diaphanous

hirang

 

   Nagawa na ring humabol ng ligamgam sa puting tasang kasabay maghintay ni Karina sa pagdating ng mga kaibigan niya. Labinlimang minuto na ang nakalipas nang tapatan ng mga kamay ng relo ang takdang oras ng pagkikita nila ngunit hindi niya napansin ang sabay na marahang pagsasalubong ng mga kilay niya. Kalahati pa lamang ang bawas ng kapeng kaharap ng dalaga, at nang matitigan niya ito matapos ibaba ang readings na pinipilit niyang tapusin, muling sumagi sa isip niya ang dapat sana'y kasama niyang nag-aabang ngayon.

   Karina fixes her posture as she leans on the ergonomically incorrect chair ng isang pamilyar na fast food chain. Handa na sanang sunduin ng hintuturo't hinlalaki niya ang tasa nang matanaw niya ang palapit na pigurang pinahihintulutang maaninag ng nakataas na persyana. Kung pipikit siya ngayon, makikita niya sa likod ng kanyang mga talukap kung paano nagsisimula ang tagpong ito:

   Mauunang tumapak ang kanan niyang paa, susunod ang kanan ring braso sa pagtulak ng pinto. Sa dalawang labi sisibol ang magtatagpong mga ngiti. "After you, hirang," ito'y sa bibig niya mismo manggagaling na wari ba'y kundimang walang sawang panghalina sa tatlong taon niya nang kasintahan. May hiya at lambing sa hampas na matatanggap ng kanyang balikat na susundan ng pagsasalikop ng mga kamay. Sabay ang pagpasok at pagtingala sa menu ng kainan kahit na 'yun at 'yun din naman ang laging order ng dalawa.

noon.

   Crew ang sumalubong at nagbukas ng pinto; ang unang bumati ng magandang umaga, ang una niyang nakapalitan ng ngiti. 

   Kasama si Winter sa listahan ng mga pangalang inaabangan niyang dumating. Hindi rin lingid sa kaalaman ni Karina na mataas ang posibilidad na si Winter ang unang susulpot. At kahit na alam niya ang katotohanang ito, pinili niyang mas agahan kaysa nakagawian. Hindi rin naman ikakaila ni Karina na planado niya ito—ang masolo si Winter kung papalarin kahit limang minuto. 

   Ito nga siguro ang nagagawa ng pahinga sa isang abalang tao; bumabagal ang oras, at pinapayagan nitong magligalig ang mga mata. Ang kay Karina, napirmi sa unang tulang kanyang kinabisa. Kung sila pa ring dalawa, saulo maging ng katawan niya kung paano i-c'complement ang bawat kilos ni Winter. Habang umaasinta ang daliri ng nakababata sa touchscreen, nakayapos na ang mga braso ni Karina sa kanyang bewang. Ang kasunod na hakbang ay ang pagsandig ng baba sa balikat dahil aminin man ni Winter o hindi ay kailangan niyang tumingala, dalawa silang sabik sa saglit at 'di sadyang pagdampi ng labi sa tainga, ang pagbulong ng mumunting papuri. Magtatapos ito sa paglanghap ng halimuyak sabay ng kagyat na halik sa gilid ng panga—isa sa maraming kiliti ni Winter. At walang makakalimot na ang lahat ng gawing ito ay tahimik na usal ng pasasalamat.

   Dinapuan na ng lamig ang inumin ni Karina dahil hindi bigla ang pagbawi niya nang madikit ang balat sa tasa habang pinapanood niya ang mayuming mga hakbang ni Winter papunta sa direksyon niya. Nakapusod ang kulay-kape nitong buhok, nakaparagan ang puting tshirt sa ilalim ng windbreaker na regalo ni Karina na ayon sa kanya'y hindi na nangangailangan pa ng dahilan. Pantalong maong at puting Chuck Taylor; si Winter ay si Winter pa rin.

   Ngiti ang sumalubong kay Karina nang maglakas-loob siyang hulihin ang mga mata nito. Nangungusap, nagtatanong kung maaari bang makiupo. Agaran ang pagtango at pagsingit ng nakakalat na resibo sa pagitan ng mga pahina ng binabasa niyang libro. Si Winter? Natatawang umupo.

