam niyang nagdaramdam ito. Gustong gusto niyang tumulong kasi ayaw niyang nakikitang malungkot ang kaibigan niya pero ano nga bang magagawa niya kung patuloy lang magmamatigas itong si Wooyoung?

“Hyung!” nagulat siya. “kanina ka pa tulala dyan. Pagkain mo!” Tumayo na si Junho mula sa pagkakaupo. “Kung ayaw mong ma-late, Dalian mo dyan! Ikaw kaya maghuhugas ngayon.”

Napailing si Taecyeon. “Hay nako, si Junho talaga.”

---

Sa totoo lang, medyo masama na pakiramdam ni Nichkhun paggising niya. Kumikirot ang ulo niya at mabigat ang katawan pero isinangtabi niya ito dahil may pagsusulit siya ngayon. Sinikap naman niyang masagutan ito ng maayos at di nagtagal ay natapos na niya ang pagsusulit.

Malapit ng mag-alas dose – oras na ng pananghalian, nagtungo siya kay Taec upang itanong kung anong napag-usapan nila ni Wooyoung.

“Wala eh. Pinaikot-ikot lang ako. Hindi naman niya sinasagot ng diretso yung tanong eh.” Sagot ni Taec. Di maitatagong disappointed siya sa impormasyon pero hindi niya rin masisisi si Taec dahil sadyang malihim lang talaga si Wooyoung.

“Okay lang yun.” Nginitian niya si Taec sabay akbay.

“Okay ka lang?” tanong nito.

Tumango si Nichkhun. Bakas sa mukha ni Taec ngayon ang pag-aalala. “Namumutla ka.” Sabay hawak sa noo ng kausap. Nanlaki ang mata niya “May sinat ka, oy! Hatid na kita-“

“May isa pa kong qui –“

“Pag sinabi kong ihahatid kita sa clinic, dun ka lang hanggat hindi dismissal ah. O baka naman gusto mo pa yata si Minjun pa makaalam nito.”

“WAG!” tutol ni Nichkhun. Kung si Taec, sa clinic lang siya dadalhin, si Minjun naman ay willing pa kamong mag-absent para lang asikasukin ang may sakit na kaibigan Ako kaya ang pinakamatanda rito. Ako masusunod! At kasama na roon ang pangangalaga sa dormmate, lalo na sa may sakit. Ayaw ni Nichkhun na maabala pa siya.

“Last period pa yung quiz mo di ba? Pahinga ka muna.”

“May kailangan ka ba sa’kin?” tanong ni Nichkhun.

“Wala. Bakit naman?”

“Eh ang bait mo yata sa’kin?”

“Ayaw mo?” biro nito.

“Di naman.”

“Pahinga ka muna. Tapos diretso ka na umuwi ah. May soccer practice ako.”

 Tumango naman si Nichkhun habang tinatahak nila ang mahabang pasilyo sa east wing ng kanilang paaralan.

---

Sumapit ang ika-3 ng hapon, natapos ni Nichkhun ang huli niyang quiz sa linggong iyon. Mahigpit ang hawak niya sa kanyang bag habang hinahanap niya ang van na sasakyan niya pauwi. Nagtaka siya.Hindi naman kainitan bagamat tirik na tirik ang araw ngunit ramdam niya ang pagtulo ng pawis mula sa noo niya pababa sa kanyang pisngi. “Bakit kaya ang dami atang tao ngayon sa parking?” hindi na niya gusto ang bilang ng tao sa paligid kaya nang makita niya ang hinahanap na van ay agad siyang sumakay rito. Bukas ang pinto ngunit walang tao. Ihinagis niya ang kanyang bag sa likuran at nilapat niya ang kanyang likod sa malambot na upuan. Huminga siya ng malalim at ipinikit ang kanyang mata, panandaliang kinalimutan ang lahat ng problema at nagconcentrate sa mga tunog sa paligid. Maya maya pa’y may nagbukas ng pinto.

Si Wooyoung. Nagkatinginan sila at gaya ng ilang araw na nakalipas ay iniwas ni Wooyoung ang kanyang mga mata. Pagod na si Nichkhun.

