dahil walang konkretong depinisyon ang pag-ibig.

hindi ko siya mapanatili
Please log in to read the full chapter

 

‘Di alintana ni Irene ang pag-iisa sa kalsada, salamat sa pailaw ng mga kotse at hindi ganoon kadilim ang nilalakaran niya.

 

Singbilis ng paglagpas ng mga kotse ang paglipad ng isip ni Irene sa kung ano-anong mga memorya.




 

"Happy birthday, mahal ko!"

 

Hindi matutumbasan ng cake na nasa harap ni Irene ang tamis ng ngiti ng taong kasama niya. Naiilawan pa mula sa kandila ang mga mata ni Seulgi kaya tila kumikinang ito sa paningin ni Irene.

 

“Make a wish na. Go!” ang taas ng enerhiya ni Seulgi, dahilan para mapangiti si Irene nang sobra-sobra. Sinunod naman ni Irene ang kasintahan at pumikit na para humiling.

 

Wala sanang magbago sa atin, Seulgi. Huwag ka sanang mapapagod sa’tin..

 

“Bakit ‘di mo naman pinaparinig sa akin?” idinilat ni Irene ang mata niya sa pagtatanong ni Seulgi, “Bakit ko naman ipaparinig sa’yo?”

 

“Well,” nagtaas pa ng kilay si Seulgi at pabirong nagyabang, “Binigyan lang naman kita ng chance na humiling sa’kin ng kahit ano! Parang ayaw mo naman. Sayang..”

 

Humagikhik nalang si Irene at pabirong itinulak ang braso ni Seulgi.

 

Sa isip niya, nanalangin siyang diringgin ni Seulgi ang hiling niya kahit hindi niya ito direktang sinabi. Sana tulad ni Irene, takot rin si Seulgi na may magbabago sa kanila. Sana tulad ni Irene, takot rin si Seulgi na mapapagod si Irene sa kanila.

 

Malabo pa naman ‘yon mangyari ‘di ba?



 

“Huy..” tawag ni Seulgi, marahan niyang hinaplos ang likod ng palad ni Irene na nakapatong sa hita niya. Tahimik si Irene ngayon, napansin ni Seulgi. Kahit pa magkatabi sila sa paborito nilang lugar.

 

Isa? Dalawa? Ito na ang panglimang kaarawan ni Irene na kasama si Seulgi. At dito na rin sa plaza ang nakasanayan nilang puntahan para magpalipas ng oras hanggang gumabi. Hawak-hawak ni Seulgi ang isang plastic na may lamang tinapay na binili nila sa paborito rin nilang bakery. Binitawan niya muna ito para akbayan si Irene, para subukang paglapitin ang mga katawan nila. Bumulong si Seulgi, “Sorry, mahal..”

 

Ano bang nakakatuwa sa hangin na dumampi sa balat ni Irene at agad siyang napangiti? Nilingon niya si Seulgi, “Oh? Sorry saan?”

 

“E, nahihiya ako sa’yo. ‘Di tayo nakakagala sa mismong birthday mo, lagi nalang dito sa plaza. Umay ka na, o!”


 

Napahagikhik si Irene sa pagka-sensitibo rin nitong si Seulgi sa katahimikan. Hindi pa ba ito napapagod na marinig ang boses nilang dalawa buong maghapon? Idagdag pa na ilang oras pa silang naglaro sa bahay bago pa lumabas. Hindi ba't halos maubos na nga ang icing sa cake ni Irene dahil napunta na ito sa mukha ni Seulgi, pinagtulungan pa nilang ayusin ang buong bahay matapos nilang guluhin ang mga nananahimik na unan sa sofa, at hindi ba kinailangan talaga nilang lumabas ng bahay dahil malapit na silang katukin ng kapitbahay sa sobrang ingay ng kanilang sigawan, asaran, at tawanan?

 

Napahagikhik ulit si Irene nang maalala ang lahat ng ginawa nila buong araw. Isa? Dalawa? Kahit panglimang taon na ‘to ng ganitong ritwal tuwing kaarawan ni Irene, masaya siya na kasama niya si Seulgi at tila ‘yon ang pinakamahalaga sa lahat.

 

"Uwi nalang kaya tayo sa inyo bukas?" alok ni Seulgi. Sumagot lang ng mahinang "Okay" si Irene bago niya niyakap pabalik si Seulgi.





