Kung 'di ukol, bakit ka may bukol

Wala na sanang lalayo, Mundong ito ay hihinto

Third Year High School: First Grading Period

Sa fifth row, rightmost aisle ng classroom niyo, dito mo unang nakilala si Son Seungwan.

Ikaw yung bagong salta sa section nila: III-Athena. Kaya’t ikaw yung naging tampulan ng mga tingin at bulungan noon pagpasok mo. Walang kumaway o ngumiti ni isa man lang sa mga magiging kaklase mo dahil lahat sila, nakatingin lang sa’yo habang lumalakad ka papunta sa upuan mo. Para bang goldfish na nasa loob ng fish bowl.

Lahat sila, maliban kay Seungwan.

Kaya’t laking pasalamat mo na rin na siya yung designated seatmate mo. Simula pa kasi kagabi, kung ano-ano nang naiisip mo tungkol sa bagong school mo. Kagaya nang kung mabait ba yung mga kaklase mo, o baka kasing sutil din ng mga estudyanteng napapanood mo sa mga drama na kina-aadikan ngayon ng pinsan mong si Yeri.

Baka mamaya kasi, uso din ang red card dito. Wala ka pa namang panama sa ganun. Hindi ka tigasin, at lalong hindi mo kayang magpakawala ng suntok.

Buti nalang, malayong-malayo yung Seungwan na bumati sa’yo sa Seungwan na na-imagine mo: nakatulis ang nguso at naka-angat ang isang kilay habang tinitignan ka mula ulo hanggang paa. Kaya yung kabog ng dibdib mo nabawasan kahit pano, lalo na’t hindi nawawala yung ngiti niya na sumalubong sa’yo.

Siya na rin ang unang nagpakilala sa sarili niya. Kahit pa hindi na talaga kailangan, dahil bukod sa nakausap mo na si Principal Kim, ang laki rin ng pagkakasulat ng pangalan niya sa name plate niya. Naka-pin ito sa may harap ng necktie niya, kaya imposibleng hindi mo makita.

(Eto yata yung ipinagpuputok ng butsi ng mga classmates mo, since pinagsusuot uli sila ng name plates para lang sa’yo.)

“Hello! Ako pala si Seungwan! Ikaw si Seulgi, diba?”

Tumango ka sa kanya at tuluyan na ring nagpakilala. “Ah, oo. Kang Seulgi,” wika mo sa kanya. Patanong na ring idinagdag ang, “Yung transferee?”

Hindi mo rin naman kasi sigurado kung nasabi na rin ba ng adviser niyo sa buong klase. Alanganin kasi ang pagkaka-transfer mo, dahil halos kalagitnaan na ng first quarter. Bagay na ipinagtaka rin ni Seungwan.

Ang totoo, you were set to finish high school sa dati mong school. Pero dahil nakakuha ng magandang opportunity ang Papa mo, yung promotion na matagal na niyang hinihintay, hindi na niya nagawang palampasin pa nang dumating.

Yun nga lang, may mga bagay kayong kinailangang iwan bilang kapalit, kasama na yung buhay na nakagisnan mo simula nung bata ka pa.

Ang ending, you wrapped up sixteen years of your life in four boxes and two suitcases. At ngayon nga’y heto ka, tila ba nag-reset sabay pindot ng restart.

;;;

 

Nang magsimula nang magdatingan ang iba niyo pang mga kaklase, isa-isa na rin silang itinuro sa’yo ni Seungwan at ipinakilala, para na rin daw mapadali ang buhay mo, sabi niya.

Sa totoo lang, wala ka naman talaga balak makipagkilala sa kanila. Bukod kasi sa mahiyain ka na, hirap ka pang tumanda ng pangalan at mukha. Kaso, nagmagandang loob na si Seungwan, kaya hindi mo na rin natanggihan.

Sa pinakalikod na row ng side niyo siya nagsimula, umakyat pataas at tuloy-tuloy lang sa pagtuturo sa mga classmates niyo. Habang ikaw, tango lang din ng tango, kahit na ang totoo, iniisip mo kung anong oras nga ba ang recess at kung nalagay mo nga ba yung baon mong lunch sa loob ng bag mo.

Pilit mo ring inaalala kung saang banda mo nga ba nadaanan yung canteen kanina. Sa dami kasi ng likong ginawa mo, hindi mo na rin matandaan. Alam mong nasa school grounds lang yun. Hindi kalakihan, pero dahil nga bago pa ang lahat para sa’yo, baka maubos lang yung thirty minutes mo sa paghahanap.

Busy ka sa pagpa-plot ng mapa sa utak mo, kaya’t ‘di mo namalayan na nakalipat na pala si Seungwan at sa kabilang side na nagtuturo. Gusto mo na nga sanang itanong nalang sa kanya kung pwede ka niya samahan pagdating ng recess, kaso, since malapit na rin naman siyang matapos, hinintay mo nalang.

Hindi mo lang talaga inaasahan na pagdating ni Seungwan sa unahang row, malilimutan mo lahat, pati sarili mong pangalan.

At ang tangi mong maaalala?

Joo Hyun.

;;;

 

Nakaupo siya sa pinakaharap, sa may dulo ng aisle kung saan malapit yung blackboard at yung teacher’s table na naka-sampa sa gitna ng malapad na platform.