“Wooyoung, mag-usap nga ta –“ natigilan siya nang makita niyang nagsalpak ng earphone si Wooyoung. Wag mo kong kausapin - malinaw ang mensahe. Muling sumandal si Nichkhun sa upuan. Nakakafrustrate. Gusto na yata niyang sumigaw. Pero hindi nakakatulong ang pagsigaw. Sabi nga ni Taec, walang silbi kung sasabayan mo yung init ng ulo niya.

Pasensya.

Ngunit  nauubos na talaga ang pasensya ko. Buntong hininga.

Konti pang pasensya, Khunnie.

Hindi ganun kahaba ang pasensya ko, Taec. Pagod na ko.

At palagay nga niya ay pagod na siya kaya pinili niyang tumahimik at hayaan na lang ulit si Wooyoung – kagaya ng mga nakaraan pang araw.

“Hyuuuuung!!!” nagulantang siya ng pagwawala ni Junho. “Nangangagat na si Chansung! Ang sakit-sakit!” reklamo nito. Muntik pa siyang tamaan ng bag ni Junho. Hayy, marahil nga sa kanya natuto ang bata.

Hindi mo ba alam na ginagawang role model ng mga bata ang mga nakatatanda sa kanila?  Muling naalala ni Nichkhun ang pagsaway sa kanya ni Taec nung huling beses siyang naghagis ng bag sa likuran ng sasakyan sa harap ni Junho. Sa susunod hindi na niya ihahagis ang bag niya para gayahin siya ni Junho.

Nagtataka siya kung bakit siya tinititigan ni Chansung. “bakit?” tanong niya.

“In case you forgot, sabi mo sa kanya bibilhan mo siya ng saging.” Paalala ni Junho habang inilalabas ang DS niya mula sa kanyang bag.

Ginulo ni Nichkhun ang buhok ng bunso nilang kaibigan. “Sige mamaya. Pagdating ng bahay. Tapos bumili tayo ng gatas. Gawa tayo ng shake. Gusto mo rin ba yun?” Tumango naman si Chansung at natawa si Nichkhun dahil wala na ang dalawang front teeth ng bata, typical sa isang limang taong gulang gaya ni Chansung.

“Andyan na si Minjun hyung!” at narinig ni Nichkhun ang sumbong ni Junho patungkol sa pangungulit ni Chansung sa kanyang guro sa klase. Maingay. Naupo si Minjun sa harapan ng van at hawak niya ang kanyang Ipad at isa lang ang ibig sabihin nun – bawal siyang istorbohin dahil malamang eh abala ang nakatatanda nilang kuya sa pagko-compose ng kanta para sa finals kaya naman walang anu-ano’y sinaway niya ang dalawang bata.

“Hindi raw po sasabay si Taec.” Ang magalang niyang sabi pagpasok ng kanilang driver kaya naman matapos nun ay umalis na sila.

---

30 minuto sa loob ng van pauwi, napakatraffic sa di malamang kadahilanan. Gayon din ang pakiramdam ni Nichkhun.  Binuksan niya ang bintana upang makalanghap ng sariwang hangin gayunpaman ay hindi bumuti kahit konti ang pakiramdam niya. Hindi siya mapakali.

“Hyung! Ang lamig!” angal ni Chansung. Obviously gusto niyang ipasara yung bintana at ginawa naman ni Nichkhun.

Maya-maya pa’y nagtaka si Junho nang biglang nanghingi ng plastic si Nichkhun. “Aanhin mo ba?” tanong niya.

“Basta.” Medyo napalakas yata ang salita niya dahil napapikit itong si Junho. “Tapos lumipat kayo ni Chan sa tabi ni Wooyoung.” Sagot niya.

Iniabot ni Junho ang plastic at lumipat sila ni Chan sa tabi ni Wooyoung. Badtrip kaya siya kasi ang likot namin? Bagamat ma’y katigasan ng ulo itong si Junho, ayaw niya namang nagagalit si Khun. Naglaro na lang sila ni Chansung ulit ng Fruit Ninja sa cellphone.

“NA NAMAN?!” sigaw ni Chansung at nang lingunin ni Junho kung ano ang tinutukoy ng kaibigan, nanlaki ang maliliit niyang mata.

