Dahil Minsan Lang Umibig

Dahil Minsan Lang Umibig

Recommended Pre-Reading Listen with Tootsie Guevarra:

1. Mahal Ka sa Akin

2. Kaba

 

 

 

Dahil Minsan Lang Umibig

ni redvelde

 

 

 

Mayroon nga bang overall structure na ginagalawan ang pag-ibig? 'Yun bang mas malawak sa 'relationship basics' at general expectations ng isang pusong tumitibok-tibok?

 

Puno ng rules, puno ng dapat.

 

Kumbaga sa aspetong Personal Development, may mga emotional traffic lights. Ang green ay 'go, magmahal ka' dahil pinanganak kang may pusong may kalayaan ka ialay kung kanino mo gusto. Ang yellow ay 'ep, ep, teka pag-isipan mo'. Isa namang paalala na may utak ka kaya gamitin mo. Samantalang ang pula ay ang kulay na magiging deciding factor kung tanga ka o medyo lang.

 

May general directions ba.

 

Gaya sa usaping Language, mayroong rules at flow na applicable lang sa English at mayroon din namang specific lang sa Filipino.

 

Exhibit A: sa English, 'pag sinabi mong preposition, marami kang pagpipilian. Halimbawa, nag-aaway kayo ng jowa mong conyo at nagtatalo kayo. Kaya at some point, mababanggit ang mga katagang:

'Get in the car.'

'Get out of the car.'

 

'Pag wala naman siyang car, conyo lang:

'Get on the bus.'

'Get off the bus.'

 

Ngayon kung nahihirapan ka diyan, 'wag mo sisihin sarili mo at Pilipino ka. Pinadali ang usaping preposition para sa atin. Exhibit B:

'Sumakay ka sa sasakyan.'

'Sumakay ka sa bus.'

 

At 'pag kailangan mo na mag-'get out of the car' at mag-'get off the bus', pinasimple lang din naman ang buhay mo, dahil ito lang 'yon:

'Bumaba ka.'

 

Sa Science naman, may samu't saring breakdown. Specific lang din ang rules. 'Pag may gravity, you will always be pulled to the center of the planet—gaya ng paghulog ng mansanas sa may personal cylinder ni Sir Isaac Newton who was minding his own business; gaya lang din ng paghulog mo sa kanya—isang tao who was also, most probably, minding their own business.

 

Sa Matematika naman, may mga romantikong mamumuhunan sa 'universality' nito—na kahit saang parte ka ng mundo, kahit saang sulok ka man ng Asia, Europa o Amerika, ang 1 + 1 will always be 2. Kaya kung magaling ang lovelife prospect mo sa Math, 'wag mong i-judge ang kakayanan niya maging romantic. Dahil not only will 1 + 1 always be 2, but +1 will always be you. 

 

Basic, straight to the point at walang halong over analysis. Simple.

 

Ganyan si Bae Irene.

 

Simple lang ang pananaw sa pag-ibig:

 

"Wala akong oras diyan."

 

Diretso. Walang pasikot-sikot; walang kumplikadong rules; walang pag-aalangang in-invalidate lahat ng prior arguments na sana'y nasara ko na by now. Iisa ang policy sa pag-ibig:

 

"May ambag ba 'yan sa grades ko?"

 

Umikot ang mga mata ni Yerim at Wendy.

 

"Alam mo, beh," simula ni Wendy na mas mabilis naka-recover sa pitik ng mood swings ni Irene. "Walang mamamatay 'pag pinansin mo kahit sandali mga nanliligaw sa 'yo. O kahit man lang 'yong paulan nilang sulat at post-its sa locker mo."

 

"Naku, girl—" umabante naman ng upo si Yerim, mas malapit pa sa kaibigan nilang subsob ang mukha sa librong binubuklat, "rephrase. May mamamatay: siya. Sa dami ng nanliligaw diyan, kulang 24 hours 'pag pinansin niya sila, at ikamamatay niya 'pag nabawasan review time niya."

 

"Kahit dalawa o tatlo man lang? I mean—" napasambit na si Wendy at napasandal sa stone bench ng usual tambayan nilang magkakaibigan. "Some of them are really cute."

 

"'Yong kanina ba 'yan?" naka-ngisi namang tanong ni Yerim na siya namang tinugunan ni Wendy ng hagikhik. "Cutie noh? Sayang 'di man lang na-beat 'yong record."

 

At sa puntong 'to, naibaba na ng kaunti ni Irene ang libro niyang pinagtataguan at nagtaas ng isang kilay. "Record?"

 

"Mhm, 'record'," pagkumpirma ni Wendy. "Alam mo ba na wala pang lumalagpas sa 10 words sa lahat ng nag-attempt na lapitan ka?"

 

Nakasimangot man, mukha namang napaisip na ng tuluyan si Irene. "You're exaggerating."

 

"I wish we were," bakas ang excitement ni Yerim sa topic nang halos idikit na nito ang mukha niya kay Wendy para lubos nang ibigay ang atensyon sa kaibigan nilang anti-jowa—tila apat na headlights sa tutok ang mga mata ng dalawa. "Naalala mo ba in the first place lahat ng nireject mo last week?"

 

Umiling si Irene.

 

"Rejectee Number 1, Monday, sa Main Library. Kuya classmate mo raw sa physics. Word count: 7."

 

Kuya classmate mo raw sa physics: hi, Irene

 

Irene: What?

 

Kuya classmate mo raw sa physics: can we talk?

 

Irene: sobrang importante ba?

 

Kuya classmate mo raw sa physics: ah, ano—

 

Irene: —ang ipinunta ko sa library, aral. Kaya sana aral-related din 'yan.

 

Napakunot ng noo si Irene sa pa-flashback ni Yerim. "'Di ko pa rin maalala."

 

"Moving on—" simula naman ni Wendy, "Rejectee Number 2, Monday pa rin ng hapon, sa labas ng Main Library. Kuya na may nice car. Word count: 4."

 

Kuya na may nice car, nasa loob rin ng nice car, nagbababa lang ng bintana: Hi, Irene!

 

Irene: Um?

 

Kuya na may nice car, nasa loob rin ng nice car, nagbababa lang ng bintana: hatid kita?

 

Irene: I don't even know you.

 

Ismid naman ang puminta sa mukha ni Irene. "Is it my fault? Creepy kaya ng approach niya."

 

Tawanan naman ang dalawang kaibigan nito at pinaglapat pa ang mga kamay.

 

"Pero in all fairness," excited na sabad ni Yerim. "Meron namang umabot ng 8 words last week. Wednesday ata sa may Taurus Pool. Si Kuya athlete na swimmer ata."

 

"Kuya athlete?" 

 

Kuya athlete na swimmer ata: Irene!

 

Irene: Um, hello?

 

Kuya athlete na swimmer ata: swimming ka this sem?

 

Irene: oo, eh. Wala nang ibang available na slots sa ball games eh.

 

Kuya athlete na swimmer ata, na may manyak reveal in 2 seconds: turuan kita sumisid?

 

"Ah, yes. Naalala ko na siya," sagot ni Irene habang napahawak na't napamasahe ng ulo niya. "Siya 'yong tinulak ko sa pool."

 

Hagikhik naman ang Wendy. "You mean sinampal kaya nalaglag sa pool?"

 

"Dasurv," dagdag ni Yerim. “Kulang sampal.”

 

"Tatlo lang pala. Maka-generalize kayo."

 

"Three ka diyan! Higit pa diyan na-reject mo noh!" sabad ni Wendy na may kasabay na hampas.

 

"Meron pa?" 

 

"You bet! 'Di mo maalala si Ateng naka-bisikleta?"

 

"Ateng naka-bisikleta?" paghingi ni Irene ng paliwanag.

 

"Ateng naka-bisikleta," simpleng sagot ni Wendy.

 

"Ateng naka-bisikleta," pag-ulit pa ni Yerim na may pagtaas na ng daliri. 

 

Umikot mga mata ni Irene. "Ulit pa, sige."

 

Nag-kibit balikat si Yerim. "Ateng naka-bisikleta. Siya 'yong nag-offer na tulungan ka sa gamit mo noong Tuesday kasi umuulan! Word count: 3"

 

"Three?" gulat na tanong ni Irene.

 

"Three," kumpirma ni Wendy.

 

"Three," ulit pa ni Yerim na may kasamang tango.

 

Ateng naka-bisikleta in the rain: Hi! Need help?

 

Irene na napa-hair flip pagka-harap kay Ateng naka-bisikleta in the rain dahil basa na ang buhok niya: Sure! Ano kasi—OH MY GOD MAY SASAKYAN!

 

"Oh, my god. I definitely remember her. Buti talaga hindi siya napaano."

 

"Ikaw naman kasi. Pwede namang humarap ka sa kanya ng normal," natatawang pagpaliwanag ni Yerim. "Ayan tuloy, siya na lowest record ever."

 

"Teka nga, 'wag niyo nang tapusin 'yang listahan niyo last week. I mean—I get the point anyway. Ang subukan niyong ipaalala sa akin ay whoever the 10-word holder is."

 

Biglang sumeryoso ang dalawa nang mag-isip silang pareho. Si Yerim, napahawak sa baba. Si Wendy naman, napakamot man ng ulo, may katiting naman itong naalala. "Tagal na no'n, eh. Kaya medyo hazy na. Basta alam namin may naka-sampu na Ate. Kung hindi rin ako nagkakamali...ganito yo'n."

 

Ateng naka-sampu: Hi, Irene!

 

Irene: Hindi ba kayo napapagod?

 

Ateng naka-sampu: I—

 

Irene: Ano na naman ba?

 

Ateng naka-sampu: I just wanted to give you this—

 

Irene: Pwede ba? Isaksak mo na lang din sa locker ko, tutal pinuno niyo na 'yon.

 

"Wow, I'm harsh. Ginawa ko talaga 'yon?" 

 

Napapikit si Irene sa gulat sa 'sarili'.

 

"Sabi ko nga hazy na 'yong memory," paliwanag ni Wendy. "But, yeah. Mej harsh ka nga, Mars. I mean, 'di ka ba kinakabahan? Na baka isang araw makarma ka ng lahat ng binasted mo tapos ikaw ma-Tootsie Guevarra?"

 

"Tootsie Guevarra?"

 

"Tootsie Guevarra," sabi ni Wendy, sabay tango.

 

"Tootsie Gue—"

 

"—paki-paliwanag na lang please," agad na pagpigil ni Irene kay Yerim.

 

"It's actually a very scientific phenomenon with very alarming symptoms," sagot ni Wendy.

 

"Tingin niyo maloloka ako sa pag-ibig? Ako na walang oras sa ganyan?"

 

Patuloy ang dalawa sa designated nilang activities of targeted pang-aalaska—ang tawanan si Irene, bantaan si Irene. 

 

Si Irene naman, ibinaba ang kanyang ultimate statement; isang bagay na kaya niya sabihin ng buong kasiguraduhan; mga katagang alam niyang siya lang ang may kayang magsabi sa balat ng lupa ng malawak nilang unibersidad na mayroon sigurong approximiately 23,342 students, sa ibabaw ng sahig ng kolehiyo nilang may 1,322 enrolless, at sa maikling listahan ng honors sa departamento nilang siya ang nasa tuktok:

 

"Hindi ako mapapatumba ng pag-ibig."

 

At hinayaan niyang humalakhak at umagik-ik ang dalawang animal niyang barkada. Dahil sa isip niya, ang bukod-tanging bagay na pinaglalaanan niya ng halos lahat ng oras niya ang tanging bagay na kailangan niya para manatiling kuntento.

 

"Sure 'yan ah. Kahit 'Welcome' nakasulat sa rug ng apartment namin ni Yerms, 'wag kang tatakbo sa amin at hahagulgol 'pag nakahanap ka ng katapat mo."

 

Isang mala-kontrabidang tawa ang entrada ng sagot ni Irene, "I am too busy staying number 1 on a list I actually care about."

 

 

 

//

 

 

 

"NUMBER 2?"

 

Napatakip ng tenga ang dalawang nakatayo sa may gawing likuran ng kaibigan nilang hindi pa nila nahuhugot papalayo sa listahan ng Mid-Semester Department Ranking nila. 

 

Tumango si Yerim. "Oo, beh. Number 2."

 

"ANONG NUMBER 2?"

 

"Number 2 nga, ang kulit," sagot pang muli ni Wendy na may kasabay nang masahe ng tenga.

 

Marahas ang pag-hablot ni Irene sa listahan mula sa announcement board na sigurado si Yerim at Wendy na nakasara ng salamin. Kung kailan ito nabuksan ng kaibigan nilang kalahating tao-kalahating obsessed, hindi rin sila sigurado.

 

"No, no, no, no, no, this cannot be!"

 

"To be fair naman, girl," simula ni Yerim nang dahan-dahan nitong bawiin ang papel mula sa nanginginig pang mga kamay ni Irene. "Walang alarming sa projected average mo. In fact, tumaas ka pa nga."

 

"What?" halos hinihingal pang tanong ni Irene.

 

"'Di ba 97 point something ka last sem?"

 

Tumango si Irene.

 

Sinubukan pa nga ni Wendy na himasin ang likuran ni Irene na lumalalim pang muli at bumibigat ang bawat hinga. "98.72 ka ngayon. Ginalingan lang talaga no'ng nag-number 1."

 

"And who the hell is number 1 at anong average niya? Paano niya nataasan niya ang 98.72?"

 

Napalunok si Yerim. 

 

"Kang Seulgi. 98.80."

 

"Irene, it's just 0.08—"

 

"SINO SI KANG SEULGI?"

 

 

 

//

 

 

 

Ayon sa semi-deranged research na ginawa ni Irene, si 'Kang-Seulgi-na-nataasan-siya-by-0.08' ay isang 'social media ghost'—walang Facebook, walang Twitter, walang Instagram. Chineck niya na rin ang TikTok, Tumblr, Telegram, Line, WhatsApp. Pati na rin Pinterest, just in case.

 

At dahil lalo lang siya nabagabag ng kawalan ng mukha o imahe na pwede niya i-associate sa taong nagawang pasukin ang untouchable bubble niya, nag-imbistiga na rin ito sa kung sinumang pwede niyang mapagtanungan.

 

Semi-deranged research nga kasi.

 

Una na niyang piniga ang dalawa chismosang kaibigan na tila imposibleng walang alam sa kung sino sa campus, but apparently, kahit sila medyo clueless.

 

"Twitter kapangyarihan ko, kaya kung wala siya doon, wala akong alam!" ang naisagot ni Yerim sa kalagitnaan ng hostage-taking ni Irene sa mahal niyang Stik-o. 

 

Si Wendy naman, Facebook at Instagram daw ang specialty. Mas madali rin takutin 'to kaya walang gaanong pambabantang naganap. Pagkatapos itong i-corner ni Irene sa isang classroom na walang ilaw at pinaupo sa ilalim ng nag-iisang malinawag na light bulb, bumigay agad ito at inilaan ang katiting na impormasyon na sa tingin niya makakatulong:

 

"May isa tayong classmate sa Chem! Sure akong hindi ko siya kilala!"

 

"Sino? Anong itsura?"

 

"'Yong orange at wavy 'yong buhok! 'Di ko alam pangalan niya! Baka siya!"

