final

Kismet.
Please Subscribe to read the full chapter

          Walang permanente sa mundo.

          Lahat ng bagay na nakikita ng hubad na mata ay nagbabago.

          Gaya ng paglipas ng oras na hindi pwedeng pigilan.

          Kahit pa piliin mong magpalamon sa isang mapait na karanasang halos tupukin ang iyong pagkatao, hindi ito hihinto para sa iyo.

          Kapag hinayaan mong tangayin ka ng along dala nito, ikaw ang talo. Wala kang ibang maaaring sisihin kung hindi ang sarili mo lang.

          Kaya ang nararapat lamang na gawin ay matutong umangkop, na kahit gaano pa kahirap, tanggapin mo na walang mananatili sa kung ano sila ngayon.

          Buhay.

          Ugali.

          At nararamdaman ng tao.

          Bagamat nakatanim na sa 'king kokote ang katotohanang 'yon, may isang bagay talaga na kahit pilit ko mang tanggapin ay hindi ko magawa.

          Hindi naman dahil sa umaakto akong parang batang natalo sa isang larong kalye kaya hindi ko pa matanggap. Marami pa kasing mga katanungan na naglalaro sa 'king isipan.

          Bakit nawala?

          Bakit hindi inamin agad?

          Hindi na ba pwedeng maibalik?

          Mga katanungan hindi ko alam kung mabibigyan pa ba ng kasagutan dahil masyado akong duwag para itanong 'yon mismo.

          Ang kaya ko lang gawin sa ngayon ay magpanggap na hindi na ako apektado, na wala na sa 'kin ang mga nangyari.

          Doon naman kasi ako mahusay.

          Sa pagpapanggap.







          "Alam mo bang halos isang oras na tayong naririto sa library at halos isang oras ka na ring mukhang wala sa sarili? Parang nakikipag-usap ako sa sarili ko e."

          Napakamot ako sa 'king batok sa hiya. "Sorry, Ning. May mga iniisip lamang ako."

          "Bakit pa nga ba ako nagtanong?" aniya at saka umirap. "Kung siya na naman ang iniisip mo, mabuti pang itigil mo na. Dalawang taon na ang nakalilipas, Winter. Kung sakali lang na hindi mo alam, pwedeng-pwede kang umusad at umahon diyan sa karagatan na 'yong kinalulunuran."

          Napangiti ako nang mapakla. Alam ko naman 'yon kahit hindi niya sabihin. Sa lahat ng tao, ako ang pinakanakakaalam niyon.

          Ilang beses ko namang sinubukan na bitawan na ang nararamdaman ko pero mas madali kasing sabihin 'yon kaysa aktwal na gawin.

          Hindi naman kasi katulad ng laman ng flash drive ang nararamdaman ng tao na pwedeng burahin kailanman gustuhin.

          Sa nakalipas na dalawang taon na sinubukan ko na umusad ay wala naman akong nakuhang magandang resulta rito. Sa nangyari, parang pinilit ko lang ang sarili ko na hindi pa naman talaga handang bumitaw. Pakiramdam ko tuloy nagsayang lang ako ng oras para sa kalokohan na 'yon dahil nanatili akong nakakulong sa selda ng aking nararamdaman. Hanggang sa napagdesisyunan ko na huwag na lang itong pagtuonan ng pansin. Baka sa ganitong paraan, kusa na lang na mawala.

          Sana nga.

          Humugot ako ng malalim na hininga.

          "Sinusubukan ko naman. Maniwala ka sa 'kin, sinusubukan ko. Hindi kasi ganoong kadali e. Ewan ko ba, parang permanente na ata siyang tumatakbo sa isip ko."

          "Alam ko. Nasubaybayan kita. Nasubaybayan ko kayo. Pero kapag sinabi kong hindi mo pa ginagawa ang lahat, hindi mo pa ginagawa ang lahat. Huwag na tayong maglokohan. Kilala kita."

          Napaiwas ako ng tingin. Pawang katotohanan lamang ang kanyang inutas. Hindi ko pa naman talaga ginagawa ang lahat. Marami pang hakbang na kailangang maisagawa pero kailanman ay hindi ko sinubukang gawin. Siguro dahil na rin sa may parte pa rin sa 'kin na umaasang baka pwede pa, na pwede pang maibalik ang dati kaya gusto kong maghintay. Gusto kong nandyan lamang ako sa oras na pwede na.

          Wala namang mawawala sa 'kin kung gagawin ko 'yon.

          Hindi ba?

         "Nako, tara na nga sa classroom. Baka mahuli pa tayo," pag-iiba niya.

         Napasilip ako sa 'king relos nang marinig ang kanyang sinabi. Alas nwebe y medya na pala. Sa sobrang dami kong iniisip hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras. Bigla tuloy akong nahiya kay Ningning dahil ako ang nag-aya sa kanya ritong magpalipas ng oras ngunit halos hindi ko siya binigyang atensyon.

         Napagdesisyunan kong bumawi na lang sa kanya mamayang uwian bago kami naglakad at umakyat patungo sa 'ming silid.







          Wala pa ang Prof at ang ibang mga kaklase namin ay nasa labas pa nang makarating kami. Malamang ay hindi pa tapos sa kung anuman ang ginagawa nila.

          Napanguso tuloy ako dahil nagmadali pa kaming pumarito. Edi sana mas nagtagal pa kami sa library at nakapagmunimuni pa ako. Pero wala naman na akong magagawa kaya inilabas ko na lang ang cellphone ko at saka dumiretso sa twitter para sumagap ng tsismis.

          rina @yoojimin: friday is walwal day!

          Otomatikong bumagsak ang aking balikat sa bumungad sa 'kin. Sa lahat ng tweet na pwede kong mabasa ay 'yung sa 'yo pa talaga.

          Hindi ko alam kung nananadya ba ang tadhana o baka kasalanan ko lang talaga dahil hanggang ngayon, hindi pa rin kita ina-unfollow kahit pa alam kong mas makabubuti sa 'kin kung gagawin ko 'yon. Gusto ko pa rin kasing maging updated sa buhay mo kahit sa ganitong paraan na lang.

          Muli kong binasa ang 'yong tweet saka ako nangingiting napailing. Napakahilig talaga sa alak. Ibang klase.

          Naalala ko tuloy bigla noong panahong nasa unang taon pa lang tayo sa kolehiyo. Sinasamahan kita palagi sa paborito mong bar sa may bgc tuwing biyernes ng gabi. Kahit ayaw ko sa maingay, sa amoy ng usok ng sigarilyo at alak, kusang-loob ko pa ring ginagawa.

          Bakit kamo?

          Simple lang. Baka kasi may mangyari sa 'yong masama kapag wala ako sa tabi mo para bantayan ka. Mahilig ka kasing magpakalunod sa alak at hindi iniintindi kung anuman ang kahinatnan mo kung sakaling malasing ka nang sobra. May mga kaibigan ka namang kasama pero wala na silang oras para alagaan ka pa dahil maski sila rin ay mga lasing din.

          Kaya ako na lang.

          Ngayong tayo ay nasa ikatlong taon na, hindi ko na pwede pang gawin 'yon. Hindi na ako pwedeng pumapel sa buhay mo dahil matagal nang natapos ang kung anuman ang namamagitan sa 'ting dalawa na hindi ko alam kung papaano bigyan ng karampatang termino.

          Hindi rin kasi ako sigurado. Parang merong tayo kahit na ang totoo ay wala naman.







          Mabilis na natapos ang aming mga klase ngayong umaga. Unang linggo pa lang naman kaya wala pang ginagawa. Gusto rin kaming bigyan ng sapat na araw para ihanda ang aming sarili dahil sa susunod, paniguradong sobrang magiging abala na kami.

          Marami nang tao nang makarating kami sa may paborito naming kainan sa bandang likod ng campus.

          Sizzling corner.

         "Ningning, Winter!" rinig ko habang binabanggit ang aking order kay Aling Lila na may-ari ng kainan na ito.

          Pagkalingon ko ay bumungad sa 'kin ang mukha ng aking isa pang kaibigan.

          At ikaw.

          Oo nga pala. Iisa nga lang pala tayo ng tropahan. Bakit ba palagi ko na lang nalilimutan?

          "Nandito na pala kayo," anang Ningning na nagsimula nang maglakad papunta sa pwesto ni'yo. Tahimik akong sumunod, ulo'y nakatungo upang iwasan ang mga tingin mo.

          "Oo. Nagkataon kasing pareho kaming napaaga ang dismissal," anang Giselle na tumayo para salubungin kami.

          "Sana lahat," pabiro niyang saad bago tinapik ang balikan ng aming kaibigan. Nang matapos sila ay ako naman lumapit sa kanila.

          "What's up, mate?" bati sa 'kin ni Giselle na sinagot ko ng ngisi. Hindi pa rin talaga nagbabago ang mokong na 'to; napakarami pa ring kolorete sa mukha.

          Napalunok ako nang lumapat sa 'yo ang mga mata ko. Ginawa ko ang lahat para pigilan ang panginginig ng aking kamay bago 'yon iniabot sa direksyon mo.

          "Winter."

          "Karina."

          Ramdam ko ang tensyon na namuo sa pagitan natin. Ang mga mata'y magkatitigan, tila ba'y nag-uusap. Ngunit gaya ng pagbabago ng panahon, hindi na rin kita magawang basahin. Blangko ang ekspresyon mo, ang gilid ng labi ay bahagyang nakaangat.

          Naikuyom ko ang aking kaliwang kamao. Parang dati lang ang mga ngiti mo ay palaging umaabot sa 'yong mga mata tuwing nakikita mo ako pero ngayon parang pinilit na lang.

          Paano nga ba muli tayong napunta sa ganitong estado?

          Nabilis kong binawi ang aking mga kamay at pabagsak na naupo sa tabi ni Ningning. Ramdam ko pa rin ang mga tingin mo pero hindi ko na pinakialaman pa.

          Nandito ka hindi para magdrama. Magtigil, Winter. Ibinaling ko ang aking atensyon sa dalawa.

          "Kumusta klase?" panimula ni Giselle na halos paubos na ang kinakain.

          "Sayang lang ang ipinasok ko ngayon dahil wala naman kaming ibang ginawa kung hindi tumunganga at tanawin ang mga ibon na malayang lumilipad sa kalangitan mula sa bintana," sagot ni Ningning na nakapangalumbaba sa lamesa. "Puro attendance pa lang at bigayan ng syllabus."

          "Mabuti nga kayo e. Akin tambak na agad e. Akala mo kulang na kulang sa oras mga profs. Mga walang konsiderasyon."

          Hindi naman 'yon nakagugulat. Parang palagi namang abala ito si Giselle sa totoo lang. Ganoon ata talaga kapag engineering. Madalas nga kapag may lakad ang barkada ay hindi siya nakakasama dahil mas prioridad niya ang pag-aaral niya na siyempre ay mabuting bagay naman.

          "Ikaw Karina?" tanong ni Ningning kaya napalingon ako sa 'yo na itinigil ang pagkain. "Kumusta ang aming nag-iisang arki?"

          Uminom ka muna ng tubig bago sumagot. "We have already begun with our lessons pero wala pa namang binibigay na mabigat na gawain ang mga profs. I still have the leisure to take it easy."

          Pinili kong makinig lang sa kanila habang pinapakalma ang aking puso na hanggang ngayon ay sobrang lakas pa rin ng tibok. Ilang taon na pero ganito pa rin ang epekto mo sa 'kin.

          Hindi naman ganito dati e. Normal lang naman noon. Nagising na lang ako isang araw na tinatanong ang sarili kung bakit iba na ang nararamdaman para sa 'king kaibigan.

          At noong 2018 pa 'yon. Nasa taong 2020 na kami ngayon. Dalawang taon na pero hindi ko pa rin nalalaman ang sagot.

          "Are you okay, Winter?" Napaangat ako ng tingin nang sabihin 'yon ni Giselle. "Kanina ka pa tahimik. Mukhang hindi mo rin ata napansin na dumating na ang order mong pagkain."

          Bumaba ang aking paningin at totoong nandoon na nga ang pagkain. Nakalahati na rin ni Ningning ang kanya samantalang sabay lang naman kami umorder. Hindi pa natatapos ang araw pero mukhang wala na ako sa wisyo.

          Nakita mo lang siya, nagkaganito ka na.

          "I'm fine," sagot ko saka siya nginitian. "May iniisip lang."

          Wala sa sarili akong kumain. Ang dating paboritong pagkain ay biglang hindi ko malasahan. Masyado akong kinakabahan.

          "Talaga ba? Hindi pa naman talagang nagsisimula ang klase ninyo kaya hindi mo pwedeng idahilan na 'yon," si Giselle ulit na naniningkit na ang mga mata sa 'kin.

          Natagpuan ko ang sariling kinakabahang napapalunok.

          Hindi ko nagugustuhan ang tungo nitong usapan.

          Nabalot ng katahimikan ang mesa namin. Lahat ay naghihintay sa 'king sagot. Maski ikaw na abala kaninang kumain ay nasa akin na ang atensyon, nakataas pa ang kanan mong kilay.

          Mas lalo tuloy akong kinabahan.

          "Ay nako, kanina pa 'yan ganyan. Huwag ni'yo na lang pansinin. Magiging ayos din 'yan," singit ni Ningning na pasimpleng kumindat sa 'kin. Mukhang kailangan ko siyang ilibre mamaya dahil dito.

          Pansin kong saglit na nag-isip si Giselle na para bang kinakalkula kung maniniwala ba siya bago tumango na lang at nagpatuloy sa pagkain pero alam kong may namumuo na sa isip niyan at alam kong hindi maganda 'yon. Maski kasi siya ay alam na wala na akong nararamdaman para sa aming kaibigan. Panigurado akong magtatampo 'yan sa 'kin kapag nalaman niyang hindi 'yon totoo.

          Hindi naman sa wala akong tiwala sa kanya kaya pinili kong itago. Ayaw ko lang talaga na problemahin pa niya 'yon. Sapat nang si Ningning lang ang may alam sa ngayon.

          "Winter." Naramdaman ko ang palad mo sa ibabaw ng aking kamay na agad kong binawi dahil sa kakaibang dulot ng pagkakadikit ng ating balat. Nangunot ang noo mo pero wala kang sinabi tungkol doon. "Are you sure you're okay?"

          Ramdam ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Lalong lumakas ang kabog ng aking puso.

          Tangina, kumalma ka naman, Winter. Huwag mong masyadong ipahalata na hulog na hulog ka pa rin sa kanya.

          "Yeah, I am okay. Don't worry about me."

          Kahit ilang taon na tayong hindi ayos, alam kong nag-aalala ka sa 'kin. Ganyan ka e. Palagi mong inaalala ang ibang tao. Pero ano kayang mararamdaman mo kung malalaman mong ikaw ang dahilan kung bakit ako nagkakaganito? Paano kung malaman mong hanggang ngayon, ikaw pa rin? Na ang mga sinabi ko noon sa 'yo na ayos na ako ay isang kasinungalingan lang?

          Hindi ka nagsalita at bagkus ay mataman lang na tumitig sa 'kin. Tumatabingi pa ang iyong ulo na parang sinusubukan akong basahin. Napaiwas tuloy ako ng tingin sa sobrang ilang. Mabuti ay hindi mo na ako muling kinausap.

          Mahirap na, baka bumigay ako.

          "Nga pala, gusto ni'yo bang magbilyar mamaya? The usual place," pag-iiba ni Giselle matapos ang ilang segundong katahimikan.

          "Akala ko ba tambak na kayo ng gawain? May oras ka pa ba para riyan?" Si Ningning.

          "Mate, sabado bukas. Pwedeng-pwede ako ngayong gabi," sagot ni Giselle.

          Tango lang ang kanyang isinagot dahil abala siya sa pag-ubos ng softdrinks niya.

          Napaisip naman ako. Ilang buwan na rin mula noong huli akong nakapaglaro. Iniiwasan ko kasi dahil madami akong naalala roon na hindi dapat. Pero wala naman sigurong masama kung papayag ako ngayon.

          "Hard pass," biglang saad mo kaya nagtinginan ang lahat sa 'yo. "There's somewhere I need to be after class."

          The Empire. Mukhang gusto mo talagang gumimik mamaya.

          Hindi ko mapigilang mapaisip kung sinu-sino ba ang mga makakasama mo.

          Hindi ka ba nila pababayaan?

          Paano kung may mangyaring hindi maganda sa 'yo?

          Aalagaan ka ba nila kapag nalasing ka nang sobra?

          Paano ka uuwi?

          Agad akong napailing bago pa man makarating sa kung saan ang mga iniisip ko. Hindi ko naman dapat problemahin pa 'yon. Malaki ka na. Kaya mo na ang sarili mo.

          "Boomer," asik ni Giselle na nakatanggap ng masamang tingin mula sa 'yo ngunit hindi niya 'yon pinansin. "Kita-kita na lang mamaya sa tapat ng main gate."

          Nagsimula na kaming magtayuan para bumalik sari-sariling klase pero bigla akong napahinto nang makita ang taong naglalakad papalapit sa pwesto namin.

          Ah. oo nga pala.

          "Babe," saad ng bagong dating na babae at saka humalik sa pisngi ng taong nasa harap ko.

          May girlfriend ka nga pala.

          Bigla pumait ang lasa ng aking laway nang masaksihan 'yon. Gusto ko man tumakbo paalis dito ay hindi pwede. Mas magiging malaki ang problema ko kapag nakahalata si Giselle na may nangyayaring hindi niya alam.

          Kaya nanatili akong nakatayo roon, pilit na nagpapanggap na wala lang sa 'kin ang nangyayari; na para bang hindi ako nadudurog sa loob-loob ko.

          Iniwas ko ang aking tingin noong ngumiti ka nang pagkatamis-tamis. "You're right in time. I am just about to go to my next class. Let's go?"

          Narinig kitang nagpaalam sa dalawa. O baka sa 'kin din? Hindi ko na alam. Parang bigla ata akong nabingi at wala akong ibang marinig kung hindi ang tunog na parang merong nababasag sa malayo.

          Pasikreto ko kayong pinagmasdan na lumabas ng kainan. Ang inyong kamay ay magkasiklop na para bang may mawawala sa isa sa inyo kung mangyaring magbitiw kayo.

          Mahina akong napamura, iniisip na dapat ako 'yon; na ako sana ang nginingitian mo nang ganoon kung umayon lang sa 'tin ang pagkakataon.

          Pero hindi.

          At hindi ko pa rin 'yon matanggap. Paano ko nga ba kasi gagawin 'yon? Kung sa dalawang taon mula nang inamin ko sa 'king sarili na mahal kita ay wala akong ibang ginawa kung hindi umasa na mahal mo akong muli.

          At wala akong planong tumigil kahit pa malaki ang posibilidad na mawasak lang ako sa huli.

          Basta ikaw ang hihintayin.







          Palubog na ang araw nang makarating kami sa may bilyaran. Gaya noong huli akong napadpad dito ay maingay pa rin. Ang hangin at ang usok ng sigarilyo ay naghahalo. Karamihan nang narito ay mga kalalakihan na base sa 'king naririnig ay nagpupustahan na may kalakihang halaga. May iba ring kasama ang kani-kanilang mga nobya para magpasikat. Mga tama bola naman.

          "Baka gusto mo naman kaming patirahin, Win?" angit ni Giselle nang maipasok ko ang huling bola. "Palagi mong inuubos e. Hindi ako nasabihang audience lang pala kami rito."

          "Hindi ko kasalanang magaling ako." Ngumisi ako sa diresyon niya habang inaayos niya ang mga bola. Maski ako, hindi rin makapaniwala. Halos dalawang buwan na akong hindi naglalaro pero kung titignan mo, parang hindi ako tumigil.

          "Napakayabang mo talagang hinayupak ka."

          Natawa na lang ako sa kanyang inasta at inabot ang softdrinks na ipinahawak ko kay Ningning saka ibinigay sa kanya ang tako para sila naman ang maglaro.

          Pinili kong maupo sa gilid habang pinanunuod ko ang dalawa. Medyo nakakapanibago nga na tatlo lang kami dahil nasanay na akong kaming apat ang magkakasama. Alam ko namang nagbabago ang panahon kaso may mga pagkakataon talaga na ang hirap umangkop.

          "Iniisip mo na naman siya, 'no?" Bahagya akong napatalon dahil sa hindi inaasahang boses sa 'king tenga.

          "Ning, pwede ba huwag kang bigla-bigla na lang sumusulpot. Aatakihin ako sa 'yo e," angit ko habang tinatanaw ang dapat niyang kalaro na abala sa pagbili ng kung ano sa kalapit na tindahan.

          "Hindi mo sinagot ang tanong ko."

          Saglit akong natigilan. Hindi ko alam kung may lahi itong mangkukulam si Ningning o baka kasi nagmistula na akong bukas na libro sa sobrang dali ko nang basahin. Kahit alin man sa dalawa, nakakapangilabot.

          "Mahirap naman kasing iwasan 'yon. Alam mo naman, 'di ba?"

          "Edi dapat pala pinilit natin siya kanina na sumama sa 'tin?"

          Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko nagustuhan ang ideya na 'yon. Bihira lang kasi na mangyaring magkasama kami. Pero siyempre, ayaw ko rin naman na mapilitan siyang gawin ang mga bagay na mas gusto kong kusang-loob niyang gawin.

          "Mas ayos nang hindi. Kilala mo naman 'yon. Hindi ipagpapalit ang inuman sa kahit ano," mapakla kong sagot. "Hayaan na lang natin siya sa gusto niyang gawin."

          Hindi na sumagot pa si Ningning. Mabuti na rin 'yon. Parang alam ko na kasi ang sasabihin niya kung sakali at hindi ko magugustuhan 'yon.







          Umuwi na kami sa aming mga bahay matapos ang isa pang laro. Delikado na sa panahon ngayon ang magpagabi. Kung ayaw mong mabalita sa radyo at tv na nanlaban, umuwi ka nang may liwanag pa.

          Matapos kong maglinis ng sarili ay pabagsak akong nahiga sa kama. Alas otso pa lang ng gabi at wala pa akong planong matulog. Ang problema; kung hindi ako matutulog, ano ang gagawin ko?

          Binunot ko ang aking phone at medyo nag-aalangang binuksan ang twitter. Gusto ko lang linawin na gusto ko lang makibalita sa nangyayari sa mundo. Wala naman talaga akong sasadyain na kung sino.

          rina @yoojimin: here @ the empire with the gang. it is going to be a long night! [attached photo]

          Limang babae ang naroon sa larawan. Wala naman akong paki sa iba dahil sa iyo lang ang pokus ko. Medyo mapungay na ang iyong mata hindi pa man lumalalim ang gabi. Suot mo pa rin ang iyong hapit na uniporme na bahagyang nagusot na dahil siguro sa walang-habas mong pagsasayaw.

