final

Six Degrees of Separation

Sabi nila, wala nang mas sasakit pa kesa sa unang bitak.

Babaguhin daw nito ang buong pagkatao mo; ang pananaw mo sa ibang tao, sa mundo, pati sa sarili mo. Hindi mo raw makikilala ang sarili mo sa salamin dahil hindi ka na sanay humarap dito nang wala ang isa sa tabi mo.

Hindi ka raw nito patutulugin sa gabi kakaisip kung saan ka ba nagkamali. Kung ikaw ba ang nagkamali. Kung saan nagkulang. Kung saan ka nagkulang. Madadala mo raw hanggang panaginip ang pagkabalisa sa kawalan ng sagot sa lahat ng bakit. 

Hindi naniniwala si Chanyeol sa lahat ng ‘yan, dahil noong araw na naghiwalay sila ni Baekhyun, wala siyang naramdaman.

“Itigil na muna natin ‘to, Yeol.”

Walang kirot na dala ang mga salitang tumapos sa mundong kinasanayan na niya noong nakawala na ito mula sa mga labi ni Baekhyun. Kinabahan pa nga siya noon, dahil habang humahagulgol na si Baekhyun sa harapan niya, hinahanap niya pa rin ang sakit na magpapaluha rin sa kanya.

Ngunit ang tanging sakit lamang na naramdaman niya ay ang paghampas ni Baekhyun sa dibdib niya noong araw na ‘yon.

“Ano, Chanyeol? Wala ka man lang bang reaksyon?”  

Tandang tanda niya pa ang pagdiin ng kuko ni Baekhyun sa dibdib niya nang lukutin nito ang damit sa kanyang kamao. 

“Tangina, hinihintay mo na lang ba akong tapusin ‘to?”

Tandang tanda niya pa ang itsura ni Baekhyun na basang basa ng luha ang mukha at galit na galit ang mga mata.

“Minahal mo ba talaga ako? Kahit konti? Ipakita mo naman kahit huling beses na lang, oh?”

Tandang tanda niya pa na hindi pagbitak ang una niyang naramdaman sa puso niya kundi paglamat—’yan lang ang maitatawag ni Chanyeol sa naramdaman niya noong narinig niya ang pangungwestyon sa kanya ni Baekhyun kung minahal ba niya talaga ito.

Hindi bitak. Hindi pagwasak. Dahil wala itong kirot na dinala. Hindi niya naramdaman na parang pinupunit ang puso niya sa dalawa. Wala siyang naramdamang sakit gaya ng sinasabi ng iba noong araw na ‘yon datapwat merong bumagabag sa kasulok-sulukan ng isip niya.

Iyon ang unang lamat na iniwan ni Baekhyun sa puso niya pero alam ni Chanyeol na hindi ito dahil sa iiwan na siya ng isa.

Sabi nila, ang sakit ng unang bitak ang pinakatatatak sa ‘yo sa oras na iwan ka ng taong minahal mo nang buong puso.

Iba ang kay Chanyeol. Lamat na dala ng pagkanulo ang nakuha niya mula kay Baekhyun noong araw na ‘yon.

Pakiramdam niya ay matagal na siyang tinalikuran ni Baekhyun bago pa siya iwan nito nang marinig niya ang tanong na ‘yon. Pakiramdam niya ay hindi na niya alam kung iilan lamang ba sa mga kilos niya ang pinaniwalaan ni Baekhyun na totoo.

Para siyang ninakawan noong oras na ‘yon. Hindi ng mga oras na bukal sa loob niyang iginugol sa limang taong kasama niya si Baekhyun ang tinutukoy niya, kundi—

Hindi niya rin alam.

Hindi nalaman ni Chanyeol ang dahilan at sa tingin niya ay may mga katanungan talagang hindi mabibigyan ng kasagutan dahil baka wala naman talaga itong sagot sa umpisa pa lamang ngunit hindi maiwasan ni Chanyeol na maramdaman ‘yon.

Dahil wala naman siyang ibang naramdaman noong oras na ‘yon kundi ‘yon. Isa lang naman ang naging tanong niya; gusto lang naman niyang malaman kung ano ba itong nararamdaman niya.

Ngunit bakit pati ang sagot sa nagiisang tanong na ‘yon, ipinagdamot pa sa kanya?

Pinagkaitan at ninakawan—dalawang bagay na wala sa sinabi sa kanya ng mga tao na mararamdaman niya sa oras na kailanganin niyang bitawan ang kamay ni Baekhyun.

‘Yun ba? ‘Yun ba ang sagot?

‘Yun ba ang ninakaw at pinagdamot sa kanya sa isang iglap?

Ang pagkahawak sa kamay ni Baekhyun ba ang sagot na siyang hinahanap?

Hindi niya rin alam. Marami siyang bagay na hindi alam. Umabot siya sa puntong sinimulan na rin niyang kwestyunin ang sarili kung minahal niya ba talaga si Baekhyun dahil hindi na rin siya sigurado sa sarili niya.

Dahil kung kaakibat ng sakit ang pagmamahal, bakit hindi nakaramdam ng sakit si Chanyeol noong nawala na sa kanya ang nagiisang taong minahal niya nang lubos?

Natakot si Chanyeol. Natakot siya na baka tama si Baekhyun. Natakot siya na baka hindi niya talaga minahal ang isa. Natakot siya na baka walang totoo sa naramdaman niya sa limang taon na naging sila.

Pinilit ni Chanyeol maramdaman ang sakit.

Hindi niya tinapon lahat ng gamit na hindi kinuha ni Baekhyun sa apartment na dating pinaghahatian nila.

Sa tuwing titignan niya ang sarili sa salamin ng banyo sa umaga, makikita niya ang dalawang pares ng sipilyo na magkatabi sa may gilid ng lababo. Makikita niya rin ang dalawang pares ng labaha sa tabi nito. Makikita niya rin ang dalawang pares ng tuwalya na magkatabi sa sampayan.

Sa bawat titingin si Chanyeol sa salamin, makikita niyang minsan ay naging kahati ng buhay niya si Baekhyun.

Kapag kakain siya sa tanghali, dalawang plato, dalawang baso, at dalawang pares ng kubyertos ang ilalapag niya sa hapagkainan. Pandalawang tao rin ang iluluto at isasaing niya. Dalawa rin ang binibili niyang pagkain sa labas kapag tinatamad na siyang pagsilbihan ang sarili.

Sa tuwing pumupunta si Chanyeol sa kusina, makikita niya ang tasa na may hugis ng kalahating puso na ang kapares ay binawi na ng taong nagmamayari rin ng kalahati ng puso niya.

Bago matulog, hindi niya kinukuha ang unan ni Baekhyun upang yakapin ito. Bagkus ay inaayos niya pa ito sa tabi ng kanya dahil baka maisipan ni Baekhyun umuwi sa kanya sa gabi at matulog sa tabi niya gaya ng dati.

Matutulog si Chanyeol tuwing gabi na magaabang sa presensya ni Baekhyun at gigising siya sa umagang hinahanap pa rin ito.

Inabot siya nang isang buwan bago makuha ang bagay na inaasam: ang sakit na dulot ng pagkawala ni Baekhyun.

Tsaka niya lamang napagtanto na wala palang mas sasakit pa sa pusong naiwang duguan.


 

 

***

 


 

Lumipas ang isang buwan, at parang inisahang bagsak lahat ng sakit na dapat ay unti-unting naramdaman ni Chanyeol noong mga unang araw ng pagtanggap na wala na si Baekhyun sa piling niya.

Binalaan siya ng marami sa sakit ng unang pagbitak, ngunit bakit walang nagsabi sa kanya na magtutuloy-tuloy ang linyang dadaloy kalawat-kanan sa puso niya hanggang sa masira siya nito?

Sa ikalawang buwan unang pumatak ang luha ni Chanyeol.

Ah, naipakilala na naman siya ni Baekhyun sa isang bagong mundo: ngayon lamang siya nakaranas ng sakit na parang lalamunin ka nang buo.

Mas naunang naramdaman ni Chanyeol ang sakit sa katawan niya kesa sa puso niya.

Ang mga naiwang gamit ni Baekhyun na sadya niyang ibinalandra sa bawat sulok ng tahanan upang ang mga ito ang sasalubong sa kanya sa pag-uwi ay bigla na lamang naging masakit sa paningin.

Nagising na lamang si Chanyeol isang araw sa loob ng dalawang buwan na ‘yon na may kirot sa dibdib dahil wala na siyang nakakapang Baekhyun sa tabi niya at hindi na nawala ang kirot na ‘yon mula non.

Madalas, hindi niya ito namamalayan sa trabaho, lalo na kapag maingay ang mga tao sa opisina at dinadaldal siya ng mga kasamahan niya. Ngunit bigla na lamang itong susulpot sa tuwing wala siyang matatanggap na text sa tanghali kung kumain na ba siya o sa hapon para magtanong kung pauwi na ba siya.

Minsan, mas malala ang higpit sa dibdib niya kapag natatanggap na niya ang sweldo sa kinsenas at katapusan dahil maaalala niyang ang isa sa mga ‘yon ay dumidiretso sa savings account na para sana ay sa kasal nila.

Tama. ‘Yun pa pala ang isa pang nanakaw kay Chanyeol na hindi niya naisip noong araw na naghiwalay sila.

Ang naghihintay sanang habambuhay kasama si Baekhyun.

Muling nagbabalik ang hapdi.

Imbes na sa pagkawala ng presensya ni Baekhyun masanay, dito nasasanay si Chanyeol: sa hapdi na magmumula muna sa sikmura niya, katapos ay dahan-dahang aakyat sa dibdib niya na para bang natatandaan nito ang paghampas ng kamao ni Baekhyun sa kanya, at babalot ang kirot sa panga niya hanggang mamalagi ito sa mga tenga niya.

Walang nakapagsabi kay Chanyeol na mukhang ikamamatay mo pala talaga ang pagiging sawi.

Nang makalahati ang ikalawang buwan, sinimulan na niyang hanapin si Baekhyun na may kasamang kilos.

Sinubukan na niyang tadtarin ng text si Baekhyun. Mula sa simpleng kumusta na? hanggang sa kalaunan ay naging kumusta ang araw mo ngayon? na dahil inaraw araw na niya ang pangungulit kahit na ni isang beses ay hindi siya nakakuha ng reply.

Mula sa good morning hanggang sa sana katabi kita ngayong gabi , mula sa hindi mo na ba talaga ako mahal ? hanggang sa ikaw pa rin ang gusto kong kasama tumanda , sinimulan nang sabihin ni Chanyeol ang lahat ng dapat niyang sinabi kay Baekhyun nung hindi pa siya nawawala sa kanya.

Kahit na nalaman niyang nakablock pala ang number niya kay Baekhyun noong isang gabing lasing siya at hindi pumapasok ang tawag niya sa isa, hindi pa rin tinigil ang pagtatad ng text sa kanya.

Wala namang masama sa nagbabaka-sakali, ‘di ba? Lalo na kung siya lang naman ang malulugi.

Hindi naman siguro masamang naising mahagkan ang isang taong minsan ay naging sa ‘yo.

Wala naman sigurong masamang nandoon ka pa sa pwesto kung saan natapos ang lahat.

(Hindi naman sigurong masamang ikaw na lang ang nahuhuli kahit na nakausad na ang isa.)

At sa huling gabi ng ikalawang buwan, may napatunayang mali na naman si Chanyeol sa mga sinabi sa kanya ng iba noon.

Para kay Chanyeol, hindi totoong babaguhin ng sakit ang pagkatao mo. Sa tingin niya, inilalabas lamang ng sakit ang tunay na ikaw. Ipinapakita lamang ng sakit na nararamdaman mo kung paano ka kikilos at poprotektahan ang sarili mo.

Para sa kanya, inilalabas niya lamang sa ‘yo ang mga bagay na hindi mo inakalang meron ka, maganda man o mabuti, nakakasira man o nakabubuti. Dito mo malalaman kung gaano ka kahanda magmahal—kung gaano kalaki ang pagmamahal na naipon sa loob mo na handa mong ibahagi sa iba kahit maubusan ka pa.

Hindi rin totoo na hindi ka makakatulog sa gabi kakaisip; hindi para kay Chanyeol. Dahil hindi na lang niya namamalayan na nakatulog na pala siya kakaiyak. 

Dahil wala siyang ibang ginawa kundi takasan ang katotohanang wala na si Baekhyun sa kanya at itulog na lang lahat at hilingin na hindi na lamang sana siya magising kesa datnan ang umagang kay sakit.

Sa huling gabi ng ikalawang buwan, hindi ikinamatay ni Chanyeol ang sakit nitong pighati gaya ng pagkakasabi ng iba, ngunit may parteng namatay sa kanya na si Baekhyun lamang ang makakapagbalik.

Hindi na niya alam kung paano ngumiti nang hindi si Baekhyun ang dahilan kaya ngayong puro pagtangis na lamang ang dala ng alaala ng isa, hindi na alam ni Chanyeol kung saan siya papunta.


 

 

***

 


 

Dumating ang ikatlong buwan, at sa bilis ng kanyang pagdating ay ang siyang bilis din ng paglisan nito.

Hindi man namalayan ni Chanyeol noong patapos na ang ikatlong buwang wala na si Baekhyun sa kanya.

Wala naman kasing masyadong nagbago, bukod sa hindi na niya madalas tadtarin ng text si Baekhyun mula nung naisip niyang baka space lang naman ang kailangan ng isa. Sabi nga niya nung naghiwalay sila, ‘itigil na muna.’

Muna . ‘Yan ang nag-iisang salitang pinanghawakan ni Chanyeol kaya sinubukan niyang ayusin ulit ang buhay niya.

Gusto niya, kabalik ni Baekhyun, wala na siyang maibibigay na dahilan sa isa upang iwan pa siya ulit nito.

Akala ni Chanyeol ay madali lamang niyang mababalik ang sarili sa pagtayo sa dalawang paa. Pursigido siya, at may dahilan pa siya para magpakatino. May isang tao siyang pinaglalaanan nitong ginagawang pagbabago.

Pero hindi pala.

Masyado niyang minadaling ayusin ang sarili kahit na hindi niya alam aling landas ang dapat tahakin.

Hindi niya pinlano nang maayos. Naging desperado siya. Akala niya, kung bibilisan niyang ayusin ang sarili, mas maaga ring babalik sa kanya si Baekhyun.

Nilista niya pa nga sa papel lahat ng naaalala niyang mga pinagawayan nila ni Baekhyun sa limang taon.

Ayaw ni Baekhyun na nakatambak ang hugasin sa kusina. Ayaw ni Baekhyun na hindi nililigpit ni Chanyeol ang pinagbihisan nito. Ayaw ni Baekhyun kapag wala siyang alam sa mga dapat bilhin sa grocery na para bang hindi siya nakatira sa apartment nila at hindi niya alam ang mga dapat bilhin.

Ayaw ni Baekhyun na hindi siya nakikinig. Ayaw ni Baekhyun kapag sinasagad niya ang sarili niya at hindi siya nagpapahinga. Ayaw ni Baekhyun kapag nagpapalipas siya ng gutom at nagpapatuyo ng pawis. Ayaw ni Baekhyun kapag wala siyang alam sa nangyayari kay Chanyeol kapag nasa labas siya.

Ayaw ni Baekhyun na limang taon na at wala pa rin siyang masyadong alam kay Chanyeol.

Ayaw ni Baekhyun ng pagiging mapaglihim niya. Ayaw ni Baekhyun na hindi siya nagsasabi ng nararamdaman niya. Ayaw ni Baekhyun na hindi niya binabalitaan ang isa sa mga planong ginagawa niya, kasali man siya o hindi. Ayaw ni Baekhyun na nag-iiba ang tabas ng dila niya tuwing galit siya. Ayaw ni Baekhyun pinapalipas ang away nang mahigit sa isang linggo.

Hinihimay niya lahat ‘yan sa text at sasabihin na alam na niya saang parte siya nagkamali at kung paano niya ito babaguhin para mapagkasunduan nila. Sa buong ikatlong buwan, d’yan lang halos ginugol ni Chanyeol ang oras niya bukod sa trabaho.