Mula sa pwesto mo, gilid niya palang talaga ang nakikita mo. Yung manipis niyang salamin na nakapatong sa matangos niyang ilong. Yung tenga niya na nakalabas dahil sa pagkakatali ng kanyang buhok. Yung angat ng labi niya, na sigurado ka ay dahil sa kung ano mang nangyayari sa librong kasalukuyan niyang binabasa.

Pero, lahat kasi ng iyon ay sapat na, para makalimutan mo ng tuluyan ang recess at lunch. Pati na rin yung meryendang turon na pangako sayo ng Mama mo pag-uwi mo.

Siya nalang talaga yung naaalala mo. Kahit pa may nararamdaman kang di mo maipaliwanag sa loob ng tiyan mo, na di mo alam kung gutom lang ba, o may tuma-tumbling na talaga at nagda-dive sa loob.

Kaya hindi mo na rin napigilang magtanong kay Seungwan, sa pagbabakasakaling kaibigan niya ito. “Seungwan,” tawag mo sa katabi mo. Naramdaman mo ang pagbaling niya sa’yo, na hindi mo masuklian dahil tuluyan ka na nga ata talagang napako kay Joohyun. “Matagal mo nang kilala si Joohyun?”

“Ay, oo!” Masayang sagot niya. “Classmates kami since first year.”

Magtatanong ka pa sana ulit, kaso, ganun ka na ata ka-obvious kasi inunahan ka na mismo ni Seungwan. Sabagay, sa dami ng ipinakilala niya sa’yo, kay Joohyun ka lang naging interesado. “Kaso, ‘di kami close eh.”

“Ah talaga?” Sagot mo sa kanya. Naramdaman mo agad yung panghihinayang, pero di ka naman tuluyang nawalan ng pag-asa. May isang taon ka pa naman kasi para kilalanin siya. (Dalawa kung gagalingan mo para mag-stay ka sa section nila.)

Kaso, naglaho lahat ng ‘yon na parang bula, nang lumingon yung lalaking nasa harap niyo ni Seungwan sabay sabing, “Walang ka-close si Joohyun. Sobrang sungit kasi.”

“Hay nako Chanyeol,” saway ni Seungwan sa kaklase niyo. “Ayan ka na naman sa bitterness mo.”

“‘Wag kang didikit dun kung ayaw mong malibing ng buhay,” nagpatuloy lang si Chanyeol na parang walang narinig. “Samin lang ni Seungwan.”

;;;

 

(Eto yung mistake #1. Nagpadala ka sa takot at mas pinili mong maniwala sa taong kalaunan ay nalaman mong sobrang babaw lang pala ng dahilan kung bakit may galit siya kay Joohyun.

Kesa kilalanin siya.)

;;;

 

Third Year High School: Third Grading Period

Kababalik niyo lang from sem break nang mag-announce yung adviser niyo na kailangan niyo nang mag-palit ng seating arrangement. Naging cheating arrangement na raw kasi, sabi ni Mrs. Castro, at nakatingin siya sa may direksiyon ni Chanyeol habang sinasabi niya yun.

So you spend the whole Homeroom period na parang nag-ro-roll call, o raffle, naghihintay na matawag ang pangalan at ituro kung saan uupo. Kung sino man ang katabi mo, yun ang premyo mo. Nasa iyo na nga lang kung magugustuhan mo o hindi.

Matiyaga mong inaantay na matawag ka, nagpipigil ng tawa dahil karamihan ng natatawag ay nalulukot ang mukha kapag nakikita nila kung sino ang bagong katabi nila. Lalong-lalo na si Chanyeol na ipinuwesto sa tapat mismo ng teacher’s table.

Kaya lang, nung tatlo nalang kayong natitira, nagsimula ka nang kabahan. Pano ba naman kasi, isa sa mga bakante pang upuan ay nasa tabi ni Joohyun. At hindi mo alam kung magno-novena ka ba para makuha iyon, o ipagdarasal mo na sana sa iba mapunta.

Kaso, ang bagal mo ata magdecide, kaya tadhana na ang namili para sa’yo.

;;;

 

Sa sobrang gulat mo nung tinawag na ang pangalan mo at itinuro kung san ka na pupwesto, namali ka ng upo at muntik pang dumausdos pababa. Pasalamat ka nalang talaga sa katabi mo, kasi nakapitan ka niya agad sa braso, habang si Seungwan na nasa likod na row mo na nakaupo, nahila yung blouse ng uniform mo.

Yun nga lang, nakakahiya talaga, kasi nakatingin na sa iyo yung buong klase niyo. Pati adviser mo napatigil sa pagtawag niya dun sa dalawang natitirang kaklase mo.

What’s worse? Hindi mo na magawang matignan si Joohyun sa mata, kasi literal na nahulog ka talaga dahil sa kanya.

;;;

 

Malapit ka nang maniwala na pinaglalaruan ka ng tadhana.

Bukod kasi sa napahiya ka na sa harap ni Joohyun (kahit pa sabihin mong hindi ka niya pinagtawanan), heto ka naman ngayon, tulalang nakatingin sa mga daliri mong balot ng itim na tinta.