 

"Wala ba siyang madalas na katabi sa classroom? Kasama palabas ng classroom?"

 

"Wala! Lagi siyang nasa likod! Wala akong alam! Inosente ako!"

 

Kaya naman, sunod na target ang bawat kaklase nila sa Chem na may bitbit na maitim na aura. Una niya nang napagtanungan ang sophomore na nag-advanced classes na si Shownu. Madalas rin kasi 'tong maupo sa likod. Napakamot na lang si Shownu sa lalim ng pinaghugutan nito sa alaala niya:

 

"Orange ang buhok? Sa likod nakaupo? Eh, Ate Irene, try mo si Kuya Jack. 'Di ko sure pero parang siya yung lagi kaagawan ni Kuya Jack sa corner seat eh."

 

Next target: Jackson Wang. Si Jackson Wang na very sociable. Baka nga siya na ang susi sa lahat. Pero straight to the point man ang approach ng ating bida, narinig na muna ni Irene lahat ng uri ng guy conyo filler bago nasagot ang tanong niya:

 

"Bro, parang I know her! Rocky ba, bro?"

 

"Rocky?"

 

"Yeah! Rocky with a nice bike! Awesome ng motor niya, bro! I park nga next to her bike every time eh."

 

"Sa likod ng college?"

 

"Yeah, bro!"

 

Wavy orange ang buhok. Lagi sa likod nakaupo. Motor ang vehicle of preference. Rocky ang palayaw. Palayaw 'yon, and something tells her iisa si 'Rocky' at 'Kang-Seulgi-na-nataasan-siya-by-0.08'. Sure si Irene. Dahil walang magulang ang nasa tamang pag-iisip ang gagawing legal name ang Rocky ng anak nila. Ang game plan ni Irene: abangan sa parking space para sa mga motor si 'Rocky'.

 

Nagpasalamat na muna ito kay Jackson bago tuluyang umalis.

 

"Ah, thank you ha, ano, bro."

 

"Sure, bro! Fist bump!"

 

Empty parking space ang dinatnan ni Irene, kaya naman si Kuya Nelson na nasa kalagitnaan ng routine rounds ang napagtanungan niyang sunod:

 

"Ah, si Rocky 'ka mo? Naku ne, halos dalawang linggo nang hindi nagpapakita 'yon dito. Subukan mo tanungin 'yong lagi niyang kasama na maganda na tiga Arts. Nobya niya ata."

 

Hm, chismoso. Pero dahil desperado si Irene...

 

"Sino po ba?"

 

"Si Ligaya, ne."

 

Lecheng pasa-pasahan 'to. Pero kahit pa iuwi ni Irene ang pagod niya, matutulala lang siya't hindi makakafocus 'pag hindi niya natuldukan ang misteryo ni 'Kang-Seulgi-na-nataasan-siya-by-0.08' na orange ang buhok, nagmomotor, Rocky ang palayaw, at may probable girlfriend sa Arts na nag-ngangalang Ligaya.

 

Siempre, first stop dapat ni Irene ang Facebook, Instagram and Twitter experts na sila Wendy at Yerim pero kasalukuyan pa silang traumatized sa kanya kaya minabuti niya nang sarilihin ang pag-iimbistiga, at ang kinahinatnan? Meron isang Park Sooyoung a.k.a. 'Ligaya' sa kabilang College, pero mukhang hindi naman niya nobya dahil 'single' naman ang nakalagay na status nito sa Facebook.

 

Kung iniisip niyo na titigil si Irene sa resulta ng munting Facebook investigation niya, siempre hindi. 'Target: locked' agad si Ligaya nang matagpuan niya itong palakad-lakad at interact-here-and-there-like-a-normal-person sa College niya. Sinundan itong literal ni Irene at sa isip niya, isa siyang awesome spy with a little tago-here-and-there. Pero sa panlimang karipas niya sa likod ng isang random marble haligi sa gilid, gulat na lang niya nang lumitaw mismo itong si Ligaya sa tabi niya.

 

"Are you following me?"

 

"Um. No?"

 

Inikot ni Ligaya ang mga mata niya at hindi rin lingid sa pandinig ni Irene ang pabulong nitong mungkahi na 'you, of all people' bago ito nagsalita ulit, "why are you following me?"

 

"Um. Si Rocky—"

 

Bakas at mabilis ang pagbabago ng mood ni Ligaya—taka, gulat. Lungkot? "You're friends now?"

 

"Yes? No—" no, hindi marunong magsinungaling si Irene at bigla siyang naging hyper aware dito sa ilalim ng tila mapanghusgang tingin ni Ligaya. "No. It's complicated."

 

Marahan ang tango ni Ligaya bago ito muling magsalita, "we haven't seen each other in a month. I told her to come to school. Papasok 'yon bukas."

 

"Ah, thank you?"

 

Cool lang ang pag-kibit balikat ng kausap. "Sure. Whatever."

 

Tatalikod na sana si Ligaya't nakahinga na dapat ng maayos si Irene, pero lumingon ulit ito at nag-iwan ng partial na ikakatahimik ng bagay-bagay.

 

"Oh, and tell her—Seulgi—to not screw up this time."

 

Bingo.

 

Tumango na lang si Irene for formality's sake. At nang lubusan nang makalayo si Ligaya, isang nagliliyab na determinasyon ang agad na bumuhos sa pagkatao ni Irene Bae. Ang final, revised and approved game plan: 

 

Abangan si 'Kang-Seulgi-na-nataasan-siya-by-0.08'.

 

Ah, ano lang. 'Yan lang. Wala nang kasunod.

 

Hindi lang talaga siya matahimik na (1) nataasan siya ng kung sino, at (2) ni hindi niya alam ang 'kung sino' in question at kung ano ba ang itsura ng taong 'to. Baka lang 'pag nagka-mukha na ang kalaban, mas magliyab pa ang determinasyon niyang mahigitan silang lahat.

 

 

 

//

 

 

 

Muntik na mabulilyaso ang standard schedule ni Irene sa araw na 'to. Kakaalala niya sa kung ano-anong bagay na 'di niya makukontrol, napuyat siya. Napuyat, at dahil nakasanayan ng magulang niyang asikasuhin ang kapatid niyang lalaki at independent namang tumanda si Irene, 'di na nila ito nagawa pang subukang gisingin. 

 

Mahaba-habang oras din 'yon, dahil 'asikasuhin ang kapatid niyang lalaki' means: ipagluto ng breakfast, lambingin ng mga sampung beses bago 'to lubusang bumangon, abutan ng kung anong pangangailangan nito sa shower na nakalimutan niyang dalhin sa loob, at ipaghanda ng susuotin.

 

Muntik na talaga ma-late si bakla. 

 

8:40 AM na ng makarating ito sa College grounds.

 

Kaya naman ito siya ngayon.

 

Kalahati ng mukha niya ang nakatago sa likod ng baliktad na Physics book nang maisipan niyang abangan na lang din si Kang Seulgi; bandang mata ang litaw, at malikot na nilibot ng paningin nito ang parking lot. 

 

Itinaas nito ang relo niya ng panandalian at sinilip ang digital na '8:45'. Sa mga oras na 'to, dapat nasa loob na siya ng 9:00 AM class niyang hindi niya kaklase si Seulgi supposedly—nagbubuklat o 'di naman kaya'y natapos na ang libro. Wala rin naman silang klase together sa araw na 'to, kaya naman bumigay na naman si baklita sa urge niyang maging kongkreto ang bagay-bagay.

 

Lumipas na ang mga minuto't katakot-takot na 8:57 ang tila nandidilat sa pagkatao niya, pero wala pa ring dumarating na Kang Seulgi. At nang binantaan na siya ng 8:58 sa relo niya, nakapag-desisyon si Irene at minabuti na lang na ipagpaliban ang medyo pointless rin naman na operasyon na 'to.

 

Baka mali si Ligaya. 

 

Baka hindi rin pumasok si Seulgi.

 

Nagsimula nang maglakad papasok ng lobby si Irene. 

 

Isa, dalawa, tatlong hakbang. 

 

Hm, baka, baka.

 

Pero sa pang-apat, dahan-dahan ang batak ng oras. Sa panlima at sa lubusang lapat ng talampakan ng sapatos ni Irene sa sahig, siya ring tuluyang pag-usod ng minuto tungong 8:58, at siya ring marahan at palakas na pasok ng tunog ng motor—papalapit at paparating.

 

Napalingon si Irene.

 

Siya namang tuluyang pagparada ng 'di mapagkakailang namumukod-tanging babaeng nagmamaneho ng motor sa parking lot. At bago pa mapatanong o malulong sa taka si Irene, tinanggal na ng misteryosang nilalang ang helmet niya—

 

Sa puntong 'to ng buhay niya, napabalik, napaatras, napa-rewind si bakla ng mga sampu hanggang dosenang kabanata ng mga librong nabasa niya tungkol sa unconventional theories on metaphysical matters gaya ng 'Butterfly Effect'.

 

May mang-ilan ilan nang ganap ang nangyari sa kung saan mang sulok ng mundo ang nagdala sa kanya sa minutong 'to at sa kagustuhang abangan na lang din si Seulgi. Pero sa munting kanto-kanto ng buhay niya, naiisip niya ang agahan ng kapatid niya, ang labindalawang katok ng nanay nila sa pintuan ng shower, at ang malalambing na 'bunso, may kailangan ka pa?'

 

Mga ganap sa buhay niyang nagpabagal pa sa marahang-marahang bagsak ng matingkad na buhok ni Seulgi nang umiling ito't baklasin ang clip ng helmet niya. 

 

Mga ganap sa buhay niyang nagpatalas sa patak ng orasan pa-9:00 AM—hudyat ng panibagong oras, hudyat ng—

 

"Ay, sh—"

 

 

 

//

 

 

 

"—shocks, Miss Bae, nauna ata ako sa 'yong pumasok ngayon," biro ng Physics professor nila, pero ang utak ni Irene papabilis pa lang ang takbo.

 

Hindi niya na na-register pa ang tawanan ng mga kaklase niya.

 

"I'm sorry po," na lang ang naisagot niya nang mabilis itong umupo sa tabi ni Yerim.

 

"Nonsense, paminsan naman magpa-late ka. Ako na nakikiusap."

 

At habang nagtatawanan pa ang mga kaklase nila, kinuha na ni Yerim ang pagkakataon para kamustahin ang kaibigan.

 

"O, ba't ganyan itsura mo? Para kang binagyo."

 

Umiling lang si Irene. 

 

Sa isip niya, ibang uri ng sakuna ang nagbabadyang dumelubyo.

 

"Sure ka okay ka lang?" tanong pang muli ni Yerim.

 

 

 

//

 

 

 

"—yes. Okay lang naman," sagot ng Chemistry professor ni Wendy at Irene sa tanong ng isang kaklase nila tungkol sa aksidenteng pagkain ng moldy na tinapay. 

 

Hindi na nila lubos na napakinggan pa ang buong paliwanag, basta ang gist ay 'pwede, 'di mo ikamamatay, sasakit lang tiyan mo'. Ang atensyon kasi nilang pareho, nabaling na sa kakaibang 'disturbance sa force'.

 

"Bakla," bulong ni Wendy, "ramdam ko hanggang dito 'yang pag-vibrate ng pagkatao mo. Anong ganap?"

 

Umiling si Irene. "Medyo disoriented lang siguro, Baks."

 

Napapikit si Wendy, mabilis na inangkin ng pag-aalala ang mga mata nito. "Sa bahay ba, Baks?"

 

Umiling ulit si Irene, mas mariin. "No, no. Ano lang," napasambit ito ng kaunti, "unsettling lang. Parang—"

 

 

 

//

 

 

 

"—peste. Paano nga ba sinusugpo ang peste bago ito lumala?"

 

Napahawak na sa ulo niya si Irene. Bakit siya nasa class na 'to? 

 

"Mas malala; mas mahirap sugpuin; mas mahirap tanggalin."

 

Ah, elective nga pala.

 

"Merong recent investment into shock methods para sugpuin ang kahit anong uri ng pest-like growths."

 

Ano nga ba 'tong class na 'to?

 

Bakit peste ang usapan at bakit kailangan niyang aralin ang ganitong bagay—ang pag-gamit ng 'shock' para masugpo ang pest-like infestations.

 

Siguro dahil—

 

 

 

//

 

 

 

Shock.

 

Gulat.

 

Gulantang.

 

"EIGHTY FIVE?"

 

Siguro kung may subtitle ang moment na 'to ng buhay ni Irene, sigurado siyang all caps ang pinakawalan niyang mga kataga.

 

Kung ano pa man ang synonym o translation ng salitang 'shock', iyan ang bumuhos sa pagkatao ni Irene ng parang malamig na tubig. Napadaan kasi siya sa Department at naisipan na rin niyang kuhanin ang midterm cards niya, at dahil siya ang letter C sa salitang competetive, kinuha na rin niya ang pagkakataon para mag-consult. 

 

Laking dismaya niya na lang ng ipaliwanag sa kanya ng isa sa mga professor niya na apparently 'wala siyang creative juices gaano'.

 

"Eighty five?" mas mahina niyang pag-ulit, na siya namang tinawanan ni Professor Kwon. 

 

Gusto niya sanang sagutin pa ng 'walang nakakatawa', pero mukhang pareho lang silang napakamot ng ulo sa sitwasyon. 

 

“You can always do better for the next half of the semester.”

 

‘Eh, saan ko huhugutin kung wala akong creative juices?’ gusto niya itanong, pero sa isip niya, magtitira siya ng dangal kung hindi siya maaambunan ng 90 above na grade.

 

“There are books for inspiration, you know? Or you can try other methods like maybe peer learning, peer review,” may espasyo sa dulo ng huling pantig ni Professor Kwon. Naramdaman agad ni Irene ang kasunod. “You have one classmate who excels particularly in creativity.”

 

Ang kuneho nagtataas ng tenga in anticipation, pero si Irene na enlikened to a kuneho, kilay ang tinataas. “Which classmate?”

 

“Kang Seulgi.”

 

Of course.

 

Just the shock she needed for ‘pest-like growths’.

 

Malamig at nakaka-gulantang ngang tunay sa sistemang nagsisimula pa lang mag-entertain ng ‘certain’ possibilities. 

 

 

 

 

//

 

 

 

Iba-iba ang reaksyon ng samu’t saring kultura sa matunog na pagkonsumo ng pagkain o kung anumang uri ng inumin—mayroong maiirita dahil ‘disrespectful’ ito, pero mayroon din namang magagalak dahil uri ito ng pagpapakita ng ‘appreciation’ sa handa.

 

Pero sa pagkakataong ito, matinding ‘pagka-alarma’ ang naramdaman ni Wendy para sa kaibigang si Yeri na matunog na matunog ang pag-konsumo sa milkshake niyang kalahating gatas, kalahating yelo at binudburan ng slight na dinurog na Oreo.

 

Bakit?

 

Nanlilisik at nakatutok ng mala-sniper ang mga mata ni Irene sa kaibigan. At kung mayroon mang subtitle in parenthesis na nakikita si Wendy sa moment na ‘to, ‘yon ay ‘(staring, silently wishing violent brainfreeze upon obnoxiously-consuming-Oreo-milkshake friend)’.

 

“Bakit?” inosenteng tanong ni Yerim kay Wendy na nagkusa nang itabi ang inumin niya para sa kanya. “Wala naman, naalala ko kasi nakwento mo sa akin nung sophomore year na gusto mo ng tatlong cute na apo one day.”

 

Nagkibit-balikat na lang si Yerim.

 

“Hindi ko maintindihan,” naisa-boses na rin ni Irene ang tumatakbo sa isip niya, kaya tahimik namang napabuntong-hininga in pure and utter belief si Wendy.

 

“Ang alin ba, Baks?” tanong ni Wendy, isang not-so-discreet attempt na ibaling sa kung saan ang usapan—kahit ano na, basta walang mamamatay.

 

Sumenyas sa may gawing kalayuan si Irene gamit ang labi niya—banda sa may likuran ng dalawang kaibigan niyang naka-upo sa bangko sa tapat niya. Sinundan ito ng tingin ng dalawa.

 

Bumungad naman sa paningin nila si Kang Seulgi na binaliktad at mukhang pinapagpag ang bag sa ibabaw ng basurahan. Samu’t saring balat ng chocolate, resibo, at damo (?) ang nalaglag mula dito.

 

“Oh, ‘di pa rin pala tayo tapos sa kwentong Rocky,” mungkahi ni Wendy.

 

Inilapat ni Irene ang dalawa niyang kamay sa ibabaw ng usual nilang table—mariin at puno ng inis. 

 

“How can ‘Rocky’ who looks like hindi siya nagdadala ng notebook manage to go past me by 0.08?”

 

“It’s just 0.08,” bulong ni Yerim na hindi lingid sa pandinig ng kaibigan nilang mga dalawang araw na rin babad sa misteryosong si Kang Seulgi.

 

Muli pang bagsak ng mga kamay nito mesa. “0.08 below her average is mine. At alam niyo kung paano ko nakuha ‘yon?”

 

Nagtinginan ang dalawa. Alam nila sagot, pero alam naman nilang reyna ng retoriko ang kaibigan nila. Kaya naman, for drama’s sake and for effect, nanahimik na lang sila at inantay itong makatapos ng build-up ng argumento niya.

 

“Walang tulugan, walang lakwatsa, walang TV sa bahay, walang hashtag-at-random-blockmate’s-party, walang oras sa tipikal na ini-enjoy niyo.”

 

“Why does ‘niyo’ sound very judgmental?” mahinang reklamo ni Wendy. “Don’t tell me in-observe mo?”

 

“You mean stalk,” diin at dagdag ni Yerim na somehow nahanap ulit ang milkshake niya’t matunog ulit na sinimulang inumin. Hindi na ito inintindi ni Irene. “Bakit ba sobrang frustrated ka sa difference niyo in lifestyle? I mean, malay mo pala-review ‘yan sa bahay nila.”

 

“Gusto mo ba malaman bakit?”

 

Tumango si Yerim, tumango na rin si Wendy.

 

“Gusto niyo talaga?”

 

 

 

//

 

 

 

Part na rin siguro ng ‘frustration’ ni Irene ang mala-ninja na pasok ni Rocky sa buhay niya. Like a dark shadow, bigla na lang pinaalam ang presensya niya and in the most cruel way possible. 

 

Pero, kung iisipin niya, baka siya lang din talaga ‘yong walang pakialam sa paligid niya, dahil mula nung moment sa parking lot, mula nung makausap siya ni Professor Kwon, saka lang din na-realize ni Irene that Kang Seulgi was actually everywhere.

 

At kasabay ng realization na ‘yan ang pag-obserba niya sa pagiging unique nito na silang pumuno sa listahan ng mga rason kung bakit hindi matahimik at gaya niyang kulang na lang ibenta ang kaluluwa sa mga demonyo sa alas-tres ng umaga, magbunga lang ng mataas na grades ang pinagsunog niya ng kilay.

 

 

 

Reason number 1, two days ago, sa may labas ng faculty hall:

 

May isang hilera ng mga studyanteng nakaupo sa sahig ng kahabaan ng hallway—puros nagsisibuklat, nagdadasal na paulanan ng lakas ng loob na makausap ng maayos ang kani-kanilang sadyang mga professor, nag-aalay sa mga anito sa pintuan ng mga art professors nila, o di naman kaya’y nagsisindi ng insenso.

 

Pero hindi si Kang Seulgi.

 

Si Kang Seulgi na mukhang nakikipaghabulan pa nga sa pusang nahanap niya sa may artsy na damuhan sa harap ng faculty hall.

 

 

 

Reason number 2, two days ago pa rin, sa may labas ng katatapos lang na language class ni Irene:

 

Habang abala sa pag-uusap tungkol sa isang upcoming quiz ang lupon ng mga studyante sa isa sa mga karatig-classroom ng katatapos lang na klase ni Irene, ayun si Kang Seulgi, nakabukod ng upo sa mga kaklase niya at hawak ang phone.

 

Dagdag pa rito, bukod sa hindi na nga ito nakiki-review kasama sila, mukhang abala pa ‘to maglaro ng Mobile Legends. Malala pa diyan, tawang-tawa pa siya sa sunod sunod na ‘you have been slain, you have been slain’ na nagmumula sa malakas na speaker ng phone niya.

 

 

 

Reason number 3, kahapon lamang, sa Chemistry class na magkaklase si Irene, Wendy at Seulgi.

 

Dumating na nga ito ng late, umupo sa likod nang nakatungo ang ulo (isang attempt maging discreet na mej useless dahil orange ang ulo niya), natulog pa ito mga fifteen minutes ang lumipas.

 

 

 

//

 

 

 

“Wow,” pigil ang tawa sa isang pantig na mungkahi na yan ni Wendy. “Sure kang casual listener ka lang ni Rocky? Mukhang nabili mo na lahat ng album niya at sumali na rin sa card pooling.”

 

“And why does she walk around with that nickname anyway?” may pahabol pang reklamo ni Irene, na finally, sumandal na ulit sa solo niyang bangko.

 

“Maybe because she looks like that?” may hagik-ik na sabad ni Yerim. Nag-kawag pa nga ito ng kilay. Natahimik ng panandalian ang tatlo—tahimik na inobserbahan si Seulgi na tinanggal ang leather jacket nito’t isiniksik sa maliit niyang bag. “How many people can pull off a tank top and orange hair?”

 

“Rocky apparently,” sabi ni Wendy na may pagsiko pa kay Yerim na bungisngis na.

 

Inikot na lang ni Irene ang mga mata niya. “I’m not over the 0.08. Tapos gusto pa ni Professor Kwon magpaturo ako diyan?”

 

Umiling si Wendy. “Akala ko ba peer stuff lang? ‘Di naman turo ‘yon, Baks. More like—a few points and comments here and there tapos, ewan, immersion? ‘Kaw lang ‘tong super anti eh. Judger.”

 

“Oo nga, subukan mo kaya?” pag-sang ayon ni Yerim, at nagpahabol pa nga ito ng isa pang: “judger.”

 

Tila bulkan na nagbabadya, nanahimik man si Irene, patuloy pa rin ang pagtunaw nito kay Seulgi na kakahuli lang ng lamok gamit ang hinlalaki at hintuturo niya. 

 

 

 

//

 

 

 

Hanggang bahay, dala-dala ni bakla ang pagpoproseso nito ng mga posibleng solusyon sa kanyang agam-agam. Ni hindi nito nagalaw ang readings niya para sa susunod na buwan. Yes, ganoon kasama ang sitwasyon.

 

“Huy, Ate!” siya namang pasok ng boses ni Sehun.

 

Napatalon si Irene, at dahil natural naman na siyang magugulatin, nasundan pa ito ng gulat pa sa biglang bukas ng pintuan ng microwave na kanina lang ay sinaksakan niya ng bag ng popcorn—popcorn na luto na’t inangkin na ni Sehun.

 

“May lovelife ka na, no?” pag-kantyaw ng nakababata niyang kapatid na sinimulan nang kainin ang mainit pang popcorn, wala nang pag-intindi pa sa ‘caution: steaming hot’ sa bag.

 

Napaismid si Irene. Ewan niya na rin bakit si Rocky pumasok sa isip niya kahit hindi naman ‘yon ang tinumbok ni Sehun. “Ew. No. At popcorn ko ‘yan, ‘Toy.”

 

Nagkibit-balikat na lang si Sehun. “Bagal mo eh. Mine now. Kung may mananakit sa ‘yo, sabihin mo lang. Upakan ko ‘yan.”

 

Umalis na lang ito. Minsan hindi niya maintindihan ang takbo ng isip ng kapatid niya, parang walang laging pakialam sa mundo, at the same time parang medyo naman. Depende sa mood niya? O depende sa sitwasyon? Ewan. Kailangan siguro pasukin niya utak ni Sehun para lubos na mawari.

 

At wala mang lang maayos na transition in narration or paliwanag, mala ting!-may-umandar-na-bumbilya moment ang nagpaliwanag sa kanina lang ay lunod na pag-iisip ni Irene.

 

Sinimulan na rin lang niya, bakit hindi na lang niya lubus-lubusin ang pagsusuri sa isang Kang Seulgi. Sabi nga ni Jim Henson, ‘if you can’t beat them, join them’. Dagdag naman diyan, ayon kay Hippocrates, ‘desperate measures call for desperate times’.

 

Kaya sa isip ni Irene, nasemento—tuyo at determinado—ang resolusyon na:

 

‘I can take judger, but I cannot afford second place—especially not in the only place I am first.’

 

 

 

//

 

 

 

Kang Seulgi hates people. 

 

At ‘pag tinatanong siya ni Ligaya na bukod tanging taong nagpakita ng tunay na malasakit para sa kanya, lagi niya lang ibabato ang isa sa mga sagot niyang default at standard—may pinagmumulang bulto:

 

a. They .

b. Pack of losers if you ask me.

c. Superficial.

d. They’ll chirp about a spoiled cookie they left in their cabinets and the rest will like it as if it’s the funniest thing in the world. (“You mean tweet?” kaswal na pagtama ni Ligaya sa kanya.)

 

Hindi rin marami ang nakakausap nitong nilalang. So, sakto lang ang bulto niya ng default answers na parang sirang answering machine. 

 

Kaya naman, nang isara nito ang locker niya at bumungad sa kanya si Bae Irene na nakasandal sa bakal ng obheto ng usual school o university drama clichés, nag-malfunction siya.

 

Lalo lang din siyang hindi makasagot nang titigan lang siya nito. 

 

Walang hi, walang hello.

 

Napalingon si Seulgi, siniguro kung may iba pa bang target si Bae Irene na notorious sa department nila na walang pakialam sa kahit sino bukod sa mga kaibigan niya at sa mahal niyang grades.

 

Wala. Bakante ang hallway.

 

Napatingin ulit ito kay Irene.

 

Sa hallway.

 

Kay Irene.

 

Sa hallway.

 

“Hi, ikaw si Kang Seulgi, ‘di ba?” bati ni Irene, sa wakas.

 

Uyam man, natawa kahit paano si Seulgi. “You’d be the first person in the last month who is not a professor to call me that—apart from my parents.” (‘Who are barely there anyway,’ ang napigilan niyang hindi isama sa usapan).

 

“Rocky, then?”

 

Kibit-balikat ang itinugon niya. 

 

“So, ano ‘to? Why would her Royal Highness Bae Irene grace me with her presence? May research ka on drug use for coping in college?”

 

Nagtaas ng kilay si Irene, “dark wit. Pero hindi.”

 

“So—is the paper about anti-social college kids?”

 

“No—”

 

“Effect of annulments to only children?”

 

“Hindi—”

 

“How a zombie apocalypse is likely to start?”

 

“NO! Why would you—STOP IT!”

 

Natahimik, ngumisi at napa-krus ng mga braso si Seulgi, “I’m listening.”

 

Hindi lingid sa obserbasyon niya ang matinding pag-kukontrol ni Irene sa sarili—ang halos mamuting mga daliri nito sa higpit ng hawak sa mga libro niya.

 

“Sabi ni Professor Kwon ikaw raw go-to kung gusto ko mag-improve creatively.”

 

Bumagsak naman ang mga balikat ni Seulgi. Napahinga ito ng malalim. Bakit nga ba siya nagtaka kung may iba pang pwedeng dahilan ang paglapit ni Irene sa kanya? 

 

a. (People) They .

 

“I should have known this would still be about your grades.”

 

“Siya nag-suggest,” mabilis na pag-depensa ni Irene sa sarili.

 

Napailing si Seulgi. “Wala kang matututunan sa akin. Sinasabi ko na ngayon pa lang.”

 

“Still going to try anyway.”

 

“Have you seen me?”

 

“Yup.”

 

“At ano? Mukha ba akong pagmumulan ng wisdom?”

 

“Still going to try anyway,” pag-ulit ng kausap.

 

Mapangutyang ngiti na itinugon niya. “’Pag sinabi kong ayaw ko?” at halos mapasinghal sa tawa si Seulgi sa idinilat ng mga mata ni Irene. At sa isip niya, pagbigyan na lang kaya niya para bwisitin lang ng bwisitin.

 

“Susundan kita. External observation.”

 

Napaismid si Seulgi. “Wow. All this for grades?” 

 

b. Pack of losers if you ask me

 

At sa sabit ng huling pantig ng isinabad niya sa kausap, nakita niya ang mabilis na pagbabago sa mga mata nito. “May mas malalim ako na dahilan sa grades ko, Rocky.”

 

Touché. 

 

Napangiti si Seulgi, at kung hindi man napansin ni Irene, hindi ito gaya ng nauna at pangalawa—hindi mapangutya, dahil bumalik sa kanya at sumabog sa mukha niya ang ‘c. superficial’. Dahil sa pagkakataong ‘to, hinusgahan niya na agad si Bae “May Ambag Ba ‘Yan sa Grades Ko” Irene.

 

“I come with an 3-part instruction manual.”

 

Napakunot ng noo si Irene sa huling statement ni Seulgi.

 

Instruction manual?

 

 

 

//

 

 

 

1. Wala akong phone, kaya ‘wag kang magulo ‘pag ‘di ako nagparamdam.

 

“Sino ba nagsabing hahabulin kita?” mapangutyang bulong ni Irene sa sarili niya isang hapon nang hindi nito matagpuan sa parking lot o sa lobby ng department si Seulgi. “Ganda ka, ‘te?”

 

Napatigil naman panandalian si Irene kakalakad—napaisip. 

 

Sa totoo lang din, ang numero unong kinatakot ni Irene ay baka binitiwan lang ni Seulgi ang malabong agreement sa arrangement na gusto niya para lang hindi na siya makulitan pa sa kanya. 

 

Relatibo na rin namang matagal na panahon (actually, isang gabi at isang umaga lang talaga) na ‘di niya pa ulit nasisilayan si Seulgi. Nakataas ang isang kilay nito nang tantiyahin niya pintuan ng class nila kay Professor Kwon. 

 

Napabuntong hininga ito—sinara na muna ang ikinababahala. May fifteen minutes pa naman bago mag-start ang klase. Itinulak na nito ang pinto’t pumasok sa classroom. Sa isip niya, ipagpapa-mamaya niya na lang si—

 

“Hi.”

