TL;DR, my TFTFZ

Sino po bang mga Pinoy dito? Ever heard of TFTFZ? Yung "Tales from the Friendzone". Enjoy na enjoy kasi ako sa youtube habang nanonood nun. Kaya I decided to write a letter (na hinding-hindi ko isusubmit doon kasi nga TL;DR level. Kung gusto n'yong basahin, go lng ng go. Leave a comment if you want.

P.S. Oo, hango sa totoong buhay yan.. Buhay ko. Buhay ng pagka-friendzone ko.

P.P.S. Names have been changed to..preserve my dignity. HAHA.

 

Hi, ako si Elise, bagong gradweyt at nagtatrabaho. Pero, second sem, noong nasa first year college palang ako, doon ko nakilala si Bryan. Fourth year siya noon at 'di ko alam kung bakit, nguni't noong nakita ko s'ya, nasabi ko nalang ". crush ko sya."

Idedescribe ko muna sya. Di ako nag-eexaggerate pag sinabi kong "di sya tulad ng ibang lalaki." kasi totoo. Sobrang....weird nya. Aloof. May nagkwento sakin na noong first year college pa lang sila, di sya nakikipag-usap sa di nya mga kaklase noong highschool. At nung highschool daw sya, sinusulat nya ang mga gusto nyang sabihin sa papel. Ayun. Weird. At bakit ko sya nagustuhan? Kasi weird sya.

Sa isang twist of fate, nakuha ko ang number nya. Eh kasi itong si ate na kasama ko sa org, at kaklase nya, isinave yung number ni Bryan sa phone ko pero ang pangalang nilagay ay kanya. Late kami umuwi noon kasi may event sa org namin, at bago kami nagsiuwian, hinabilin nya sakin na "itext mo 'ko mamayang gabi ha?" Ginawa ko naman. Di ko maalala bakito ano yung sinabi ko. Siguro nag greet ako kasi Valentine's Day kinabukasan. At nagreply naman si ate gamit ang ibang number. Sabi nya naubusan sya ng load kaya nakitext sya sa roomate nya. Tinanggap ko yung explanation nya.

Kinabukasan, nagtext si ate gamit yung number na nakasave sa aking phone. Nagulat nalang akong sinabi nyang:

"Sino 'to?"

"Ate? Ako to."

"Sorry, mukhang wrong send ka ata."

Ayun. Kinabahan na ako.

"Sorry, pero sino po 'ba ito?"

"Kaklase ako ata ang ateng tinutukoy mo."

.

"Ah, ano po bang pangalan nyo?"

"Bryan."

Ayun nagunaw mundo ko. Ilang araw ako di nakapagreply sa kanya. Pero isang gabi, nilakasan ko ang loob ko at nagtext ulit sa kanya. At sa laking gulat ko..

Nagreply sya.

Dun nagsimula ang aming "interaksyon".. sa text.

Nagdaan ang panahon. Text lang kami ng text. Syempre, ako yung may gusto sa kanya, so ako laging nauuna ng text. Inaabot kami ng umaga magtext. Kahit na may pasok kinabukasan, text parin ng text. Parang ayaw naming tulugan yung isa't isa. Kahit ano nalang pinag-uusapan namin. Nag-eeffort talaga kami na may mapag-usapan. Nagkaroon pa kami ng tradition na "Question and Answer" para kung naubusan kami ng mapag-usapan, di parin kami titigil sa pagtetext.

Ang lalalim na nga ng pinag-uusapan namin. Naabot na kami sa future, sa pagkakaroon ng sariling pamilya, sa outerspace, sa Disney Princesses. Pero pag nagkita naman kami sa school, walang pansinan. Ni recognition of each others presence --like eye contact-- wala. Parang hangin lang ako sa kanya. Pero text parin kami ng text. Nagtry naman akong mag "The Moves" or a least, "The Hints". Pero sadyang mahina talaga ang hints ko, o sadyang manhid lang talaga sya. Worst, baka both.

Feel ko rin naman may something sya sakin. Uso kasi yung assuming nung time na yun. E kasi, may time na naubusan sya ng load kasi nakalimutan nyang mag-unli. Kinabukasan ng umaga, as in maagang maaga, nakatext na sya ng sorry at nagpaload sya. Grabe, 6AM? On a Saturday? Eto pa, napapunta ko siya noong isang cheerdance competition sa school. Second year ako noon, at inimbitahan ko syang manood. Syempre di ko sinabing sasamahan ko sya bilang kasali ako sa magcocompete. Nagulat ako kasi around 8AM, masyado pang maaga para magising sya, nakarating sya sa school at nanood ng competition. Isipin mo, sa limang taon nya sa school, yun yung first time na nanood sya ng competition? Dahil sa'kin! Wait, I'm assuming ulit.