Pambihira talaga. Bakit nga ba kasi naisipan mo pang buksan yung ballpen mo at piliting hipan yung ink para lumabas?! Gayong Panda lang ang gamit mo at ito yung sakit nito. Magtae ng katakot-takot at idamay ang notebook mo, pati na yung mga kamay mo.

Hindi mo tuloy alam kung kukunin mo ba yung panyo mo sa bulsa ng uniform mo, o tatalikod ka at manghihiram kay Seungwan ng extrang ballpen. Nagbubura na kasi yung Science teacher mo ng blackboard, at kailangan mo na talagang isulat yung formula para sa pagkuha ng Atomic Mass, kundi makakalimutan mo yun.

Kaya lang, ibinuhos ng ballpen mo yung lahat ng tinta nito sa kamay mo, kaya mukhang sa Ma’am may I go out ka mauuwi. Mapipilitan ka nalang ata manghiram ng notes kay Seungwan mamaya.

Magtataas ka na sana ng kamay nang marinig mo yung mahinang pagtawag sa pangalan mo. Nung una, akala mo imagination mo lang talaga, kasi medyo ilang buwan mo na ring pinapangarap na marinig yun. Pero nang lumingon ka sa pinanggalingan nun, nakatingin na sa’yo si Joohyun.

It did happen, and you really heard it. Si Joohyun na tinawag yung pangalan mo.

Naramdaman mo ang pag-init ng mga pisngi mo, dahil una, eto yata yung pinaka-unang beses na narinig mo ang Seulgi na lumabas mula sa mapupulang mga labi niya. Sa tuwing nagkikita o nagkakasalubong kasi kayo, tanging tango at polite na ngiti lang ang bati niya.

Pangalawa, baka iniisip ni Joohyun na ikaw na yung pinaka-clumsy na tao sa buong mundo. Bukod kasi sa lampa ka na, ngayon naman covered ka ng tinta. Hanggang blouse mo pa. (Na puting-puti, kaya pingot ka na naman sa Mama mo pag-uwi.)

Panong hindi ka mamumula at mahihiya?

Laking pasalamat mo nalang talaga, na instead na pagtawanan ka niya, hinila ni Joohyun yung takip ng wet wipes pack na hawak niya. Kumuha siya ng dalawa at inilahad yung isang palad niya sa’yo.

Sabay ngiti, at sinabing, “Akin na yung kamay mo. Punasan natin.”

Dahan-dahan mong inilapit yung mga kamay mo sa kanya, hindi dahil sa nagdududa ka sa sincerity niya, pero dahil sa nanginginig ka.

At kinailangan mo pa ring tignan kung wala nga ba talagang laman yung palad mo. Baka kasi sumama yung puso mo.

Naramdaman mo kasi talaga na nalaglag yun.

;;;

 

Tahimik lang kayong dalawa nang matapos ang Science class niyo at lumabas na si Ms. Santos. Masyado nga ata kayong tahimik dahil halos mapatalon ka sa gulat nung marinig mo ulit siyang magsalita.

“Kamusta yung vacation mo?”

Vacation ang sabi ni Joohyun, pero parang mas dapat mo atang tawaging soul searching. Tutal, naamin mo na sa sarili mo na gusto mo siya, at natauhan ka na rin sa wakas sa kababawan ng pagkagalit ni Chanyeol sa kanya; na-realize na sobrang unreasonable na dahil lang tumanggi si Joohyun na pakopyahin siya sa final exam nila noon sa English.

Pero siyempre, hinding-hindi mo yun sasabihin kay Joohyun. Mas pipiliin mo pang tumayo sa ilalim ng puno niyo ng manga sa probinsya at magpa-papak sa mga antik. O di kaya’y magpahabol sa mga kambing na alaga ng lolo mo, kesa sabihin na sa tuwing nakikita mo siya, para kang mauubusan ng hininga sa sobrang bilis ng tibok ng puso mo.

Na nanghihina yung mga tuhod mo pag napapatingin siya sa direksyon mo. Namamatay kapag nasisilayan ang mga ngiti niya. Nabubuhay uli pag narinig mo na yung malakas niyang tawa.

Kaya ang sagot mo nalang, “Productive. Bawing-bawi ako sa tulog, eh.”

Hindi mo rin kasi kayang magsinungaling.

Napabungisngis siya ng kaunti sa sinabi mo. Kaunti. Mahina. Pero yung talon ng puso mo lagpas sa rooftop ng building niyo.

“Talaga?” Tanong ulit ni Joohyun. Napakagat siya sa labi niya para magpigil ng tawa. Dito mo nalaman na may himala talaga, kasi hindi ka hinimatay on the spot.

Pero kung one of these days biglang inatake ka, hindi ka na magugulat pa.

;;;

 

Third Year High School: Fourth Grading Period

You love numbers. You really love numbers.

Pero minsan, the numbers don’t love you.

Isa na ang Electronic Configuration sa set ng mga numbers na ayaw makisama sa’yo. Pano kasi, hanggang 1s 2s 2p lang yung kaya mo kabisaduhin.

Buti pa sila Algebra at Chemical Balancing, minahal ka pabalik.

Halos maubos na yung buhok mo kaka-kamot mo sa ulo mo, pilit inaalala yung susunod sa 2p. Alam mong may d at may f somewhere sa diagram nun pero hindi mo talaga maalala yung tamang pagkakasunod-sunod.

Gusto mo nang maiyak sa inis kasi usually naman hindi ka nahihirapan sa kahit anong bagay na may computation. Basta walang kailangan i-memorize.

Kaya mong mag-solve ng radical equation right on the spot. Pero kung ipapahanap sa’yo ang Atomic Mass ng Neon, aabutin ka na ng isang oras kakaisip pa lang kung ano ang Atomic Number nun.

Blanko mo nalang atang ipapasa yung booklet mo mamaya sa quiz niyo. Pero ang mas masaklap, naubos yung oras ng recess mo sa pag-try mag-memorize, tapos wala ka rin naman pala mapapala sa huli.

Babagsak ka na nga, gutom ka pa.

Ten minutes bago magstart yung mid-morning classes niyo, naramdaman mong may umupo sa tabi mo. Sigurado kang si Joohyun yun na bumalik na sa arm chair niya, dahil bukod sa nagpi-piyesta na naman yung mga butterflies sa loob ng tiyan mo, isa rin sa mga paborito mong scent yung pabango niya.

Minsan nang sinabi sa’yo ni Seungwan, medyo creepy lang, Seulgi, pero hindi mo kasi talaga kasalanan na nakatatak na yung amoy sa utak mo. At kung alam mo man na Cool Water yun, nakita mo lang kasi yung name sa bote nung minsang niyang ginamit.

Bumaling ka sa kanya at ngumiti as a greeting, at bumalik din agad sa notebook mo, exactly dun sa diagram na hanggang ngayon hindi mo pa rin kabisado.

Napansin siguro ni Joohyun na tahimik ka at seryoso sa pagbabasa, kaya tinanong ka niya. “Nagrecess ka na, Seulgi?”

“Hindi pa eh,” sagot mo sa kanya. “Magrereview sana ako para sa quiz mamaya. Kaso, hindi ko talaga ma-gets yung sp sp.”

Tumango si Joohyun sa’yo at lumapit ng kaunti. Sinilip niya yung notes mo at tumango uli, sign na alam na niya yung tinutukoy mo. “Eto diba?” Tanong niya uli, sabay turo dun sa napakagulong diagram na nasa notebook mo. “Hindi mo need i-memorize ng purely letters lang. Gamitan mo nalang ng mnemonics para madali mo siya maalala.”

“M-mnemonics?”

Hindi mo talaga sinadyang ma-utal. Hindi talaga. Kaso, sobrang lapit niya na pati yung mahahabang eyelashes niya, kaya mo na bilangin isa-isa kahit nakatago pa sila sa likod ng salamin niya.

Buti nalang, hindi niya napansin. “Yup. Bale, each letter dun sa diagram, ia-associate mo sa word na madali mong maaalala.”

“Huh?”

Natawa siya sa’yo, sa pagtagilid ng ulo mo at yung pagkalito na alam mong nakapinta sa mukha mo ngayon.

“Parang ganito,” dagdag ni Joohyun. Umusog pa siya papalapit sa’yo, para maturo yung bawat letter sa diagram mo. “Yung 1s 2s 2p 3s 3p, magiging, Si Sharon Pumasok Sa Pinto. And then, mag-plus one ka sa number every time na na-recite mo yung S words.”

Nag-angat siya ng tingin, to check kung nasusundan mo pa ba siya. And you hear your own breath hitch, na madali mong itinago sa likod ng pagtikhim.

Pero yung pamumula ng pisngi mo, lalo na nung ngumiti siya uli sa’yo, malabong hindi niya napansin.

“Sorry, medyo nakakalito talaga sa una. But, mas madali talaga siya ma-memorize. Si Sharon Pumasok Sa Pinto. Sa Door Pinto. Sa Door Pinto. Sa Front Door Pinto. Sa Front Door Pinto.”

“Oo nga eh,” pagsang-ayon mo sa kanya. Yun nga lang, miski ikaw hindi na sigurado kung Science pa nga ba ang tinutukoy mong nakakalito.

Inulit pa sa’yo ni Joohyun ng dalawang beses yung mnemonics niya, since sabi mo, kailangan mo ding isulat para hindi mo malimutan. Pagkatapos nun, ni-recite mo yun sa sarili mo para makabisa mo nang husto.

Ang saya ni Joohyun habang pinapanood ka, na para bang proud siya na nakuha mo agad yung tinuro niya. Hinintay ka pa niyang magkabisa ng panghuling beses bago siya nagsalita ulit. “May question ka ba?”

Ngumisi ka sa kanya, at siya naman, napataas ang isang kilay sa nakakalokong tingin mo. “Sino si Sharon at bakit siya pasok ng pasok sa pinto?”

“Baliw!” Natatawang sagot ni Joohyun sa’yo.

Naramdaman mo yung pabirong hampas niya sa kamay mo, pero hindi mo naramdaman ang bigat nun. Ang tanging sumagi lang nun sa isip mo ay kung gaano mo kagustong patawanin lagi si Joohyun ng ganito.

;;;

 

Pumasa ka. Muntik mo pa nga ma-perfect score eh. Panira lang talaga yung question number seven sa multiple choice part ng quiz niyo. Malay mo bang si Dmitri Mendeleev ang gumawa ng periodic table at hindi si Dmitri Mendel.

Pero kahit pa hindi mo yun nakuha, laking pasalamat mo pa rin talaga sa seatmate mo. Kundi kasi dahil sa mnemonics niya, alam mo talagang babagsak ka. “Thanks, Joohyun, ah? Ikaw talaga savior ko eh.”

“Hala, wala yun!” Sagot niya sa’yo. “Kaya mo naman talaga. Nakakalito lang kasi yung order.”

Umiling ka. “Hindi. Ikaw talaga. Tska si Sharon, kung sino man siya.”

“Adik!” Saway sa’yo ni Joohyun, na medyo napalakas ata dahil biglang lumingon ang teacher niyo at tinignan kayong dalawa.

“Is there something you want to share with the class, Miss Bae and Miss Kang?”

“Wala po,” sagot mo nang kusa. Sa tingin mo kasi, never pa napagalitan si Joohyun ng kahit sinong teacher since nagsimula siya mag-aral. Base na rin yun sa pagpula ng pisngi niya at pagbalik ng direchong tingin sa blackboard niyo.

Besides, gusto mo rin kasi na sa inyo lang ni Joohyun yung mnemonics niya. Bahala na yung mga classmates mong mag-isip ng kanila.

;;;

 

(Eto yung mistake #2. May chance ka nang bumawi at ayain ilibre si Jooyun. Pero yung plano mong ilibre siya ng cheesecake sundae sa Ministop na malapit sa school niyo nauwi sa paglilinis ng pin. Dahil naduwag ka the last second nung sinalubong ka niya ng matamis na ngiti.

At yung, sabay na tayo uwi mamaya? mo ay naging, ako nalang ang maglilinis ng COCC pin mo.)

;;;

 

Fourth Year High School: First Grading Period

Sabi ng mga kaibigan mo hindi ka daw talaga marunong magalit. Nasabi na rin sa’yo yun ni Seungwan na may kasamang pagkamangha, nung time na nabasag niya yung scientific calculator mo. Sabi mo nun, dahil nangako naman siya na papalitan niya, bakit ka pa magagalit diba?

Aminado ka rin na kahit kailan, hindi ka pa talaga nakaramdam ng sobrang pagkainis, o sobrang galit sa kahit na sino.

Kahit pa nung tumakbo si Chanyeol sa pagka-president ng Student Council niyo, at alam mong trip-trip lang niya yun dahil gusto niyang inisin si Joohyun. Sila kasi ang magiging magkalaban.

Pero, sabi nga rin nila, there is always a first time for everything.

First time mong makita si Joohyun umiyak. First time mo ring makaramdam na para bang may isang libong mga daliri na kumukurot sa puso mo habang pinapanood mo siyang humihikbi sa gitna ng hallway.

Isa sa mga kaibigan niya ang tumawag sa’yo habang naglilinis kayo ng classroom. Thursday group, kung saan kasama mo si Chanyeol at si Seungwan.

Ang sabi ng kaibigan niya, hinahanap ka ni Joohyun, kaya’t dali-dali kang lumakad sa direksyon na itinuro sa’yo.

Inabutan mo siyang nagtutupi ng mga natirang cartolina na ginamit niya para sa campaign posters niya. Nanginginig ang kanyang mga kamay, at nahalata mo agad na nagpipigil siyang umiyak.

Pero nung naramdaman niya yung pagdating mo, at narinig niya ang marahang pagtawag mo sa pangalan niya, dun na tuluyang bumagsak ang mga luha niya.

Agad mo siyang nilapitan, your hand automatically running all over her back. Magtatakip sana siya ng mukha, tila nahihiya sa’yo dahil nakita mo siyang ganito, pero hinila mo siya palapit sa’yo, at hinayaang umiyak sa balikat mo.

And for the first time in your seventeen years of existence, you felt your jaw clench.

;;;

 

Hindi kalaunan ay napatahan mo din siya. Pero yung galit mo, hindi pa rin humuhupa.

Lalo nga lang ata nadagdagan nung nakita mo kung gaano kapula ang mga mata niya. At ang malungkot niyang ngiti na tugon niya sa’yo, after mong tanggalin yung salamin niya at punasan ang mga luha niya ng panyo mo.

“Tahan na, Hyun,” wika mo. “Pahirapan mo nalang siya pag CAT. Tutal, S1 ka naman eh.”

“Sira,” sagot ni Joohyun sa’yo. At kung narinig man niya yung palayaw na unang beses mong tinawag sa kanya, she pretended not to notice. “Hindi naman ako pwede magpa-drop ng walang reason.”

“Edi sabihin mo, your ears annoy me. Give me twenty.”

“Pareho kaya kayo ng tenga,” biro ni Joohyun sa’yo. Nagbago rin ng kaunti yung ngiti niya, kaya kahit paano, medyo nakahinga ka na rin.

Pinunasan mo yung huling luha na tumulo sa mata niya, ngumiti ng malaki hanggang sa mawalan ka na ng mata at sinabing, “May binabagayan kasi ‘yan. Siya dumbo, ako bear.”

;;;

 

Ang dami mo talagang firsts that day.

First time mo rin mang-corner ng tao. Lalaki pa na ang laki ng itinangkad sa’yo. Pero hindi mo kasi talaga makalimutan yung lungkot sa mga mata ni Joohyun, at yung betrayal na nakapinta sa mukha niya. Nakikita mo pa rin yun kahit nakapikit ka.

First time mong mang-confront na akala mo susugod ka sa away. First time mo ring ipamukha kay Chanyeol na ‘di porke’t sikat siya sa school niyo dahil varsity siya ng basketball team niyo, ibig sabihin, fit na rin siya to be your Student Council President.

“Okay, san ‘to nanggaling?” Tanong sa’yo ni Chanyeol, na sa umpisa ay halos di makapaniwala na nag-aaway kayong dalawa dahil kay Joohyun. “‘Di ka naman tumutol nung tumakbo ako ah!”

“Akala ko kasi may sense yung mga tao dito!” Sagot mo sa kanya. “Akala ko marunong silang mag-isip para sa sarili nila. Hindi pala!”

“Ano bang problema mo, Seulgi?!” Sigaw sa’yo ni Chanyeol pabalik. “Kung maka-asta ka, parang girlfriend mo yung natalo ah! Eh si Joohyun lang naman yun!”

Lalo lang tumindi ang galit na nararamdaman mo nung marinig mo yung tila pangmamaliit niya sa kung gaano kahalaga si Joohyun sa buhay mo. Kung hindi tumakbo si Seungwan at humarang sa harap ni Chanyeol para pakalmahin ka, hindi mo rin talaga alam kung anong magagawa mo.

“Seul, tama na! ‘Lika, palamig ka muna ng ulo, okay?”

Pinili mong makinig kay Seungwan, dahil sa pagkakataong ito, alam mong dalawa nalang sila ni Joohyun na mapapagkatiwalaan mo. Pero, bago ka tuluyang nagpahila kay Seungwan at lumabas uli ng classroom niyo, tinapunan mo muna si Chanyeol ng pinakamasamang tingin na kaya mo.

;;;

 

Sa sobrang dami mong firsts that day, para kang nagse-set ng records sa Guinness Book.

First time magalit. First time makipag-away. First time ma-realize na , mahal mo na ata si Joohyun.

At first time mo rin na-realize na, oo nga, hindi naman kayo.

;;;

 

Fourth Year High School: Third Grading Period

Hanggang ngayon, may moments na gusto mo pa ring suntukin si Chanyeol. Bagay na medyo ikinatakot mo kasi, hindi ka bayolenteng tao.

Nahihirapan ka kasi burahin sa isip mo yung itsura ni Joohyun nung umiyak siya, after niyang matalo by landslide votes.

Buti nalang, nag-eexist ang karma at nasa side niyo siya ni Joohyun madalas. Lalo na kapag nagrereklamo si Chanyeol na hindi na niya magawa yung mga dating ginagawa niya sa school dahil siya na ang takbuhan ng lahat ng Student Council Officers.

Dagdagan pa na sa tuwing mag-iinspect si Joohyun sa platoon nila pag oras ng CAT, parati siyang nakakahanap ng mali kay Chanyeol. Demerits na, ten push-ups each violation pa.

Minsan pa nga, ginagamit din ni Seungwan yung pagiging S2 niya para iganti si Joohyun ng palihim. Kaya siya talaga ang best friend mo, eh.

Pagkatapos ng rounds nilang Corps Staff, dun sila magpapakalat-kalat sa may hallway ng floor niyo. Habang si Seungwan na nangongolekta ng attendance ay bababa naman para magpasa sa Guidance Counselor niyo ng full report.

Si Joohyun ay madalas na nakatambay sa room kung nasaan ang company mo. Sakto lang din kasi na kaibigan niya yung Company Commander mo. At kahit pa madalas na nandun din yung Corps Commander niyo na napapansin mo nang laging nakabuntot kay Joohyun, masaya ka pa rin. Dahil from Alpha to Hotel, sa Foxtrot niya piniling tumambay hanggang sa matapos ang CAT classes niyo.

(Hindi ka rin pagod dahil once na sinabi ni Joohyun na at ease, hindi na pumapalag yung Company Commander niyo. Hindi mo na kailangan mangawit sa pagstomach in chest out kahit naka-upo.)

Sa may teacher’s table na nasa gilid siya madalas pumuwesto. At dahil eto lang yung class na hindi kayo magkatabi, tuwing CAT time, pinupuno mo yung black notebook mo ng drawing imbis na makinig.

Kung dati mga mata lang ni Joohyun ang nasa likod ng bawat pahina ng notebook mo, ngayon, may kasamang ngiti na.

;;;

 

Fourth Year High School: Fourth Grading Period

Halos buong gabi, pinanood mo lang kung paanong niyayaya si Joohyun magsayaw ng lahat: mga kaibigan niya, mga kaklase niyo, mga nanliligaw sa kanya, pati na rin yung mga may balak palang.

Kahit nga kasayaw mo na si Seungwan kasama ng iba niyo pang mga kaibigan, hindi pa rin maalis kay Joohyun yung tingin mo. Bukod kasi sa nangingibabaw ang ganda niya ngayong gabi (napanood mo na ‘to eh, at bigla kang naka-relate kay Viktor Krum nun, habang pinapanood niyang bumaba si Hermione ng hagdan nung gabi ng Yule Ball), may gustong-gusto kang gawin na hindi mo rin alam kung paano mo nga ba sisimulan.

Nakakuha ka ng lakas ng loob at pagkakataon, nung inannounce ng dj na you will be winding down the night for a little bit. Nakatingin ka pa rin kay Joohyun nun, na nasa table sa harap niyo, at masayang nakikipag-usap sa isa niyo pang kaklase.

Naramdamam niya siguro yung mga mata mo sa kanya, kasi bigla siyang lumingon at ayun nga, huling huli ka.

Magbabawi ka sana ng tingin, at magkukunwaring nakatingin sa langit, pero dahil ngumiti siya sa’yo, at nagring sa utak mo yung nabasa mo dati, na di ka naman mahuhuli ng crush mong nakatingin kung di rin siya tumingin sa’yo, kumaway ka pabalik.

Ang ganda ng ngiti niya sa’yo, na lalo pa yatang gumanda nung nag-tilt ng kaunti yung ulo niya, na tila nagtatanong kung bakit.

‘Di mo alam kung saan ka humugot ng pagpipigil na hindi nalang isigaw yung nararamdaman mo para sa kanya, kahit nag-uumapaw na. Dun ata sa hita ni Seungwan na di mo namalayang napisil mo na pala.

Akala mo kasi sa’yo. At masyadong napukaw ni Joohyun yung attention mo para tignan kung saang hita nga ba naglanding yung kamay mo.

“Aray, Seulgi!”

Nagulat ka at halos napatalon sa kina-uupuan mo. Halos matunaw ka na rin sa kahihiyan at sa sama ng tingin ni Seungwan sa iyo.

Pero sa pagsulyap mo kay Joohyun, nakita mong hindi na nito napigilan ang pagtawa. Kaya masakit man yung batok sa’yo ni Seungwan, worth it naman.

;;;

 

Yun nga lang, nawala na yung moment niyo. Na hindi mo na rin nagawang bawiin pa kasi nagsimula na naman yung mga asungot na nakapaligid kay Joohyun, na kulitin siya at yayaing isayaw.

Ang masaklap nga lang, slow songs na. At hindi mo kayang panoorin si Joohyun na may kasayaw na iba, habang naririnig mo yung darling I, will be loving you, till we’re seventy ng paulit-ulit. Ang national anthem ng mga umiibig.

Mas mabuti pa yatang dun ka nalang muna sa Azalea.

;;;

 

Bukod sa canteen, eto yung isa pang favorite spot mo sa buong campus niyo. Tahimik kasi dito, at nag-eenjoy ka sa pagtingin sa iba’t ibang klase ng bulaklak na nakapalibot sa maliit na espasyong ito.

Rinig pa rin yung kantang malapit-lapit mo nang isumpa, kaya pinilit mo nalang tignan isa-isa yung mga bulaklak. Kesa isipin kung naka-ilang sayaw na ba yung asungot niyong Corps Commander kay Joohyun.

Masakit kasi magbilang, lalo na kung ang score mo, zero. At alam mong malaki ang chance na hindi umangat yun. Paano nga naman kasi isasayaw ng isang mortal na katulad mo ang Prom Queen ng batch niyo?

Tinanong mo rin yun sa mga bulaklak. Na para bang may isip sila at kayang sasagutin ka.

Halos maihi ka sa takot nung may narinig kang biglang nagsalita. Nababalita pa man din sa school niyo na may nagmumulto dun sa CR na ilang rooms lang ang layo mula sa kinatatayuan mo.

Buti nalang hindi. Buti nalang naisip mong lumingon at hindi tumakbo palayo.

Kasi you saw the prettiest girl you’ve ever had the honor of meeting.

“A-ano yung sinabi mo, Hyun?” Kinakabahan kang nagtanong. Hindi mo kasi alam kung hanggang saan yung narinig niya. Bakit ba kasi nagtanong ka pa sa bulaklak?!

Dahan-dahang lumapit si Joohyun sa’yo. At nung tuluyan na siyang tumigil sa harap mo, kinuha niya ang mga kamay mo at ipinatong ang mga iyon sa baywang niya. Habang ang sarili niyang mga kamay, umikot at nagpatong sa likod ng batok mo. “Ang sabi ko, tanungin mo siya.”

Nanginginig ang boses mo nang muli kang magtanong. “Si-sino?”

Tsk,” panunukso ni Joohyun. “Diba sabi mo, paano mo isasayaw yung Prom Queen? Edi, ask her. Ask her if you can have this dance.”

Ilang beses kang kumurap, para siguraduhin na hindi ka nananaginip. Sa bawat muling pagbukas ng mga mata mo, hindi nawawala sa harap mo si Joohyun, kaya unti-unti ka nang ngumiti. Hanggang sa nakaipon ka na rin ng lakas ng loob na magtanong. “Will you?”

“Will I what?”

Hindi mo na rin namalayan na nagsisimula na pala kayong umikot in time with the beat ng kung ano mang kanta na kasalukuyang tumutugtog. Wala na rin kasi sa’yo kung yun pa rin yung kantang gusto mong isumpa kanina lang. Ang mahalaga lang sa’yo ngayon, nandito si Joohyun kasama mo.

“Dance with me?”

Hindi na sumagot pa si Joohyun. But the way she pulled you close was more than enough.

;;;

 

Graduation Day

“Wise people have said, all good things must come to an end. Pero para sa akin, bakit natin hahayaang matapos ang mga bagay na we find the good at?”