Nababasa man ‘yan ni Baekhyun o hindi, ang importante para ka Chanyeol ay natuto na siya sa wakas.

Dalawang hakbang paurong sa bawat isang pagsulong, ngunit ang mahalaga, alam na niya kung paano mahalin nang tama si Baekhyun sa paraan na makikita rin ito ng isa.

Nang tumagal, ang dalawang hakbang paurong ay nadagdagan nang nadagdagan hanggang sa hindi na niya mawari kung saan na ba ito patungo.

Sa kagustuhang makabalik muli sa nasimulan, kung anu-ano nang pinagkagastusan ni Chanyeol dahil nauuto siya ng mga tao sa internet na matutulungan siya nito.

Bumili siya ng mga libro tungkol sa pag-uugali, tungkol sa kung paano maging mabuting asawa (dahil nanigurado siyang dun din ang punta nila), at pati nga ang mga bato at iba pang pinagbebenta ng kabataan sa twitter na pang-spiritual healing raw ay pinatulan na niya. Mukha tuloy siyang nangongolekta ng rock salt sa ilalim ng unan niya.

Desperadong desperado na siya. Magtatatlong buwan na mula nung huli niyang nakita si Baekhyun. Isang buwan na naman ang lilipas at natatakot siyang baka sapat na ‘yon para makalimutan siya nang tuluyan ni Baekhyun.

Masisisi niyo ba si Chanyeol kung pakiramdam niya ay nauubusan na siya ng oras? Si Baekhyun ‘yon, e. Maraming pwedeng mang-agaw lalo na’t wala na siyang karapatang mambakod dito. Sa bawat araw na lumilipas, palala nang palala ang takot niya.

Hindi niya magawang maisip na hindi siya ang makakatuluyan ni Baekhyun sa dulo.

Minadali niyang ayusin ang sarili dahil akala niya ay mas mabilis na babalik sa kanya ang isa kapag may napatunayan na siya, ngunit patapos na ang ikatlong buwan at wala pa ring paramdam si Baekhyun.

Sa huling araw ng ikatlong buwang wala si Baekhyun sa tabi niya, pakiramdam ni Chanyeol ay wala man lang siyang napala ni katiting.

Hindi na naman niya alam ang gagawin. Parang nabalik na naman siya sa unang araw ng pagiging miserable niya.

Naliligaw na naman si Chanyeol.

Hindi na niya alam ang gagawin upang makauwi sa tahanang sa bisig lamang ni Baekhyun mahahanap.

 


 

***

 


 

Sa pangapat na buwan, hindi na masyadong namamalayan ni Chanyeol ang sakit na patuloy lamang lumalala sa bawat araw na hindi pa umuuwi si Baekhyun sa kanya.

Hindi ito nawala. Gaya nga ng sabi niya, palala lang ito nang palala, ngunit tingin ni Chanyeol ay nakasanayan na niya ang kirot na pumipilantik na parang isandaang maliliit na tinik sa dibdib niya habang tumatagal.

Ito siguro ang sinasabi nilang babaguhin nito ang pagkatao mo; merong madadagdag pala sa ‘yo sa bawat bagay na mawawala sa piling mo.

Ang sakit na naging marka ng pagtalikod sa kanya ni Baekhyun ang siyang namalagi sa pagkatao ni Chanyeol kapalit ng pagkawala ng presensya niya.

Natatakot si Chanyeol ngunit wala siyang magagawa.

Natatakot siyang pati ang masasayang alaalang binuo niya kasama si Baekhyun ay maging masalimuot na sa bawat oras na lumilipas ngunit wala siyang magagawa.

Wala siyang magagawa kundi makontento na lang sa pira-pirasong bakas ng presensya ni Baekhyun na naiwan sa kanya.

Sa maikling panahon na nagdaan mula noong iniwan siya ni Baekhyun, natuto siyang mabuhay muli nang wala ang isa—natuto siyang gumising, huminga, at matulog nang mahimbing kahit tuwing nababanggit ang pangalan niya.

Unti-unti, natututo na siyang maging ayos kahit wala si Baekhyun—kahit hindi para kay Baekhyun.

Unti-unti, natututunan na ulit ni Chanyeol na mahalin ang sarili na hindi ginagawang basehan ang paraan kung paano siya minahal ni Baekhyun.

Sa pangapat na buwan na wala si Baekhyun, natuto si Chanyeol na mamuhay kasama ang sakit, dahil ginawa niya itong panulak upang makabangon muli.

Nakakaya na niyang kumain ulit sa mga kainan na kinahiligan ni Baekhyun. Nakakaya na niya ulit panoorin ang mga paboritong pelikula ni Baekhyun. Nakakaya na niya ulit pakinggan ang mga kantang ipinakilala sa kanya ni Baekhyun.

Sa pagtatapos ng ikaapat na buwan ng kanyang pag-iisa, naliligaw pa rin si Chanyeol, ngunit natuto siyang tumanaw ng malayo—patungo man sa imahe ng kinabukasang kabilang si Baekhyun o hindi.

Natuto siyang iwan ang pagkakamali ng kahapon sa bawat bukas na haharapin niya dahil naniniwala siyang ito na, ayos na siya.

Ayos na siya. Bumalik man si Baekhyun sa kanya o hindi, ayos na siya.

Dahil masaya na silang dalawa, magkasama man o hindi.