 

Ito ang dahilan bakit ayaw ni Irene na umuuwi sa bahay ng magulang niya. Ang bibigat ng mga hakbang niya dahil sa lambot ng lupa. Umulan kasi noong umagang iyon. Bumaling ang tingin niya kay Seulgi na gaya ng palagi, nauunang maglakad dahil kabisadong-kabisado na nito ang daan; para bang bahay ni Seulgi ang uuwian at hindi kay Irene.

 

Parang wala man lang pagod na mababakas kay Seulgi. Lalo na nang nilingon ni Seulgi si Irene para ngitian, tumigil pa siya sa paglalakad para magkasabay sila ni Irene.

 

“Malapit na tayo, mahal.”

 

“Alam ko! Lugar kaya namin ‘to!”

 

“Hindi! Naririnig mo na ba ‘yung iyak ng bata?” tumahimik ang magkasintahan sa sinabi ni Seulgi. Hindi kailangan luminga-linga ni Irene para mapansing walang ibang tao sa paligid kundi sila lang ni Seulgi. Nang mapagtanto ni Irene kung anong ibig sabihin ni Seulgi, napahagalpak agad siya sa tawa.. At kalaunan sabay na silang tumatawa habang papalapit sa bahay sa harap nila.

 

“Si Ningning ‘yun for sure!” hula ni Irene. Alam nila ni Seulgi na isa sa mga pamangkin ni Irene yung naririnig nilang umiiyak.

 

“Feeling ko rin! Napakatinis ng boses, e!”

 

Hindi natapos roon ang tawanan dahil nagsilabasan na ang apat pang mga bata, nag-uunahan makalabas sa pinto ng bahay. Sinalubong ni Seulgi ang mga bata at hinayaang lumambitin sa kaniya.

 

Kay Irene, oo, humupa na ang mga halakhak niya at napalitan ng malaking ngiti. Nagbago na pala ang isip niya, gugustuhin niya na atang umuwi nang umuwi rito at makita si Seulgi na may kasamang mga bata.



 

“Inabutan kayo ng ulan?”

 

“Hindi naman po.” Rinig ni Irene na pagsagot ni Seulgi. Magkausap pala si Seulgi at ang ina ni Irene malapit sa pintuan. Natural na malamig lagi ang pakikitungo ng ina ni Irene kahit na kanino, kaya natawa si Irene nang makita niya si Seulgi na halos mamaluktot sa kinatatayuan niya dahil sa hiya. Hindi naman kasi ito ang unang beses na pumunta si Seulgi rito, nakasundo niya na nga ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Irene, sadyang mahirap lang siguro kay Seulgi hulihin ang kiliti ng ilaw ng tahanan.

 

“Kumain na tayo.” muling pananalita ng ina ni Irene ‘saka tumalikod at dumiretso na sa kusina. Si Seulgi naman ay parang natanggalan ng tinik sa dibdib at bumuga ng buntong hininga. Nakita iyon ni Irene kaya muli siyang natawa.



 

Sa tanghaling iyon, pinagsaluhan ng pamilya ang simpleng grasya. Ordinaryo. Tipikal. Tahimik na tanghalian.

 

Hindi pinabayaan ni Seulgi si Irene na para bang bisita siya sa sarili niyang bahay.

 

Pero ang punto roon, si Seulgi kasi ang nagbibigay kay Irene ng pakiramdam na siya'y nasa tahanan at hindi lamang nasa ilalim ng mga bubong.


 

Matapos kumain, magkaroon ng kaunting usapan sa hapag, hindi na muling nakita ni Irene si Seulgi sa loob ng bahay.

 

Marahan niyang ibinaba ang isa sa pamangkin niya galing sa pagkakarga at nilibot bawat silid ng bahay. Inasahan niyang nauna na itong magpahinga sa kwarto niya pero pagpasok niya rito, gamit lang nila ang naroon.

 

“Seulgi! Seulgi, halika rito!” tatay niya iyon. Lumabas agad si Irene sa kwarto at nang mapadaan siya sa kusina, kita na niya mula sa labas ng bintana ang kanina pang hinahanap.

 

Si Seulgi, kasa-kasama ng tatay ni Irene sa kanilang bakuran, tumutulong mamitas sa mga pananim nilang gulay. Nakatali na ang buhok ni Seulgi at nakasuot na ng mas manipis na damit na sa tingin niya ay galing sa damitan ng ama, naka-bota dahil maputik pa rin at naka-pantalon. Hindi na nga niya namalayan na kanina pa pala nariyan si Seulgi sa labas.

 

May itinituro ang ama ni Irene kay Seulgi, at nang makita ni Irene ang pagtawa ni Seulgi, agad rin siyang nahawa rito kahit hindi alam kung anong pinagtatawanan ng kasintahan.

 

Siguro ganoon lang talaga kaganda si Seulgi sa paningin ni Irene, at humahaplos sa puso ni Irene ang tunog ng mga hagikhik ni Seulgi.


 

Patuloy na pinagmasdan ni Irene mula sa bintana ang ginagawa ng kasintahan. Nahihiya pero walang nagawa si Irene kundi aminin sa sarili niya na kinikilig siya sa panonood kay Seulgi. Naiinis siyang ang lapit-lapit lang ni Seulgi sa kaniya pero nakakaramdam pa rin si Irene ng pangungulila sa kaniya. Baliw. Unti-unting napawi ang ngiti ni Irene nang maramdaman niya na tumabi sa kaniya ang ina. Sandali silang nagkatinginan, at walang imik na umalis na si Irene roon.


 

Noong gabing iyon, nauna na si Irene na pumasok sa kwarto niya para magpahinga, pero hindi niya pa balak matulog at hihintayin pa si Seulgi na nasa banyo ngayon at nag-aayos na rin para sa pagtulog. Dahil na rin siguro sa tagal ng panahon na hindi nakauwi si Irene dito sa bahay ng kaniyang magulang at sa pagod galing biyahe, naging madali nalang ang pag-idlip niya sa malinis at malamig na higaan.

 

Maya-maya, nagising si Irene sa tunog ng pagbukas ng pinto. Akala niya si Seulgi na ito.

 

“Ma..”

 

“May kukunin lang ako sa aparador.”

— “Ilang araw kayo ni Seulgi dito?”

 

Gustong sabihin ni Irene na tatlong araw ang gusto ni Seulgi.. Pero siya, mas gusto niyang umuwi na bukas rin ng umaga. Ngunit wala rin namang problema sa kaniya kung masusunod si Seulgi.

 

“Uuwi na rin kami bukas ng gabi, Ma.”

 

“Gabi ang byahe niyo? Bakit ‘di niyo pa ipa-Miyerkules? Alanganin ang gabi, Irene.” natigilan ang anak. Hindi niya alam kung bakit.

 

 

“Mabait si Seulgi, ‘nak.” lalo pang nawalan si Irene ng mga salitang sasabihin. Umupo ang kaniyang ina sa gilid ng kama at nagpatuloy — “Parehas kayo.”

— “Kaya nga nanghihinayang ako, maganda sana kung napunta kayo sa lalaki--”

 

“Ma! Tama na nga 'yan..”

 

“Irene, sayang.. Sayang talaga.”


 

Nagugulat pa rin pala si Irene sa laki ng kaniyang pamilya nang magising siya na nagtitipon ang lahat sa isang mahabang mesa sa kusina. Ang mas ikinagulat niya, si Seulgi na natural na nakikisabay sa mga kapatid niya sa paghahanda ng mga pagkain. Naramdaman ata ni Seulgi ang paninitig ni Irene kaya lumingon ito sa gawi niya, “Good morning!”

 

Lumapit si Irene sa mesa at tahimik na umupo sa tabi ni Seulgi. “Irene! Masarap ang almusal!” banggit ng isa sa mga bayaw ni Irene. Totoo nga, umagang-umaga at marami nang nakahain sa mesa. Tinignan niya muli ang katabi na magiliw na nakikipag-usap sa mga kapatid niya. Talaga palang mas kasundo ni Seulgi ang mga tao dito kesa kay Irene?

 

“Anong gusto mo?” tanong ni Seulgi, at sunod-sunod na nilagyan ng laman ang plato ni Irene. Tahimik lang naman si Irene na tinatanggap ang binibigay ni Seulgi dahil sanay na siyang maalaga ang kasintahan sa hapag kainan.

 

Pero ang iniintindi ni Irene, ay ang mga panaka-nakang pagtingin ng ina niya sa kanilang dalawa ni Seulgi. Abala ang lahat sa sari-sarili nilang mga pagkain at ang ina ni Irene ang bukod tanging nanonood sa mga galaw ni Seulgi.

 

“Seulgi, hija..” salita ng ina ni Irene. “Kumain ka na. Hayaan mo na si Irene.” sumunod naman agad si Seulgi. Alam na alam ni Irene kapag tunay ang isang ngiti o pinilit, iniwas niya agad ang tingin niya sa ina dahil halatang halata ang pamemeke nito.

 

Naalala na naman ni Irene ang sinabi ng ina niya sa kaniya kagabi at ‘di niya maiwasan na muling mainis. Nawala agad ang iginanda ng umaga para sa kaniya.



 

Yamot ang itsura ni Seulgi habang binibitbit ang mga gamit nilang dalawa ni Irene. Paano ba naman kasi, hindi man lang nasabi agad ni Irene na kailangan pala nila umuwi agad dahil sa trabaho, e, akala niya naman libre si Irene sa tatlong araw para manatili dito sa bahay nila.

 

“Paalam ka na, nandyan na ‘yung tricycle.”

 

Nanatili lang si Irene na hinahagod ang braso ni Seulgi na naiinis pa rin sa biglaan nilang pag-uwi.

 

—”Mahal kasi, magtatampo mama ‘tsaka papa mo niyan, e. Minsan ka na nga lang umuwi rito.”

 

Si Seulgi nga naman, oo.. Alam na alam na pati kung anong ayaw at gusto ng pamilya ni Irene.


 

Pagsakay ng dalawa sa bus ay halos punuan na. Maswerte pa na nakaupo sa bandang dulo. Tinulungan ni Irene si Seulgi na ayusin ang mga gamit nila at sabay silang umupo. “Thank you..” sambit ni Seulgi nang maging komportable siya sa pwesto niya. Tinignan lamang siya ni Irene kaya nagsalita muli si Seulgi, “Thank you, Ganda..”

 

Natawa naman si Irene dahil ibig sabihin lang no’n ay hindi na naiinis si Seulgi sa kaniya. Baka nga nagkunwari lang si Seulgi kanina.

 

Dalawang oras sa byahe ay hindi man lang dinadalaw ng antok si Irene. Ni ang tanawin sa labas na nadadaanan nila ay hindi man lang makatulong sa kaniya— ang dami dami pa ring tumatakbo sa isip ni Irene.

 

Hindi basta-basta maialis ni Irene sa isip niya ‘yung eksena kanina nang magpaalam siya sa pamilya niya na babalik na silang Maynila.

 

Bakas na bakas ang pagkadismaya sa mukha nila. At hindi nawala ang panghuhusga.

 

“Bilis niyo namang umuwi, Irene! Isang gabi lang talaga?”

— “Siyempre atat na ‘yan bumalik ng Maynila! Prinsesa siya doon kay Seulgi, e!”

 

Hindi rin basta makakaligtaan ni Irene na iba ang pakitungo ng pamilya niya sa kaniya kapag nandiyan si Seulgi at kapag wala ito.

 

Alam ni Irene na hindi pa rin sanay ang pamilya niya makita si Seulgi. Alam ni Irene na may hinihintay ang pamilya niya na mangyaring hindi maganda. Pero naghihintay rin umaasa si Irene na sa limang taon na magkasama sila ni Seulgi, sana man lang nakita na ng pamilya niya na naibibigay naman ni Seulgi ang lahat ng magagandang bagay na pwedeng makuha ni Irene sa buong buhay niya.

 

Naputol ang malalim na pag-iisip ni Irene nang maramdaman niya ang paggalaw ng katabi niya, nagising pala si Seulgi.

 

“Tulog ka, mahal.. Mahaba pa byahe natin.” nakapikit pa si Seulgi nang sabihin niya iyon kay Irene, humagikhik ang babae at sinunod nalang si Seulgi, isinandal niya ang ulo niya sa balikat ng katabi at sinubukang tapusin na kung saan huling natapos ang pag-aalala niya.

 

Mahaba pa biyahe natin.





 

Nag-aayos na ng kaniyang hihigaan si Irene nang biglang tumunog ang telepono niya.

 

“Hi, Tita Irene!” sinalubong siya ng isang batang babae sa screen. Napangiti naman agad si Irene at muling nagsalita ang bata,

 

“Tita Seulgi is here!”

— “Huy! Who’s that?” nabosesan ni Irene na si Seulgi ang nagsalita na iyon. At hindi naman siya nagkamali dahil nagpakita na rin ang kasintahan sa screen.

 

“Tinawagan ako ng pamangkin mo..” paliwanag ni Irene kay Seulgi. Natawa naman silang dalawa.

 

“Oo nga, sabi ko sa kaniya kakausapin ka namin, e. Nag-ayos lang ako ng mga damit ko, hawak niya na phone ko.”

 

Nang makabalik sila galing ng probinsiya, dumiretso na si Seulgi pauwi naman sa bahay nila. Hindi pa rin naman kasi nakatira si Seulgi sa bahay ni Irene, at may sasamahang team building si Seulgi kaya minabuti nitong umuwi muna sa kanila.

 

Ibig sabihin, mag-isa si Irene sa bahay niya, pero kahit ganoon ay hindi naman nakakalimot si Seulgi na tumawag bago matulog si Irene o ‘di kaya naman ay may libreng oras.

 

“Mama! Si Irene!” itinaas ni Seulgi ang telepono niya at kita na ni Irene halos ang kabuuan ng silid, nakita ni Irene ang mga miyembro ng pamilya ni Seulgi na agad ngumiti nang makita siya sa screen. Unang lumapit ang ina ni Seulgi na sabik na sabik na bumati,

 

“Irene, ‘nak, may bago akong luto! Gusto namin sana matikman mo muna bago ilagay sa menu ni Ate Yuri mo..” gumawa pa ng malungkot na ekspresyon ang ina ni Seulgi pagtapos niyang magsalita kaya naman natawa si Irene. Si Seulgi naman ang humirit, “Sabi ko sa’yo, e! Dapat sumama ka na sa’kin dito!”

 

Sunod na itinapat ni Seulgi ang camera sa kaniyang ama, lumingon ito at kumaway kay Irene, “Belated happy birthday, ‘nak!”

 

Ngiting-ngiti naman si Irene dahil naalala nila ang kaarawan niya at napakabait talaga ng mga magulang ni Seulgi. Sana nga talaga ay sumama na rin siya kay Seulgi.



 

Mabilis lang na lumipas ang dalawang araw kahit nasa magkaibang lugar si Irene at Seulgi. Hindi naman kasi nila pinalalampas ang bawat pagkakataon para makapag-usap sila. Kahit hindi naman mahalaga at simpleng kumustahan lang ay ayos na para sa isang araw.

 

“Mahal, look! Ito yung team ko!” saglit na tumigil si Irene sa paghihiwa ng gulay para tignan ang screen niya, agad niyang hinanap ang mukha ni Seulgi sa litrato.

 

“Sino ‘yung nakayakap sa likod mo?”

 

“Huh? Saan?” kunot-noong tinignan rin ni Seulgi ang litrato. ‘Kita ni Irene na mabilis na lumiwanag ang ekspresyon ni Seulgi at natawa, “Bagong salta namin ‘yan!”

 

“Oh? Ka-close mo kaagad, ah..” lalong natawa si Seulgi sa tono ni Irene na tila nanunubok

 

“Oo, talaga!”

 

“Talaga lang, ha?” magandang pagkakataon sana ito para mang-asar si Seulgi pero seryoso talaga ang itsura ni Irene, baka mauwi pa sa away. Tumawa nalang ulit siya at nagpaliwanag,

 

“Ito naman, sobrang seryoso! Kuwento ko sa’yo ‘yung love story nila ng gf niya!”

 

Napukaw ang atensyon ni Irene at ilang saglit lang, hindi niya na rin mapigilan ang matawa. Kanina lang ay handa na siyang sungitan si Seulgi pero wala naman palang silbi ‘yun kung sakali. “Huy! Bakit ang chismosa mo?”

 

“May permission ako to tell it to you! Promise, Irene, sobrang nakakatawa story nila!”

 

Nagtuloy-tuloy na ang tawanan ng magkasintahan at buong gabi ay nagkukwentuhan lang sila. Kahit sa hapunan ni Irene ay pinakikinggan niya lang si Seulgi sa kabilang linya. At sa pagtulog ni Irene, baon niya ang huling binanggit ni Seulgi, “Uuwi na rin ako diyan..”




 

“Sorry! Sorry po..” siguro ay ito na ang pang-limampung beses na nakabangga si Irene ng mga nakakasalubong niya at napipilitan siyang humingi ng pasensya. Pero walang makakasisi kay Irene, kung init lang rin ng ulo, baka magpakumbaba pa ang lahat ng taong nabangga ni Irene ngayon sa kaniya.

 

Hindi maganda ang araw ni Irene ngayon sa trabaho. Kailan nga ba naging maganda ang araw niya sa pinagtiyatiyagaan niyang trabaho? Pero iyon nga, kaya halos kaladkarin ni Irene ang paa niya makauwi lang agad sa bahay niya at makapagpahinga.

 

Pagbaba ni Irene ng sasakyan ay mas mabagal na ang paglalakad niya kumpara kanina. Napansin niya kasing narito na siya sa plaza, at saktong nagpapalit kulay na rin ang langit.

 

Tinanaw ni Irene ang liblib na pwesto kung saan sila ni Seulgi laging nakaupo. Walang nakaupo roon, pero imbes na puntahan ito ni Irene, naglakad siya sa kabilang banda ng plaza at pumwesto sa ibang bangko— kung saan mas kita niya ang maraming tao, mga sasakyan, at mas presko nga naman sa napili niyang pwesto.