          Wala sa sariling napangiti ako. Ang ganda mo pa rin talaga kahit halatang pawisan ka na at halos mabura na ang mga kolorete mo sa mukha. Kung sabagay, mas maganda ka naman talaga kapag wala ang mga 'yon.

          Nababaliw na nga siguro ako.

          Pumatak ang alas dies ng gabi at patuloy pa rin kitang nakikita na nagpopost ng mga ganap sa bar kung nasaan ka. Mukhang lasing ka na base sa kung paano ka magsalita sa mga kuha mong mga bidyo. Numinipis na ang karaniwang malalim mong boses at patawa-tawa ka na rin na parang wala sa sarili pero hindi kita kinakikitaan na may balak nang umuwi.

          Ano ba talaga ang gusto mong mangyari? Gusto mo bang matulog na lang diyan sa bar na 'yan? Nasaan ba ang nobya mo at hinahayaan ka lang? Madalas naman responsable ka e. Nakakainis ka talaga.

          Hindi ko namalayan na dinala na ako ng aking mga paa sa lugar kung saan ka nagpapakalunod sa alak. Alas onse na ng gabi at ang tanging suot ko lang ay ang nahablot kong hoodie at faded jeans na nakasabit sa likod ng pintuan ng aking kwarto. Hindi na ako nag-abala pang ayusin ang aking itsura dahil hindi naman ako magtatagal.

          Gusto ko lang makasigurado na makauuwi ka nang buo at ligtas kahit pa ilang ulit ko nang sinabi na hindi na dapat ako pumapel sa buhay mo. Hindi ko kasi kayang magpanggap na wala nang pakialam sa 'yo.

          Agad kong tinakpan ang aking ilong nang salubungin ako ng makapal na usok ng sigarilyo. Hindi ko talaga alam paano ka nakakatagal sa ganitong lugar. Agad kang hinanap ng aking mga mata. Medyo nahirapan pa ako dahil may karamihan ang mga taong narito. Natagpuan kita sa bandang gilid na halos nakapikit na. May hawak ka pang isang bote ng alak kah

Please Subscribe to read the full chapter
Like this story? Give it an Upvote!
Thank you!
taglamig
naisulat ko ito dahil gusto ko lang talagang ilabas ang nararamdaman ko kaya mabilis ang pace. you could say, this is non-fiction minus the ending part. i really tried my best in creating this. salamat sa pagbabasa :)

Comments

You must be logged in to comment
retwinboss #1
iba talagaaaaa
TakuyaKen
#2
Chapter 1: the tagalog is deep and i cannot understand some words but its okay cos i can feel the emotions on ur writing hehe, tho 2 years was too much both of them are obnoxious and make such decisions
Myoui_Son324
#3
Chapter 1: OML 😭 ANG GANDA SO MUCH! Grabiiiiiii ramdam na ramdam ko huhunes 🤧
jysowee
#4
Chapter 1: seryoso, nahihilo na ako sa kilig (sa dulo i mean hahah) >_< napakasarap talaga sa feeling kapag naging kayo ng taong mahal mo. it's a hard journey for the both of them, and minsan yung force ng universe ang naguudyok na din para mangyari ang dapat mangyari :)
TYTFshipper
257 streak #5
Chapter 1: Bat kaya ang late ko to nabasa 🤧 haha anyways otor sobrang ganda huhu thank you dito 💕
dolcerina
#6
Chapter 1: God i love this so much. Too bad this is only a one shot 😭😭😭
gayasf__
#7
Chapter 1: damn
lynne17 #8
Chapter 1: Damang dama ko yung emotions sa kwentong to. Huhuhu. Can relate. Chzzz. Hahaha.
Anyways, salamat sa pagsusulat ng napakagandang estorya otornim.
lokonaba
#9
Chapter 1: been into tagalog these days. kudos to this and i like the pace. ;)
yulgotitall #10
Chapter 1: Jusko mas dama pala kapag tagalog jusko