 

 

***

 

 

 

Kalagitnaan ng ikalimang buwan mula noong hiwalayan nila napagtanto ni Chanyeol na isang malaking akala lang pala ang inisip na ayos na siya.

Akala niya lang pala masaya na siya.

Akala niya lang pala magiging masaya siya para kay Baekhyun.

Nakita niya itong may kasamang iba.

Limang buwan. Limang buwan siyang walang narinig mula kay Baekhyun, maski anino nito hindi man lang niya nakita kahit saan.

Hindi niya inakalang kapag nakita niyang muli si Baekhyun, masaya na ito sa piling ng iba.

Pauwi non si Chanyeol galing sa trabaho. Napatigil siya para bumili ng isaw at betamax sa paborito nilang tindahan ni Baekhyun noon magmula college. Bumili pa siya ng adidas at walkman kahit hindi naman niya kakainin dahil paborito ito ng isa.

Nakagawian lang, hindi naman aksayado sa pera dahil binibigay niya ito sa mga pusang kalye na tumatambay sa harap ng apartment niya.

Naaalala niya pa kung paano sila mag-asaran ni Baekhyun sa tuwing kumakain sila ng tusok-tusok. Hindi kinakain ni Baekhyun ang mga gusto niya at hindi rin naman kinakain ni Chanyeol ang mga gusto ng dating nobyo.

“Ayaw mo ba talaga tikman?” Magpapacute pa sa kanya si Baekhyun habang tinatapat ang paa ng manok at tenga ng baboy na tumutulo sa sawsawan.

Didila lang sa kanya si Chanyeol at iiling. “Sosyal lang pakinggan mga pangalan nila pero nakakakadiri. Ew.”

Panliliitan naman siya ng mata ni Baekhyun kapag ganon at sasagot pabalik.

“Paalala ko lang sayo ah,” Itututok sa kanya ni Baekhyun ang stick ng ipinantusok sa kinain. “Bituka at dugo ‘yang sa ‘yo. Alam mo bang ‘yang mapait na nalalasahan mo sa isaw ay tae—”

Palaging hindi natatapos ni Baekhyun ang sasabihin kapag ganon dahil sinaksakan na siya ng betamax ni Chanyeol sa bibig, o kaya naman ay pinainom ng buko juice habang nagsasalita.

Maglalakad sila non pauwi pagkatapos kumain. Hindi masyadong romantic dahil sa gilid ng highway sila naglalakad pauwi kung saan maya-maya silang pwedeng mahagip ng kotse, jeep, o motor na nagkakaskasan sa isa’t-isa lalo na pag rush hour.

Wala naman silang magagawa, ‘yon lang ang daan papunta sa terminal nila pauwi at hindi naman sila gumigitna sa daan. Hindi rin naman sila nagrereklamo dahil nag-eenjoy sila sa kaba na dala ng pagtama sa kanila ng salamin ng kotse o siko ng motorista.

Partida, magkahawak pa ang kamay nila.

Isa ‘yon sa mga pinakamasayang alaalang pinanghahawakan niya kay Baekhyun dahil ilang taon din nilang ginawa ‘yon araw-araw.

Handa si Chanyeol ibigay ang lahat magawa lamang nila ‘yon muli. Handa rin siyang ibigay ang lahat makabawi lang sa lahat ng hindi niya naibigay kay Baekhyun.

Pero mukhang hindi na pwede kahit pa iyakan ng dugo ni Chanyeol lahat ng santo sa mundo.

Kasi nakita ng dalawang mata niya si Baekhyun na hawak ang kamay na hindi kanya, at habang nilalamon si Chanyeol ng pagsisising sana naging mas maasikaso siya kay Baekhyun noong may pagkakataon pa, ang mga pagkukulang niya ay pinupunan na ng iba.

Galit ang lumamon kay Chanyeol sa mga natirang araw bago matapos ang ikalimang buwan.

Sa sarili.

Sa lalaking kasama ni Baekhyun.

Kay Baekhyun.

Bakit may iba? Bakit may iba na agad? Bakit hindi man lang niya sinabihan si Chanyeol na wala na pala siyang hinihintay?

Ang sabi niya itigil lang muna. Akala niya ay kailangan lang munang huminga ni Baekhyun mula sa kanya dahil puro sila away bago sila naghiwalay. Akala niya kailangan lang munang kumalma ni Baekhyun. Akala niya gusto lang ni Baekhyun na malaman na niya kung saan siya nagkamali.

Akala niya may hinihintay siya.

O siya lang ba ang may alam non? Mali lang ba ang pagkakaintindi niya kay Baekhyun? Siya na lang ba ang nag-iisang kumakapit pa sa kung anong meron sila?

Limang taon. Limang taon ‘yon, e. Hindi naman biro ang ganong kahabang taon. Sa limang taon na ‘yon naihulma na ni Chanyeol ang buhay niya sa paraan ng pamumuhay ni Baekhyun. Sa limang taon na ‘yon nasanay na siyang si Baekhyun ang pinagsasabihan ng mga nangyayari sa kanya, kahit pa maliit na bagay lang gaya ng may bagong flavor na ang brand toothpaste na binibili nila.

Sa limang taon na ‘yon naisama na ni Chanyeol si Baekhyun sa mga plano niya. Napangalanan na rin nga niya ang sampung asong aampunin nila.

Ang hirap hirap para kay Chanyeol bumangon ulit nung nawala si Baekhyun sa kanya. Hanggang ngayon nga nangangapa pa rin siya. Pero bakit ganon lang ata kabilis kay Baekhyun itapon ang lahat?