 

Nilibang nalang ni Irene ang sarili niya sa panonood sa mga naglalarong bata. Pinilit niya nalang alisin sa isip ‘yung mga eksena sa opisina; sanay naman na si Irene at isa lang ‘to sa mga araw na nangangarap siyang nasa mas magandang trabaho siya.

 

Huling oras bago ang takipsilim ay nakaramdam na ng gutom si Irene pero hindi niya pa gustong umuwi. ‘Saka naman niya napansin sa kaniyang likuran ang bakery na paborito nila ni Seulgi na pagbilhan; ang kaso, tulad ng kahit anong araw, marami na namang tao ang nakapila rito. Kaya pumunta na lamang si Irene sa isang convenience store kahit nasa dulo pa ito ng plaza.

 

Bumili siya sa Mister Donut, minsan niya lang itong gawin pero nang matikman niya ang binili niya, napangiti siya dahil sulit naman ang ginastos niya. Iba talaga kapag pagkain ang pinambawi sa sama ng loob. Bago bumalik si Irene sa kaninang inuupuan niya ay pumasok muli siya sa tindahan para bumili ng timpladong kape. Nilubos-lubos niya na ang pagkakataong ito na pagaanin ang pakiramdam niya pagtapos mapagod sa trabaho.

 

Matatapos na si Irene sa pagkain niya nang may lumapit sa kaniya na babae. “Uy, Irene!” namumukhaan ito ni Irene bilang batchmate niya pero nagtagal pa bago niya maalala ang pangalan nito.

 

“Uy, Irene, long time!” may kasama palang lalaki ito. Ngumiti lang naman si Irene at hindi alam kung paano sila sisimulang kausapin. Bumaling muli si Irene sa babae na ipinakilala ang kasama niyang lalaki bilang asawa niya. Nang malaman iyon ni Irene ay napansin niya ang bata na nasa stroller, ‘saka siya nakapagsalita,

 

“Ah! Anak niyo?”

 

Maluwang na ngumiti lang ang babae at tumango, nahawa naman si Irene sa pagngiti at tinanaw pa nang mas malapit ang batang kasama. Ito lang ang kayang gawin ni Irene sa ngayon, hirap niya pa rin maalala nang malinaw kung sino ba sila.

 

“O, ano! Kumusta ka na ba?”

 

“Ayos lang naman.. Kayo? Gabi na kayo mamasyal, ah.. Mahahamugan ‘yung bata.” muli, ang bata lang kayang pansinin ni Irene.

 

“Oo nga, napadaan lang kami rito tapos ayan napansin kita mag-isa ka diyan!” tipid na ngumiti si Irene at nag-iisip kung paano patatakbuhin ang usapan. Natulungan naman siya nang sumabat ang lalaki,

 

“Uy! Kayo pa rin ni Kang, ah!” tinutukoy nito si Seulgi. Tila nasurpresa naman ang babae kaya bahagyang napahagikhik si Irene. At paano naman nalaman nitong lalaki na ‘to na sila pa rin ni Seulgi?

 

“Taga diyan lang kami sa kanto.. Lagi ko kayo nakikita ni Kang dito sa plaza, e!”

 

“Totoo ba? Ilang years na kayo?” interesadong interesado naman itong babae at tila ba nakakagulat na malamang magkasama pa rin si Irene at Seulgi. “Oo.. limang taon”

 

“Ayos, ah.. Ang tiyaga rin talaga nun ni Kang, e!” ngisi ng lalaki. Hula ni Irene ay kilala na sila ng lalaking ito noong magkaibigan palang sila ni Seulgi.

 

Lalong nabakas ang pagkamangha sa mukha ng babae at nagwika, “Huy! Limang taon? Kami nga tatlong taon lang, kinasal na!”

 

Napaismid si Irene. Heto na naman siya sa mga pangingialam sa mga desisyon nila sa buhay. Bakit ba? Ano bang mali.. O kakaiba kapag inaabot ng limang taon ang isang relasyon nang hindi kinakasal?

 

Kahit kailan, sa tanang pagsasama nila ni Seulgi, hindi pa sumasagi sa isip niya ang kasal. O kahit ni isang beses, hindi rin naman nila napag-uusapang dalawa ‘yon.

 

Hindi alam ni Irene, pero kinilabutan siya kapag naririnig niya ang salitang ‘yon.

“Ayoko..”

 

Nagulat ata ang mga kausap ni Irene sa isinagot niya kaya agad niya itong klinaro, “Ah.. kasi ayoko pa muna..”

 

Mukhang naunawaan naman nila si Irene at tumango.. Pero mapapansin pa rin ang gulat sa kanila. “Sabagay.. Bata pa naman din kayo.”

 

Ngumiti si Irene at tumayo na, “Mauna na ako, may pupuntahan pa kasi ako.. Si baby rin iuwi niyo na, gabi na, e.” kanina pa ihinanda ni Irene sa isip niya ang pamamaalam niyang ‘yan. Mukhang epektibo naman dahil hindi na rin nangulit ang mag-asawa at nagpaalam na rin kay Irene.

 

Muli, napabuntong hininga si Irene. Buong akala niya ay matatapos na siya sa mga iniisip niya ngayong araw, hindi pa rin pala.



 

Alas syete nang makauwi si Irene sa bahay niya. Una niyang pinuntahan ang kusina at wala sa wisyong naghanap ng makakain para sa hapunan. Wala siyang nakita.. Wala naman kasi siyang niluto, o kahit natirang pagkain.

 

Alas syete y medya nang makatulog si Irene sa higaan niya. Hindi man lang nagbihis ng pambahay. Basta lang isinalampak ang katawan sa malambot na kama at hinayaan na ang pagod na patulugin siya.

 

Alas otso nang magising si Irene. May kumakatok sa pinto ng bahay. Hindi niya na naisip kung sino ba ang darating sa ganitong oras ng gabi at pinangunahan siya ng irita dahil sa naantala niyang tulog.

 

Kunot-noong pinagbuksan ni Irene kung sino man ito, at bumungad sa kaniya ang nakangiti agad na si Seulgi. “Hi. I’m home!”

 

Inabot man ng ilang sandali ay napangiti na rin si Irene at naibsan na rin ang init ng ulo kahit papaano. Nakuha niya pang magbiro habang katitigan niya si Seulgi, “Hello… home.”

 

At hindi na sila mga bata, hindi na nila kailangan pang tumalon sa tuwa o sumigaw para malaman nilang sabik na sabik sila sa isa’t isa. Binaba ni Seulgi ang mga dala niyang gamit para mayakap na si Irene, at sinuklian naman ito ni Irene nang mas mahigpit na yapos.

 

Kumalas sila sa yakap at kusang tinulungan na ni Irene si Seulgi sa pagpasok ng kaniyang mga gamit.

 

Atsaka lamang napagtanto ni Irene kung gaano katahimik ang bahay niya kapag siya lang ang umuuwi ngayong naririnig niya na naman ang boses ng kasintahan,

 

“Mahal! Kakauwi mo lang ba?”

— “Bakit ‘di ka pa nakabihis?”

— “Nakatulog ka ba? Sorry, nagising ata kita!”

— “Kumain ka na ba? Ano gusto mo dinner natin?”

 

Nanatiling tahimik si Irene na nakatayo sa tabi ng pintuan, walang gustong sagutin sa sunod-sunod na pagtatanong ni Seulgi. Pinanood niya lang na mag-ikot sa bahay si Seulgi at muling bumalik sa harap niya para halikan siya.

 

Isang malambot at mabilis na dampi lang sa labi, at “I missed you, Irene..”, hindi na naman magkamayaw ang damdamin ni Irene.

 

Nasa kwarto si Seulgi para makapagbihis ng pambahay niya at si Irene ay nasa kusina para kalikutin ang mga dala ni Seulgi. Iba-ibang gulay ang dala nito.

 

“Magluluto ka ba?” bungad ni Irene paglabas ni Seulgi. Nagkatitigan ang magkasintahan. Ngayon lang pinag-iisipan ni Seulgi kung magluluto nga ba siya. At si Irene, hindi na umasa dahil alam naman niyang pagod na si Seulgi. Gayunpaman, natawa nalang sila pareho nang sabihin ni Seulgi na, “Pa-deliver nalang!”

 

Alam agad ni Irene ang kasunod nito, matatapos nalang ang araw sa kwentuhan at kulitan para bumawi sa mga araw na hindi sila magkasama. At iyon na nga, nawala panandali sa isip ni Irene ang sama ng araw niya dahil alam niyang hindi na ulit siya mag-isang matutulog ngayong gabi.


 

Pero mali yata si Irene dahil,

 

Alas tres ng madaling araw, gising na gising pa rin siya; kabaligtaran kay Seulgi na mahimbing ang tulog at nakayakap kay Irene. Hindi na naman siya pinapatulog ng utak niya, malayo na naman ang nararating ng pag-iisip niya.