“Hyung!” sigaw nito “Minjun hyung!” kinalabit niya si Minjun at nagulantang ito. Natanaw naman ng nakatatanda kung ano ang tinutukoy ng dalawang bata at nagmamadali siyang pumunta sa tabi ni Nichkhun. Putlang putla ito at sa kanyang kamay ay ang plastic na hiningi niya kay Junho. Isinuka niya ang lahat ng kinain niya kaninang tanghali at hinang hina na siya.

“Kaninang umaga rin nagsuka si Khun hyung di ba?” tanong ni Chansung. Tumango si Junho.

Hinawakan ni Minjun ang noo ng binata. Nagaapoy sa lagnat ang kaibigan niya. Napailing siya. Siguradong inilihim na naman ni Nichkhun na masama ang pakiramdam niya at malakas ang kutob niyang alam na naman ni Taec ito. Ay! yung batang yun talaga. Marami ng beses ng inilihim ng dalawa ang pagkakasakit ni Nichkhun. Hindi na sila nadala! Inis na inis si Minjun. Ngayon, kahit anong sabihin ni Nichkhun na pagtatakip kay Taecyeon ay hindi na siya makikinig. This time, makakatikim na talaga ng sermon iyang si Taecyeon. Ay! Pagkatigas-tigas ng ulo! Tinanong muna ni Minjun kung kaya pa ni Nichkhun maglakad at nang tumango ito, nagdesisyon na siya agad.

“Minjae hyung.” Tawag niya sa nagmamaneho ng van. “Pakihatid na lang po si Wooyoung sa cram school at okay lang po ba kung dun muna sa inyo sina Junho at Chansung? Dadalhin ko po sa ospital si Khun.”

Pumayag naman si Minjae at pagdating sa kanto ay bumaba na ang dalawa.

Iminulat ni Wooyoung ang kanyang mga mata. Nakatulog pala siya. Malapit-lapit na sila sa cram school at tumingin siya sa relo Ayos. Di pa ko late. Nagulat siyang sina Junho at Chansung na lang ang nasa van. Hinubad niya ang earphone niya.

“…wag ka na malungkot Chan.” Nagulat si Wooyoung. Bihira niyang makitang ganito si Junho. Nacurious siyang bigla sa mga pangyayari habang tulog siya.

“Magiging okay naman si Khun hyung di ba?”

“Syempre.” Sagot ni Junho. Pero hindi rin siya sigurado sa sagot niya. Ang totoo nag-aalala rin siya. Di sinasadyang nagawi siya sa east wing bandang tanghalian sa paglalaro ng soccer at natanaw niyang magkasama sina Taec at Nichkhun. At kung tama ang kalkulasyon niya malamang sa malamang pumunta silang clinic kasi wala namang classroom doon. May ilang araw na ring pabalik balik ang lagnat ni Nichkhun kaya naman hindi niya mabilhan ng saging si Chansung dahil nagrereklamo siyang masakit ang katawan niya. Hindi niya makakalimutan yun syempre. Kasi naman yun yung dahilan kung bakit siya nagkasugat dahil sa pangangagat ni Chan.

Bago pa maka-react si Wooyoung, nasa cram school na siya. Wala na siyang panahon para itanong kina Junho at Chansung kung anong nangyari.  Nang makababa na siya, tinawag siya ni Minjae. “Baka si Taecyeon sumundo sa’yo mamaya. Nasa ospital si Minjun.”

“Po? Napano po si hyung?”  usisa niya. Di na niya inalintana kung mahuli siya.

“Dinala niya sa ospital si Nichkhun.”

“Po?” bakas ang pag-aalala sa mukha niya. Dinala niya sa ospital si Nichkhun.

“Wooyoung!!!” tawag ng kaniyang kamag-aral. Nagpasalamat siya kay Minjae sa paghatid sa kaniya at kinawayan sina Chansung at Junho.

“Magiging okay naman si Khun hyung di ba?”

Dinala niya sa ospital si Nichkhun.

Di maipaliwanag ni Wooyoung ang kabang nararamdaman. Malamang wala siyang maintindihan sa mga aaralin nila sa cram school ngayon.

--

Maagang natapos ang soccer practice ni Taec. Napagdesisyunan niyang siya ang sumundo kay Wooyoung dahil plano nga niyang kausapin itong muli kaya tinext niya si Minjun.

