Chapter 2

Hoshi

Pagdilat ng mga mata ko, pakiramdam ko nakalutang ako sa kawalan. Ang lugar na nasa harap ko, hindi ko maidescribe. Hindi ko maihalintulad sa kahit anong “Wonders of the World” na nakalista. Hindi na rin masakit yung ulo ko. Kinapa ko pa nga pero wala na rin yung dugo.

Naglakad-lakad ako dito sa lugar na ito at napansin ko yung mga bulaklak. Grabe! Ang gaganda ng mga bulaklak dito. Karamihan mga hindi ko alam kung anong pangalan. May mga batang naglalaro at nagkakantahan. Lahat ng mga taong nakakasalubong ko eh pawang mga nakangiti. Yung iba nga bigla-bigla na lang nangyayakap kahit hindi ko kilala.Parang sobrang saya nila masyado. Pero hanggang ngayon, wala pa rin talaga akong ideya kung nasaan ako.

 

Nagpatuloy lang ako sa paglalakad hanggang sa makakita ako ng isang Ale. Siguro mga mahigit kwarenta anyos na rin siya. Nakuha niya ang atensyon ko dahil naiiba siya sa lahat ng mga taong nakikita ko; nakaupo siya sa isang sulok at tila may malungkot at malalim na iniisip. Nun ko lang din napansin na halos lahat ng tao dito ay magkakapareho ng suot – mahaba na kulay puti na nagliliwanag. Nagkakaiba-iba lang sa design. At oo, ganun din ang suot ko.

 

Lumapit ako sa Ale para tanungin ang tungkol sa lugar na ito at kung bakit siya malungkot.

 

            “Ahm, pwede po bang magtanong?”

 

Humarap naman siya sa’kin. Bakas ko pa rin ang kalungkutan sa mga mata niya.

 

            “Ano yun Hija?”

 

            “Nasaan po ako?” Tanong ko habang napakamot sa ulo.

 

Seryoso naman akong sinagot nung Ale,

 

            “Ang lugar na ito ay lugar na lingid sa kaalaman ng kahit sino mang tao. Ang mundo na pinanggalingan mo ay preparasyon para sa mundong ito.”

 

Napaisip ako sa sinabi niya. . .

 

            “Kung ganun nasa langit na po ako?” Biglang sambit ng bibig ko.

 

            “Maaaring ganun na nga. Arf! Arf!” Laking gulat ko nang biglang lumabas ang mga salitang yan sa bibig ng isang aso! OO ASO! At, pamilyar ang asong ‘to sa’kin ah?

 

            “Teka, Georgie? Georgie! Bakit nandito ka? At bakit nakakapagsalita ka?” Si Georgie ay alagang aso ng kapit-bahay naming si Katie.

 

            “Ang mundong ito ay hindi tulad ng mundong pinanggalingan natin. Sa mundong ito, maging ang mga hayop ay may kakayahang magsalita sa pamamaraang naiintindihan ng mga tao.” Nang sabihin yun ni Georgie, nakaramdam ako ng matinding kalungkutan sa tono ng pananalita at mga mata niya. Hindi naman talaga ako mahilig sa mga hayop. Sa totoo lang takot pa nga ako kay Georgie nun. Basta wala akong hilig sa mga hayop. Pero ngayon, alam kong weird pero pakiramdam ko tao lang din yung kausap ko. Ngayon ko nagets yung ipinaglalaban ng mga animal welfare volunteers na “Animals have feelings too.”

 

            “Ang lugar na ito ay nagsisilbing lugar ng tunay na kapahingahan para sa lahat. Sapagkat sa kabilang mundo, puro na lang kaguluhan, problema at mga sistemang bulok. Ang mundong ito ay pangwalang hanggan. Teka, ano nga palang pangalan mo Hija?” Baling sa’kin nung Ale.

 

            “Cassiopeia po. Adhara Cassiopeia po ang tunay kong pangalan pero Pia na lang po para maigsi. Kayo po?”