Gustong gusto ibalik ni Chanyeol sa kanya ang tanong na sumira ng tiwala niya sa sarili niya.

Minahal ba talaga siya ni Baekhyun?

Isang linggo bago matapos ang ikalimang buwan, nilunod ni Chanyeol ang sarili sa alak.

Gusto niya munang makalimot. Gusto niya munang ang hagod ng init ng alak sa dibdib niya ang tanging sakit na mararamdaman niya lang sa buong linggong ‘yon. Nalaman pa nga ito ng mga kaibigan nila dahil sinugod siya ng mga ito sa apartment niya noong apat na araw na siyang hindi sumasagot sa texts at tawag nila.

Natatakot siya. Malay niya ba kung anong sasabihin sa kanya nina Jongin. Baka ikakasal na pala si Baekhyun. Baka imbitahan pala siya ng mga ‘to sa kasal ni Baekhyun. 

Makakasapak ng tao si Chanyeol kung ganon.

Kung hindi naman siya ang katabi ni Baekhyun sa altar, mas maganda nang hindi na lang niya muling makita ang isa kahit kelan.

Magpapakamiserable na lang muna siya mula sa malayo.

Pwede naman sigurong magluksa sa pagmamahal na nawala, ‘di ba?

Hindi lang naman sakit ng pagkamatay ng isang tao ang nagdadala ng dalamhati. Minsan, kasing sakit din nito ang pagkamatay ng pag-asa at pangarap na matagal mong hinawakan—na matagal mong sinubukang maabot.

Hindi pa siya ayos. Hindi niya pa kaya.

Ngunit sa huling araw ng ikalimang buwang wala si Baekhyun, nagmakaawa siya sa mga kaibigan niya na tulungan siyang makausap ang isa.

Hindi niya pa kayang pakawalan ang taong kay tagal niyang pinaniwalaang nakalaan para sa kanya.

 

 

***

 

 

Sa huling araw ng ikaanim na buwan lamang naisipan ni Baekhyun na magpakita sa kanya.

Pumunta ito bigla sa apartment nila nang walang pasabi. Amoy alak pa si Chanyeol habang pinagbubuksan siya ng pinto. Kung tao lang ang pagkabalisa, malamang ay kamukha ‘yon ni Chanyeol ngayon.

Sa dinami dami talaga ng pagkakataong pwede magpakita si Baekhyun, palagi na lang kapag wala siya sa sarili.

“Pwede bang pumasok?”

Mukhang seryoso pa ang tanong ni Baekhyun sa kanya. Sa sobrang gulat pa niya na nasa harapan niya ulit si Baekhyun ay hindi niya napigilan ang bibig niya.

“‘Yan talaga tanong mo?” Nag-iigting ang panga ni Chanyeol kakapigil ng luha. “I didn’t even allow you to walk out of my life tapos tatanungin mo ‘ko kung pwede kang pumasok sa apartment natin?”

Tinawanan lang siya ni Baekhyun. “Sungit naman. Galit ka pa sa ‘kin, ‘no? Ine-english mo ‘ko, e.”

Pinanood lang niya si Baekhyun na dumiretso hanggang kwarto at pulutin ang mga bote ng alak na nagkalat sa sahig.

Umupo na lang siya sa gilid ng kama. “Sorry ha, hindi mo kasi ako kasing bilis magmove on.”

Narinig niya ang pagsinghap ni Baekhyun sa sinabi niya. Dahan-dahang lumakad papunta sa kanya ang isa at umupo sa tabi niya.

“Kumusta?”

Natawa na lang si Chanyeol. Hindi niya alam kung bakit siya galit na galit ngayong nasa harapan na niya ang taong gabi-gabi niyang iniyakan noon dahil sa kagustuhang makita ito ulit, pero hindi niya mapigilan ang sarili.

Baka dahil sa alak, hindi niya alam. Ang alam niya lang ay ang sakit sakit ng presensyang kay tagal niyang hinanap na nasa tabi niya ngayon.

Pakiramdam ni Chanyeol, hindi pa siya handang makita si Baekhyun kahit na wala siyang ibang ginusto nitong mga nakaraang buwan kundi ang makausap siyang muli.

Marahil ay sa nakita niya noong isang buwan; wala siyang ibang naiisip na dahilan kundi ‘yon.

Baka dahil wala na siyang ideya sa kung ano mang lalabas sa bibig ni Baekhyun ngayong may iba na.

Hindi pa siya handang magkaron ng pangalan ang lalaking nakita niyang pumalit sa pwesto niya sa buhay ni Baekhyun.

“Sagutin mo muna ako.” Sagot ni Chanyeol sa tanong na hindi niya rin alam ang sagot. “‘Yan din ang unang text ko, ‘di ba?”

Napayuko naman si Baekhyun don. Alam na niya ang ibig sabihin n’yan; gawain ‘yan ni Baekhyun tuwing nakokonsensya siya.

“‘Yung mga text mo… Kahapon ko lang nabasa lahat.” Tinignan niya ulit si Chanyeol sa mga mata nito. “Tinext ako ni Jongin last month. Sabi niya, dapat daw kitang bigyan ng closure dahil hindi ka naman daw nagsalita noong… araw na ‘yon.”

Closure.

Alam niyang tapos na sila ni Baekhyun, matagal na. Isang malaking pruweba ang mukha ng lalaking hindi naman niya kilala ngunit hindi mabura sa isipan niya. Alam niya rin na hindi na dapat siyang umasa pa.

Pero ang sakit pala kapag nagpakita ulit ang taong gusto mong bumalik para lang linawin sa ‘yo na hanggang don na lang kayo.

“Makakaalis ka na, Baekhyun.” Nakatutok lang ang tingin niya sa kamay ni Baekhyun. “Hindi ko kailangan nyan.”

Mamimiss niya ang kamay na ‘yan. Naaalala niya pa noong una niyang nahawakan ang kamay ni Baekhyun.

Naglalakad siya non sa may lagoon pabalik sa building niya nang biglang may humawak sa kamay niya. Kilala naman niya si Baekhyun noon dahil naging orgmate niya ito nung senior high kaya hindi naging masama ang reaksyon niya.

Bago pa man siya makapagtanong non, binilisan ni Baekhyun ang lakad habang hila pa rin siya.

“Sinisipulan ka nung mga babae sa may trike.” Sabi sa kanya ni Baekhyun noon. “I’m your hero for today. Hehe.”

Nagtaka pa si Chanyeol noon at idinaan sa biro ang sagot. 

“Ha…? ‘Yun lang naman pala. Tsaka babae naman, hindi ko naman ikakapahamak.”

“Hindi porket hindi ka nasaktan physically e hindi na delikado.” Humigpit ang hawak sa kanya ni Baekhyun noon. “At hindi porket babae ang nangcatcall, hindi na ‘yon ual harassment.”

Para kay Chanyeol, napakalaking impact sa buhay niya ng pangyayaring ‘yon. Hindi lang ‘yon basta-bastang unang paghawak sa kamay ni Baekhyun. Hindi rin dahil lang sa don nagsimula ang lahat.

Kundi dahil ‘yon ang unang beses na naramdamang niyang ligtas siya kahit wala naman siya sa peligro.

Kaya siguro ngayong binitawan na siya ni Baekhyun, hindi na niya alam kung saan pupunta.

Masyado siyang sinanay nito na merong nasasandalan at nauuwian.

Tahanan.

Ngayon na lang ulit naramdaman ni Chanyeol na isang tahanan ang maliit na apartment na ‘to.

Ngayon na lang ulit, dahil nandito si Baekhyun—dahil ang tahanan niya ay ang mga lugar kung nasaan si Baekhyun at ang sakit sakit na pagkatapos ng araw na ‘to ay hinding hindi na niya mahahanap ang lugar kung saan siya pwedeng magpahinga dahil may nagmamayari nang iba.

Pati pahinga, naipagdamot na rin sa kanya at wala siyang ibang masisisi bukod sa sarili niya dahil kasalanan niyang pinaikot niya ang mundo niya kay Baekhyun.

Ah, mali—kasalanan niyang ginawa niyang mundo ang dapat ay tao lang.

Paano ba naisip ni Baekhyun na hindi siya minahal nang tunay ni Chanyeol?

(Gayong kung bubuklatin man ang palad niya, makikita niya ang pira-pirasong puso ng isa?)

“Hindi, Yeol. Kailangan natin ‘to.” Mukhang nakita ni Baekhyun ang pagtitig ni Chanyeol sa kamay niya kaya hinawakan niya ang kamay ng isa. “Kailangan natin ‘to para makausad. Para magsimula ulit—”

“Ayoko.”

Ang daya naman, e. Paano kung ayaw niyang umusad? Paano kung gusto niyang ganito na lang? Paano kung ayaw niyang kalimutan si Baekhyun at mas gusto niyang kumapit lang sa kakarampot na naiwan nito sa kanya?

Paano kung kontento na siya sa mga alaala na lang—kahit hindi na ang presensya mismo ni Baekhyun—wag lamang niyang makalimutan ang pakiramdam ng pagiging masaya sa piling niya?

Paano kung ayaw ni Chanyeol makalimutan ang pakiramdam—ang pangyayaring minsa’y siya ay nagmahal, naging masaya, nakapunta sa lugar na pakiramdam niyang itinadhana sa kanya?

Paano kung ayaw niyang makalimutan ang pakiramdam ng pagmamahal?

Dahil sigurado si Chanyeol na hindi na niya kakayaning magmahal nang ganito sa susunod.

“Ayaw mo na sa ‘kin?”

Natahimik ang mga naglalaban-labang boses sa utak ni Chanyeol nang magsalita si Baekhyun.

Dahan-dahan niyang binawi ang kamay niya mula sa isa. “Ano?”

Kumikinang ang mga mata ni Baekhyun. Isang luha ang pumatak sa pisngi niya mula sa pagkurap nito.

“Ayaw mong magsimula ulit tayo? Pero sabi mo sa text—”

“Hindi ko… naiintindihan.” Naiiyak na rin si Chanyeol. Isa sa mga kahinaan niya ang umiiyak na Baekhyun. “Akala ko—pero paano—’yung bago mo…”

“Bago ko? May bago ako?”

Nalilito na si Chanyeol sa nararamdaman niya. Hindi niya alam kung maguguluhan ba muna siya, maiinis na kailangan niyang banggitin ang lalaking nakitang kasama niya, o masasaktan dahil—

Dahil… gagawin ba siyang pangalawa ni Baekhyun?

“L-last month.” Pinilit lunukin ni Chanyeol ang nakabukol na sakit sa lalamunan niya. “Nakita kita sa ihawan na tambayan natin noon. M-may kasama ka.”

Saglit na natahimik si Baekhyun, at hindi rin alam ni Chanyeol kung gusto niyang magsalita pa tungkol don ang isa.

Pero sumagot din sa kanya si Baekhyun.

“Si Kyungsoo?”

Ah, doble talaga ang sakit kapag napangalanan na. Hindi ka na pwedeng magkunwaring mali lang ang nakita mo dahil may pangalan na.

Hindi na pwedeng lokohin ni Chanyeol ang sarili na walang pumalit sa kanya.

Bago pa man siya sumagot, nagsalita ulit si Baekhyun.

“Boyfriend ni Jongin ‘yon.”

Hikbi. ‘Yan ang sinagot ni Chanyeol sa kanya bago niya yakapin si Baekhyun. Isiniksik niya ang mukha niya sa leeg ng isa at ramdam niya ang paghagod ng kamay nito sa likod niya.

“. I’m sorry. I’m so—” Hinigpitan ni Chanyeol ang kapit niya kasabay ng paghikbi. “I’m sorry. Hindi na naman ako nagtiwala sa ‘yo. I’m sorry.”

Takot na takot si Chanyeol. Paano kung umayaw na naman sa kanya si Baekhyun dahil dito? Dahil pinaghinalaan na naman niya ito? Paano kung isipin ni Baekhyun na hindi na talaga siya magbabago?

Ngayon na lang niya nayakap si Baekhyun sa loob ng anim na buwan. Hindi alam ni Chanyeol kung kakayanin niyang ito na ang huling beses na mararamdaman niya ang init ng presensya ni Baekhyun sa buhay niya.

“It’s okay, Yeol. Kaya tayo nandito. Paguusapan natin ang lahat.” Hinarap siya ni Baekhyun sa kanya at hinawakan ang magkabilang pisngi. “Natin. Dalawa tayo. Hindi mo ‘ko tititigan lang tapos magwawalk out ka katapos kong magsalita. Gusto kong marinig lahat ng iniisip mo.”

Hindi makahinga kakaiyak si Chanyeol pero ang gaan—ang gaan na nailalabas na niya lahat ng ‘to ngayon. Hindi niya ‘to makukumpara sa pag-iyak niya sa anim na buwan na ‘yon dahil ito lang ang bukod-tanging nakapagpagaan ng nararamdaman niya.

Kung sino ang nagdulot ng sakit, siya rin ang lunas, at napakaswerte ni Chanyeol na si Baekhyun ang kanya.

“Kausapin mo ‘ko,” Panimula ni Baekhyun. “Magsabi ka sa ‘kin. Ng nararamdaman mo, ng nangyayari sa ‘yo, lahat. I’m your partner. Hindi pwedeng nakikita mo lang ako kapag masaya ka. Gusto ko ring pagkatiwalaan mo ako sa mga bigat na dinadala mo.”

Kinuha ni Baekhyun ang kanang kamay niya at hinalikan ito. “Limang taon na tayong magkasama, pero pakiramdam ko, hindi mo pa rin ako pinapapasok sa buhay mo.”

Umiling si Chanyeol. “Is that why you broke up with me? Dahil akala mo hindi ka kasali sa mga plano ko sa buhay?”

Isang matinding kirot sa dibdib ang pagtango ni Baekhyun.

“I didn’t—” Pinunasan muna ni Chanyeol ang mukha niya gamit ang damit niya. “I’ve never thought of telling you this. Surprise sana dapat. Pero matagal na ‘kong nag-iipon para malagyan ng singsing ang daliri mo.”

Napangiti si Baekhyun sa narinig. Umiiling ito pero nakangiti kaya tinuloy lang ni Chanyeol ang pagsasabi.

“I… I never knew how love works. Alam mo naman ‘yon, ‘di ba? Maagang namatay si papa and my mom wasn’t really affectionate. Wala akong basehan. Kaya minahal lang kita sa paraan na alam ko.”

“Alam ko.” Isang halik sa noo mula kay Baekhyun. “At sobrang proud ako sa ‘yo dahil don. Dahil natutunan mo ang lahat ng ‘yan mag-isa.” Isang halik sa pisngi. “Pero Chanyeol, nandito ako.” Isang pagdampi sa labi. “Hindi mo kailangan magkulong sa sarili mo. Nandito na ako.”

Ilang oras humagulgol si Chanyeol sa bisig ni Baekhyun katapos non.

Hindi niya akalaing ganito magtatapos ang huling araw ng ika-anim na buwang wala si Baekhyun sa kanya. Hindi niya inakalang babalikan siya nito. Hindi niya inakalang may lugar pa siya sa buhay ni Baekhyun.

Bumalik sa kanya ang alaala ng anim na buwan na ‘yon habang yakap-yakap siya ni Baekhyun.

Nakakatawa, kasi ang sabi sa kanta, may anim na yugto raw ang pagluluksa na kaakibat ng isang hiwalayan at hindi ito magtatapos sa paraan na gusto mo.

Ngunit mukhang iba ang mga nararapat na salita sa kanta ng kwento nila ni Baekhyun.

“‘Wag na iiyak, baby ko.”

Sabi nila, wala nang mas sasakit pa sa unang bitak ng pusong hindi pa nababasag.

“Magsisimula tayo ulit?”

Ngunit para kay Chanyeol, wala rin namang mas sasaya pa sa pakiramdam na may handa pa ring humawak ng pira-piraso mong puso kahit na magdugo ang mga palad nito.

“Magsisimula tayo ulit.”

 

 

---

kung umabot ka dito, thank you sa pagbasa! :'>

daldalan tayo! <3 twitter | writing acc

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet