Tindahan ni Aleng Tessa
Description
Araw araw pumupunta si Karina sa tindahan ni Aleng Tessa. Walang araw na hindi siya pumupunta, kahit gabi nga eh dumadalaw siya. Pero sa tuwing dumadalaw siya sa tindahan ni Aleng Tessa eh wala naman siyang binibili. Minsan nga napagkakamalan pa siyang may-ari ng tindahan dahil araw araw siyang nakatambay sa harap ng tindahan nila Aleng Tessa. Ang dahilan? Wala namang iba kundi ang cute at magandang anak ni Aleng Tessa na si Winter.
Isang araw kasi napag utusan si Karina ng nanay niya na bumili ng mantika at toyo kila Aleng Tessa. Pero sakto nung bumili siya ay si Winter ang nagbabantay sa tyangge kaya nung nakita niya si Winter ay agad niya siyang nagustuhan.
"Hi Winter, wala din bang bentang kiss diyan? Kahit libre na lang oh" ngumiti siya at nginusuan si Winter. Agad namang hinampas ni Winter ng karton ang nguso ni Karina na ginamit niyang pamaypay.
"Chee! Tigilan mo nga ako Karina! At saka kanina ka pa nandito! Namumuti na siguro mata ni Aleng Helen sa kakahintay sa pinabili niyang mantika't toyo sayo! Umuwi ka na nga!" suway ni Winter sa kaniya at tinaboy taboy pa siya.
pero nginitian niya lang ng matamis si Winter.
"Sige ihahatid ko lang to sa bahay tapos babalikan kita. Ay oo nga pala, kendi para sayo. Ang tamis kasi ng ngiti mo" banat ni Karina at inilapag ang white rabbit na kendi sa papag sa harap ni Winter.
"Teka?! Eh paninda namin to ah!" sigaw ni Winter nang makatawid si Karina. Humarap si Karina sa kaniya mula sa kabilang daan at kinindatan si Winter.
Napailing na lang si Winter.
"Ang hilaw ng banat niya" ngiting sambit ni Winter sa sarili niya habang nginunguya ang kending white rabbit.
>>>>>>
"Hello po Aleng Tessa. Nasaan po si Winter?" tanong ni Karina kay Aleng Tessa at nilibot libot ang tingin niya sa buong tindahan para hanapin ang presensya ni Winter.
"Nandun sa palengke, sinama ng tatay niya para mamili ng paninda. Bakit?" pabalik na tanong ni Aleng Tessa kay Karina. Sa totoo lang, napapansin na ni Aleng Tessa ang matamis na tinginan ni Karina sa anak niya. Lalong lalo na sa mga hilaw niyang banat sa unica iha niya. At lalong alam niyang may gusto si Karina sa anak niya.
"Ahm wala naman po" napakamot ng batok si Karina at nanghihinayang dahil hindi niya naabutan si Winter.
"Sige po Aleng Tessa alis na po ako. Balik na lang po ako ulit dito mamaya pag nakauwi na siya. Salamat po" paalam ni Karina sa kaniya. Tumango tango lang si Aleng Tessa habang sinusundan si Karina ng tingin.
"Naku ang batang yun talaga oo, alam ba ni Mareng Helen na tumatambay anak niya dito?" napatanong na lang si Aleng Tessa sa sarili habang inaayos ang paninda niyang itlog.
>>>>>
Gabi na at kumakain si Winter kasama ang magulang niya nang makarinig sila ng pagkatok mula sa pintuan nila. Akmang tatayo na sana si Aleng Tessa pero pinigilan siya ni Winter.
"Ako na po Nay, kain lang po kayo diyan" sabi ni Winter at tumayo na patungong pintuan nila.
Nagulat siya nang bumungad si Karina sa harap niya na may hawak na palumpon ng bulaklak sa kaliwang kamay niya. Nakasuot ito ng simpleng itim na t-shirt at jeans na blue. Nagtaka siya dahil ayos na ayos si Karina.
"Anong ginagawa mo dito? Gabi na ah? At saka...bakit ganiyan suot mo? Ba't ayos na ayos ka?" nagtatakang tanong niya kay Karina pero si Karina ay nakangiti lang na animo'y kinakabahan.
"Anak? Sino yan?" rinig na tawag ng tatay ni Winter sa kaniya. Agad niyang pinapasok si Karina.
"Halika dito sa loob, pasok ka. Para kang naistatwa diyan sa pwesto mo" sabi ni Winter. Ano nga ba kasi ang sadya ni Karina at bakit ayos na ayos siya?
"Si Karina po Tay, eto po oh. Ayos na ayos" sabi ni Winter sa ama niya nang makarating sila sa kusina nila.
"Magandang gabi po Tito, Tita" kinakabahag boses na bati ni Karina sa kanila.
"Oh? Karina? Bakit ayos na ayos ka? At saka may pa bulaklak ka pa. Saan ka pupunta?" nagtataka ding tanong ni Aleng Tessa.
"Halika dito umupo ka, diyan sa tabi ni Winter" aya ni Aleng Tessa na kaagad niyang sinunod. Umupo siya sa tabi ni Winter at pinipilit ang sarili na hindi kabahan.
"Ayos na ayos tayo ah, ano bang sadya mo dito?" tanong ng tatay ni Winter na mas lalo pang nagpakaba sa kaniya. Tumingin siya kay Winter na ngayon ay umiinom ng juice.
"Uhm, ang totoo po kasi niyan eh uh, nandito po ako para po ano uhm" huminga ng malalim si Karina habang naghihintay ng sagot ang magulang ni Winter.
"Nandito po ako para manligaw kay Winter" deretsong sabi ni Karina. Halos maibuga ni Winter ang iniinom niyang juice nang marinig niya ang sinabi ni Karina. Naubo pa nga siya kaya kaagad na inabot ni Karina ang pamunas sa kaniya na agad naman niyang tinanggap at pinunasan ang labi niya.
Pero ang magulang ni Winter ay hindi na nagulat. Alam na alam nila kung ano ang sadya ni Karina dahil napagdaanan din nila mismo ang parehong sitwasyon.
"Sigurado ka ba sa desisyon mo Karina?" seryosong tanong ni Mang Robert. Ama ni Winter.
"Oo naman po, siguradong sigurado po ako. Matagal ko na pong gusto ang anak niyo. Simula pa po nung una ko siyang nakita. Gustong gusto ko po si Winter. Pangako po, pagbubutihan ko po yung panliligaw sa anak niyo" seryosong sagot ni Karina. Si Winter naman ay pulang pula na sa tabi niya na hindi siya matingnan dahil sa hiya, o baka naman sa kilig.
Foreword
hihi try lang 😁 enjoy!