 

            “Tawagin mo na lang akong Aling Emy.”

 

            “Eh matanong ko lang po Aling Emy, bakit po parang malungkot kayo nung makita ko kayo kanina; Kayo po ni Georgie, kung tulad ito ng sinasabi niyong mundong walang kabulukan at pang walang hanggan?” Tanong ko.

 

            “May mga bagay kaming hindi nagawa sa mundo Arf! Mga bagay na nais naming gawin pero naabutan na kami ng kamatayan at hindi na nabigyan ng pagkakataon pa para baguhin ‘to Arf!” Sagot ni Georgie.

 

Napakunot ako ng noo sa sinabi ni Georgie,

 

            “Bagay na gustong gawin pero hindi nagawa? Ano naman yun Georgie?”

 

            “Kung ako ang tatanungin mo, nalulungkot ako para kay Katie Arf!  Nalaman kong hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang pagkamatay ko Arf! Gusto ko sanang maghanap na siya ng bagong alaga o hindi kaya eh ibang mapagkakaabalahan Arf! Naramdaman ba niyang Arf! Naramdaman ba niyang nagpapasalamat ako at Arf! Napakabuti niyang amo Arf! Napakabuti niyang kaibigan sa’kin Arf!”  Wala namang luha si Georgie. Hindi naman siguro marunong umiyak ang mga hayop diba? Ewan ko lang pero pakiramdam ko umiiyak siya sa sarili niyang pamamaraan. Dogs are man’s best friend nga naman.

 

            “Siguro naman alam niya yun Georgie. Eh kayo po ba Aling Emy?” Umupo ako sa may tabi nila. Bale napapagitnaan nila ako. Hinimas ko yung ulo at likod ni Georgie.

 

            “Ako ba? Ang gusto ko lang naman sanang gawin ay makita at mahagkan si Mara.” Sagot ni Aling Emy.

 

            “Sino po si Mara?” Ewan ko ba. Kadalasan nahihiya ako sa harap ng tao, pero ngayon sadyang puno ng katanungan ang isip ko. Nginitian naman ako ni Aling Emy at nagsimulang magkwento.

 

            “Bata pa ako nun at walang muwang. Umibig sa isang lalaking hindi naman pala ako kayang panindigan. Kaya ayun napilitan akong ipaampon yung anak ko. Tutal wala rin naman akong ideya kung paano siya bubuhayin. Hindi ko alam na ang gabing iyon na pala ang huling pagkakataon na makikita ko siya. Tatlong buwang gulang lang siya nun. Sinubukan ko siyang balikan makalipas ang isang linggo pero may umampon na raw dito. Naghanap ako ng disenteng trabaho, kasabay nun ay ang paghahanap ko sa kanya. Pero sa mahigit labing-siyam na taon kong paghahanap eh wala akong napala. Ang tanging nalaman ko lang ay kung ano ang ipinangalan sa kanya ng mga umampon sa kanya. Mara; Mara Eilleen Perez ang pangalan niya.”

 

Parang may kumurot sa puso ko nang marinig ko ang mga sinabi ni Aling Emy. Narealize kong napakaswerte ko dahil namulat akong buo ang pamilya ko. Ako, si Mama at si Papa. Ang kaso lang namatay yung Mama ko five years ago. Nung mga panahong yun sobrang sakit sa pakiramdam. Halos araw-araw akong umiiyak. Siguro kung wala si Papa at ang mga kaibigan ko, hindi ako makakapag-move on sa sakit. Kung hindi nila ipinilit iparealize sa’kin na nasa mabuting kalagayan ang Mama ko, hanggang ngayon nagmumukmok pa rin ako sa kwarto at hinihintay na umuwi sa bahay ang Mama ko. Paano pa kaya ang nararamdaman nitong si Aling Emy diba?