   "You're early. Hindi ka nahirapang gumising?" saglit na napatigil si Winter sa ginagawang pagbuhos ng gravy sa kanin niya. Sa pagbakat ng ugat sa likod ng palad niya, batid ni Karina na gustong takpan at tampalin ni Winter ang sarili niyang bibig. Hindi malabong tulad ni Karina, kabisado pa rin ni Winter ang paraan ng pamumuhay niya. Hindi naman madaling iwaksi ang malaking bahagi ng buhay na pinagsamahan nila.

   Kamot sa batok ang ganting sagot ni Karina. Kagat niya ang ilalim na labi para pigilin ang napipintong pagbulalas. Winter has always been her basis of time. She has always kept Karina grounded. At magsisinungaling siya kung sasabihin niyang madali para sa kanya ang hanapin ang mga salitang kakatawan sa nais niyang sabihin. Muli sanang susunduin ng kamay niya ang kape nang pagpalitin ni Winter ang mga tasa sa ibabaw ng mesa. "It's gotten cold. Wala pa silang iced kaya hot din 'yung akin. Let's compromise?" 

   Ito ang ikalawang tulang memoryado ni Karina:

   Paiikutin ni Winter sa kanyang kamay ang tasang ginamit ni Karina. Susuriin ng mata niya ang labi ng seramika, hanap niya ang paghawa ng kulay ng lipstick ng labi ni Karina. Dito niya itatapat ang kanya, bibigyan ng matamis na ngiti ang nakatitig nang nobya bago ang paghigop sa tuwina'y pinagsasaluhan nilang timpla.

   At lagi't lagi, sa t'wing katahimikan ang papagitan sa kanila, si Winter ang unang susubok na tawirin ang distansyang nalilikha. Limang buwan na mula nang abandunahin nila ang tulay ngunit kahit 'di sigurado si Winter sa tatag ng lubid nito, hahamakin niya pa rin kahit na si Karina naman ang unang tumalikod.

   "Karina?"

   "Hmm?" pipirmi ang titig ng nakatatanda na siyang yayakap sa magnetismo ng kaharap. Mapagmatyag niyang mamasdan ang pilit na pagpapakalma ni Winter sa panginginig ng kanyang mga kamay. Kung buo lamang sana ang loob niya ay ikukulong niya ito sa init ng kanyang palad.

   "Remember when you sat in a class of mine tapos si Joey Ayala 'yung lecturer namin for that day?" Muling magtatagpo ang mga kilay ni Karina sa biglaang pagtatanong ni Winter. Ramdam niya ang kawalan ng mga daliring dati'y agad na pumapatag sa pangungulubot ng balat sa kanyang noo. Gustuhin man ni Winter na pakalmahin ang maalong linya, isa ito sa mga akto na pagiging kasintahan lamang ang nagbibigay hintulot. Sagrado ang balat, at permiso ng walang-alinlangang oo lamang ang makapagpapapasok sa kumakatok na bisita.

   "That was the day you asked me if it'd be okay to call me 'hirang' once we become official. And I told you na calling me that binds you to me like marriage."

   "Tinawanan mo ako after we sang the national anthem with him. That, I'd remember till death, Winter. Hindi mo man lang ako sineryoso when I told you that you'd be my country," and on Karina's lips is a pout that prompted Winter to abandon the silverware. Kasabay nito, mapapahinto rin si Karina sa ginagawa niyang panunukso.

   "But Rina, I called you hirang first. At alam mo ba, I think 'yan 'yung reason why I can't just walk away from this, from you, from us."

   Diapanoso ang luhang bumabagsak sa pagod nang mga mata ng dalaga. May pagmamadali sa tunog ng mga takong na humahalik sa semento, mabilis ang paghila ng upuan, ang paghapit palapit para aluin at isandig sa balikat niya ang hubad at matapang na kalungkutan. "Please, Rina, map my body—my being once more." Sa pagitan ng mga hikbi, "Hirang, make me your country again."

   Paglapat ng labi sa noo, at ang pagkulong ng katawan sa bisig ang napiling daan ni Karina pauwi.

 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
xandali
#1
i open this site every once a week to check if you're back. i'm super amaze kasi how you narrate your stories tabgina huhu im a huge fan of your works 👺👺👺
TYTFshipper
269 streak #2
Chapter 1: grabe talaga yung salitaan dito 🥹🥹
iamriou_
1169 streak #3
Uy!!! New story!!!!
howdoyouknowmee
548 streak #4
Chapter 1: Omg welcome back!
lattecream #5
Chapter 1: ANG GANDAAAAAAAAA welcome back snackmachine kuhang kuha mo nanaman po ako sa words 😭😭😭