 

Ha?

 

Napalingon panandalian si Irene sa may likuran niya—napahanap ng bukod pang pwedeng entrance sa classroom. Sigurado siyang iisa lang naman ang pintuan dito. Unless, sa bintana pumasok si Seulgi. “Akala ko—”

 

“Tagal mo,” reklamo ni Seulgi, sabay abot sa pupulsuhan ni Irene at hila dito papunta sa likod ng classroom.

 

Sigurado rin si Irene na may kalahating oras na rin siyang nag-aantay sa labas ng classroom. 

 

“B-bakit—teka,” nang matauhan si Irene, naudyok na siya ni Seulgi maupo sa corner seats sa may likuran, “—ano, Rocky, bakit hindi tayo sa harap?”

 

“Mga lousy lang umuupo sa harap,” simpleng sagot ni Seulgi.

 

“Excuse me?” may paghawak sa dibdib na sagot ni Irene. “I take full offense—"

 

“—shh.”

 

“Lagi kaya ako umuupo sa hara—”

 

“—shh.”

 

“Are you shushing me?” 

 

Humarap si Seulgi sa katabi, at pumwestong maigi para lang ulitin ang, “shh.”

 

Nanlisik ang mga mata ni Irene. 

 

“Tinanong naman kita kung sa tingin mo may mahuhugot kang wisdom sa akin eh,” may pagkibit ng balikat na sagot ni Seulgi. At sa susunod na sandali, naglabas ito ng isang bag ng chichirya. “Snacks?”

 

“In class?”

 

Inilapit ni Seulgi ang bag kay Irene. “May ten minutes pa bago magsimula klase.”

 

Ibinalik ni Irene ang bag kay Seulgi. “Bakit pala ang aga mo?”

 

“Wala lang din ako magawa. So,” inilapit pa—minsan pa—ang chichirya kay Irene, “wala akong phone kaya pag-usapan na natin ngayon kung anong arrangement nitong sensei program mo.”

 

“We’re really going to call it that?” 

 

Tumigil sandali ang kamay ni Seulgi na kakadukot lang ng potato chips na on the way na sana sa bibig niya. “May naisip ka bang iba?” 

 

“Ewan—buddy system?”

 

“We’re not exactly buddies.”

 

“Knowledge exchange program?”

 

Napasinghot si Seulgi. “Parang alam ko na kung bakit kailangan mo ako.”

 

“You just called me boring without calling me boring.”

 

Isinubo na ni Seulgi ang potato chip. “Sensei program?” 

 

“Fine. Sensei program,” may pag-aalangang pag-sang-ayon ni Irene. Sinundan na rin niya ito ng sarkastikong: “ano bang lesson natin ngayon, sensei?” 

 

“Basta kung paano ka sa klase, gano’n ka lang.”

 

Gusto sanang kwestyunin ni Irene ang lahat. 

 

Pumangalawa bigla sa list of thoughts niya ang kagustuhan na gawin na lang ‘trial mode’ ang first session ng sensei program ni Seulgi. Ito na magiging determining factor kung may patutunguhan ba ‘to o maglalaan na lang siya ng extra hours sa gabi para maibalik na lang ang agwat na 0.08.

 

Napabuntong-hininga na lang ito.

 

Pumasok, nakapagbigay na ng lecture at lahat si Professor Kwon, si Seulgi wala man lang nailabas na notebook. At habang dumadaan ang mga oras, umaakyat na sa ulo ni Irene ang pagka-iritang kanina lang ay nasusugpo pa ng asado niyang sistema—asado na baka may itinatagong pang malupitang technique si Seulgi; na baka may recorder pala siyang tinatago o ano.

 

Pero wala.

 

Kasabay ng pagka-wala ng concentration ni Irene sa lecture ay ang inis niyang nagbigay daan sa samu’t saring bagay na nasisimulan niya nang mapuna:

1. May isa silang kaklase, Wonho apparently ang pangalan, na napaka-hilig makipag-debate sa mga kaklase

2. Chungha naman na nakaupo malapit sa bintana, nakikinig naman, pero mabilis madistract ng phone

3. May dalawa palang Minho sa klase na ‘to

 

Bahagyang nagtaas ng hintuturo si Seulgi—itinuro ang isa pa nilang kaklaseng masipag na nagsusulat; ngarag na pinagsasabay makinig at magsulat.

 

Maya-maya lang, sa may kabilang banda naman ng classroom may itinuro si Seulgi. May isa pa silang kaklaseng gusto magtaas ng kamay, pero laging nauunahan ni Wonho.

 

Gusto itanong ni Irene kung anong meron, pero bago niya pa mabuka bibig niya, bago niya mabigkas ang tanong, dumakong maigi ang pag-unawa sa sentro ng kaniyang isip.

 

“Everybody tries,” bulong ni Seulgi sa kanya—isang kumpirmasyon:

 

Lahat sumusubok. 

 

Lahat gumagalaw.

 

 

 

//

 

 

 

“So, you observe people?” nagmamadaling tanong ni Irene kay Seulgi na mas mabilis ang pag-hakbang kesa sa kanya. “You learn from everything?”

 

Tumango si Seulgi nang lubos na siyang mahabol ni Irene.

 

“’Pag nasa harap mo lahat, you learn from everyone, other than just one person—other than just Professor Kwon. Everything is knowledge.”

 

Sabik ang nagpabilis sa mga hakbang ni Irene. Hindi na rin niya napansin ang ngiting nagpapatingkad sa mga pantig ng mga tanong na itatanong pa lang. Sa dami ng mga ‘to, isa lang muna ang pinalabas niya:

 

“Saan tayo pupunta?”

 

Natawa si Seulgi.

 

 

 

//

 

 

 

2. Walang kumplikado sa akin, so don’t ask too many questions.

 

“So, anong schedule natin? Every day?” 

 

“Tuwing may klase lang ba tayo may sensei learnings?”

 

“I mean—may list ba tayo? Like a curriculum?”

 

“Teka—saan ba tayo pupunta ha?”

 

“Rocky, ano ba? Ako na lang ba magsasalita?”

 

“Hello?”

 

“Kang Seulgi!”

 

Tumigil na rin sa wakas maglakad si Seulgi, at nang tumigil ito, saka na lang napatingin sa paligid niya si Irene para kilatisin kung saan nga ba sila napadpad.

 

Karendirya. 

 

Sa may likuran ng College building nila.

 

“Um?” 

 

To be fair, pinoproseso pa lang talaga ni Irene lahat ng nangyari so far, wala pa siyang lubos na naaabsorb sa mga ganap. “Karinderya?”

 

Tumango si Seulgi. “Kakain tayo.”

 

Patuloy naman ang pagkilatis ni Irene sa paligid nila. 

 

“Bakit? ‘Di ka nagugutom?” tanong ni Seulgi habang kaswal na inilapag ang bag sa bakanteng mesa at umupo na rin.

 

Umiling si Irene. Nang matauhan, nagmadali na rin itong pumwesto ng maayos sa tapat ni Seulgi. “No—ano lang. Medyo hindi ko lang na-absorb agad.”

 

“Ang?”

 

Sumenyas si Irene sa paligid nila. “I just thought—you know, with a personality like yours—mas emote na lugar papadparan natin like maybe rooftop, or hillside na may nag-iisang puno, or—like—janitor’s closet?”

 

Mukhang napaisip sandali si Seulgi—napatingin panandalian sa itaas. “I believe pang-momol ang janitor’s closet.”

 

Hindi lingid sa pansin ni Seulgi ang biglang pamumula ng mga tenga ni Irene. Pinigilan na lang nito ang singhal na nagbadyang lumabas sa ilong niya. 

 

“So, anyway—” biglang sabad ni Irene, konting fake ubo na rin—change topic na rin siguro, “arrangement?”

 

“Gaya ng sinabi ko kahapon: number 2, hindi ako kumplikado; ayaw ko ng maraming tanong,” sagot ni Seulgi habang isinampa ang ulo sa ibaba ng palad ng brasong nakasampa sa ibabaw ng mesa. “Pero, since may sensei program tayo, sige, papayagan kita magtanong hanggang tatlo ngayon.”

 

“Tatlo lang?”

 

“Ayan, dalawa na lang natira.”

 

“Rocky!”

 

Napasinghal nang tuluyan si Seulgi. “Sorry, masarap ka lang asarin. Yes, tatlo lang. So, shoot.”

 

Itinaas ni Irene ang kamay niya at napaismid si Seulgi ng bigla pamula sa ngisi nito kani-kanina lang. “Bakit ka ba nagtataas ng kamay?”

 

“Sorry, nasanay lang,” pag-depensa ni Irene sa sarili. “Anyway, bakit Rocky palayaw mo?”

 

Napahawak sa ulo si Seulgi ng tuluyan. “Sasayangin mo talaga ‘yong isa sa tatlo mong tanong diyan?”

 

Nag-kibit balikat si Irene. “I just think may history kung bakit Rocky. I feel like it’s something frustrating to you, kaya tinawag kitang Kang Seulgi noong unang beses kitang lapitan. ‘Yon bang… drag siya or something very judgmental na ginagamit ng mga taong sobrang nami-misunderstand ka. I think it’s unfair. Kaya gusto ko sensitive ‘yong unang question ko.”

 

Napangiti si Seulti, at pakiramdam agad ni Irene, mayroon na silang nabubuong connection, na sa tingin niya isang bagay na dapat na present sa pagitan nila ngayong may Sensei Program na silang ganap.

 

Itinaas ni Seulgi ang mga kamay niya, may banayad sa kumpas, akmang magpapaliwanag ng mahabang mahaba. Pero, tila isang bagay na unti-unti nang nagiging usual sa kanilang dalawa, gusto lang talaga bwisitin ni Rocky si Irene. “Matigas ulo ko.”

 

Nag-antay ang kausap ng follow up. Mayroon pa itong pag-tagilid ng ulo ng kaunti. Kaya naman, sinundan na lang din ni Seulgi ng ‘paliwanag’ pa: “Sa sobrang tigas, sinigawan ako ni Dad minsan: Rocky! Parang bato ‘yang ulo mo!”

 

Katahimikan.

 

Natigilan lang din si Irene. “’Yon na ‘yon?”

 

“Yep. ‘Alamat ni Rocky: Uncovered.”

 

“Punyeta.”

 

“Sabi sa ‘yo eh, sayang first question,” may kibit-balikat na pag-ulit ni Seulgi. “O ngayon ako naman magtatanong.”

 

Nagtaas ng isang kilay si Irene.

 

“Bakit sobrang importante grades mo sa ‘yo?”

 

Sumandal ng tuluyan si Irene sa malamig na plastic ng monobloc na upuan niya. “Aasarin mo lang siguro ako ‘pag sinabi ko sa’yo.”

 

“Tell me anyway,” simula ni Seulgi, “para alam ko kung may katuturan ba ‘to. After all, paglalaanan ko rin ng oras.”

 

Napasambit si Irene. Ang mga daliri niya, sinimulang paglaruan ang pinakamalapit na kanto ng paa ng mesa. “Kung saan ako nakatira, I am seen as long as my grades are high.”

 

Tinitigan siya ni Seulgi, tila nag-aantay ng karugtong pa. Pero nang wala nang sumunod pang kahit isang pantig mula sa kausap, sumandal na rin ito sa kinauupuan. Tumango ito. “May dalawang tanong ka pa.”

 

“So, every day nga ‘to?” tanong ni Irene at biglang balik naman ng sigla sa mga mata nito.

 

“Depende.”

 

“Depende saan?”

 

“Ubos na three questions mo.”

 

“Rocky!”

 

 

 

//

 

 

 

“Huy, Ate!”

 

Tumutunog na pala ang microwave; hindi niya na napansin. 

 

This time hindi popcorn ang nakasalang. Tira-tira sa dinner nila nung isang gabi. Iniinit na lang ni Irene para may kakainin silang magkapatid. Parehong naka-duty ang mga magulang nila.

 

“Ano ba, ‘Toy!” hinampas nito sa kung saan niya abot ang kumaripas sa kabilang banda ng mesa na si Sehun.

 

“Tulala ka na naman. Napapadalas ‘yan ah,” pag-asar ni Sehun sa kanya na may kasamang pag-kawag ng parehong kilay. “Alam mo, Ate, kung may lovelife ka na, tanggap naman kita.”

 

“Pinagsasabi mo ba?” tanong ni Irene habang naglalapag na ng dalawang pinggan sa mesa’t naghahain.

 

“Naisip ko kasi,” simula ni Sehun na pumwesto na isa sa mga upuan, “’di pa kita nakitang kinilig sa mga nanliligaw sa ‘yong boys. Huhusay pa man din. ‘Lam mo ba may isa pang-malakasan ‘yong love letters? Basta—isa doon sa mga naiuwi mo bago mo itapon. Ginamit ko nga kay Sejeong ‘yon eh. Boom! Instant girlfriend.”

 

Napaismid si Irene. “Eh, masaya naman ako para sa ‘yo’t kahit paano may nakinabang sa mga love letter na ‘yan.”

 

“’Pag nakilala mo kung alin ‘yon, pasabi papaturo ako sa kanya, baka magkasundo kami.”

 

Umiling si Irene. Pumwesto na rin ito sa tabi ng kapatid. “Alam mo, as far loveletter senders go? Wala pang nag-aattempt sa kanila magpakilala, kaya hindi kita matutulungan diyan. Kung gusto mo ipa-announce mo sa university paper.”

 

Si Sehun naman ang nagkibit-balikat. “Malay mo subukan ko. Pero ‘di nga, Ate—”

 

Napatingin si Irene sa kapatid, dahil bibihira lang ito mag-mukhang seryoso.

 

“—kung bakla ka, tanggap kita.”

 

“Kumain ka na lang diyan.”

 

Tumanggi man, nakipag-asara’t lahat sa kapatid, ‘di rin lubos maisip bakit sa gitna ng magulo nilang hapunang magkapatid ay si Seulgi ang naiisip niya.

 

 

 

//

 

 

 

3. Wala akong direksyon sa buhay as far as I know, kaya bawal ka magreklamo kung walang direksyon ‘pagtuturo’ ko.

 

Maraming nagkaka-crush kay Seulgi. 

 

Sa ilang linggong madalas silang magkasama dahil sa Sensei Program, isa ito sa mga bagay sa buhay niya na sigurado si Irene. 

 

Hindi lang siguro nila malapitan dahil ubod ng weird nito. ‘Yon bang crush na masaya ka nang titigan lang, ‘wag na lang siyang gagalaw, ‘wag na lang siyang magsasalita.

 

Kaya ang sangkabaklaan sa department nila, hanggang tambay lang sa labas ng mga pintuan ng klase nito’t pasulyap-sulyap. Una ‘tong napansin ni Irene isang beses na lumabas sila ni Seulgi last week na magkasama para sa isa sa mga lessons nila.

 

At ngayon, Lunes, isa na namang araw na dapat ay mechanical, nag-aabang si Irene sa lecheng labas ng classroom ng lecheng si Seulgi dahil wala itong lecheng phone, at kailangan pa tuloy niya masilayan ang lecheng paghagikhik ng lecheng malalanding baklang ‘to na nag-aabang din sa labas ng lecheng classroom ni Rocky.

 

Kaya naman, pagka-labas na pagka-labas ni Seulgi na naka-cap na nga, nakilala pa din ng mga baklang nag-aabang. Pero sa may kabilang banda, kung nasaan si Irene, isang matindi-tinding busangot ang sumalubong sa kanya—nadagdagan pa ‘to ng dalawang brasong magka-krus at kilay na umakyat na hanggang penthouse ng asawa ng nanay niya.

 

“Bakit ba kasi ayaw mo mag-phone?” bungad at bati ni Irene sa kanya. 

 

“’Lang kwenta eh,” simpleng sagot ni Seulgi. Bumagal naman ang mga hakbang nito papunta kay Irene nang maramdaman ang aura ng kausap. “Sino kaaway mo? Si Balentina o si Talagbusao?”

 

Itinaas ni Irene ang daliri niya’t sinenyasan si Seulgi na lumapit kaya inilapit nito ang tenga niya. “Kung may phone ka hindi ko kailangan tumambay dito kasama ng mga fans mo. Mukha pa akong gaya nila.”

 

Napasinghal si Seulgi. “Fans? Superifical.”

 

“Hindi nakakatawa, Rocky.”

 

“So,” sinilip sila panandalian ni Seulgi, at nang mag-hagikhikan ito, tumapat uli ito’t lumapit kay Irene, “you don’t like them around? They never really bothered me before.”

 

“Ang akin lang, ayaw kong nagmumukhang desperada.”

 

Napasambit si Seulgi, tinanggal ang cap at inilipat sa ulo ni Irene. At ganoon lang, nagdispersa ang mga bakla.

 

Napatingin sa paligid si Irene. “Ganoon lang kadali?”

 

Nagsimula nang maglakad si Seulgi at inudyok nito ang kasamang sabayan siya—hinila ng bahagya sa may siko.

 

Tumawa si Seulgi. “Lesson number number twelve, ‘pag walang panama ang salita, idaan mo sa kilos. Kung paano ka kumilos, that’s how people will decide to be towards you.”

 

Inayos ni Irene ang cap ni Seulgi sa ulo niya—maigi at lapat, nang hindi madulas. Napalunok ito, “so—”

 

Ibinaba ng bahagya ni Seulgi ang tenga nito sa kasabay. 

 

“—how much of it is real, Rocky?”

 

May sambit na lumabas sa bibig ni Seulgi. Hindi rin sigurado si Irene kung dahil natatawa ito, o ayaw niya pag-usapan. At kung kailan akala niyang wala nang sasabihin pa si Seulgi, nagsalita ulit ‘to.

 

“Most of it.”

 

 

 

//

 

 

 

True enough, wala ngang direksyon, walang curriculum ang Sensei Program.

 

Lesson number thirteen daw ngayon. ‘Di na rin talaga nagtatanong si Irene; tumigil na siya bandang lesson eight.

 

Kaya ito sila ngayon, nasa Rizal studies ni Irene na ngayon niya pa lang kinukuha. Si Seulgi, sumama sa kanya, naki-sit in. And, yes, medyo nag-aalala si Irene dahil hindi niya alam kung ano na naman gagawin nito, pero ayun nga: bawal mag-reklamo.

 

Paminsan nagsisisi si Irene sa pinasok niya.

 

Minsan lang.

 

Kasi madalas—Inaamin niya na sa sarili niya—mas matimbang ang ermitanya-level ‘wisdom’ ni Seulgi.

 

Gaya ngayon.

 

“Teka, ulit lang ah, para malinaw,” simula ni Seulgi na ibinabang maayos ang mga libro ni Irene na binuhat niya para dito sa daan tungo sa class nito, “ito ‘yong Prof mo ‘ka mo na ‘di ka pinapansin?”

 

Tumango si Irene, may bahagya pang pout. 

 

“Bakit?”

 

Panandaliang namasyal ang tingin ni Irene sa mga kaklase bago ito sumagot, “nakakairita daw ako. Ako’t ako na lang daw kausap niya kada klase. Kaya di niya na ako pinagre-recite.”

 

Napapikit si Seulgi. “Sinabi niya sa ‘yo ‘yon?”

 

Mas hayag pa ang pout ni Irene nang tumango pa itong muli. 

 

“Sa harap ng lahat ng mga kaklase mo?”

 

Tango pa nga.

 

Pout pa.

 

Bago pa makasagot pa ulit si Seulgi, bati ng obheto ng simangot ni Irene ang pumuno sa katahimikan ng patay na aura ng klase. Tinitigan ito ni Seulgi, sinundan ng tingin hanggang maglapag ng gamit sa teacher’s table at pumwesto sa harap.

 

Tinapik ni Seulgi sa kamay si Irene, tumayo at mabilis na lumipat sa sulok.

 

“Anong ginagawa mo?” paghabol ng bulong ni Irene sa kanya, pero hindi niya ito pinansin ng lubos. Binigyan niya lang ng thumbs up.

 

Gaya ng hula ni Seulgi, isang malaking preach class ang pamamalakad ng professor na ito, at sa nakita niya first hand kung paano nito hindi pansinin si Irene na bukod tanging nagtataas ng kamay.

 

“So, wala talagang may alam ng sagot? What is the gist of studying the life of Rizal?”

 

Kaya naman hindi na ito nakatiis. Siya na mismo nagtaas ng kamay.

 

“Ah, yes, Miss—” bakas ang taka sa mukha ng professor nang tumigil ito panandalian “—um?”

 

“Kang. Miss Kang po,” may ngiting sagot ni Seulgi—maliwanag at kumikinang-kinang na ngiti. Kinilabutan si Irene.

 

“Ah, yes—um—Miss Kang. So, your thoughts on the matter?” ‘di pa rin nawawala ang taka sa mga pantig ng tanong nito.

 

“It’s more of a question po, Sir,” simula ni Seulgi, at si Irene naman, gusto nang tuluyang lamunin ng lupa. 

 

“Um? Alright. Ano ‘yon?”

 

“Hindi po ba dapat, pagsalamin sa lipunan ang pag-aaral sa buhay ni Rizal?”

 

“Well—you have other social sciences that could better—”

 

“—is it the subject?”

 

Napatigil at napatuwid ng tayo ang professor. “Excuse me?”

 

“Kasi po, Sir,” pagtuloy ni Seulgi, “while it is true that we have courses meant to better understand society, usapin po kasi natin dito ‘yong lipunan natin mismo. The opportunities he had, ‘yong mga pribilehiyong meron siya, hindi naman po kasi ata lahat sa klase na ‘to pareho ‘yong kinatatayuan. It’s a good opportunity to study societal privilege. Kaya po siguro hindi ma-appreciate ng klase ‘yong subject. No relate eh.”

 

“Well—but there is—we—the subject is Rizal. Kaya ‘yon ang pinili kong focus. It’s about getting the job done, hija.”

 

Tumango si Seulgi na para bang naintindihan niyang lubos ang paliwanag. “Okay. Agreed po. Thank you, Sir.”

 

Umiling ang professor, nagbulungan ang klase, at si Irene napatakip na ng bibig. Ito ang isa sa mga panahon na mas pinaghaharian siya ng kaba sa mga ginagawa ni Seulgi, kesa natutuwa. Iiling na rin sana siya’t tahimik na magpapakalunod sa sisi, nang biglang magsalita ulti ang kasama:

 

“Perhaps another professor can do it better?”

 

Napangaga si Irene, ang klase naman napa-singap, at ang professor panandaliang naging reflection ng The Scream, bago sinigawa’t pinalabas si Seulgi.

 

Mga ilang araw din bago lubusang lumabas ang epekto, pero pagkatapos ng stunt ni Seulgi, kahit pa si Irene na lang kausap ng Rizal professor, tinatawag na rin niya ito’t pinapakinggan. At nang humingi ng paliwanag si Irene kay Seulgi, simple lang ang isinagot nito isang beses na nakaupo sila sa ilalim ng silong ng puno sa university park:

 

“Hindi dahil nasa position sila ng authority, tama na sila. Habang takot ka sa kanila kahit alam mong mali sila, they will stunt your growth—hanggang diyan ka na lang kung hanggang saan sila.”

 

Napahanga si Irene. 

 

Lubos na’t walang pagkakaila’t tanggi.

 

Dala pa nga niya hangga’t bago matulog kinagabihan, at hindi—hindi talaga siya nakangiti habang binabalikan ang alaala.

 

 

 

//

 

 

 

Lumipas ang mga araw at linggo na lubos nang nasama sa routine at pang-araw araw na pakikisalamuha ni Irene si Seulgi.

 

Ang mga kaibigan niya, ngisi na lang ang ibinibigay sa kanya kapag nagpapaalam siya para sa Sensei Program nila. Madalas naman na tugon nila bukod sa ngisi ay use protection. Mga animal.

 

Ang mga aral naman na napupulot sa escapades nila ni Seulgi, sari-sari din. Paminsan ka-level ng wisdom ng Pari, ng mananaliksik, ng pulitikong pinagkahuyan na ng panahon. Minsan din naman walang point—tipong alin ba talaga mas masarap? Coke o Pepsi? Matamis o maasim na spaghetti? O kung effective ba talaga ang pagpapadala ng mensahe gamit ang kwago a la Harry Potter o ‘di naman kaya uwak a la Game of Thrones? (Na sinagot ni Irene ng, “phone, wala kang palya sa phone, pramis.”)

 

“Ibaba mo nga ‘yang phone mo , Totoy, at nasa hapag tayo,” pagsita ng mama nila Irene sa bunso. 

 

Umiling naman si Irene—iniwan ang libo-libo at milya-milyang saloobing puro na lang si Seulgi ang laman. Nahila siya pabalik sa realidad ng pagsita ng mama nila kay Sehun dahil bibihira lang mangyari ‘yon.  Kung sinisita din man si Sehun, lambing pa din ang tonong nangingibabaw.

 

At sa kalagitnaan ng tahimik na diskusyon sa hapag, nagkaroon ng lakas ng loob si Irene na ibalita ang standing niyang steady ang pag-sibol. Magaan at puno ng sabik niyang ibinahagi sa magulang niya na uno siya ng department.

 

“That’s good.”

 

“May speech ka ba?”

 

Siempre wala. Department lang naman. Hindi College, or kung kayanin niya man pero hindi, ‘di rin naman University. “I—”

 

“Ikaw, ‘Toy? How’s school?”

 

Ganoon lang.

 

“Wala naman bago gaano. New girlfriend siguro?”

 

“Oh! Tell us about her?”

 

“Do we know her?”

 

“Dalhin mo dito sa bahay, naku.”

 

“Ano pangalan?”

 

“Kasama natin sa Church, Ma. Dali hulaan niyo.”

 

Ganoon lang talaga.

 

Minsan ganoon lang kabilis mahigop ng saya sa katawan ni Irene, kahit pa ilang linggo niyang pinaghirapang palaguin, ilang linggo niyang dala-dala’t pinanghawakan.

 

Sanay rin naman siya sa ganito na setup, at ‘di hamak na ubod ng pamilyar sa kanya ng eksenang nagtatawanan ang tatlo sa salas, habang siya maagang aakyat sa kwarto niya’t magmumukmok o lulunurin sarili sa gawa.

 

Ang pinagkaiba lang ngayon, dala-dala niya ang ugong ng boses ni Seulgi. Si Seulgi na simple lang, si Seulgi na hindi niya nararamdaman ng pangangailangang habulin, si Seulgi na hindi siya hihingan ng kumplikadong paliwanag—

 

—si Seulgi na walang phone.

 

 

 

Punyeta talaga.

 

At para bang nakikinig ang universe, umilaw at nag-vibrate ang phone ni Irene sa may night stand niya. Bumangon ito’t binasa ang mensaheng bumungad sa kanya:

 

Unknown Number: paano ba to?

 

Napatingin sa orasan si Irene. 8:58. Mga ganitong oras, kani-kaniyang buhay na inaasikaso nila Wendy at Yerim.

 

Irene: sino to?

 

Unknown Number: kunsensya mo.

 

Irene: Rocky??

 

Unknown Number: blegh. Mas maganda marinig kesa mabasa.

 

Irene: Rocky :(((

 

[Contact saved as Rocky <3]

 

Rocky <3 : ano yung “ :((( “ ?

 

Irene: sad face yan, tanga. 

 

Rocky <3 : ah akala ko bulldog kasi maraming pisngi

 

Irene: -.-

 

Rocky <3 : ano naman yung “ -.- “ ?

 

Rocky <3 : ah wait… alam ko yan. kamukha mo eh

 

Irene: punyeta

 

[Contact Name saved as Irene -.-]

 

Rocky <3 : bakit pala malungkot ka nagparamdam lang naman ako. should I leave you be?

 

Irene -.- : no, wait

 

Irene -.- : stay

 

Rocky <3 : may nangyari ba?

 

Irene -.- : mahabang kwento

 

Rocky <3 : I have time

 

Irene -.- : promise?

 

Irene -.- : Rocky?

 

Irene -.- : o asan ka na?

 

Irene -.- : alam mo kung mang-aasar ka lang pwede ba? Ibang araw na lang?

 

Irene -.- : bahala ka nga

 

Katahimikan.

 

Napahinga na lang ng malalim si Irene, at kasabay ng muling pag-lubog niya sa init ng kumot at kama niya, napasambit ito—umaasang sasama na lang sa paghinga palabas ang sama ng loob na dala niya mula pa unang beses niyang maintindihan ang kunsepto ng favoritism.

 

Hindi porke’t nakasanayan, lagi’t lagi lang din natatanggap ng walang umay at pagod.

 

Tatabunan niya na sana ang sarili sa ilalim ng lubos pang dilim ng kumot—kung saan walang kahit na silip ng buwan, nang tumunog pang muli ang phone niya.

 

May pag-aatubili man niyang itong kinuha, hindi rin naman siya agad pinapatulog ng mga agam-agam niya kaya minabuti niya nang buksan.

 

Rocky <3 : yung bintana mo ba may rehas? O mas bet mo backdoor niyo?

 

“Ha?” 

 

Halos masubsob si Irene sa pagmamadali nitong makababa ng kama’t makarating sa bintana. Nang itaas nito ang salamin at buksan ang dungawan ng kwarto niya, binati naman siya ng imahe ni Seulgi na nakasandal sa may likuran ng motor niya.

 

“Rocky, anong ginagawa mo dito?” ‘bulong’ ni Irene.

 

Nag-kibit balikat lang ito. “Nag-apply akong hardinero niyo.”

 

Nangibabaw naman ang init ng pakiramdam ng panunumbalik ng gaan sa dibdib ni Irene. Bukod rito, hindi mapagkakaila ang ngiti nitong mas maliwanag pa sa buwan.

 

Dumaan na sa harap si Irene.

 

Tinanong lang naman siya kung saan siya pupunta, at wala rin namang follow-up nang sabihin niyang ‘kila Wendy’. Buti na lang din, kasi hindi rin naman niya sigurado bakit itinatago niya pa ang tungkol kay Seulgi kahit alam niyang wala rin namang general pakialam ang magulang niya sa kanya.

 

 

 

//

 

 

 

“So, anong learnings mapupulot ko sa ‘yo ngayon?”

 

Umiling lang si Seulgi.

 

“Walang lesson ngayon. Sabi ko nga sa ‘yo: may oras lang talaga ako.”

 

Ganoon lang.

 

Ganoon lang, at si Irene na ang buong-buong nagpaliwanag nang mapagtanto niyang wala sila sa karinderya, wala sa park o sa kung anumang parte ng school.

 

For once, nasa hill with a lone tree na sila—natatanaw ang libong ilaw ng simple nilang lugar.

 

“Minsan iniisip ko kung ano ‘yong pakiramdam na hindi mo kailangan ibigay lahat para lang maging interesado sila sa ‘yo.”

 

Tahimik lang na nakikinig si Seulgi.

 

Patuloy lang si Irene sa mga bagay na kahit sa mga kaibigan n iya, hindi niya naibahagi.

 

“O ‘yong pakiramdam na ‘di mo kailangan pilitin sarili mo maging higit pa lagi’t lagi na lang. ‘Yong naabot mo na ‘yong akala mong gusto nilang maabot mo, pero ayan na naman. Bago na namang hahabulin. Kahit minsan mukha ka nang tanga.”

 

Natawa na lang at iling si Irene, sabay mungkahi sa sarili. “Speech? What the hell na lang.”

 

“98.93,” mahinang sabi ni Seulgi ilang minuto ng katahimikan ang lumipas.

 

“Ha?”

 

“Average ng pinakamataas sa College.”

 

Napanganga si Irene. “Wow, nahiya pa siya. Sana nag-99 na siya.”

 

“I think you can beat it.”

 

Mariin ang iling ni Irene. “With what time I have left? Mahirap.”

 

“Pero hindi imposible. We’ll start next week. We’ll get you on top.”

 

Tumawa si Irene at umiling. “Rocky, aral na aral na ako, yet 98.72 lang naaabot ko. Ang dami kong dadaanan bago ko marating yang 98.93. Kasama ka nga doon, ‘di ba?”

 

Nang hindi kaagad sumagot si Seulgi, kinuha na itong hudyat na tagpuin ang tingin ng katabi. “Rocky?”

 

“Naka-chamba lang ako. I was bored, and I had time.”

 

At buong pagkatao ni Irene ang pinaghugutan niya ng lakas para hindi bumigay—ang hindi tumingin; ang mag-kunwari, na sa loob ng isang sandali, saglit, na hindi nakakaabala ang mga labi ni Seulgi.

 

“Hm,” simula nito, “hindi ka naman bored lang at may oras kaya sinasamihan mo ako?”

 

Si Seulgi ang unang kumawala, unang sumaglit ang paningin sa mga labi ng kausap. 

 

“Believe me, I hate this place so much, but I’m hardly ever bored with you.”

 

Napangiti si Irene. “It’s an honor, then. To be your only exception.”

 

“Hm,” pabirong nagkibit-balikat si Seulgi, at pagkatapos ng sumunod na katahimikan, siya naman ang nagtanong, “ikaw ba? Sa lahat ng nanligaw sa ‘yo, never nagkaroon ng exception?”

 

Panandalian napaisip si Irene. “Sabi ng mga kaibigan ko mag umabot ng ten words kausap ako. Natatawa pa rin ako isipin kasi pakiramdam ko ang bad ko noong araw na ‘yon.”

 

Sa guni-guni ni Irene, may nag-iba sa tono ni Seulgi. “Bad day?”

 

Tumango si Irene. “I was in a bad fight with my parents. Proud kasi dapat ako that day. I called them to tell them I was getting a full scholarship pero mas abala sila sa football game ng kapatid ko. Nakakapagod magmakaawa minsan.”

 

Napasambit si Seulgi, at sa susunod na sandali, nakapag-pasya si Irene na, somehow, pareho lang sila nang sabihin nitong:

 

“Kailangan ba natin magmakaawa in the first place?”

 

 

 

//

 

 

 

Sa pag-uwi, sagabal man ang personalized helmet (na may mga physics at math equations) na iniregalo ni Seulgi sa kanya, isinampa ni Irene ang ulo niya sa likuran ng himlayan ng aruga para sa kanya habang lumayag sila sa pamilyar na tahakin tungo sa tahanan ng mga Bae.

 

At matatakutin man ang isang Bae Irene, yakap ang ikinapit niya sa kapitan ng kapayapaan ng gabi niya.

 

 

 

//

 

 

 

“Anong score ba?”

 

Hindi na napigilan ni Wendy magtanong. Paano ba naman at kahit pa routine na nilang magkakaibigan maupo sa tambayan nila na ‘to sa umaga’t mag-review at mag-chismisan, medyo nakakarindi na ang may pag-huni pa ni baklang Irene.

 

“Score?” tanong ni Irene nang may bahagyang atensyon, patuloy ang pagsusulat nito.

 

“Eh ‘di kayo ni Rocky,” sabad ni Yerim at sinundan pa nga ito ng, “duh.”

 

Sinbukan ni Irene na hindi pansinin ang panimula ng pang-aalaska ng dalawang kaibigan, pero matindi-tindi lang talagang give-away ang tenga niyang mamumula agad.

 

“Ay, beh, wala,” biglang sigaw naman nitong si Wendy, sabay singil kay Yerim. “O, bayad na. Ganyang pamumula ibig sabihin wala pang nangyayari.”

 

Napasimangot si Yerim at nag-abot ng dalawang garapon ng Stick-O sa kaibigan.

 

Napailing na lang si Irene sa kalokohan ng mga kaibigan. “Ako ba pinagpustahan niyo with Stick-O?”

 

“Yes,” wala namang alinlangang pag-amin ni Yerim. “Pinagpustahan namin kung kailan may mangyayari sa inyo ni Highlighter. Eh, ang pusta ko last week!”

 

“Ew, that’s disgusting,” buong pag-ismid na reklamo ni Irene. “And why would you call her that? That’s very degrading.”

 

“Ikaw ang ‘ew’,” sabad ni Wendy, “Ang whipped mo naman, Baks. Kulay lang ‘yon!”

 

Nagbangayan na nga’t nagbangayan ang Wendy at Irene, at nag-enjoy mang kaswal na bawiin ni Yerim at papakin ang Stick-O na sana’y napanalunan ni Wendy, unang natauhan ang pangatlo’t pinakabata sa magbabarkada nang matanaw nito ang papalapit mula sa may gawing kalayuan.

 

“Ah—ano—mga bakla?”

 

“Sandali, Yerim, ah? Ang righteous nitong isang ‘to eh, nagka-jowa lang ng hipster—”

 

“—anong hipster, ha?”

 

“Hindi kasi, ano—” at nang ‘di pa natigil ang dalawa, hinawakan na ni Yerim sa mga panga ang dalawa’t pinaharap sa kung saan siya napatanga, “—void ang pustahan, Wends.”

 

Void nga.

 

Dahil ilang hakbang na lang ay lubos nang nakalapit si Kang Seulgi sa kanila.

 

Si Kang Seulgi na may bitbit pang patong-patong na libro na aaralin ni Irene. Si Kang Seulgi na walang pag-aalangang lumapit sa kanila. Si Kang Seulgi na nakangiti pa—

 

—at higit sa lahat, si Kang Seulgi na itim na ang buhok.

 

“Um?” na lang ang lumabas sa bibig ni Irene.

 

“Hi,” bati naman ni Seulgi nang marating nito ang espasyong kanina lang ay ekslusibo lang sa tatlong ngayo’y pare-parehong natahimik.

 

“Um—hi,” lutang na bati ni Irene, na siya namang naging hudyat ng dalawa niyang barkada para magligpit ng gamit nila.

 

“Ano, Baks,” biglang sabad ni Wendy, “nakalimutan ko kailangan pala akong samahan ni Yerim sa pet shelter.”

 

“Pet shelter?” bulong ni Yerim sabay siko sa kaibigan. 

 

“Oo, mag-aampon tayo ng pagong, ‘di ba?”

 

“Pagong?”

 

Ganoon lang, naglaho ang dalawa’t iniwan si Seulgi at Irene sa nakakapanibago na namang buhat sa hangin. 

 

Nagpapasalamat na lang din minsan si Irene na matalino siya, kaya kung nagkukulang man siya sa social cues, kahit paano ay compensated naman ng abilidad niyang mag-isip ng mabilis. Itinuro niya ang mga librong bitbit ni Seulgi.

 

“Ano ‘to?” 

 

“Ito?” nakabubulang ang ngiting ibinigay ni Seulgi sa kanya. “Ito road to number one mo. We’re going to get you that speech.”

 

“Rocky,” napailing na lang si Irene, at si Seulgi naman, nagsimula nang magbuklat nang kuhanin nito ang espasyo sa tabi ng kasama. “’Di mo kailangan gawin ‘to.”

 

"Matigas ulo ko," simpleng sagot ni Seulgi.

 

Hindi na pinigilan pa ni Irene ang kinang sa ngiti niya, 'di na rin napigilan nang sabihin niyang, "masaya ako na matigas ulo mo."

 

 

 

//

 

 

 

"So, ano nga ang score?" tanong ni Wendy nang may paghimas sa ulo ng pagong nilang bagong-ampon. Panandalian ring natigilan ang obheto ng interes ng dalawang chismosa--napatingin sa totoo at buhay na pagong.

 

Isang tahimik na study group at sound trip ang hapon na 'to, pero bakit nga ba nagtataka pa si Irene kung may naiisipang bagong trip ang mga barkada niya.

 

Si Irene na nakaupo sa de-gulong na computer chair ni Yerim, napaikot at harap sa dalawang abala sa bago nilang pagong. "Hindi pa kayo tapos diyan?"

 

"Hindi talaga kami maka-get over, Baks, kasi--" tumayo si Yerim at hinila ang pinag-uupuan ni Irene para ilapit ito sa kanila, "--sa pagkaka-alala namin, mayroon kaming friend."

 

Huminga ng malalim si Irene, ihinahanda ang sarili sa patutunguhan ng usapan. Sinakyan na rin naman niya ang trip ng mga 'to. "O kamusta friend niyo?"

 

"Alalang-alala ko pa," simulang muli ni Yerim. "Sabi niya: hindi ako mapapatumba ng pag-ibig."

 

"Ay, I like that line," may pag-hampas pa sa katabing pag-deklara ni Wendy. "Pero may mas bet ako."

 

Napaikot ng mata si Irene. "Ano naman?"

 

Pumwesto pang maigi ang Wendy at may pa-hair flip, bago nito itaas ang isang kilay--isang attempt na punan ang isang epektibong Irene impression, "tingin niyo maloloka ako ng pag-ibig? Ako na walang oras diyan?"

 

Tawanan naman ang dalawa't naghampasan, at sa gitna ng kaguluhan nila, natangay na rin nila si Irene--napailing man, napangiti naman.

 

"Umamin ka na kasi!"

 

At sa isip ni Irene, habang payapang palutang-lutang ang tono't ng awiting hindi siya pamilyar,  pero namimilipit sa tila nataong liriko tungkol sa sintomas ng Kaba na dulot ng panimula ng pag-ibig, napatanong ito:

 

"Ano bang dapat kong aminin?"

 

Para namang hinulugan ng barya't umandar ang dalawa niyang kaibigan. Humarap ang dalawa ng bigla sa kanya, habang nakasampa ang mga ulo sa mga kamay, at tinitigan siyang maigi.

 

"Na ikaw, Bae 'May Ambag Ba Yan Sa Grades Ko' Irene, ay nakakaranas ng malalang sintomas ng pagka-Tootsie--"

 

"--don't say it!" sabad ni Irene, sabay takip sa magkabilang tenga.

 

 

 

//

 

 

 

Symptom number 1: 'Di makatulog sa gabi sa kaiisip

 

"Teka, ingatan ka pababa."

 

First time makita ni Irene si Seulgi na frustrated at wala sa mood. Default kasi nito ang chill at parang walang pakialam. Pero habang pababa silang pareho sa motor nito, 'di mapagkakaila ang pagkakakunot ng noo nito.

 

"Rocky, okay lang. May jacket naman ako o."

 

Mariin ang pag-iling nito--isang payak at pulos na pagkakaiba sa banayad ng pag-tanggal nito sa belt ng helmet ni Irene.

 

"Huy, okay lang talaga," pag-ulit pa ni Irene nang hilahin ito ni Seulgi para sumilong sa munting balkonahe ng pinto ng bahay ng mga Bae, mula sa palakas na ulan. 

 

Umiling si Seulgi. "It's not okay. Basang-basa ka na eh. Mag-shower ka at magpalit na."

 

Tumango na lang si Irene. Naninibago na rin naman siya't hindi alam kung paano saluhin ang biglaang mood swing ni Seulgi. "Tuloy ka na muna sa loob? Parang 'di naman titila pa 'to eh. Baka mapaano ka pa."

 

Hindi tumanggi si Seulgi. May kaunting pag-lambing na lang din si Irene sa kanya bago niya ito lubos na mapapayag. Parehong duty ang Papa at Mama nila kaya hindi rin tumanggi si Seulgi nang alukin na lang din ito ni Irene na mag-wash up at makitulog na.

 

At si Sehun na nahiraman ni Irene ng damit para sa bisita, umandar ang pagka-chismoso. Pero chismis man ang sadya niya, bonding ang kinahinatnan. Hindi na nasundan pa ni Irene kung kailan nakatulog ang dalawa kakalaro nila ng kung anu-anong video games ni Sehun sa salas.

 

Kaya ito si Irene, nakatitig sa puting kisame ng kwarto niya at hindi dinadalaw ng antok. 'Di man siya mahusay sa larangan ng arts--sketching man 'yan o painting--hinayaan niyang lubos na siyang mapangiti ng ipinipinta niyang imahe ng kapatid niya at ni Seulgi na nagkasundo't nagtatawanan sa salas.

 

 

 

//

 

 

 

Symptom number 2: sa diwa mo siya ang panaginip.

 

Literal.

 

"Seulgi."

 

"O?"

 

"'Pag naging tayo ba? Anong magiging tawagan natin?"

 

Ayan na naman ang nakasanayan nang mapang-asar na ngisi ni Seulgi bago ito sinabi ang salitang: 

 

"Ate."

 

"Ha? Bakit Ate?"

 

"Ate!"

 

"Ate!"

 

"Gising!"

 

Biglaan rin ang pag-gising ni Irene. Inalalayan ito ni Sehun maupo.

 

"Binabangungot ka ata, Ate. Kaya ginising na kita. Si Ate Seulgi pala nagpaalam na, 'di ka na pinagising."

 

Napatingin sa madilim pang paligid si Irene--sa bintanang wala pang silip ng sinag ng araw, at sa relo sa table niyang may pulang 4:44 AM. Ito na ang lubos nang nakapagpahila sa kanya sa realidad.

 

May sa demonyo siguro 'tong si Seulgi.

 

 

 

//

 

 

 

Symptom number 3: siya ang laging laman ng isip mo

 

Nasa kalagitnaan ng elective class si Irene nang mapagtanto niya ang hangganan ng pangatlong sintomas.

 

Ito 'yong klase niyang bakanteng bakante si Seulgi kaya madalas itong maki-sit in. Katwiran nito, interesado rin daw siya sa topics sa klase.

 

"Interesado," may pagsinghal na mungkahi ni Irene sa sarili. "Nakiki-aircon lang naman at tulog."

 

Pero hindi sa pagkakataong 'to. In fact, wala si Seulgi ngayon sa tabi niya. Walang natutulog sa bakanteng upuan sa may gawing kanan niya.

 

So, bakit?

 

Bakit niya naiisip si Seulgi?

 

Marahan at mabigat man ang pagbaba ng realization sa sikmura ni Irene, 'di ito mapagkakaila, dahil as usual, una nang namumula ang mga kalupkop ng parehong tenga niya. 

 

"Miss Bae, okay ka lang ba? Naiinitan ka ba?"

 

 

 

//

 

 

 

Symptom number 4: sa bawat sandali ay nais mo siyang makita

 

Rocky <3 : saan ka?

 

"Gusto mo ako na mag-reply?" alok ni Wendy na nakasilip sa may kanang balikat ni Irene. "Kanina mo pa tinitignan message niya eh."

 

"Hindi hayaan mo siya. 'Wag kang bibigay," bulong naman ni Yerim sa may kaliwang balikat.

 

"Bibigay?" taka ni Irene. "Nagtatanong lang naman siya kung nasaan ako."

 

"Replyan mo. Baka pagsisihan mo," bulong muli ni Wendy sa may kanan.

 

"'De 'wag. Paghanapin mo siya kunwari wala kang pakialam sa presensya niya," pasok naman ulit ng boses ni Yerim sa may kaliwa.

 

"Hello? Clearly may pakialam siya? Nakita mo na ba itsura nito ilang araw na?"

 

"Aware akong lunod na 'yan, kaya kailangan hawiin natin pabalik sa sense of pride niya--"

 

"--wag ka ngang kontrabida, Yerms."

 

"--aba ako pa? Ako pa na concerned lang?"

 

Punyeta. 

 

Halos isang buong araw din niyang hindi nakasama o nakita man lang si Seulgi. Kung anong pinagkakaabalahan nito, curious lang din si Irene at wala man lang itong paramdam.  'Di rin naman sure si bakla sa validity sa Rule Number 1 ni Seulgi dahil bumili na rin naman ito ng phone anyway.

 

Ibinaon na sa background noise ni Irene ang nagsasalpukang bulong sa likuran niya at nag-send na ng reply.

 

Irene -.- : sa tambayan. aral na tayo?

 

Rocky <3 : sunduin kita. hindi ka makakapag-aral diyan.

 

Natawa si Irene.

 

Irene -.- : asan ka? nasa malapit ka noh?

 

Ganoon lang, mabilis na gumaan ang lahat. Mabilis na lumuwag ang buhol ng agam-agam ni Irene.

 

At ang napagpasiyahan nito, bahagyang naka-ambang man, sapat sa ngayon, may mga bagay siguro na hindi na kailangan aminin pa.

 

 

 

//

 

 

 

Scenario: as usual, silang dalawa lang na magkapatid sa hapag na si Irene lang ang nag-eeffort hainan. This time nagluto siya.

 

Sumilip sa may gawing balikat niya si Sehun, inaamoy-amoy ang naka-eenganyong amoy ng sinigang na baka.

 

"Uy, wow," bati ni Sehun. "Ate, tawagan mo si Ate Seulgi. Paborito niya 'yan."

 

Hanep.

 

"Alam na alam mo ah," nakangiting mungkahi ni Irene.

 

"Namimiss ko na nga maka-bonding si Ate Seulgi, hinohorde mo naman kaka-aral niyo," dagdag pa nito habang ininom ang baso ng tubig na inihanda na ni Irene para sa kanila. "Favorite ko 'yon si Ate Seulgi. Para bang pamilyar na ako sa style niya eh. 'Di kami nahirapan mag-jamming. Tinuruan pa 'ko paano magsulat ng love letters. Obob ako diyan eh."

 

"Jowain mo na rin, 'Toy," hirit naman ni Irene habang natatawa nang tuluyan.

 

Halos mailabas naman ni Sehun ang iniinom na tubig nang mapasinghal ito na tila kiniliti--tawang-tawa sa biro ng Ate. "Eh, ikaw, Ate. Jowa ka?"

 

Aba'y hayop. Mabilis ang pag-semplang ng mood ni Irene. Padabog nitong ibinaba ang mangkok ng sabaw. "Magluto ka ng sarili mong ulam."

 

"'Tong si Ate, pikon. Joke lang naman eh. Sige na, Ate, tawagan mo na si Ate Seulgi, para eating with family na siya."

 

Tinuldukan pa ni Sehun ng pag-kawag ng kilay ang pang-aalaska sa Ate.

 

"Magtigil ka, Totoy."

 

"Ewan ko ba kasi kung ano pang hinihintay niyo, Ate, eh," simula ni Sehun nang hilain nito ang plato niya papalapit sa sarili. "Lagi naman kayong magkasama. Hatid-sundo ka. Nalagas na nga mga manliligaw mo kasi iniisip nila jowa mo na 'yong tao. Ga-graduate na lang kayo, 'di na kayo naging official."

 

Napasambit si Irene, panandaliang napasilip sa kalendaryo. "May mga priorities ako, 'Toy."

 

Napaismid ang nakababata niyang kapatid. "'Yan hirap sa 'yo, Ate. Priority mo na lang lagi 'yang pag-aaral mo, pero 'yong tao ikaw lagi inuuna."

 

Hindi na sumagot pa si Irene. Tahimik na lang itong kumain, dahil sa isip niya: ano bang alam ni Sehun sa priorities niya, at kung anong dapat niya unahin? Dahil hindi sila pareho ng sitwasyon. 

 

Kahit pa mag-alaga lang ng munggo't palaguin si Sehun, pauulanan siya ng puri ng magulang nila. Eh, si Irene? Mula't sapul, mula unang beses siyang magka-muwang, habol na lang at habol ang ginawa niya.

 

At kinagabihan, hindi niya sinagot ang mga text ni Seulgi. Abala siya eh. 

 

Abala siyang isipin na hindi siya natatakot, na hindi siya nagagambala ng posibilidad 'pag sinubukan niyang ibalik ang mga salitang tahimik na nagpapakinang sa mga mata ni Seulgi, hindi apektado ang mga bagay buong buhay niyang hinabol at pinagtrabahuan.

 

 

 

//

 

 

 

Worth it kaya?

 

 

 

//

 

 

 

Kung sumablay man ang isa sa dalawang bagay na susubukan niyang ibalanse, worth it kaya?

 

 

 

//

 

 

 

Ngayon pa?

 

 

 

//

 

 

 

Ipinresenta ng mahihiwagang tanong na bumabagabag sa kanya, ilang araw na rin ang dumaan, sa anyo ng bumubughaw nang pasa sa may ibaba ng bibig ni Seulgi.

 

"Seulgi!"

 

Hindi niya na nagawa pang magamit ang palayaw ni Seulgi nang maabutan niya ito sa harap ng malaking salamin sa CR sa third floor--naghihilamos, nililinis ang mga sugat at kinakalikot ang pinaka-obvious niyang pasa.

 

"What did you do?"

 

Buong pag-aalalang hinila ni Irene si Seulgi at pinaupo sa marble na latagan, para kilatisin ang mga sugat nito. 

 

"Anong nangyari?" mang-iyak-iyak na nitong tanong.

 

At sa araw na 'to, nasagot nga ang mga tanong ni Irene. 

 

Si Seulgi naman ang inudyok ni Irene na magkwento nang makapwesto na sila sa tambayan nila sa ibabaw ng lahat, malapit sa silong ng nalulumbay na puno.

 

"Bad fight with Dad," ang unang bagsak ng simple pero mabigat na paliwanag ni Seulgi. "Can't take care of anyone but himself. Lost Mom because he's selfish, but insists to keep me anyway."

 

At sa pagpatak ng luha nito sa kalungan ng mga binti ni Irene, naalala ni Irene ang ulan at kung paano ikinasira ng mood ni Seulgi ang simpleng pag-patak ng ulan sa kanya nang ihatid siya nito pauwi isang beses.

 

"I won't be like him. I will take care of everything I care for."

 

Nasagot ang mga tanong ni Irene.

 

At natakot siya sa lahat ng tuldok.

 

 

 

//

 

 

 

Exam niya kinabukasan.

 

Pagod siyang nag-review kagabi. Salat sa tulog.

 

Pero importante si Seulgi.

 

Yan ang gusto niyang idiin sa utak niya, at wala namang kaso kagabi, hanggang pag-gising niya't pagkuha ng exam. Bumuhos lang ng paunti-unti ang realidad ng sakripisyo niya mga sampung minuto pagkatapos niyang maipasa ang answer sheet niya.

 

 

//

 

 

 

Pero hindi.

 

O baka sadyang kulang lang din talaga siya kahit ano pang ibigay niya?

 

Dahil ito siya ngayon, tinititigan ang bakanteng puti ng whiteboard sa exam room, halos sampung minuto rin ang lumipas. 

 

Sa utak niya, mga sampung minuto niya na rin sinisermonan ang sarili niya. Napaka-simple ng mali. Matter lang ng nakalimutang signs. Pero ang problema? Sampung items din iyon.

 

Lalo pang dumiin sa puso niya ang pressure nang marinig niyang magdiwang ang mga kaklase niya sa labas ng room—kung paano nila nakuha ‘yong tanong at kung gaano sila kaswerte na napakadali. 

 

Kanina pa din tumutunog at gumagalaw ang phone niya mula sa loob ng bag niyang hawak niya lang. Hindi niya na nagawa pang iakyat pa sa balikat niya.

 

Sampung minuto din kaya?

 

O higit pa?

 

Higit pa siguro.

 

Higit sampung minuto ang dumaan bago niya maramdaman ang mga kamay na humihila sa kanya patayo, at ang boses na nangangamusta sa kanya.

 

“Hey. Irene, talk to me.”

 

Hinayaan niya.

 

Hinayaan niyang akayin siya ni Seulgi palabas. Hinayaan niyang alalayan siya nito’t udyukin magsalita, udyuking makipag-usap.

 

Tumango lang si Irene sa pangangalma nito. Tumango hanggang siya na mismo ang nagsuot sa kanya ng helmet niya’t pinaupo sa may harap niya kasi buong pag-intindi niyang kuha na wala na rin sigurong gana si Irene kumapit pa.

 

Tumango nang magpaalam ito dahil naihatid naman na siya sa bahay nila.

 

Tumango nang sabihin nitong: “magpahinga ka. Kung kailangan mo ako, tumawag ka lang, ha?”

 

Pero walang pahinga sa ganitong bahay.

 

Bahay na hinihintay na lang din na siya na gumawa ng paraan para umokay siya, dahil katwiran naman nila, “mukhang masama araw. Pabayaan mo muna.”

 

Magtatawanan sila nang parang parte na ng normal nila na si Irene ang gumagamot sa mga sugat niya.

 

Patas lang din. Sanay si Irene. Sanay sila.

 

 

 

//

 

 

 

Lagpas 12:00 midnight na nang lubusang umupo ng mabigat at matalas ang lahat sa dibdib ni Irene.

 

12:00 midnight na rin nang maisipan niyang sagutin ang huling mensahe ni Seulgi.

 

[10:42 PM]

Rocky <3 : I’m outside. 

 

[12:02 AM]

Irene -.- : I hope you are home.

 

Rocky <3 : I’m nearby.

 

Irene -.- : ?

 

Rocky <3 : gusto mo ng kausap?

 

Hindi na sinagot ni Irene. Kilala niyan na si Seulgi by now. Kaya niya sarili niya at ‘pag napagdesisyunan niyang maghintay lang, maghihintay siya. 

 

"Hi," bati ni Seulgi nang lubusan nang makalabas si Irene sa may harap ng bahay nila, at inis ang agad na naramdaman nito nang mapansin niya ang pagpipigil ni Rocky na hawakan siya--yakapin siguro.

 

Nakaramdam siguro.

 

"Gusto mo bang umalis dito?" tanong ni Seulgi nang may pag-abot sa helmet nito sa kanya.

 

Umiling si Irene, at lumubog pang lalo ang puso niya nang marahang ibaba ni Seulgi ang hawak niyang helmet.

 

"May iniisip ka," simula ni Seulgi, may bahid ng uyam sa sumunod na bahagyang tawa. "Hindi ko siguro magugustuhan."

 

"I'm sorry, Rocky."

 

Napaka-simple ng sagot.

 

"I'm so, sorry. It's just--" mas nainis pa't nanggigil sa sarili si Irene na hindi siya makapaglabas ng gusto sabihin, na nauuna ang hikbi, nauuna ang paninikip ng dibdib niya't hindi niya na maabutan, "my family--"

 

Hindi pa siya tapos pero napansin niya na ang pahiwatig ng tango ni Seulgi.

 

"I do everything," pagtuloy pa ni Irene, "deprive myself of everything, pero hindi nila ako nakikita. Pero siya? My brother--he doesn't even have to do anything, he doesn't have to try."

 

Matunog ang paglunok ni Seulgi, lalo lang nahirapan si Irene tignan siya ng diretso, at lalo pa nang bigla itong magsalita:

 

"I see you," mahinang sagot nito--mahinang, mahina't natabunan na ng pait. "And you don't even have to try."

 

"Stop. Please?" pagmamakaawa nito, at nang nakita niya ang hakbang ni Seulgi papalapit, "hindi ka ba napapagod?"

 

"I--" at sinubukan niya. Sinubukan pa ulit ni Seulgi magsalita, pero pinili nitong manahimik na lang at tamango. "Can I just give you this then?"

 

Inilapag ni Seulgi ang helmet ni Irene sa pagitan nilang dalawa. Kung anong tanda, ano ang simbolo, wala nang lakas si Irene alamin pa. Ang alam niya lang, ayaw niya ng tanda ng desisyon niya sa gabing 'to. "Keep it. I don't want to."

 

"I can't," ang huling sinabi ni Seulgi bago ito tumalikod nang tuluyan.

 

 

 

//

 

 

 

Sa distribusyon ng kapangyarihan at sakit sa bawat paghihiwalay ng dalawang landas, sabi nila, may lugi, may yamado. Pero ang katanungan sa isip ni Irene:

 

Mayroon bang pantay lang?

 

Kasi ito siya, papasok ng Chem finals kung saan kaklase niya si Seulgi at si Wendy. At alam niyang masakit. Masakit na pinili niyang maupo sa harap kahit na bakante ang upuan sa tabi ni Seulgi.

 

At mas masakit pa nang hindi man lang siya tignan ni Seulgi.

 

Inikot ni Wendy mga mata niya. "Ikaw na ang naglagay ng bakod kaya 'wag ka nang umasang hahabulin ka pa."

 

Dapat tumango na lang siya. May point ang kaibigan niya.

 

 

 

//

 

 

 

Matiwasay ang finals week.

 

Tahimik siyang nakapag-review; walang abala sa kahit anong anyo. 

 

Parang pati bahay nila nakisama't tahimik.

 

Si Sehun, hindi siya kinakausap. Kahit 'pag sila lang ang nasa bahay.

 

At sa bawat pagtingala niya't titig sa kisame niya sa kwarto, hindi niya maalala ang mga kulay na napili niyang ipinta doon kasabay ng pagdating ng tingkad ng pagkatao ni Seulgi. 

 

Puti, sobrang puti ng kisame.

 

Pero sabi nga nila. Hindi naman lahat ng tamang desisyong masaya ka.

 

 

 

//

 

 

 

May mga panahon din naman na napupurol ang sistema niyang kumbinsido na tama ang desisyon niya.

 

Nakaupo siya sa harap ni Professor Kwon na panay ang bati sa final output niya.

 

"Alam mo, hindi ako Star Wars fan," simula ng guro, "pero feeling Yoda talaga ako sa payo ko sa 'yo about Seulgi. I mean 97? It was a really good project, Miss Bae."

 

Tumango na lang si Irene. 

 

"97 is perfect in a class like mine."

 

97 is perfect,' pag-ulit ni Irene sa ulo niya.

 

Seulgi is perfect,' pag-ugong ng ideya sa isip niya.

 

 

 

//

 

 

 

Sa mga oras na malala ang kapit ng pagsisisi sa sikmura ni Irene, tumataas ang sense of dignitiy niya, dahil madalas, doon niya napapatunayan na matindi ang self-control niya at matatag ang self-discipline. 

 

Pero ang hindi niya inasahan, palaban din pala ang karupukan niya with the right amount of push.

 

At ang anyo ng push na nagkrus sa landas niya? Ang mga baklitang paabang-abang sa labas ng mga klase ni Seulgi. Nadaanan niya sila minsan habang patungo siya sa isa sa mga exam rooms.

 

Basag si self-discipline.

 

Warak si self-control.

 

Nagmadali itong maupo sa designated seat niya sa exam room at mabilis na pinulot ang phone niya. Walang alinlangang dial sa contact number ni Seulgi na 'di niya pa napapalitan. 

 

Pero ganoon lang din--

 

Basag si Irene.

 

Warak na rin.

 

Dahil 'the number you have dialled is out of reach' ang bumungad sa pandinig niya.

 

 

 

//

 

 

 

Pagkatapos ng pinakahuling exam ni Irene, kung kailan lamog na siya ng pagod ng sakripisyo at paglalaan ng kaluluwa patungo sa dulo ng lahat ng paghihirap niya, saka nagpakita ang taong sasampal sa kanya ng katotohanan.

 

Pagkasara niya ng pinto ng locker niya, bumungad sa kanya si Ligaya na nakasandal at nag-aantay sa kanya--matalas at puno ng kalkulasyon ang titig.

 

"I will make this quick."

 

Nagtaas ng isang kilay si Irene.

 

"Screw you."

 

Wow.

 

"Excuse me?" to her defense, genuine naman na tanong 'yan. Nagulat lang din siya sa entrada ng isang taong hindi naman siya kilala.

 

"Gusto ko lang sabihin," casual na simula ni Ligaya, at ganoon lang, ibinaling nito ang tingin niya sa mga kuko niya, na para bang ito ang pinaka-interesting na bagay sa mundo. "Kasi never naman sasabihin sa 'yo ni Seulgi 'yan."

 

She calls her Seulgi. Iyan ang nangibabaw sa mga obserbasyon at pinaghalo nang agam-agam sa utak ni Irene.

 

"So, ako na magsasabi para sa kanya," nakangiti namang pagtuloy ni Ligaya, ibinalik na rin nito ang tingin niya kay Irene. "Screw you."

 

Tinapatan ni Irene ang tingin nito. Pagkalunok ng pait sa ngala-ngala niya, sumagot ito, "kung galing kay Seulgi, tatanggapin ko, but if you're doing this on your own accord, I don't think I deserve to hear it from you." 

 

"This is the problem with you," tinapik ni Ligaya ng daliri si Irene sa dibdib na siya namang sinupalpal ng isa ng mas mabilis. "You drown yourself in your own little world, and you don't even know what you do to her."

 

"I am plenty aware, and it was for her. She doesn't deserve someone like me."

 

Tumawa si Ligaya, at ang medyo unnerving pa doon, it felt genuine--na para bang nakakatawa talaga para sa kanya ang isinabad ni Irene.

 

"Here's what you don't know, and I don't care what you feel after, just don't screw it up."

 

Hindi niya namalayan, unti-unting bumaba ang kilay niyang itinaas niya para i-challenge si Ligaya, at sa dibdib niya, unti-unti na ring papalakas ang kabog ng puso niya.

 

"I broke it off with her, and you know why? Because she was not fully into it. She tried really, really hard, because contrary to what she shows people, she's actually nice like that, but I thought I should value myself. I can't beg for someone's love, especially if she was still very much fascinated with you in the first place."

 

What?

 

Napatuwid ng likuran si Irene. "I-I'm not following."

 

"You just had to go and entertain her on a whim twice, then go on your dandy way to break her--again--twice."

 

"T-twice?"

 

"Don't play with me, Bae Irene. You took home her letters the first time, and when I found her all defeated and sheepish I became the distraction. Because with you? She broke every single stupid rule she had."

 

At sa sandaling iyon, sa maliit na saglit na 'yon, sa isip ni Irene, mga alaalang sinlawak ng dalawang taon ang nagsiksikan at nagmadaling bumuhos sa katiting na espasyong bumukas.

 

"She's on her way to the bus station. Her Mom's taking her in. Think fast, Bae Irene."

 

 

 

//

 

 

 

Si Sehun ang unang pumasok sa isip ni Irene. Si Sehun ang nakinabang sa mga sulat na naiuwi ni Irene all that time ago. At kahit malamig ang pakikitungo sa kanya ng kapatid, lumambot naman ang puso nito nang makita niya ang Ate niyang durog.

 

"Ate?"

 

"'Toy, nasa 'yo pa ba 'yong mga sulat?"

 

Tumango ito at panandaliang pumasok sa kwarto niya para kuhanin ang mga sulat, sumikip ang hawak ni Irene sa tangay tangay niya pang helmet.

 

Inudyok na ni Sehun ang Ate niyang maupo sa loob at sabay nilang kinilatis ang mga sulat, sabay din nilang nakita ang hindi mapagkakailang pagkakapareho ng sulat kamay sa mga sulat at sa mga physics at math equations sa helmet na iniregalo sa kanya ni Seulgi.

 

"Oh, my god."

 

Marahang hinila ni Sehun ang Ate niya sa isang yakap kung saan ibinuhos na ng nakatatanda ang mga damdaming pinilit niyang ikulong.

 

Pilit sumasaksak sa kanya ang huling sampung salitang binitiwan ni Seulgi bago siya hinayaang pumunta kung saan niya gusto, bumitaw kung kailan niya gusto.

 

"I--"

 

"Hindi ka ba napapagod?"

 

"Can I just give you this then?"

 

"Keep it. I don't think I can."

 

"I can't."

 

Sampung salita. Gaya lang din ng unang beses niyang tanggihan si Seulgi.

 

"Hi, Irene!"

 

"Hindi ba kayo napapagod?"

 

"I--"

 

"Ano na naman ba?"

 

"I just wanted to give you this."

 

Pilit rin na bumabalik sa kanya ang bawat rule na meron si Seulgi at kung paano niya inabandona lahat ng 'yon, dahil lang gusto niyang makita siya ni Irene. 

 

3. Wala akong direksyon sa buhay

 

But she made it a point to follow a schedule with Irene, gumawa ng sistema para lang makapag-aral siya ng maayos para sa lecheng finals. 

 

2. Hindi kumplikado

 

Ayaw ng maraming tanong. Pero hinahayaan niya si Irene kulitin kung kailan niya gusto mangulit.

 

1. Wala akong phone.

 

And she ing buys one, then gets rid of it the moment she thought it was over for them.

 

Oo, si Seulgi ang malayang nagagawa ang lahat. Sa kanilang dalawa, si Seulgi ang hinuhusgahan ng lahat na malayang ginagawa ang gusto niyang gawin kahit ano pang sabihin ng ibang tao--pero si Irene ang naging makasarili.

 

"Ate, you didn't know," pag-amo naman ni Sehun sa kanya.

 

"No, that's not it," pilit nitong isinagot sa gitna ng hinagpis, "I begged. I lived my life begging for Mom and Dad's attention, so I should have known that it was exactly what I was putting her in."

 

"Ate, it's not too late."

 

"Paano kung nakaalis na siya?"

 

"Paano kung hindi pa, Ate?"

 

"How can I even get there quickly?"

 

"Um, wala ka bang kilalang may motor? 'Yon na lang mabilis na makakapagpadala sa 'yo sa station eh."

 

"Wala, 'Toy, si Seulgi lang eh," halos ingawa na ni Irene, pero ilang hakbang lang nito palabas ng kwarto ni Sehun, may naalala siyang isang nilalang. 

 

Kaibigan ng lahat.

 

May motor na dating ipinapark next to Rocky's cool bike.

 

Hindi na nagsayang ng oras si Irene at pinindot na nito ang dial sa contact number na nagpapasalamat siyang meron siya dahil sa isa sa mga group activity nila sa klase. 

 

"Yo! Bae Irene, what's up, bro?"

 

 

 

//

 

 

 

Mabilis na "thanks bro" at mga sampung bow ang ibinigay ni Irene kay Jackson Wang nang makarating sila sa bus station, na siya namang ibinalik ng palakaibigang mama with a cool-na-cool na "no problem, bro, fist bump!"

 

Nang hindi mahanap ni Irene ang kahit sinong pamilyar na mukha sa mga nag-aabang ng sakay, sa harap ng manifesto ang unang pinagtakbuhan ni Irene. Mabilis niya itong inaral, at mabilis na binasa ang mga numero ng lahat ng palabas na bus. Ang huling humalis ay kaninang madaling araw, so malamang, hindi pa nakakaluwas si Seulgi.

 

At ang paalis naman ay iisa lang ngayong hapon.

 

Paalis ngayon.

 

Literal.

 

"Tangina naman."

 

Tatlong uri ng pagmamakaawa ang ginawa ni Irene--sa ticket booth dahil wala na raw espasyo sa loob kaya hindi na siya pwedeng bentahan pa, guard dahil rumaragasa itong tumakbo paakyat ng bus, sa konduktorang conyo dahil gaya nga ng sabi sa ticket booth (pero in conyo): "you're going to make tayo na lang if you're mapilit because wala nang seat."

 

At umandar na nga at bus at lahat, saka lang nagbunga ang paghahanap ni Irene kay Seulgi. Tahimik lang siya as usual, nasa sulok as usual, pero gulat man ang mga mata, nasalamin ni Irene ang ginhawa nang tumayo ito.

 

"Irene? Anong ginagawa mo dito?"

 

"Pwede ba kitang makausap?" may tonong pagmamakaawa ni Irene.

 

"Naku, ne, kausapin mo na at mukhang hinabol pa 'tong bus natin para sa 'yo," bulong ng lolang katabi ni Seulgi. Nginitian na lang ito ni Seulgi at pinaghingan ng pasensya nang umusli siya palabas ng kinauupuan.

 

"Hi," simula sana ni Seulgi nang makalabas na ito't lubusang makatayo sa harap ni Irene, pero hindi nagsayang ng oras ang kaharap, niyakap siya nito't iniyakan--higpit pa na para bang, 'pag bumitaw siya ng kahit kaunti, mawawala si Seulgi.

 

"I'm so, so sorry, Seulgi. Please, forgive me," iyak nito sa dibdib ni Seulgi.

 

"Naku, ne. Patawarin mo na kawawa naman," nagawa pang muling sumabad ni lola na nasa likuran na dapat ni Seulgi.

 

Nginitian na lang ulit ito ni Seulgi at tinanguan.

 

Sa may harap naman sumesenyas ang konduktorang conyo, "you have to make upo or I'll let you make baba, because you are making unnecessary eksena."

 

Nginitian na lang din ito ni Seulgi.

 

Punyetang moment 'to. Bakit kasi sa bus pa? Di naman ever naging kumportable si Seulgi na pinagbibigyan ng atensyon na ayaw niya, kaya mapawi lang ang pag-iyak ni Irene, aalukin niya itong bumaba.

 

Pero ang baklang nagdrama't may pahabol ng bus na drama, hindi pa pala tapos ang speech.

 

"Seulgi, I am sorry. Hindi ko hahayaan na mangyari ulit 'yon sa 'yo. I am so, so sorry."

 

Hindi rin naman sorry ang hinihintay niyang marinig kay Irene.

 

Laking pasasalamat na lang din siguro niya, at parang pinakawalan ang bawat kadenang naka-aklas sa puso niya nang ibuka ulit ni Irene ang bibig niya at sabihing:

 

"I see you. You won't even have to try."

 

Inilapat ni Seulgi ang mga labi niyang nanginginig pa sa ibabaw ng ulo ni Irene, at niyakap niya ito pabalik--mas mahigpit pa, mas mahigpit pa. Nang makahinga na itong mas maayos, akmang aalukin niya ulit ang kasamang bumaba at umuwi.

 

Pero may ibang agenda si lolang nasa likod:

 

"Naku, ne. Jowain mo na 'yan."

 

At sabad naman ng konduktorang conyo sa harap: 

 

"Get off the bus."

 

 

 

//

 

 

 

“Yerms.”

 

“O?”

 

“Asan ‘yong dalawa? ‘Di ba sabi dito tayo magkikita-kita sa lobby?”

 

“Sumaglit lang daw sa janitor’s closet. May last minute clean-up daw si bakla sa locker ata eh baka naghahanap ng tools.”

 

“Ah. Sipag naman talaga.”

 

“Oo nga eh.”

 

 

fin.

Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!

Comments

You must be logged in to comment
_m3owrene
1023 streak #1
Chapter 1: Gandaaaa parin talaga kahit ilang ulit basahin 🥹
ggomtokki
#2
Chapter 1: AMAZINGGGGG grabe halos maluha luha ako 🥹 yung details (?) din. yung 10 words!!!! binilang ko din talaga yung "I see you. You won't even have to try" ewan ko kung intentionally or not PEROOOOO 😭😭😭 grabeee, you're my fave author talaga. nakakapangsisi na ngayon ko pang 'to binasa. thank you for this po so much. this made my day. 🥹🫶🤍
rilakchaerin91
#3
Chapter 1: Ang ganda 🥹🫶🏻
alexis_keithh
#4
Chapter 1: GANDA TALAGA HAYSSSSSS KAHIT ILANG BESES KO BASAHIN KAKILIG PA DIN 🤧🤧🤧✨
jjangddeulgi #5
Ang ganda ng pagkakasulat!!!
its_aaarrriii
#6
Chapter 1: Reread❤
Kylie_123 #7
Chapter 1: Janitor's closet couple <3333
Kylie_123 #8
Favorite ko talaga to <333
AnneTokki 39 streak #9
Chapter 1: Love this so much 💗🫶💓💛🫶💛
xantheaverielle
#10
Chapter 1: SOBRANG GANDA NITO AAAAA!!! Grabe the warmth that this fic gave me! Sobrang relate sa personal experiences nina Irene and Seulgi in ways that I can't even start to explain. GRABE! I don't know what more to say basta sobrang ganda. So well-written. This is one of my favs now. THANK YOU, AUTHOR!