 

            “Eh teka lang po Aling Emy, may ideya po ba kayo kung nasaan si Mara?” Kahit sa paanong paraan na makakaya ko, basta gusto ko siyang tulungan! Kailangan magkita sila ni Mara!

 

            “May nakapagsabi sa’kin na nakatira daw siya sa Maynila. Kung saan ang eksaktong lugar na tinitirhan niya, hindi ko rin alam. Hindi ko na nalaman pa. Binawian ako ng buhay dalawang taon na ang nakalilipas. Kung mabibigyan lang ako ng isa pang pagkakataon na mabuhay sa mundong iyon, mabalikan ko lang si Mara at mahagkan okay na ako. Maaari na nila akong kunin.” Napapunas ng luha sa mga mata niya si Aling Emy. Tinapik-tapik ko naman ang likod niya.

 

            “Kawawa naman po pala kayo. Sayang naman at hindi nyo na siya nakita pa. Meron po ba kayong litrato niya?” Tanong ko. Napatitig sa’kin si Aling Emy, waring tinitignan kung seryoso ba ako sa mga sinasabi ko.

 

            “Oo meron.” Sagot niya.

 

            “Pwede ko po ba’ng makita?” Napangiti siya sa tanong ko at napailing.

 

            “Paano ko maipapakita sayo? Ang mga bagay na katulad nun ay hindi mo madadala sa mundong ito. Kung paano ka lumabas sa tiyan ng nanay mo, ganun ka rin aalis; Walang bitbit na kahit ano.”

 

Bigla akong napaisip sa sinabi ni Aling Emy. Nakatingin lang ako sa kanya ng may pagtataka. Eto namang si Georgie lalong lumapit at nagtanong,

 

            “Maitanong ko nga pala Ate Pia, Arf! Paano ka namatay? Arf! Arf!”

 

Parang may bombang biglang sumabog sa puso ko. Ngayon lang nag-sink in sa’kin ang lahat ng mga sinabi nila. . .

 

“Kung ganun nasa langit na po ako?”

“Maaaring ganun na nga. Arf! Arf!”

 

“. . . Mga bagay na nais naming gawin pero naabutan na kami ng kamatayan at hindi na nabigyan ng pagkakataon pa para baguhin ‘to Arf!”

 

“. . . Binawian ako ng buhay dalawang taon na ang nakalilipas. . .”

 

Pawang salita ng mga may nais balikan pero hindi na pwede.

 

“Kung ako ang tatanungin mo, nalulungkot ako para kay Katie Arf!  Nalaman kong hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap ang pagkamatay ko Arf! . . .”

 

Narealize kong. . .

 

Dalawang buwan na nga palang patay si Georgie.

 

            “H-ha? N-Namatay? Ako? Patay? H-hindi! T-teka! Ang huling natatandaan ko lang ay sumakay ako ng bus habang nagpapatugtog sa cellphone, tapos biglang parang malalaglag yung bus gawa nung aksidente, tapos nakarinig ako ng ingay ng pagtic-toc ng relo. Tapos – Pero hindi pa ako patay! Hindi pa! Hindi pa pwede! Hindi pa ako pwedeng mamatay!” Napatayo ako sa kinauupuan ko sabay buhos ng luha sa mga mata ko. Naisip ko ang Papa ko, ang best friend kong si Monique, yung mga kaklase kong makulit, naaalala ko ang lahat ng masasaya kong alaala. Naaalala ko yung panahong buhay pa yung Mama ko. Naaalala ko si Rigel, yung lalaking mahal ko. Paano na? Unti-unti akong parang sinasaksak sa puso habang nagdadatingan ang samu’t-saring mga alaala sa utak ko.

 

Patay na ako.

 

Katotohanang nagegets ng utak ko pero ng puso ko hindi. Nang isang napaka-authoritative na boses ang aking narinig. . .

 

 

            “Oo. Hindi ka pa patay. Hindi ka pa maaaring mamatay.”

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet