Final

Eulogy

Isang linggo na ang nakalilipas ngunit malinaw pa rin sa aking alaala kung paano mo nilisan ang mundo. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari. Palagi ko pa ring iniisip at tinatanong ang aking sarili kung bakit ikaw pa ngunit may tiwala ako kaya handa akong tanggapin ang lahat.

Una, hayaan niyo muna akong pasalamatan ang lahat ng nandito at ibahagi kung paano nabuhay si Harry bilang isang anak, kapatid, kaibigan, at kasama sa mga nakasalamuha niya dito sa mundo. Kung may isang aral akong natutunan mula sa aking anak, ito ay ang walang sawang pang-unawa at pagmamahal.

Si Harry ay namumukod-tangi sa iba. Alam kong sa labing-siyam na taon niyang pag-iral, mahigpit niyang tangan-tangan ang kanyang mga pangarap. Malalim mag-isip ang anak ko. Tahimik pero mabait at mapagkakatiwalaan kaya hanga ako sa kanya. Gusto ko kung paano niya tingnan ang mundo at ang bawat problemang hinarap naming magkasama noon. Gusto ko kung paano niya bigyang-pananaw ang bawat karanasan niya. Alam kong marami akong pagkukulang pero hindi niya ako sinukuan. Lahat iyon tiniis niya.

Kagaya ng isang ordinaryong tao, mahilig lang makinig si Harry. Sa klase, siya yung tipong mas gumagawa kaysa nagsasalita. Marami siyang naging kaibigan dahil sa naipamalas niyang pakikipagkapwa-tao. Matalino siya. Daig niya ako sa lahat ng bagay kaya sobra ko siyang ipinagmamalaki. Sa murang edad, marami siyang nakamit. Bagama’t iniwan kami ng kanyang tatay sa maagang panahon, naging matatag ang aking anak. Saksi ako kung paano siya namulat sa malupit na reyalidad ng mundo. Dito ko napagtanto kung gaanong mapagmahal si Harry dahil handa niyang patawarin ang lahat ng pagkakasala ng kanyang ama sa amin noon.

Isa sa mga pangarap ng anak ko ay bigyan kami ng isang maayos na buhay. Alam kong isa ang pagpanaw sa mga kinatatakutan niya dahil ayaw niyang masayang ang lahat ng kanyang pinaghirapan. Takot siya pero handa siyang maging matapang. Harry, anak, sapat na ang ipinaramdam mo sa akin bilang isang ina sa kung ano pa ang nais mong ibigay at isakpripisyo para sa amin. Alam kong nais nating lahat na magmarka sa mundo pero sa limitadong panahon na nabuhay ka, anak, maraming puso ang habambuhay nang magdadala ng iyong alaala. Mananatili kang buhay dahil isa kang inspirasyon para sa amin.

Nais mo lang ng simpleng buhay at sigurado akong hindi mo sinayang ang buhay mo, anak. Alam kong sobra akong pinagpala dahil naging anak ko si Harry. Hindi ko kailanman ipagpapalit sa mundo ang maging ina ng isang katulad mo. Mahal kita, anak. Wala akong pagsisisihan. Sana ikaw rin. Ipagpapatuloy ko ang pagiging isang mabuting ina para sa iyong kapatid. Panahon naman para ako ang maipagmamalaki mo. Paalam at hanggang sa muli nating pagkikita.

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
No comments yet