Ang eager ng pagtango mo sa mga sinabi ni Joohyun. Halos matanggal na nga yung ulo mo, at alam mong kung katabi mo si Seungwan, baka nabatukan ka na niya.

Kaya lang, andun siya sa harap, kasama ni Joohyun. Actually, buti nalang andun siya sa harap. Ayaw mo kasing makita niya kung gaano ka ka-proud habang nakikinig sa Valedictorian speech ni Joohyun.

Hindi dahil sa ikinahihiya mo si Joohyun. Pero, kasi, ni isa, wala ka pang pinagsasabihan ng deepest secret mo. Gusto mo kasi, kung may unang makaka-alam ng feelings mo, si Joohyun dapat yun.

Kahit si Seungwan na best friend mo, hindi mo sinabihan. At dahil nga sa nasa harap siya, hindi ka na nagdalawang-isip na ibigay yung pinakamalakas na palakpak na kaya ng mga kamay mo pagkatapos ni Joohyun magbigay ng speech.

Kahit pa mamaga yung mga palad mo at hindi ka makapag-drawing ng mga ilang araw, okay lang sa’yo.

Tutal, siya naman nagmamay-ari sa’yo ng buo.

;;;

 

Masaya mong niyakap ang parents mo nung matapos na ang ceremony. Inaya ka na rin nila umalis dahil naghihintay na raw ang lolo at lola mo sa bahay niyo, pero nakiusap ka na magstay kayo saglit dahil gusto mong batiin si Seungwan.

At siyempre, si Joohyun. Gusto mo rin nga sana siya ipakilala sa Mama at Papa mo. Pero alam mong masyado nang mabilis yun, dahil ang dapat yata, matanong mo muna kung pwede ba siyang lumabas kasama ka bukas.

Planado mo na yung sasabihin mo. Ilang gabi mo narin kasing pinractice yun sa harap ng salamin. Ang dasal mo nalang talaga, sana hindi ka mabulol.

Hinahanap mo sila ni Seungwan sa gitna ng mga umaalong toga, nagliliparang graduation caps at nagtatalunang mga estudyante. At nung sa wakas ay makita mo sila na kausap yung adviser niyo, nagsimula ka na humakbang papunta sa kanila.

Kaso, nakaka-tatlong steps ka palang ata nung maramdaman mong may kumapit sa braso mo, sabay inikot ka paharap ng kung sino man iyon. Pagtingin mo, yung asungot na Corps Commander ng batch niyo yung nakita mo.

Mukha siyang humangos mula pa sa pinaka-likod ng quadrangle kung nasaan ang section nila. Pero nakangiti siya sa’yo habang nagtatanong. “Seulgi, nakita mo ba si Joohyun?”

Oo, nakita mo. Kaso, since araw mo rin naman ngayon, pinili mong magdamot. “Hinahanap ko rin siya, eh. Bakit, may ipapasabi ka ba?”

Kaya lang, mabilis talaga ang karma. At yung puso mong kanina pa nasa talampakan mo, nadurog sa mga sumunod na salita niya.

“Hindi. Ano—sabi niya kasi sakin kanina, mag-usap daw kami. May sasabihin daw siya sakin. Sasagutin niya na ata ako, Seulgi!”

“A-ah, ganun ba?” Sagot mo sa kanya. Mabilis kang nagbawi ng tingin, sabay hila sa kamay mong hawak pa rin niya. At lumalakad ka na palabas ng quadrangle niyo bago ka pa sumagot. “Nandun siya sa harap.”

“Oh, hindi ka ba magpapakita sa kanya? Baka magalit yun!” Narinig mong tanong sa’yo, but you were too busy trying to come up with reasons na pwede mong sabihin sa parents mo, kung bakit di ka matigil sa kaka-iyak ngayon, kaya hindi ka na sumagot.

Hindi mo naman kasi pwedeng sabihin na akala mo kasi soulmate mo si Joohyun, pero lesson lang pala.

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
seulgishyun
sana magustuhan niyo! XD

Comments

You must be logged in to comment
its_aaarrriii
68 streak #1
Chapter 8: AAAAAAHHHHHHH I SMILEEEE
its_aaarrriii
68 streak #2
Chapter 7: Worth it magreread kahit may tasks pa ko hahahahahaha
its_aaarrriii
68 streak #3
Chapter 3: 😭😭😭😭😭😭😭😭
its_aaarrriii
68 streak #4
Chapter 2: Aguy moments with me nanaman lord huhi
kreidz #5
Chapter 8: so cute
alexis_keithh
#6
Chapter 7: so cote
Mpau199x #7
Chapter 8: my fav comfort au parin re-reading for the 6th time hehehehehe
RVSone0105
922 streak #8
Chapter 4: Ahw related ako kay Seulgi dito sa chap na to!! Because same Seul, ang lala ng anxiety ko kapag alam kung magkikita kami ng bestfriend sa araw na yun 🤒😰
kwinter
#9
Chapter 8: IM SO BITIN PEROOO KILIGG
Zamagel_paen28
#10
Ngayon ko lng na realize na yung title lyrics pala sa extended ver ng tadhana ng UDD na pinerform nila ng live kaya pala pamilyar ^⁠_⁠^^⁠_⁠^^⁠_⁠^