Ayun. Third year na ako. Last year nya na sa school at dahil Octoberian sya, at October rin ang birthday ko, binigyan ko ng gift ang sarili ko.. Hindi ko alam anong nakain ko at biglaan kong naisipang mag confess..syempre sa text.

"Alam mo, kuya, crush kita." mukhang natagalan ata sya ng reply. Sanay kasi akong isang minuto lang nakareply na agad sya. So matapos ang sampung minutong paghihintay.

"Uhm. Wow... Masaya ako. Bakit naman ako?"

"Ewan ko. Hindi ko maexplain."

"Bakit mo namang naisipan na sabihin sakin yun? Nagtatanong lang ha."

"Kasi di naman siguro tayo magkikita sa school eh, as if naman nag-uusap tayo. Haha."

"Wow. Pero, thank you." Thank you? Subtle Friendzone hint. Pero, strike 1. I dropped the topic.

Later that same year, may kaklase akong upclass sa isang major na boss nya pala. Nakwento kasi ng kaklase ko over lunch na may katext daw akong ganito-ganyan. Ang talino ni kuya upclass eh, nahulaan nya.

"Ikaw?"

"Ako?"

"Ikaw pala yung katext ni Bryan?" Nagsilakihan ang mga mata namin ng mga kaklase ko.

"Oo, bakit pala?"

"Boss nya ako!"

Napag-alaman kong may home-based work sya. At may ka-meet syang boss isang gabi.. Oo, sinabi nya yun sa text.

"Ah ganun ba. Well, swerte mo katrabaho mo sya. San mo ba nahagilap yang chismis na yan?"

"Sa co-worker namin. Tinutukso ka niya kay Bryan eh." at ang co-worker pala nila'y si ate orgmate na gradweyt na rin nung panahon na yun.

Sakto nung panahong yun ay may event sa school. Sabi ni kuya classmate ay papupuntahin nya si Bryan sa event. At nung gabi ng event na yun, nagulat ako na nakita ko sya.

Tinulak-tulak pa ako ng isang bestfriend ko para kausapin si Bryan. Pati rin ni kuya upclass. At ng iba pang mga tao. At dahil tatanga-tanga ako. At feeling brave nung panahong yun, kahit di naman ako naka-inom ng alcohol.... kinausap ko naman sya.

Nanginginig na ako nung naglakad ako papunta sa sulok na kinatatayuan nya. Pero nasabi ko namang "Hi."

Napansin ko na nanigas sya sa kanyang kinatatayuan. Di sya makatingin sa akin. Ni hindi nya ako makausap.

"Huy, grabe ka naman. Hi kuya." Inulit ko.

"H-Hello."

"Kilala mo ba ako?"

"H-hindi ako sure."

"Anong pangalan ko?"

"Ite-text ko nalang sa'yo." BOOM. Di naman ako ganun katanga. Strike 2 na yun. Umalis na ako at alam kong wala akong mapapala noon.

After that awkward moment, nagtetext parin kami. Nirationalize nya ang reaction nya sa 'kin. Ganun daw talaga sya sa 'strangers'. Medyo nahurt ako. Grabe, dalawang taon na kami text ng text tapos strangers parin pala kami. Pero nakita ko naman yung point nya. Hindi lahat ng tao ay sociable. At may selected few na tulad nya na talagang.. super unsociable.

Letse, bakit sya pa nagustuhan ko?

Pumunta ako nung graduation march nya. Gusto pa nga nung kaklase ko na sis nya na mag-usap kami during that time. Kasi aalis na sya papuntang Manila. Doon sya magtatrabaho. Neither of us did anything. So umalis nalang sya na di ko na nakausap ulit.

Nagkaroon ng time na medyo nagsawa ako sa kakatext. Pero dun ako nasurprise na una na syang nagtetext sakin. Nakokonsensya ako kasi ang bilis nyang mareply sakin, tapos pag sya nauna, aabot pa ng isang araw bago ako makareply.

Umabot rin sa time na tumigil na kami ng katetext sa isa't isa...kasi nagkaboyfriend ako. Siguro naman better magkaroon ng taong andyan physically kesa naman sa text lang diba?

Pero di nagtagal, nakita kong better pala yung "textmateship" kesa sa relationship..kasi halos wala naman lagi yung naging boyfriend ko. Hindi nagtetext. Minsan lang nagpaparamdam. Di ko nga halos naramdaman, o sadyang manhid rin ako?

Sa totoo lang, daig pa siya ni Bryan.

Kaya ilang linggo matapos kaming nagbreak nung boyfriend ko, naisipan kong mangumusta kay Bryan.

"Hello.. :)"

Di nagdaan ang isang minuto, may natanggap akong text.

"Hi.. Long time.. :)"

Pero kahit ganun. Alam ko. Mas malala pa ako sa 'friendzoned'.

Ako ay 'textmate-zoned'.

 

Hahaha! Sa totoo lang, for fun lang ito. Pero talagang kwento yan ng buhay ko. :))

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet