Corregidor Street
Kalachuchi
Nang matapos ang apprenticeship ni Kali sa Zaha Hadid Architects ay agad siyang umuwi ng Pilipinas para magtake ng board exam. ‘Yan ang orihinal na plano.
Ngunit sa tatlong buwan na pamamalagi niya sa siyudad ay halos isang buwan na siyang tumatakbo. Wala naman daw dahilan kung bakit niya ito naisip na gawin. Ganoon naman yata talaga, may mga kilos tayo na hindi na natin pa kakailanganan ng dahilan. Hindi natin alam kung ganito rin mag-isip si Kali o sadyang napagod na siyang magpaliwanag sa mga taong ‘di naman gaanong kaimportante sa kanya.
Katatapos niya lang magjogging, at mukhang pabalik na sa pinag-iwanan niya ng kanyang bisikleta nang maisipan niyang bisitahin ang coffee shop ng matalik niyang kaibigan.
“Kali!” bungad sa kanya ng barista. Tinanguan naman niya ito bago dumiretso sa may bar counter, “Ikaw talaga ang nakasched tuwing ala-singko ng umaga?” May mga customer na sa loob, ang iba ay nagbabasa habang ang iba naman ay narito upang magmunimuni.
“Ako ang paborito ng mga tao rito, Kali. Buo na ang araw nila kapag nasilayan na nila ako.” Biro naman ng ginoo.
“’Yun pa rin ba ang timpla?”
“Hindi muna. Kung ano ang tingin mong bagay sa itsura ko ngayon,” gulat naman siyang nilingon ng kaibigan. “Sigurado ka?” nagthumbs up lang si Kali, “Sige. Gawin ko na ‘yung iyo tapos tawagin ko lang si Lui.”
Naupo si Kali sa gilid ng salamin. Tiningnan ang oras sa kanyang relo kaya’t hindi niya napansin ang pag-upo ng isa pa niyang kaibigan sa bakanteng silya. “Hello friend,” walang emosyong bati sa kanya ni Lui (Winwin). “Luis Agustin,” bating pabalik ni Kali. “Congrats, nakakuha ka na rin ng pwesto sa wakas.”
“Took you long enough,” tinawanan lamang siya ng dilag. Nagkwentuhan sila tungkol sa kanya-kanya nilang mga ganap sa buhay. Naiinis na nga si Lui dahil ang ilap sumagot ni Kali. Nagbabadya na ang pagsikat ng araw, at dumarami na ang mga parokyano nina Lui, “Tulong muna ako sa likod,” pagpapaalam pa ng binata.
“’Di talaga kayo kumukupas ni Luke (Lucas),” pasimpleng puri ni Kali. “Syempre,” sumuntok ang binata sa kanyang dibdib, “sa usapang kape lang naman kami tumitino eh.”
Nang iwanan siya ni Lui, itinuon na niya ang kanyang atensyon sa streetsweeper, sa ginoong kay aga-aga ay naghahalo na ng semento, at sa panaderong kahahango pa lang sa mga bagong lutong pandesal.
Kinawayan niya ang dalawang binata na sumaludo naman sa kanya bilang paalam.
Comments