 

Ako na susundo kay Wooyoung ah~

-Taec

Di man lang nagreply si Minjun gayunpaman nakita niya ngang hinihintay siya ni Wooyoung at waring alam niyang siya ang susundo sa kanya.

Nagtataka siya kasi ni ayaw na talaga magsalita ni Wooyoung. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.

Sinundo ko si Wooyoung. Handa na ba ang hapunan?

Sent.

Sampung minuto ang nakalipas hindi pa nagrereply si Nichkhun.

Tahimik si Wooyoung sa buong byahe. Wala sa sarili. Bakit kaya?

“Bakit ang dilim ng bahay?” tanong ni Taec at hindi sumagot si Wooyoung. Walang tao sa bahay. Obviously, wala ring hapunan. Dumiretso si Wooyoung sa kwarto niya at binalibag ang pinto.

Ang weird. Nagkibit balikat na lang si Taec. Inisip na lang niyang wala sa mood si Wooyoung. O kaya badtrip? Ewan! Naghanap na lang siya ng pwedeng iluto.

Halos tapos na niya ang paghahanda ng hapunan nang may biglang bumusina sa harap ng bahay.

“SALAMAT PO HYUNG!” sigaw ng dalawang bata. Napangiti si Taec.

“Taec hyung!!”

“Ba’t kayo lang?” usisa ni Taec habang hinahanda ang lamesa para sa hapunan.

Lumapit si Chansung sa kanya at dinukot ang cellphone niya mula sa bulsa. “Tawag lang po kami kay hyung!” paliwanag ni Chansung at naupo ang dalawang bata sa sala.

Gaya ni Wooyoung, bakas ang pag-aalala sa mukha ng dalawang bata. Biglang kinabahan si Taec. “Ayaw sagutin eh.” Angal ni Junho.

Nagulat sila nang biglang nagring ang telepono.  Nagmamadaling sinagot ito ni Chansung. “Hello?” Napatingin ang maknae kay Taec at iniabot niya ang telepono sa kuya niya. “Magpalit muna kayo ng pambahay tapos ayain niyo si Wooyoung kumain na.”

Kaba – di maipaliwanag ni Taecyeon ang kabang nararamdaman niya. Kaya ba hindi nagrereply si Khun dahil…

“Taec…” rinig na rinig niya ang pagkainis sa tono pa lang ng pananalita ni Minjun. “Bakit ba kasi ang tigas ng ulo niyo ni Khun ha? Alam mo bang may dengue ang kaibigan mo?!” sigaw nito.

Tahimik lang si Taec. Kasalanan nga niya. May ilang araw na nga rin palang masama ang pakiramdam ni Khun. Ang buong akala niya masama lang ang loob ng bestfriend niya dahil sa away nila ni Wooyoung. Na-overlook niya ang pangyayari. At dahil alam niyang ayaw ni Khun na naaabala si Minjun, hindi niya sinabi sa kanya. Hindi rin naman niya akalain kasi na aabot sa ganito.

Sa tagal ng panahon na nilang magkakasama halos alam na nilang tatlo ang tumatakbo sa utak ng isa’t-isa. “Oh, wag ka ng mag-emo dyan Taec ha. Pinagsabihan lang kita para wala ng kasunod to. Okay na si Khun sa ngayon yun lang medyo matagal siyang di makakapasok. Ikaw muna bahala kina Junho ah. Dito muna ako.”

Nakahinga nan g maluwag si Taec. Tumango siya. Bagamat di siya nakikita ni Minjun, alam niyang panatag na rin ang loob ni Taec. “Bantayan mo lalo si Wooyoung. Busy ako Taec, alam mo yan pero alam ko pa rin ang mga nangyayari sa bahay. Medyo sensitive yung bata. Kausapin mo para di na siya mag-alala masyado. Kumain na kayo ng hapunan ah.”

“Opo.” Sagot ni Taec. “Wag mo rin kalimutan magpahinga. Kagagaling mo lang sa soccer practice baka isa ka pa ring magpasaway ah. Sige bababa ko na to.”

Pagkababa ni Taec ng telepono, sakto naming pagbaba ng dalawang maknae.

“Ayaw daw po kumain ni Wooyoung hyung.”

“Arte arte.” Sabi ni Junho.

“Hayaan mo na Junho.” Nagsandok na ng kanin si Taec at nagsimula na silang kumain.

“Eh kasi naman eh! Ang daming arte. Pwede naming hinayaan niya lang na mag-explain si Khun hyung. Ayaw niya pa. Ang lungkot tuloy ni hyung. Tapos ngayon…”

“Kumain ka na lang dyan.” Saway ni Taec. “Pagtapos niyo dyan pwede kayong magbanana shake.”

“Yaaaay!!” pumalakpak si Chansung sa tuwa samantalang inihanda ni Taec ang hapunan ni Wooyoung. Kailangan na talaga nilang mag-usap.

--

Pagpasok ni Taec sa kwarto ni Wooyoung, nag-iinternet ito. Pagkarinig na may pumasok ay nagswitch tab siyang bigla.

“Kain na ng hapunan.” Sabi ni Taec. Di siya pinansin nito. Binato ni Taec ng unan si Wooyoung. “ANO BA?!” sigaw nito.

“Wag ka magbingi-bingihan. Kumain ka na.”

Kinuha ni Wooyoung ang tray, tumalikod kay Taec at kumain. Nagmamatigas pa rin. Umiling si Taec at napatingin sa mga tabs na bukas. Isa dun ay isang medical site at mukhang nagbabasa si Wooyoung tungkol sa dengue.

“Alam mo Wooyoung, tigilan mo na to. Hindi ka naman ganun kagalit kay Khun di ba? Bakit ba pinalalaki mo yung issue ha?”

Walang sagot mula sa kabilang panig pero alam ni Taec na nakikinig naman si Wooyoung. “Alam mo namang nasa ospital siya ngayon di ba? Ganun ba kalaki ang kasalanan niya para i-disregard mo yung friendship niyo? Di k aba nag-aalala man lang?  Bakit di mo siya pinuntahan o kaya itext?” usisa ni Taec. Nagulat siya nang makita niyang umiiyak na si Wooyoung.

“Halika nga dito.” Tumabi naman sa kanya si Wooyoung at inakbayan ito. “Wag ka na mag-alala. Sabi ni Minjun hyung mo, okay na raw si Khun. Yun lang isang lingo yata siyang di makakapasok.” Tumango si Wooyoung at di pa rin matigil ang mga hikbi niya. “Sorry na po hyung.” Hinagod ni Taec ang likod ni Wooyoung bago niya ito niyakap. “O tama na. Magtatanong tiyak si Khun pag nakita niyang namumugto yang mata mo.

--

Much to Taec’s disappointment, hindi pa rin pumunta ng ospital si Wooyoung.  Nung gabing yun, malinaw naman na hindi na galit si Woo kay Khun gayunpaman, hindi pa rin sila nag-uusap. Kumakain sila ni Khun ng mansanas na bigay ng nurse nang biglang nag-open si Taec.

“Di pa rin ba pumupunta?” umiling ang kausap. “Galit pa rin yata.” Napabuntong hininga si Khun. “I guess, totoong ayaw na niya ko makita.” Ang malungkot na sabi ni Khun.

“Drama mo.” Hinampas siya ni Taec ng unan.

“Yah! Di pa ko magaling no! Makahampas to wagas.” Ginantihan naman niya ito ng hampas.

“Baka nagpapalakas lang ng loob?” suggest ni Taec. “May ugali kasi yan si Wooyoung na nag-iisip muna bago kumilos. Bigyan mo lang ng time. “

Tumango si Nichkhun. At buong maghapon silang nagsagot ni Taec ng mga take home seatworks at quizzes niya.

Sa bahay, iniiwasan siya ni Wooyoung. Hinayaan na lang ni Taec at binigyan ng space yung bata.

--

Mag-iisang linggo na per ohindi pa rin pumupunta si Wooyoung sa ospital para bisitahin si Nichkhun. Nagdadalawang isip siya at hindi niya malaman kung anung sasabihin niya pag nakita niya ulit ang kaibigan. Nahiga siya sa kama. Nag-isip. Tinitigan niya ang cellphone niya iniisip kung magtetext ba siya o hindi.