 

Pero iba ngayon, halo-halo na ang nararamdaman ni Irene. Kaya dahan-dahan niyang tinanggal ang braso ni Seulgi sa kaniya at diretsong lumabas ng kwarto. Pakiramdam ni Irene ay hindi siya nakakahinga nang maayos sa yakap ni Seulgi. Hindi siya makahinga nang maayos dahil malapit si Seulgi.

 

Kanina, habang magkatabi sila ni Seulgi na nanonood ng pelikula, nabanggit ni Irene ang tungkol sa kasal. Iningatan ito ni Irene na baka iwasan ni Seulgi ang usapan pero ikinagulat niya nang makita ang reaksyon ni Seulgi.

 

Ni hindi nga direktang tinanong ni Irene si Seulgi ng mga tanong na tulad na “Gusto mo ba?”, “Kailan tayo pwede?”, “Ako ba?” dahil sa tingin ni Irene ay hindi iyon ang mga tamang tanong. Simpleng palitan lang ng mga opinyon at nalalaman ang pinag-usapan nila. Palitan ng mga ideya “kung saka-sakaling” sila naman ang ikakasal.

 

Pero kahit na, tuwang tuwa pa rin si Seulgi. Bakas na bakas sa mukha ni Seulgi na gusto niya ang ideya ng pagpapakasal. Wala mang ibang sinabi si Seulgi (na parehas ring nag-iingat), halata naman sa mata niya na interesado siyang dalhin doon ang relasyon nila ni Irene.



 

At ito ang dahilan bakit narito na naman si Irene sa kalsada. Dala ang ilan sa mga gamit niya. Naglalakad nang walang patutunguhan, bahala na kung saan siya dalhin ng mga paa niya.

 

Biglaan, oo, pero ito ang kailangan niya sa ngayon. ‘Yan ang nasa isip niya. Pakiramdam niya masyado siyang nababagabag sa maliit na bagay tulad ng pag-uusap nila ni Seulgi tungkol sa kasal, at hindi niya alam kung paano pipigilin ang nararamdaman niya.

 

Singbilis ng paglagpas ng mga kotse ang tulak ng damdamin ni Irene.

 

Dahil nakita ni Irene ang tuwa kay Seulgi, naisip niya na baka ito na ang gusto ni Seulgi. At dahil kilala niya si Seulgi na mapagparaya, hinihintay lang siguro ni Seulgi na si Irene ang magbukas ng usapang iyon.

 

Limang taon na sila, oo, at marami talaga sigurong mag-iisip na bakit nga ba hindi pa sila magpakasal?

 

Si Irene nalang naman rin ang nakikita ni Seulgi at ganoon rin naman si Irene kay Seulgi, ano pa nga bang pagdududahan?

 

Pero hindi sapat ang lahat ng ‘to kay Irene. At kung tanungin man siya kung handa na ang puso’t isip niya kay Seulgi, isang matigas na HINDI ang agad niyang isasagot.

 

Please log in to read the full chapter

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
CubieX28 #1
Chapter 1: Mapanakit jusko. Peor ang ganda authornim salamat!
seulreneislife11
279 streak #2
Chapter 1: Aaaaawwwwwww my SeulRene heart 💔💔💔 ☹️☹️☹️☹️
2014605911
#3
Chapter 1: 😖🤦‍♀️ 10 years down the drain.
Seulgi was done dirty. Sana naglakas loob nalang si Irene na makausap si Seulgi ng masinsinan para nailahad niya sana yung mga agam-agam at halu-halo niyang nararamadam imbes na pahabain pa ang lahat. Given na ligtas daw siya kay Seulgi, sana naisip man lang niya na hindi naman kundisyunal ang pagmamahal ni Seulgi at makininig yun sa kanya gaano man kasakit o kasaya ang imumungkahi niya. Sa huli, ginawa lang din niya talagang tanga si Seulgi. Nasira din lahat sa huli dahil sa kakaisip ng mga bagay at hindi pagbigay ng angkop na acknowledgement kay Seulgi. Seulgi didn't deserve that kind of treatment. Kung magka sequel man ito at mapagtanto ni Irene na minahal AT mahal niya pala si Seulgi, then appropriate lang na magbigay patunay siya at maglahad ng tamang effort para sa kanya.
jaangwaang
905 streak #4
Chapter 1: mapanaaakitt. wala bang sequel otor-nim? 😭 Thank you sa story nato 💖