Bulong

Bulong
Please Subscribe to read the full chapter

Hindi masabi ang nararamdaman
Hindi makalapit, sadyang nanginginig na lang


"Seulgi!"

Napapikit ka. Agad ding lumingon.

Hindi mo din naman kasi siya maiiwasan.

Hindi mo kaya.

Agad siyang kumapit sayo. Nakanguso pa.

"Alam mo ikaw, may tinatago ka talaga."

Agad kang namula. Nagbigay ng ngiting alanganin. "A-Ano bang sinasabi mo?"

Mahigpit niyang hinawakan ang braso mo at nagbaba ng paningin. "H-Hindi mo na ako masyadong nilalapitan.. may problema ba tayo Seul?"


 

Mga kamay na sabik sa piling mo
Ang iyong matang walang mintis
Sa pagtigil ng aking mundo

 

Hinawakan mo ang mga kamay niyang mahigpit ang kapit sa braso mo.

Ah, maliit pa rin ang mga ito kumpara sa iyo. Dati-rati, ang mga kamay na ito ang humihimas sa ulo mo sa tuwing umiiyak ka. O kaya nama'y nagpapatulog sa iyo sa tuwing lumalakas ang mga away ng mga magulang mo at hindi ka makatulog.

Nagdulot ito ng init sa mga araw na giniginaw ka, sa pisikal man o emosyonal na aspeto.

Maliit man, ito ang naging imahe sayo ng tahanan.

Wala pa ring mintis ang hatid nitong pakiramdam.

Nagpakawala ka ng ngiti.

"Hyunnie, ano ba yang iniisip mo? Anong problema? Walang problema."

"E-Eh bakit di mo na ko nilalapitan? Kapag nasa inyo ako, lagi kang tulog, dumarating ako sa inyo na nasa kuwarto ka, aalis akong di man lang kita nakikita. Dati naman hindi ganun."

"Hyunnie, alam mo naman na mahirap yung course ko diba? Pasensya ka na, natutulog talaga ako kapag may oras, lagi kasi akong kulang sa tulog."

"Eh bakit ka naglolock?! Dati naman hinahayaan mo ako tabihan ka."

Agad kang namula. Simula kasi ng mapagtanto mo ang nararamdaman mong ito, iniwasan mo na hangga't maaari ang makatabi siya sa kama. Pakiramdam mo kasi hindi mo kakayanin.

"S-Sorry na. Nakakalimutan ko eh."

Sinuri ka niya ng tingin. "Seulgi. Hindi ka naglolock ng pinto. Simula noong makilala mo ako hindi ka na naglolock ng pinto."

Napabuntong-hininga ka. Nakarinig ka ng maliliit na singhot.

Hala ka. Umiyak na.

Agad mong hinawakan ang mukha niya. Pinapalis ang mga luhang lumalandas sa magandang mukha niya.

Grabe. Hindi pa nga siya sayo, pinaiyak mo na.

"H-Hyun, huy wag ka umiyak, sorry na talaga. Alam mo ganto na lang. Sleepover ako sa'yo mamaya. Ano game? Tatapusin ko lang 'tong plates ko. Tapos dederetso na ako sa'yo. May mga damit pa 'ko sayo diba?"

Tumango siya habang humihikbi pa din. Ah, ang cute.

Ngumiti ka. "Oh, wag ka na umiyak ha? Senior kita pero napakaiyakin mo."

Nakatanggap ka naman ng palo. Di na masakit. Sampung taon mo na itong natatanggap. Medyo immune ka na.

Niyakap ka niya ng mahigpit. Nagsalita habang nakabaon ang mukha sa leeg mo.

"Love you, Seul. Wag mo ko iiwan ha?"

Inilayo mo siya sa katawan mo at mariing tiningnan ang mga mata niya.

Ang mga mata niyang parang balon sa lalim. Kung ano ang ikinatahimik ng bibig niya, ay siya namang daldal ng mga mata nito.

Kapag napapatitig ka sa mga mata niya, nakakalimutan mong tumatakbo pala ang mundo. Kayang-kaya ka nitong lunurin, at alam mong nalunod ka na talaga ng tuluyan. Ang nakakapanlumo lang, hindi ka na makaahon. 

Minsan ay sa mata ka lang niya kakausapin, kuha mo na kaagad kung ano ang gusto niyang sabihin. Ganoon ninyo kakilala ang isa't-isa. O mas nararapat bang sabihin, ganoon mo na siya kamahal?

"Bakit naman kita iiwan? Soulmate kita diba?"

Matamis ang ngiting ibinigay niya sa iyo. 

Wala na, nalunod ka na talaga.

 


Ako'y alipin ng pag-ibig mo
Handang ibigin ang 'sang tulad mo

 

Sukbit ang bag sa balikat, pilit mong sabay hawakan ang mga plates at plastik ng tteokbokki sa magkabila mong kamay.

Bitbit ang lahat ng ito, pumara ka ng tricycle at nagpahatid sa apartment niya. Habang nasa loob ay inilabas mo ang cellphone mo. Naalalang hindi ka pa pala nakakapagpaalam.

"Hello, Garam?"

"Hoy. Nasan ka na?"

"Uh, ano, kay Irene ako matutulog ngayon."

"Huh? Kayo na? Umamin ka na? Congrats Sis!! Ay, eh.. nasabi mo na ba?"

Napapikit ka. Sana nga, nasabi mo na.

"Hindi pa. Basta sa kanya ko ngayon. Wala akong pasok bukas kaya okay lang. Kumain ka na diyan. Uuwi ako bukas ng hapon, or ewan basta uuwi ako. Text na lang kita."

"Oh.. okay. Ingat ka. Dala mo yung mga kailangan mo?"

"Oo. Nandito lahat sa bag ko. Wag ka mag-alala okay lang ako."

"Sige, tawagan mo 'ko 'pag may problema."

"Hmm. Salamat, sige na, ibaba ko na."

"Gumamit kayong proteksyon haaa."

Tanginang 'to. "Gago. Bye na. Nasa apartment na ako. Wag ka magkalat diyan."

Dali-dali mo nang ibinulsa ang phone at binitbit ang plates at tteokbokki. Nagbayad kay Manong pagkatapos ay pumasok sa apartment.

"Oh Seulgi! Nandito ka! Tagal mong di bumisita, akala ko nag-away kayo ni Irene."

Hindi ata napansin ng landlord na ito ang hirap mo sa mga dala-dala.  "Naging busy lang 'ho. Sige po una na po ako."

Hindi ka na nagtagal pa para marinig ang sagot niya. Agad mong hinabol ang papasara ng elevator.

"Sa 5th lang Kuya. Salamat."

Pagkarating sa tapat ng pinto ay mahina mo lang itong sinipa gamit ang paa mo.

Agad kang napaatras sa biglaang yakap na bumungad sayo pagkabukas ng pinto.

"Seul! Ang tagal mo!!"

Hirap man sa mga dalahin ay hindi mo maiwasan ang ngiting bumalatay sa mukha mo. Hindi mo man kasi aminin ay namiss mo ito. Ang amoy niya sa tuwing matutulog na, ang mahihigpit niyang yakap, at higit sa lahat, ang mga ngiti niyang lalong nagpapalunod sa iyo.

 


Hangga't ang puso mo'y sa akin lang
Hindi ka na malilinlang


"Seulgi, alam mo ba kanina si Suho.."

Napatikhim ka. Hindi naman lingid sa kaalaman mo ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa kanilang dalawa.

'Bagay na bagay sila.'

'Match made in heaven.'

'Parehas gwapo saka maganda. Matalino pa.'

'Ano kayang magiging hitsura ng anak nila?'

Ilan lang iyan sa mga naririnig mo araw-araw sa tuwing nagagawi ka sa classroom ni Joohyun. Magka-partner kasi ang dalawa sa halos lahat ng subjects, sinadya ata talaga ng mga prof.

"Oh anong meron?"

Naramdaman mo ang mga kamay niyang bumalot sa baywang mo. Inihahanda mo kasi ang tteokbokki na pasalubong mo sa kanya, habang siya naman ay nakaupo kanina sa sofa.

Naramdaman mong ibinaon niya ang mukha niya sa likod mo. "Niyaya niya ako kumain bukas."

"Oh anong oras kayo bukas?"

"Ayoko umalis. Nandito ka eh."

"Magkasama naman tayo ngayon, saka bukas ng umaga?"

Umiling siya ng nakabaon pa din ang mukha sa likod mo. "Aalis ka na kapag umalis ako eh."

Natawa ka. "Malamang. Hyunnie, di ako pwede dito matulog ulit. May pasok na ako sa susunod na araw. Kailangan ko na umuwi."

Hindi nagsalita ang nasa likod mo. Hinawakan mo ang mga braso niya at pumihit papaharap. "Siputin mo yun si Suho, mabait naman yun ah?"

Tiningnan ka niya. Sa mismong mga mata. Ayan na naman. Nararamdaman mo na naman ang pagkalunod mo. Ang hirap, ang hirap umahon. Lalo na't ganito siya sayo.

"Okay, basta ngayon, sayo muna ako."

Niyakap ka niyang muli, iyong mahigpit. Malamlam ang ngiting bumalatay sa mga labi mo.

"Hmm, akin ka muna."

 


Ikaw ang ilaw sa dilim
At ang liwanag ng mga bituin

 

7 years ago.

"Hyunnie?"

"Hmm?" 

Nakakulong ka sa mga yakap niya, pilit kang itinatago sa gulong nasa labas ng kuwarto mo. Gulo na mga magulang mo ang may gawa.

"Hindi ka pa ba uuwi?" 

Hinaplos niya ang buhok mo at marahang umiling. "Dito ako matutulog ngayon. Sige na matulog ka na hmm?"

"Hindi ba magagalit sila Tita?"

"Hindi, Seul. Nagpaalam naman ako. Sige na matulog ka na." Muli niyang hinaplos ang buhok mo, unti-unti kang pinapatulog.

Narinig mo ang mahinang himig na kinakanta ni Joohyun, nilulunod ang mga sigawan ng mga magulang mo sa labas.

Naging matiwasay ang mga pagtulog mo magmula noon.

 

-----


"WALA KA TALAGANG DULOT! ANO ITO LANG? ANG LAKAS NG LOOB MONG MANGAKO NOON! 'MAGANDANG BUHAY?' ANO SA TINGIN MO ITO MAGANDANG BUHAY?!"

Kanina pa tunog ng tunog ang cellphone mo. Ngunit hindi mo ito magawang sagutin, dahil abala ang mga kamay mo sa pagpunas ng mga luhang kanina pa lumalandas sa mukha mo.

Kailan ba sila titigil?

"EH ANONG GUSTO MONG GAWIN KO?! AKO NA LANG ANG NAGTATRABAHO! AT WAG KANG MAGMALINIS! ANONG AKALA MO HINDI KO ALAM NA NAKIKIPAGKITA KA PA DIN DOON SA LALAKING 'YON? HINDI KA NA NAHIYA SA MGA ANAK MO!"

Isang sampal.

"ANG KAPAL NG MUKHA MO! HINDI BAT IKAW RIN NAMAN?! PARE-PAREHAS LANG TAYO DITO!"

"Seulgi!"

Agad kang napalingon sa bintana mo.

Si Joohyun. Nakaupo sa isang sanga, sa taas ng punong katabi ng bintana mo.

Agad mong binuksan ang bintana. Nakatingin sayo si Joohyun, madilim man ay nakita mo ang pag-aalala sa mukha niya. Maputi siya, at mas lalo pa siyang pumuti sa ilalim ng sinag ng buwan.

Napaka-perpekto niya.

Hindi mo namalayan ang pagpasok niya sa kuwarto mo.

Halata ang dagli niyang pagkagulat dahil sa mga sigawan sa labas ng kuwarto mo. Tila ba napagtanto niya kung bakit hindi mo nasagot ang mga tawag niya.

Ibinuka niya lang ang mga kamay at humarap sa iyo.

Walang sabi-sabi ay muli kang nagpakulong sa mga bisig niya.

Ito, ito ang tahanan mo.

 


Hindi mapakali, hanggang tingin na lang
Bumubulong sa

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
PineappleSeulgi
#1
Chapter 1: No happy ending? ಥ‿ಥ
Also, nag-military ba si Seulgi? xD