Kamusta ka na?

Binura niya ito.

Dalian mo magpagaling ah.

Makailang beses siyang nagtype ng ise-send na message pero sa huli ay inihagis niya ang cellphone niya sa ilalim ng unan niya.

Nang kunin niyang muli ang phone niya nagulat siya nang nagvibrate ito.

1 message received

From: Khunnie

Di mo man lang ba ko dadalawin? Ganyan ka ba talaga kagalit sa’kin?

Nalulungkot na talaga ako.

Hala hindi! Hindi ako galit sa’yo. Hindi na.

Maya-maya pa’y nabuo na ang desisyon ni Wooyoung.

Kinuha niya ang bike sa garahe at umalis.

--

Napatakbo si Nichkhun pagkarinig sa balita.

Umalis si Wooyoung kanina dala yung bike. Di naman sinabi kung san siya pupunta. Madaling madali at di ko na napigilan. Wag kang mabibigla ah. Naaksidente siya, Khun. Di pa ko makaalis dito kasi mainit ulo ni coach. Si Minjun naman may recital ngayon. Pakitingin naman si Wooyoung.

Humahangos si Nichkhun nang makarating sa ER. Mayadongg marami ang tao at nakakasulasok ang amoy ng dugo. Kinabahan siyang muli nang makitang duguan ang mga pasyenteng inilalabas mula sa ambulansya.

“Dok, kritikal po ang lagay ng isang elementary student po na nasangkot sa banggaan!” sigaw ng isang nurse. Napalingon si Nichkhun at hinabol ang isang stretcher na may duguang pasyente. Lalong nanlaki ang mata niya nang makita niya ang uniporme ng kanilang paaralan.

“Wooyoung-ah!” sigaw niya at hinarangan siya ng mga nurse. Umiyak si Nichkhun. Sinisisi niya ang sarili. Kung hindi niya tinext ng ganun si Wooyoung, malamang hindi siya nadisgrasya.

“Wooyoung-ah.” Tawag nito sa pagitan ng mga hikbi. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kung may nangyaring masama sa kaibigan.

“Khun?”

Napatigil si Nichkhun sa pag-iyak at lumingon.

“Anong ginagawa mo di–”

Hindi na nagawa pang ituloy ni Wooyoung ang sasabihin. Niyakap siya ng mahigpit ni Nichkhun na umiiyak pa rin. Makalipas ang ilang sandal “Okay ka lang?” tanong nito habang tinitingnan ang katawan ni Wooyoung.

“G-gasgas lang.” Muling siyang niyakap ni Nichkhun.

Bumalik sila sa kwarto ni Nichkhun. Nakaramdam ng matinding pagod ang binata, marahil sa matinding stress. Tinulungan siya ni Wooyoung sa paghiga. Panandaliang isinara ni Nichkhun ang kanyang mga mata.

“Wooyoung?”bulong niya.

“Hmm?”

“Galit ka pa ba?” tanong niya. “Wooyoung, sorry na.”

Tahimik lang si Wooyoung pero nakatingin siya kay Nichkhun. Umupo ang binata.

“Buti ka pa…” simula ni Wooyoung at nakita ni Nichkhun nangingilid ang luha nya. “…pag nalaman mong napahamak ako, kahit may sakit ka, pupunta ka agad… eh ako...”

“Shh… tama na.” Hinawakan siya ni Nichkhun sa balikat.

“…ang sama kong kaibigan.”

“Hindi totoo yan.” Tutol ni Nichkhun.

“Sorry na Khunnie.” Kaunti pang luha at niyakap siyang muli ni Khun.

--

Napangiti si Taec habang pinagmamasdan ang dalawa sabay iling.

“Mukhang wala na akong roommate ulit pagbalik ni Khun sa bahay.”

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
HottestKY #1
please translate it into malay or english! ><
khunloveswoo #2
Chapter 1: Lol..taec kung makahampas la wagas alam mo namang maysakit yong tao~
curious lang ako kung anong dahilan bakit nagalit si woo kay nichkhun


oor khunnie masyadong nag inarte si wooyoung pero at least nagkabati din sila sa huli...kkkk~
khunloveswoo #3
Chapter 1: Omg!!! Tagalog!!