Wan

Wow, Mali

 

 

Nakakamiss talaga ang ‘Pinas.

Yung pagdating ng ber months, malamig man lahat ng aspeto sa buhay mo, mapapawi naman ‘yon kapag nakita mo na yung.. para bang kakaibang sigla ng mga tao sa paligid mo.

Siglang 13th month pay. Siglang mahaba-habang vacation leave na sa wakas na grant na ng boss mo at nagpaubaya na mga colleagues mo.

Siglang makakauwi ka na sa probinsya.

Siglang ang dami mo na namang makakain kahit bawat taon may New Year’s Resolution ka na konti lang kakainin mo.

Siglang wala kang iisipin na trabaho kahit saglit.

Siglang kasama mo yung pamilya mo nang mas matagal, siglang dulot ng kwentuhan, tawanan, kantahan at paminsan minsan may kasamang iyakan.

 

Namiss ko ‘to. Walang ganito sa Canada.

 

Buti na lang pauwi na ko.

Uuwi na ko, sa wakas.

 

Binitawan ko na ang cellphone ko pagkatapos kong masend itong chat ko sa bestfriend kong half Chinese, half garter. Joke, medyo singkit lang siya. Inside joke na kasi namin ‘to ni Seulgi. Half Spanish-half bread naman daw ako kasi ambisyosa daw akong matuto ng Espanyol noong college pa kami. Corny kami, oo na. Wag niyo na lang pagkalat.

Pa take off na kasi yung eroplano, ayaw ko naman lapitan ng mga FA at mapagsabihan (kahit parang masaya makipag-kilala sa mga magagandang dilag, at unless mapagsasabihan nga ako pero pangalan at number? :))

Nakatulog ako ng mga ilang oras, mahaba haba pa yung byahe ko, medyo 15 hours.

Agad kong ginamit ang in-flight wifi at nag check kung nagreply na ba si Seulgi sa chat ko. Nagpapasundo kasi ako, baka lang naman kasi di ba? 5 years din akong nawala, baka naman pwede akong salubungin ng bestfriend ko?

 

Seulbear: “WAN! PAMBIHIRA TULOY NA TULOY KA NA TALAGA! EXCITED NA KO!!! ANONG ORAS KA BA LALAPAG PAPI?”

 

Wanpapi: “Mga madaling araw yata paps, mulat ka na ba non?”

 

Seulbear: “OO NAMAN, ANO BA NAMAN YUNG GIGISING AKO SAGLIT PARA SA BESTFRIEND KONG NAGBABALIK”

 

Wanpapi: “Ay, parang narinig ko na ‘to paps. What’s the catch? Wala ka naman pinagpapalit sa tulog e.”

 

Seulbear: “HAHAHA GRABE KA NAMAN WAN, KALA KO BA MATAAS PAGTINGIN MO SAKIN? Pero ano.. Saka ko na ikkwento pagdating mo! Hehehe”

 

Wanpapi: “Kitams? Kaya ko ba yan? Pag ‘yan deliks ha Seul, kababalik ko pa lang!”

 

Seulbear: “YAKANG YAKA MO ‘TO PAPS, IKAW PA BA, ANG TAAS NG PAGTINGIN KO SA’YO KAHIT MAS MALIIT KA SAKIN! SIGE NA TULOG NA MUNA AKO SAGLIT, KITA MO NAKA ALL CAPS NA KO. SEE YOU SOON PAPS!!!!! >:D<

 

Wanpapi: “Ay, taran.. sige Seul, good night. See you! Try mo naman wag magpa-late baka naman puti na mata ko sa kaiintay ah?!”

 

***

 

At namuti na nga ang mga mata ko..

 

Sa chat sakin ni Seulgi..

 

Papunta na raw siya pero ihanda ko na daw yung sarili ko sa “ no questions asked” moment ng friendship namin.

Paborito kasi namin yung How I Met Your Mother na series, mayroong part doon na sinabi ni Barney kay Ted yung No Questions Asked at kailangan sumama ni Ted sa kahit anong lugar na naisip ni Barney dahil nga ‘no questions asked’, once mo lang yun magagamit so walang choice si Ted.

Spoiler Alert, medyo ekis yung ending nung no questions asked ni Barney at Ted.

. Sana hindi ekis yung sapitin ko sa version ni Seulgi.

Paglapag ng eroplano ay agad akong nagmadaling tumungo sa Arrival Area, muntik ko pa makalimutan kunin ang bagahe ko sa sobrang pagkaexcite ko.

 

Wala pa rin palang nagbabago sa Pilipinas. Ang init ng salubong. Mag-iinit rin ang ulo mo sa facilities at kaayusan ng airport. Welcome back, Seungwan! Namiss ‘ko ‘to, oo pero sana may pagbabago naman ‘Pinas!

 

Agad kong hinagilap kung nasaan ang bestfriend kong may bago na namang pakana. Kinakabahan ako sa kung ano man yung plano niya pero ano ba ang magagawa ko, matalik kong kaibigan si Seul at kung ano man ang kailangan niya, sisiguraduhin ko na nandoon ako para tulungan siya or batukan siya. ‘Dun lang naman iikot yon.

Wala naman masyadong tao, thankfully, sa airport nung mga oras na ‘yon kaya agad kong nakita kung nasaan si Seulgi.

Mangiyak-ngiyak ako nung naaninag ko na iwinawagayway niya ang hawak niyang banner, may nakasulat na “Welcome Back Wanpapi!” may disenyo pa itong mga kalapati sa gilid at langit na background, parang may mali.

May pabulaklak at may gitara pang dala. Pambihira, may lihim ka talagang pagtingin sa’kin Kang Seulgi. Wala namang bintana, pero parang may manghaharana.

Palapit pa lang ako ay agad akong niyakap ng bestfriend kong may nakakalokong ngiti. Namiss ko rin talaga ‘tong mokong na ‘to kaya niyakap ko rin siya nang mahigpit pabalik, mamaya ko na lang siya aasarin sa paharana effect niya.

 

“Grabe Wan! Di ka tumangkad, pero ‘wag ka mag-alala, lagi ka namang nasa isip ko kaya wala kang lugi, angat ka pa rin!” pang-aasar niyang bati.

 

“Siraulo ka talaga Seul!”

 

Sinapak ko ang balikat niya habang nagpipigil ng tawa.

 

“Kaya ba may paharana paraphernalia ka dito? Sinasabi ko na nga ba! May lihim kang pagtingin sa’kin paps!” sagot ko sa kanya na may kasamang kindat.

 

“ Alam mo Wan, mayroon talaga akong pagtingin sa’yo matagal na..”

biglang naging seryoso ang tono niya at hinawakan ang kamay ko, aba anong nakain nito?

 

“Duling nga lang, payag ka?” dagdag niya bago pa ako makasalita.

 

“Tangina mo Seul, suntukin kita dyan eh. Pinagtitinginan tayo, tanga.” pabiro ko siyang inambahan ng kamao ko.

 

“HAHAHAHA sabi ko naman sa’yo Wan, walang magbabago sa atin di ba? Saka crush kita talaga nung elementary, taba ng pisngi mo nun eh!” maluha-luha niyang sagot sa akin.

 

“Manahimik ka pisnging tinubuan ng tao! Kung may siopao dito, ikaw yun!

Teka nga, maiba ako, ano na naman ang kailangan mo at bumabanat ka na naman! Kanina ko pa iniisip yung chat mo sakin, ano bang ganap?”

 

“Ano kasi Wan..” pabalik balik ang tingin niya sakin tapos dun sa harana paraphernalia niya.

 

“ Ay pu…..”

 

Alam ko na yung mga paganito ni Seulgi. Kabisado ko na ‘to.

 

“ May mission tayo Seul?! Anak ka ng! Anong oras? Saan?! Namiss ko ‘to! Sa wakas, masasamahan na kita! Ito ba yung sinasabi mo na.. Jo.. ano nga pangalan nun? Jopay ba? J yun eh.. Jhermerlyn? Pabiro kong tanong sa kanya, tamang ganti lang sa lahat ng pang-aasar niya sakin ngayon.

 

“ Gags papi, Joy kasi..”

 

“ Oo, yun! Tama! Joy! Oh eh, akala ko ba okay na yun? Sabi mo, feeling mo pasagot na yun? So, ngayon ba natin tatanungin?! Eh, ang aga pa kaya?! Ano ba ‘yan Seul, literal na amoy pauwi pa naman ako ngayon, nakakahiya naman! Ligo muna ‘ko saglit sa bahay, ayos lang ba?”

 

“ Dami mo namang sinabi Wan, natatakot tuloy ako lalo. Nagalit kasi yata sakin e? O nagtatampo? Pupuntahan ko sana.. Papatulong sana ako sa’yo..”

 

“ Sus, yun lang pala! Akala ko naman kung ano! Ano na naman kasi ginawa mo?”

 

Tiningnan ko nang maigi ang bestfriend ko, minsan lang ‘to magkaroon ng seryoso na facial expression eh, laging nakangiti ‘to e.

 

“Teka, sa itsura mong ‘yan, parang malala, saka kailangan mo bigla ng tulong ko, ay, malala nga! E ano pa hinihintay natin, tara na para makaligo na ko!”

 

Excited na ko ako agad simulan yung plano. Ligo na lang ang kulang talaga.

 

“ Okay na yan Wan! Hindi naman ikaw yung aamuyin nun! At tsaka, malayo pa kasi byahe natin? Taga-Bulacan kasi siya..”

 

“ Hambog! ‘Di ka nga kinakausap, amuyin pa kaya.”

 

“ ‘Di ko talaga gets anong kasalanan ko eh, yari talaga. Kung ikaw amoy pauwi, ako amoy..”

 

“Basted!”

 

Ako na yung nagtuloy ng sentence niya, sabay angkla ng braso ko sa kanya.

“San na ba yung vroom vroom mo papi chulo, let’s go Bulacan! Gusto ko ‘to roadtrip agad!”

 

Mabuti na lang wala pang araw paglabas namin ng airport, alas tres pa lang kasi ng madaling araw pero yung itsura ni Seulgi habang paalis kami sa parking lot parang hindi na sisikatan ng araw.

Sabi ko kay Seulgi, wag na muna kaming mag aircon, malamig naman ang simoy ng hangin. Damang-dama ko na ang pasko. Saka malamig din naman sakanya si Joy.. Damang-dama rin naman ni Seulgi yun.

 

“ So, kwento mo na nga kung anong nangyari Seul.”

 

Tinanong ko na siya habang nag-aantay kami sa drive thru.

 

“ Eh di ba minsan naiimbitahan tayong tumugtog.. May bagong restobar kasi sina Jisoo.. Namiss ko rin naman tumugtog paps, tagal na kasi nung huli nating jam, pa-Canada Canada ka pa kasi, wala tuloy taga-kanta!”

 

“ Lul mo, nakanta ka rin naman ah?”

 

“ Iba pa rin pag ikaw Wan, mas okay akong pumalo, alam ko yun sa sarili ko at alam mo rin yan.”

 

“ Pft ge na, tapos ano nangyari?”

 

“ So natapos na yung set, tapos itong si Jisoo, nalasing! Inalalayan ko papunta sa sasakyan nila.. E alam mo naman kung gaano nun kamahal si Jennie di ba, ayaw pa kasi umamin e ang tagal tagal na!

 

So, kwento siya ng kwento sakin, magcconfess na raw siya soon, practice daw kami.. Edi sabi ko sige nga, tapang mo na ah, pinagtripan ko na, lasing naman eh.. Todo practice siya, tawang-tawa ako Wan, hayup! sabi niya, “Mahal kita, matagal na. Pakinggan mo naman ako..” Paulit ulit si tanga!

 

So yun, kinabukasan, pag check ko ng messages ko sa IG, nagsend si Joy nung IG story nung isa niyang kaibigan, nahagip yung conversation namin tapos ang sabi niya lang, hindi ko alam kung anong paniniwalaan ko Seulgi, ilang beses na.”

 

Halata sa paghina ng boses ni Seulgi yung lungkot. Mukhang tinamaan na nga yata yung tropa ko.

 

“Labo? Di ka man lang pinagpaliwanag? Ang mature naman paps.”

 

Hindi ko sadyang nabulalas yung nasa isip ko, hindi naman siguro ma-ooffend si Seulgi kung ganoon ang initial reaction ko sa kwento niya.

 

“ Oo nga eh, malas ko talaga. Hindi ko naman masisi kung bakit ganoon na lang yung reaksyon niya sa nangyari, nagcheat kasi yung ex nun sa kanya, so ayan, medyo iba yung hagupit nung mga ganoon sa kanya.”

 

“ So, magpapaliwanag ka ngayon?”

 

“ Oo, liliwanagin ko lahat lahat ngayon. Kumbaga, pinalamig ko muna, baka kasi lalo akong GG kung sinabayan ko siya that time. Papayag ba tayo na ganun na lang? Syempre, hindi. At tsaka, nandito ka na! May +100 yung charisma points ko.”

 

“Sus, eh buti kung haharapin tayo nun? At tsaka, baka makasalubong natin yung sinasabi mong masungit na kasama niya sa apartment. Naku! Bawas ligtas points!”

 

“ Hindi yan, baka wala yun doon. Weekend naman eh?”

 

“Anong konek?”

 

“Wala, di ko rin sure. Gusto ko lang maging positive.”

 

“Wala ka talaga sa hulog paps, balakajan. Tatamaan tayo dun sa masungit na kasama, talagang popositive tayo dun pag naabutan tayo.”

 

“Ay oo Wan, tatamaan ka talaga dun, tingin ko.”

 

“Ha?”

 

“Bingi ka, sabi ko!”

 

***

 

After 10 years nakarating na rin kami sa location ng aming misyon.

Ready na sana ang lahat kung hindi lang nalimutan ni Seulgi yung flowers niya sa sasakyan, napakalayo pa naman ng parking lot.

 

“ Wan, simulan mo na lang muna. Strum strum ka lang, sanay naman si Joy sa mga intro ko na ganyan, saka tulog mantika naman yun so baka di pa niya marinig.”

 

“ Hah? E baka nandito yung masungit? Baka batuhin ako ng arinola Seul! Ibang ligo ata aabutin ko rito e!”

 

“ Tanga! Wala na nagamit ng arinola ngayon, nag Canada ka lang, nalimutan mo na mag isip! Sige na, saglit lang ‘to, tatakbuhin ko na lang.”

 

Nung nakalayo na si Seulgi, napatuon na ang atensyon ko sa medyo lumang apartment complex sa harap ko.

Saan ba dito yung kay Joy? Pambihira naman oh.

Bungad lang daw sabi ni Seulgi, parang mezzanine daw banda. Eh ang daming bintana? Yung pinakamalaki na lang yung pinili ko, yung lang yung may ilaw tapos medyo makulay ang kurtina, medyo purple. Nakakaakit tingnan yung tingkad ng kulay.

 

Pumwesto na ko malapit rito, laban na ‘to.

 

Agad kong kinuha ang guitar bag at binuksan ito. May nahulog pang Song Hits. Wow hanep talaga yung bestfriend ko, song hits! Modern na modern! Tiningnan ko ito saglit at napansin na may nakatuping pahina..

 

Bumalik ka na sa’kin - Silent Sanctuary

 

Ito siguro yung balak kantahin ni Seulgi.

 

D Bm Gm A x2

 

Simple lang yung chords. Ayos. Isa pa ‘to sa mga namiss ko. OPM songs.

Matagal na nung huli akong tumugtog, di ko ipagkakaila na kinakabahan ako pero ito lang naman yung ambag ko sa posibleng masayang lovelife ng bestfriend ko so G lang.

Mga ilang ulit lang akong nagstrum. Tahimik ang paligid. Rinig na rinig yung tunog ng gitara.

Ang tagal naman si Seulgi. Medyo nakakaantok paulit ulitin ang pag strum.

Sige, kantahin ko na lang yung unang verse. Wala naman sigurong makakarinig at magigising.

 

***

 

Magaan na ba ang iyong paghinga..

Bumalik ka na sa’kin..

 

“Hala, nananaginip ba ‘ko?”

 

Klaro na ba ang isip mo sinta?

Bumalik ka na sa’kin..

 

“Ano daw? Nanaginip na lang siguro ako.”

 

Hindi ka na nagparamdam

Buhat ng cool off ako’y nahibang

 

“Cool off? Wala pa naman akong nagiging jowa!”

 

Sige na please, wag nang mainis.

Bumalik ka na sa’kin

 

“Teka, parang pamilyar yung linyahan na yun ah.”

 

Sorry, mahal ika’y nasaktan

Bumalik ka na sa’kin

 

“Si Seulgi na naman! Ano na namang kasalanan nung asungot na yun at ang aga aga!”

 

At tuluyan na ngang nagising si Joohyun sa tunog ng gitara sa di kalayuan.. Mga bandang baba ng apartment nila.

 

Kung pababayaan lang kita

Baka tuluyan ka ng mawala

 

“Ay naku, ako Seulgi ha, hindi kita pababayaan mag-ingay dyan ang aga-aga talaga. Ikaw talaga ang mawawala nang tuluyan” Inis na inis na sambit ni Irene habang tinatanggal ang kumot niya.”

 

Sana naman pagbigyan mo na

Pangakong di na mauulit pa

 

“Woo lord na mahabagin, talagang di na makakaulit!” Padabog nang tumayo si Joohyun sa kanyang kama at hinawi ang mga kurtina upang buksan ang bintana.

 

Katulad mong tao lang ako

Napapasama din sa gulo

 

Hoy asungot! Talagang mapapasama ka sa gulo pag di mo pa tinigil yan, ang aga aga! Alam mo ba kung anong oras pa lang?!” Sigaw ni Irene habang pilit na binubuksan ang isa pang parte ng kanyang bintana upang mas masigawan ang asungot na talagang nagpapataas ng kanyang altapresyon sa umaga.

 

***

 

Napatigil ako sa pagkanta ng may marinig akong sigaw.

Inangat ko ang aking ulo upang tingnan kung saan ito nanggaling.

Bumungad sa akin ang isang napakagandang dalaga..

 

Pero nakakunot ang kanyang noo at nanlilisik ang mga mata. Pulang pula ang pisngi niya at parang kuneho na galit na galit. May sinasabi siya sakin pero hindi ko masyadong maintindihan, nawala siya bigla nung nagtama ang aming mga mata.. Natakot siguro siya, namumula kasi siguro mata ko sa sobrang antok, akala niya siguro adik ako.. Badtrip..

Teka sandali.. Nakatulog ba ako habang natugtog.. Sinasabi ko na nga ba, hindi pwedeng true to life to. OA yung ganda ni Ate, parang di makatarungan naman. Kung nananaginip man ako, parang ayaw ko na lang gumising. Okay na ‘to, welcome back Seungwan!

Yun ba si Joy? Lumiit ba siya? E ang sabi sakin ni Seulgi, matangkad daw si Joy at palangiti. Parang hindi yata siya ‘to.

 

At doon ko narealize na..

 

Ay, wow. Mali.

 

Ito yata yung masungit na kasama.

 

Ay, wow. Parang walang mali sa kanya kahit galit na siya.

 

Ay, wow. Mali.. ang mga pangarap ko sa buhay, dapat kasama siya.

 

Ay, wow. Parang nakita ko na ang liwanag, sasama na po ako.

 

“Ay wow, Seungwan! Kanina pa kita tinatawagan, wala pala dito si Joy! Sino ba sinisipat sipat mo dyan, parang leeg ko yung nasakit sa’yo eh! Kanina ka pa nakatingala dyan.”

 

“ Seul, yung may bahay ko..”

 

“ Ano?”

 

“ Ah, ano.. Yung kapitbahay kako ni Joy.. nakita ko yata? May sinasabi siya kanina, di ko narinig, pero nagalit yata?”

 

“ Ah, si Joohyun.. Baliw, di niya yun kapitbahay! teka sigawan natin haha!”

Pambihira ka papi, maling bintana pa yung hinarana mo.”

 

“ Eh hindi mo naman kasi nilinaw paps! Nakakahiya tuloy..”

 

“Sus, maganda naman boses mo Wan, ayos lang. Ako na bahala!”

 

Nagulat ako nung biglang sumigaw nga si Seulgi habang nakatingala sa may bintana na mali kong hinarana.

 

“ Joohyun! Pasensya ka na ha! Bagong dating lang kasi ‘tong bestfriend ko galing Canada! Hindi niya alam na wala pala dito si Joy. ‘Wag ka na magalit ha?”

 

“ Joohyun, sulyap ka naman dito saglit oh. May dala akong peace offering oh? Tteok-bokki, favorite mo ‘to di ba?”

 

“ Uy Joohyun! Kita ko yung anino mo sa malapit sa kurtina! Hatid ko na lang si Joy mamaya dito ah, sorry ulit!”

 

Siraulo talaga ‘to si Seulgi, edi lalong nagalit yung tao. Ikaw ba naman sigawan sa umaga, sino ba namang di mabubwisit doon. Naeenganyo na talaga akong iwan na lang ‘tong mokong na ‘to dito.

 

“ Wan, i-akyat mo nga muna dun. Ayusin ko lang ‘tong kalat natin dito sa labas, nakakahiya naman.”

 

Hindi ko alam kung guniguni ko lang ba yun o sinabi ni Seulgi na ako yung humarap kay Miss Sungit.

 

“ Ha? Anong akyat? Saan? Bakit ako?”

 

“Wan, wag nga ako. Sige na, dalahin mo na sa may bahay mo! Kala mo ba di ko narinig, haliparot!”

 

Alam niyo, wag kayong puyat ng puyat kasi mamaya kung ano ano na lang nasasabi niyo talaga na pwedeng pang blackmail sainyo ng mga kaibigan niyo.

 

“ Seul, di naman ako kilala nung tao. Baka tadyakan ako nun pabalik ng Canada.”

 

“Wan, ang OA. I-aabot mo lang naman. Akyat ka lang ng ligaw, este dun sa hagdan pagpasok mo ng gate, unang pinto sa kanan.”

 

“Pucha, sige na nga. Pag wala pa ko in 15 minutes, tawag ka na ng barangay.”

 

“Bilisan mo na, baka ikaw pa ipabarangay nun! Kantahan mo ba naman, barok pa siguro Tagalog mo!”

 

***

 

Pakiramdam ko isang dekada ang lumipas bawat hakbang ko, eh kung tutuusin isang kembot lang naman talaga yung layo nung pinto sa hagdan.

Bakit ba ko kinakabahan? Hindi ko rin maintindihan, iniisip ko i-aabot ko lang naman yung tupperware, wala namang panel na manghuhusga kung gaano kaganda yung pag abot ko nung tupperware, so bakit ako kakabahan?

With that in mind, kumatok na ko sa pinto.

 

Mga limang deep breaths ang lumipas bago binuksan ni Misis.. Este ni Miss Sungit ang pinto.

 

“ Umm.. hi..” Hiyang bati ko kay Miss Sungit.

Wala naman nagsabi sakin na ganito siya kaganda malapitan. Hindi ko alam kung saan ako titingin, sa mata ba niya o sa future namin together.

“Hello..” sagot niya.

Halatang matutulog pa dapat siya kasi mapungay pa yung mga mata niya.

“Sorry pala sa ingay ko kanina.. Hindi ko kasi alam na wala pala si Joy dito saka hindi ko rin kasi alam saan banda yung kwarto niya? Si Seulgi kasi eh..”

Napangiti si Miss Sungit. Taob yung araw na pasikat palang. Napaisip ako saglit kung bakit siya napangiti.

‘Alangya napabilis na naman yata yung salita ko. , nakakahiya naman.

 

“Ah, siya nga pala pinapabigay ni Seulgi..” inabot ko na yung tupperware para naman mawala yung atensyon ni Miss Sungit sa pag blabber ko kanina.

‘Di sadyang nagtama yung mga kamay namin pag-abot ko. Pambihira, daig pa yung soap opera. Ganito pala talaga yun. Akala ko noon joke lang yung mga biglang aalisin niyo yung kamay niyo at awkward kayong hahanap ng ibang bagay na gagawin.

Rold, ito na yata. Kabahan na lahat ng loveteam sa ‘Pinas. Aldub 2.0.

“Salamat.. Pakisabi kay Seulgi, itetext ko na lang siya, mamaya ko na lang siya kausapin..”

 

Ay. Pack up direk na agad. Mukhang tutulog pa yata ulit si Miss Sungit. Nalungkot ako nang slight pero okay lang naman, may next time pa naman siguro para makipagkilala, yung tipong may araw at may tulog naman kami pareho.

“ Ah hehe, sige makakarating. Pasensya na ulit ha. Nice to meet you.. Seungwan nga pala. Sige, mauna na ko.”

Sabi nga nila, shoot your shot. Hindi ko naman kasi alam kung makikita ko pa siya the next time around so might as well take this opportunity na hindi ba?

“ Buti na lang maganda boses mo no? Kasi ang weird nung sa paalam ka nagpapakilala? I’m Joohyun by the way.” natatawa niyang sagot sa akin.

Grabe naman to si Miss Sungit, parang ayaw yata akong paalisin nito eh. Syempre sasagot tayo, di tayo papakabog.

“Alam mo kasi naniniwala ako sa kasabihan na finish strong. I don’t mind if you find it weird. At least, I made a lasting impression on you? Mas madali mo akong maalala?” sagot ko sa kanya, ‘di ko na namalayan na nakasandal na pala ako sa pintuan.

“Saan? Sa paalam? Sige Miss Finish Strong. We’ll see.” Sagot ni Miss Sungit na naka-cross arms pa.

“Mm-hm, I’ll make sure you’ll see more of me, Miss Sungit.” pabulong kong sabi habang sinasara ni Joohyun ang pinto.

 

***

 

“Paps, lagpas na ng 15 minutes yung diskurso niyo ‘don. Wag ka mag-alala, tumawag na ko. Hindi nga lang mga taga-barangay..”

 

“ Ano na naman yan, Seul..”

 

“ Tumawag na ko sa simbahan, naghanap na rin ako ng pari. Pucha, kung magtitigan kayo parang vows na yung sinasabi niyo eh.”

 

“ Ha? Pauso ka na naman, saglit lang naman kami nag-usap. Inabot ko lang yung tupperware tapos umalis na ko.”

 

“ Wan, sinilip ko kayo dun nung naka 15 minutes na. Tirik na kasi yung araw, tirik na tirik na din pala yung mata niyo sa isa’t isa, nagtataka na yung mga tao sa apartment complex, pag nadadaanan kayo parang wala kayong napapansin eh.”

 

“ Alam mo Seul, puro ka talaga kalokohan. Tara na, haharanahin pa natin si Joy di ba. Nasaan ba daw siya?”

 

“Eh nandoon daw siya sa apartment ni Yeri, malapit lang yun samin. Hatid na lang kita sa inyo Wan, mukhang napagod ka sa panliligaw.”

 

“ Ewan sa’yo, kung di lang ako antok, binigwasan na kita ng isa dyan talaga eh.”

 

“ Pero seryoso Wan, salamat sa pagsama sakin dito kahit jetlag ka pa. Sulit na sulit yung pa-welcome back bonding natin.”

 

“Anytime, paps. Alam mo naman yan.”

 

After almost 3 hours na byahe pabalik ng Manila, nakarating na rin kami sa condo. Nagpaalam na agad si Seulgi na didiretso na siya kina Joy, pinaalalahanan ko siya na itext lang ako kung kailangan niya ng back up.

Natawa lang siya kasi alam naman namin pareho na malamang kinabukasan na yung gising ko sa daming nangyari ngayong araw. Mukhang mahimbing ang tulog ko nito.

 

***

 

Nagising ako sa pagtunog ng cellphone ko. Bakit kasi hindi ako nag silent mode bago ako natulog.

 

Unknown number

 

Nagtatatlong isip ako kung sasagutin ko ba or hindi. Oo, tatlo, ganun ako kalupit mag-isip eh.

Sinagot ko na rin after a few rings baka kasi importante yung tawag.

 

“Waaaaaaaaaaaaaaaaaan!”

Bakit naman nambubulahaw na naman ‘tong bestfriend ko at bakit hindi pa ako nasanay. Lagi naman siyang ganito.

“Paps, bagong number mo ba’ to o namamalikmata lang ako?”

“Grabe, isa’t kalahating araw ka ng tulog Seungwan, may nag-magandang loob na nagpaalala sakin gisingin ka kasi baka mamatay ka na sa gutom. Number niya ‘to actually hehe.”

Nakakaloko na naman yung mga hehe ni Kang Seulgi parang walang magandang dulot talaga.

 

“Ahh, pasabi kay Joy, salamat! Ang sweet niyo naman, mukhang nagkaayos na kayo ah?”

 

“Wan, wag ka na bumalik sa Canada ha, parang naubos ang braincells mo doon.”

 

“Alam mo Seul, kung wala kang magandang sasabihin, wag ka na tumawag. Sarap sarap ng tulog ko dito e, parang napanaginipan ko nga yata si Miss Sungit.”

 

“Daming mo na namang pautot Wan, gusto ko lang naman sabihin na number ‘to ni Joohyun, tanga.”

 

“ Ay grabe papi. Bakit di mo naman sinabi agad, eto naman binibiro lang kita eh. Love you, padalhan kita milk tea mamaya bebe quoh.”

 

“Kita mo ‘to talaga oh! Mag-ayos ka na dyan, niyaya ko sila tumambay dyan sa condo mo, sabi ko kasi wala kang kasama, baka lang gusto nilang mag hangout ganun. Lapit na kami mga 10 minutes, bye wan, milktea ko ah?”

 

At doon na nga natapos ang lahat.. Paladesisyon pala talaga si Seulgi.

10 minutes? Hindi pa ko naliligo, hindi pa ko nakakapag-ayos ng mga gamit ko!! Ano na lang sasabihin ng maybahay ko sakin, di pa ko nakakaka-japorms baka machugi na agad. May kalungkutan talaga.

Dali dali akong naligo at itinabi muna sa kwarto lahat ng hindi ko pa naayos. Grabe naman kasi si Seulgi mang surprise, nakakagulat.

Sakto naman na may nag doorbell pagkasara ko ng pinto ng kwarto ko. Bahala na kung mukha akong haggard, sabihin ko na lang nakipag suntukan ako, papawis lang.

 

“Seungwanners, where u at my G?”

Rinig ko yung sigaw ni Seulgi sa may pinto, nag-eenglish lang naman ‘yon pag gusto niya magmukhang cool. Kasama siguro si Joy. Sinabihan ko na siya na tunog jeje funk ‘pag ginagawa niya ‘yon eh. Walang asenso talaga.

“ Saglit lang, paps. Nandyan na.”

Last minute ayos ng damit at buhok. Nagtoothbrush naman na ako para mabuhay rin naman yung mga bisita ko. Hindi ko rin maikubli yung excitement na masilayan ulit si Miss Sungit.

Pagbukas ko ng pinto, bumungad sakin ang malaking ngiti ni Seulgi at ni Joy. Ang cute, parehong nakakaloko yung ngiti, bagay na bagay.

Mabilis pa sa marino sa alas kwatro yung paglipat ng tingin ko mula kina JoyGi patungo kay Miss Sungit.

Saglit na nagtama ang aming mga mata, napatuon ang atensyon ko sa lunchbox na dala niya. May baon siya? Ang cute naman! Parang gusto ko siyang yakapin bigla at tanungin kung anong laman ng lunchbox niya at kung pwedeng humingi.

Napansin niya siguro yung tingin ko sa lunchbox at kasabay ng pagkalam ng tiyan ko ang pagsabi niya ng,

 

“Hi, Seungwan. Para sa’yo pala ‘to, baka kasi hindi ka pa kumakain?”

 

Buti na lang malakas yung tunog ng tiyan ko kasi kung hindi rinig na rinig yung kabog ng dibdib ko..

Ano ba naman ‘to si Miss Sungit, gumaganti ba ‘to? Hindi ko naman sadya yung pag-istorbo sa tulog niya nung nakaraan. Parang ako yung mawawalan ng tulog gabi-gabi ‘pag sasagi sa isip ko kung paano siya tumingin sa akin ngayon at kung paano namula yung pisngi niya nung nagpasalamat ako pag-abot niya nung lunch box.

Get a ing grip Seungwan. Gutom lang ‘yan.

“ Ahem, ahem. Wan, pasok na kami ah. Bago pa magkainan.. Este nang makakain na tayo, sayang naman yung mga niluto ni Madam Joohyun.”

Pambihira, tinuturo ba ‘to sa eskwelahan. Aba napakabastos na bata na nito ni Kang Seulgi, nawala lang ako saglit!

Ah, eh. Pasensya na kayo. Hehe. Sige, pasok na kayo.” napakamot na lang ako ng ulo.

 

Hindi pa man ako nakakarecover sa kalokohan ni Seulgi, nagulat ako nung makita ko na inantay ako ni Miss Sungit makapasok sa bahay, nakatingin lang siya at nakangiti sabay sabi ng “Kain na tayo, Seungwan.”

Wala namang exam, nakagraduate naman na ako pero bakit ang daming tanong. Ang dami kong tanong talaga.

Buong puso talaga akong naniwala na masungit talaga siya kasi binulyawan niya ko nung nakaraan. Bihira lang din naman siya ngumiti nung huli naming usap. Grabe! Glowing naman talaga siya pero grabe din talaga yung glow up ni mars. From Sungit to Insta-Bingwit na niya ko guys.

 

“Hah, ah.. Oo sige. Salamat pala ulit dito sa pagkain, nag-abala ka pa.”

“Okay lang, peace offering din yan. Nasigawan kasi kita last time. Akala ko kasi si Seulgi ka eh, so ayan, okay na tayo ha?”

Paladesisyon din pala siya. Sabihin ko kaya na hindi ko tatanggapin yung peace offering niya unless puso niya yung ibigay niya sakin?

“Okay lang yun. May fault din naman ako doon. Okay naman tayo, una pa lang.”

Syempre, hindi ko yun sinabi. Biro lang naman ‘yon. Maloko lang talaga ako mag-isip, pero siya hindi ko lolokohin.. Ay, ano ba ‘yan. Ganito talaga ako pag nabibigla eh.

 

“Hmm.. so kakain na ba tayo or huhulaan ko pa kung anong iniisip mo?”

 

“ Pwede naman both, hindi ko alam na may talent ka sa panghuhula.”

 

“Heh, wag ka na nga kumain, magutom ka dyan.”

 

“Biro lang naman, Miss Sungit. May talent rin kasi ako sa pagbibiro eh, i-flex ko lang. Sorry na, akala ko kasi tagisan ng talent dito.”

 

Nagwwalk out din pala kahit hindi artista ‘no? Hindi ko naman sadya na nahawakan yung mga kamay niya nung nag-walk out siya. Bugso ng damdamin, spur of the moment. Nabigla lang.

“ Huy, Miss Sungit. Biro lang naman. Bakit nag wwalk out, dun po yung pinto sa kabilang way.”

Agad niyang tinampal ang balikat ko at inirapan ako.

“Magkaibigan talaga kayo ni Seulgi! Parehong asungot! Asungot ka rin, pero bansot!”

Wow, hindi pa kami ni Miss Sungit pero sinasaktan na niya ko. Napahawak ako sa dibdib ko, ang sakit nun ah? Narealize ko na hindi pala ko perfect talaga, pogi lang.

“Bakit nadamay na naman ako dyan, papi. Nanahimik ako rito at kumakain! Good shot pa naman ako kay Joohyun today. Pangit talaga ng trip mo, Wan.”

Inawat naman ni Joy sa pagsigaw si Seulgi kasi hindi pa niya na ngunguya nang mabuti yung pagkain.

 

“Seulgi, ano bang sabi ko sa table manners naman.”

“Sorry po, si Seungwan kasi.”

“Parang mga bata.” Sabay na sabi ni Joohyun at Joy, nailing na lang sila pareho.

 

Sa wakas, after ilang oras na asaran at pagpapakilala sa isa’t isa, natapos na ang lahat sa pagkain ng lunch na luto ni Miss Sungit. In fairness talaga, pwede na siya mag-asawa, saan kaya pwedeng mag-apply.

Nakatoka ako sa pagliligpit ng pinagkainan kasi nakakahiya naman kung yung mga bisita ko ang paglilinisin ko. Si Seulgi sana kaso sa ibang bagay siya nakatoka.

“Okay naman pala si Seulgi no?”

Napakagandang mushroom ni Miss Sungit. Kung saan saan talaga siya sumusulpot pero okay lang, masaya magulat para din naman mapashocken na siya.

“Nagulat naman ako sa’yo Miss Sungit! Pero, oo napakabait niyan ni Seul, palabiro lang ‘yan talaga kaya pagpasensyahan mo na.”

“Paano yung gulat?”

Nilapit ko ang mukha ko sa kanya. Nanlaki ang mata niya, napangiti naman ako nung nakita kong nagtransform yung maputla niyang pisngi to light pink. Transformer din pala siya.

Pucha, maling liga ata ‘tong napasukan ko, pati ako nagulat sa ginawa ko. May igaganda pa pala talaga siya, sa lagay na yan, may igaganda pa pala siya. Ulitin ko lang para mas intense. ANG GANDA TALAGA.

“Ganyan, ganyang gulat.”

Ibigay niyo ‘to sakin. Sa mga ganitong pagkakakataon lang yata ako mananalo against Miss Sungit.

“Puro ka biro, Seungwan.”

Pasagot na sana ako nung lumapit yung JoyGi sa amin.

“Wan, mauna na muna kami ni Joy, may aasikasuhin lang daw siya sa apartment. Nagpapatulong..”

 

“Ah, magpapatulong! Sige Seul, ingat kayo. Ihatid ko na lang ‘to si Miss Sungit mamaya.”

 

“Oo paps, maigi pa nga. Tutal mukhang hindi pa naman kayo tapos sa bago niyong contest eh, kanina asaran, ngayon staring contest.”

 

Pareho kaming natigilan ni Miss Sungit. Ganoon ba talaga kami mag-usap?

Agad namang lumapit si Joy at bumeso kay Joohyun.. May pahabilin pa yata, may bulungan pa eh.

 

***

 

“Hyun, okay ka lang naman dito di ba? Okay lang sa’yo sumabay kay Seungwan pauwi?”

 

“ May choice ba ko Joy?”

 

“Wow, girl. Parang lugi ka pa? Okay lang din naman, pwede ka naman namin isama ni Seul. kung di ka comfortable with her.”

 

“Tapos ano? Third wheel ako? Tiisin ko na lang ‘to si bansot, mukhang mabait naman.”

 

“Mukha nga, never pa kita nakita makipag interact sa mga kakikilala mo pa lang nang ganyan, kaya confident ako iwan ka kasama siya, share ko lang.”

 

“Sige na, nag-iintay na yung manliligaw mo oh. Baka may mag-confess na naman sa harap niyan, pag iniwan mo yan.”

 

“ Sira! Subukan niya lang, di naman ako yung lugi, sa ganda ‘kong ‘to.”

 

***

 

Pagkatapos ng beso at habilin, nakangiting lumapit sa akin si Joy. Pinulupot pa niya ang braso niya sa braso ko.

“ Seungwan, thank you ha. Sobrang happy ako na nagkakilala na tayong dalawa! Pinatuloy mo pa kami dito sa condo mo. Ikaw na muna bahala kay Joohyun, di naman yan magagalit sa’yo, di ka naman si Seulgi eh.. Mauna na kami!”

Ang cute naman ni Joy, pareho sila ni Seulgi na mahilig mangyakap. Niyakap ko rin naman siya pabalik at sinabing wala naman akong gagawing masama sa kaibigan niya. Takot ko lang, iba manlisik mata nun, lalo pag naabala ang tulog.

Hinatid na namin ang JoyGi sa may parking lot at nagpaalam.

Tahimik yung elevator ride pabalik sa floor namin. Hindi ko rin alam bakit parang naubusan ako ng salita, nabusog siguro ako or antok pa, or nalalasing ako sa mga pasulyap namin sa isa’t isa.

Nabasag ang katahimikan ng tumunog ang cellphone ko. Agad kong chineck ang message, galing kay Seulgi.

 

Seulbear: Wan, dami mo na talagang utang sakin. Inaya ko na lang si Joy mag ice cream sa labas kasi mukhang nag-kakapalagayan na kayo ng loob ni Joohyun. Hinay lang ah? ;)

 

“Gago talaga.”

Hindi ko mapigilang mapamura sa wink na emoji ng bestfriend ko.

“Minumura mo ba ko?”

Oh my god, parang hindi lang yata katahimikan ang mababasag. Parang pati mukha ko mababasag.

“Ha? Hindi ah! Si Seulgi kasi nagtext, puro kalokohan. Hindi ikaw yun, easy ka lang Miss Sungit.”

Pinilit kong ngumiti. Mukha siguro akong natatae kasi natawa siya nung tiningnan niya ko.

“Isang tawag mo pa sakin ng Miss Sungit, susungitan na talaga kita forever.”

At umirap na naman po siya. Ano ba ‘to, involuntary ba ‘to. Yung pag-irap?

“At least may forever ako sa’yo, Miss Sungit.”

Sagot ko pabalik, ni-wiggle ko na lang din kilay ko para may swag. Sasamain din naman pala ako kay Miss Sungit, susulitin ko na.

“Hay, puro banat. Wala na bang mas may sense na reply dyan? Alam mo ba kung bakit asar na asar ko kay Seulgi nung una silang magkakilala ni Joy?”

 

Awit. Challenge Accepted. Napatigil ako saglit at nag-isip kung paano ba ako sasagot. Buti na lang at bumukas na yung elevator, mas marami pa akong time makapag-isip habang naglalakad pabalik sa room ko.

 

Tahimik lang naman din na sumunod si Miss Sungit papasok ng room. Nag-aantay siguro siya ng sagot ko.

 

“May sense naman ako kausap, Joohyun. Nagbibiro lang ako kasi ayoko maging awkward tayo, I tend to be really serious at times, eh hindi naman mukhang approachable yun ‘di ba?”

Ngumiti lang ako at hinayaan bumagsak ang katawan ko sa couch.

“Sorry, na-offend ba kita? Hindi naman ganoon yung gusto kong palabasin..”

Umupo rin naman si Miss Sungit sa couch pero dalawang tao yung agwat.

“ Hindi, okay lang. Madalas namin yan marinig ni Seul. Yung parang di kami seryoso kausap, laging pabiro. Sanay na kami dyan. Kaya nga nung tinanong mo ko kung bakit naiinis ka kay Seul minsan, alam ko na yung dahilan.”

At ito na nga ang soft hours. Wala naman akong issue magshare sa ibang tao. Eh parang ang seryoso lang kasi bigla ng usapan namin ni Miss Sungit, ayoko lang naman talagang maging awkward kami sa isa’t isa. Eh bakit kasi ako advance mag-isip. Nakakainis.

“Ganito ba talaga effect nitong si Joohyun sa lahat ng tao?”

“Oh, parang ayaw mo na ng forever kasi Joohyun na tawag mo sakin.”

Hanep. Bakit kasi ako ganito. Bakit ko nasasabi yung nasa isip ko lang dapat. Ako yata yung human version ng Talk and Text. Awit talaga. Tapos ngingitian ka pa na parang ikaw lahat ng dahilan sa bawat ngiti niya, pwede ba yon? Bakit ganon? Ang dami ko na namang tanong!

 

“......”

 

“Oo, ganyan madalas effect ko sa mga tao, yung ‘di na lang nagsasalita. Medyo prangka kasi akong tao so siguro medyo nagugulat sila.”

Yes, oo yan! Tama yan. Yan lang gusto kong isipin mo Joohyun. Wag mo na akong tanungin sa ibang effect mo sa tao. Mabuti na yung hindi ka aware, for now.

“ Ah, hindi naman sa ganun.. Siguro nabibigla lang ako dun sa shift ng conversation from light lang to a more serious one, pero hayaan mo, makakahanap din tayo ng common ground.”

“Tulad ng ano?” Tanong niya.

 

“Games?” Sagot ko. 

 

“Sige, nag vvalorant ka ba?” Agad siyang nagsuggest. 

 

Can she get any more perfect rold.

Mahilig din siya sa games, ito na nga yata ang common/same ground, kitchie nadal who.

 

After 5 hours of valorant, narealise ko na hindi games ang common ground namin ni Miss Sungit..

 

Kasi napakagaling niya kahit bago pa lang account niya at feeling ko napaka noob ko kahit almost six months na akong nag-grind sa Valorant galing pa ko CS:GO nun ha.

 

“Grabe, ang galing mo pala sa FPS games no? Nag CS ka na before?”

“Hindi, PUBG lang ako natuto sa shooting games. Hindi kasi ako mahilig talaga sa video games, tinuruan lang ako ni Yeri, yung kaibigan namin ni Joy.”

“Ahh, pero sobrang solid ng aim mo, pang-radiant.”

“Sus! So other than games, ano ba pinagkakaabalahan mo sa buhay?”

 

Napaisip na naman ako kung paano ako sasagot. Pambihira ‘tong babae na ‘to, biruin mo yung iisipin mo na nga siya palagi tapos pag-iisipin ka pa.

“For now, break muna ako from handling our business sa Canada. Parang naialay ko na yata 5 years of my life sa bakeries namin doon.”

Ready na ako i-alay yung remaining days of my life sa’yo, chartreuse. May follow up question agad si Miss Sungit after ko sumagot.

“Wow, so baker ka pala. So, bandmates ba kayo ni Seulgi before or? Madalas kasi kami pumunta ni Joy sa mga gig niya.”

“Actually, elementary pa lang magkakilala na kami ni Seul. Nung college kami, nahilig kami sa pagtugtog, usually ako yung nakanta at bahista, si Seulgi naman yung aming not so-little drummer girl. Di naman kami bumuo ng banda technically, parang for fun lang. Kapag gusto lang namin tumugtog.”

Wait, na-amaze ba siya or imagination ko lang yun. Ang saya tingnan ng mga matang sobrang interested sa kwento ko, sana sakin din interested siya. Mahilig pala siya tumitig sa mata ng kausap, titig ha, mind you, hindi tingin. Okay noted. Kaya ko ‘to, mahaba pa ang gabi, kaya ko ‘to.

“Ang cool! Sayang naman, so I take it na after graduation, lumipad ka na papuntang Canada?”

“Paano mo alam?! Saka nag airplane naman ako pa-Canada, mahangin daw ako minsan pero di ko pa na-figure out paano lumipad.”

Tinampal na naman niya ang balikat ko at umirap. Di ko namalayan na nakadantay na pala kami sa ulo ng isa’t isa kung hindi pa ko nag joke. Parang may magic talaga na hindi ko napapansin yung mga bagay bagay.

“Alam mo ikaw, ang ayos ng tanong ko ha! Alam mo ba yung context clues, yun ang reason paano ko na-assume na nagpunta ka na ng Canada! Nakakainis ka talaga bansot!”

“Wow big brain! Big word! Context clues!”

“Aray, Miss Sungit! Teka, ang sakit na ng balikat ko po, please!! Arayyyy!”

Sa dami ng hampas niya sakin, humanap na ko ng paraan para pigilan siya. Physical assault na po ito, your honor.

Sa pang 100 niya na yata na hampas, naka-timing ako at nahawakan ko ang mga kamay niya at di sadyang nahila ko siya papalapit sa akin dahil sa pagpupumiglas niya.

 

At sa muling pagkakataon, sa maraming beses ngayong araw at nung nakaraan, nagkatinginan na naman po kami na parang may hinahanap kami sa mata ng isa’t isa, utang ba yon or ibang bagay, hindi ko mapagtanto.

 

Wala akong ibang marinig kundi ang pagkabog ng aking dibdib at ang pareho naming marahan na paghinga.

 

Drink moderately nga raw pero gusto kong malasing at malunod sa mga tingin niya, gusto kong pagmasdan palagi kung paano tumingkad yung mga pisngi niya, gusto kong subaybayan ang paglipat ng mga mata niya mula sa pagkakatitig niya sa akin, papunta sa ilong at sa aking mga labi..

 

Kung anong bilis ng tibok ng puso ko, ganoon naman kabagal ang takbo ng oras sa paligid ko.

 

Bakit ganito. Bakit sa’yo. Parang masyado pa yatang maaga, masyado pa yatang mabilis.

 

Wow, mali.

Bakit hindi?

 

Walang ibang malinaw sa aking paningin kundi ikaw at ako. At ang marami pang pagkakataon na magkakaroon tayo.

 

Wow, mali.

Wala pa nga pa lang tayo, pero isa iyon sa dapat magbago, yan ang sisiguraduhin ko.

Sisikapin kang kilalanin, lahat ng daan papunta sa’yo ay tatahakin, kahit ano pang suliranin ay haharapin.

 

Wow, mali.

Teka, sandali.

Bakit tayo nagkukunwaring makata, mga salita sa talata hindi naman nagtutugma.

Maraming paraan ang pag-ibig Seungwan, mariing paglilinaw ni Tadhana.

Dito lahat magsisimula.

 

Pinikit ko na ang aking mga mata, dahan-dahang lumapit, hinayaang dumampi ang mga labi.

Lahat ng pangamba ay tila naglaho ng maramdaman ko ang mga kamay mo sa aking leeg at ang mga braso mo sa aking balikat.

 

Namiss ko talaga ang ‘Pinas.

 

Wow, mali.

 

Hindi ko hahayaang mamiss kita kahit isang saglit, magmula ngayon, Miss Sungit.








































 

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
CowboyBeebop
hello, pahabol chapter is up. Maraming salamat sa mga nagbasa at nag request ng isa pang chapter, sana aprub niyo po yung pahabol chapter ko, early lapag for the 15th ulit ~

Comments

You must be logged in to comment
Db1234 #1
Chapter 2: Tawa ako ng tawa sa mga sagutan at banat dito. Witty mo, author. Namiss ko tuloy mga witty at sarcastic kong friends huhuhaha. Sana makasulat ka pa ng maraming gan’to. Ingat lagi! Cheers!
revelnc #2
Chapter 2: Hala, ang cute nila bakit gano'n :((( Kakikilala lang nila, pero parang matagal na silang magjowa huhu. Bagay na bagay nga naman talaga si Bansot pati Miss Sungit. Ako na 'tong namumula't kinikilig dahil sa kanila, baka naman kayo na talaga, Joohyun ;)
baejoonism #3
Chapter 2: Haayyyy sobrang cute talagaaa 🥺
paradoxicalninja
#4
Chapter 2: AHHHHHHHH second part uwu pov rin ni rbb uwu ang cutie nila parang mag awoj na bago tas nagkakahiyaan pa. 🥺 Thank you sa update! Sana mas marami pa makabasa neto. Abang abang lang ulit kung may kasunod hehehe
paradoxicalninja
#5
Chapter 1: Binasa ko ulit ngayon. Mej namiss ko si Wanpapi and Miss Sungit 😁 Waiting with respect lang sa kasunod kung meron hehehe. Stay safe, author!
luviedeul #6
Chapter 1: Bukambibig talaga "Ang dami kong tanong" pagdating sa wr hahahaha nayswan otor-nim. Abangan ko kasunod kung meron (sana) hehe
Eotoshi
#7
Chapter 1: Sana all valorant buddies
baejoonism #8
Chapter 1: Waaaahhhh kiliggg ksjshdj salamat dito otornim 🥺
paradoxicalninja
#9
Chapter 1: Gago ang ganda?!?! Sana may kasunod to ssob 🥺 Bet na bet dynamics ng wenseul at esp wr dito shuta. More more moaaaaar 🤩